CHAPTER 3
Chapter 3: Living with the Gangster
UWIAN na pinauna ako ni Con sa labas ng school. Hindi na naman siya pumasok. Hindi ko alam kung saan siya nang matapos no’ng usapan namin sa garden. Nakita ko lang siya sa may hallway kanina nang matapos ang klase ngayong araw at hinihintay niya ako roon.
Pinagtitinginan pa kami dahil sabay kaming naglalakad. Kusa na lang humahawi ang daan kapag naglalakad si Con. Ang iba ay natatakot sa kanya pero mayro’ng nagtitilian kapag nakikita siya. Kitang-kita sa mga mata nila ang pagkamangha habang tinititigan si Con. Subalit, wala siyang pakialam sa mga reaksyon ng nakararami. Parang wala ngang naririnig kapag pinag-uusapan siya.
Nangangamba nga ako kanina habang naglalakad, dahil baka kapag nakita iyon ng grupo ni Cyrene ay ako na naman ang pagdidiskitahan. Palihim na lang akong dumidistansya sa kanya kanina para hindi magmukhang magkasabay kami.
“Tara,” aniya matapos na marating ang labas ng school.
Humito ang sasakyan niyang kulay itim at nangingintab sa ganda. Sa itsura pa lang ng kotse niya ay hindi na maipagkakailang anak mayaman ito.
Ang yaman! Magkano kaya ang sasakyan niyang ‘to? Isang milyon ba o higit pa? Hindi ko lubos maisip na ang mga mayayamang tulad niya ay ganoon na lang magwaldas ng milyon-milyon para sa isang magarang bagay.
Kung ako nga, e, parang ayokong igastos ang perang hawak dahil baka kinabukasan ay wala na akong makain. Kung sa bagay, mayayaman naman sila, hindi sila mauubusan ng pera kapag bumili sila ng mga bagay na gusto nila.
Bago sumakay sa kotse niya ay tumingin muna ako sa paligid. Baka kasi makita ako nina Cyrene at panibagong gulo na naman. Mabuti na lang na wala ng mga estudyante at kami na lang.
“Saan ‘yong apartment mo?” tanong nito at agad na pinaandar ang magara nitong sasakyan.
Ang bango-bango nito sa loob. De-aircon din ito at ang sarap sa pakiramdam. Para lang akong nasa isang mall. Napalanghap ako at palihim na napangiti. Nakakaginhawa ‘yong lamig at bango.
“Basta deritso lang. Malapit lang naman ‘yon sa eskwelahan,” sagot ko sa kanya. “IYan! D’yan sa blue na gate na ’yan.” Tinuro ko ‘yon kaya napahinto siya sa harap no’n. “Bubuksan ko lang ‘yong gate.” Agad akong napababa at tumakbo.
“Dalian mo.” utos niya.
Aba’t! Nagmamagandang loob lang ako pero abusado naman nito. Nakasimangot kong binuksan ang gate at hinarap ang kotse niya.
“Heto na nga boss! Teka lang ha? Mahina ang kalaban,” sarkastiko kong sabi.
Parang siya ‘yong may-ari nito kung makaasta ah? Matapos na mabuksan ay agad kong kinatok ang bintana niya.
“Okay na boss. Pwede ka ng pumasok,” sarkastikong sabi ko sa kanya.
Mabuti na lang talaga at maluwag ang harapan ng apartment na inuupahan ko dahil kung hindi, sa labas siya magpa-park ng sasakyan niyang ‘yan. Nang makapasok siya ay agad kong sinara ang gate. Saktong pagbalik ko ay nakita ko si Aling Hena na kakalabas sa bahay niya dala ang isang plorera.
“Oh, Ysa? Nagugutom ka na ba? May pandesal ako rito. Mainit-init pa.” Napahinto si Aling Hena nang mapatingin kay Con. “Sino iyang kasama mo? Napakagwapong bata oh,” usal ni Aling Hena at nilagay sa maliit niyang garden ang dalang plorera.
Napakamot ako ng ulo. “Uh. . . ano. . . kaibigan ko po! Walang natutuluyan, e. Ah! Oo nga pala Aling Hena. Mangungupahan din po siya, hati kami sa renta kung pwede po?”
“Oo naman Ysa, ikaw pa ba? Dalawa naman ang kwarto r’yan. Ikaw ha. . . ang gwapo, oh. Hindi ko akalaing ganyan pala ang mga gusto mo.” Tinaas baba niya ang kilay at mapang-asar na nginitian ako.
Ang mga matatanda talaga oh. Kapag may lalaki kang kasama, iba agad ang iniisip. Hindi ba sila dumaan sa mga ganito? Napailing na lang ako sa mga pinagsasabi ni Aling Hena.
“Naku Aling Hena, ah! Hindi maganda ‘yang nasa isip mo. Nagmamagandang loob lang ako sa tao. Masama ba iyon?” depensa ko.
Napansin ko ang pagtitig sa kaniya ni Aling Hena, tila may inaalala, nangungunot pa ang noo. "Teka. . . nagkita naba tayo noon, iho? Parang pamilyar. . . ka?" Napalipat-lipat ang tingin ko kay Con at kay Aling Hena. Sa huli ay napailung ito. "Ay naku, hayaan na, hindi ko matandaan at ako ay tumatanda na."
Tumawa lang siya at pinagpatuloy ang ginagawa kaya napagpasyahan ko na lang na pumasok. ‘Yong Con na iyon nauna na pala sa loob. Aba!
Nadatnan ko siyang nakaupo sa isa sa mga sofa na nasa maliit na living room. ‘Yan ‘yong nagustuhan ko sa apartment na ‘to dahil ang laki nito para sa ‘kin at may dalawa pang kwarto. Kahit ganito ay napakamura ng renta kasi nga walang gustong tumira dahil may pinatay rito.
Nagmistulang maliit ang sofa dahil kay Con. Para siyang higanteng naupo sa hindi niya naman dapat upuan. Nanhiya naman sa kanyan ang sofang inuupuan niya.
“Ang liit naman nito. Nakaya mong tumira rito?” rinig kong aniya habang nililibot ang paningin. “Parang cr lang namin sa bahay ‘to,” dagdag niya pa.
Napamewang ako sa sinabi niya. Maliit pa ba ‘to sa kanya? At CR? Naningkit ang mata ko sa sinabi niya. Ang yabang naman nito. Gaano ba kalaki ang bahay nila? Isang football field?
“Plain. Boring,” patuloy nito. Pumunta siya sa kitchen. “Is this a kitchen? Walang coffee maker? Bread toaster? Wala ring refrigerator? The hell?” Halos hindi siya makapaniwala sa walang laman ang lutuan ng apartment.
Muntik ko nang maibato ang tsinelas ko sa kanya dahil sa mga pinagsasabi niya. E, wala akong mga ganoon! Problema ba niya? Bukod sa dagdag gastusin lang iyon at ang mahal, e, mas tataas ang bayarin ko sa kuryente kapag nagkataon. Saan naman ako kukuha ng pera kapag ganoon nga ang nangyari? E di mapapalayas ako rito ni Aling Hena.
“Kung magrereklamo ka lang naman at hanapin ang wala sa apartment ko. Umalis ka na lang. Maghanap ka ng ibang matutuluyan! Dami pang komento!” inis kong sabi.
Parang hindi ako nito narinig. Umalis siya sa kitchen kaya sinunod ko lang siya kung saan tutungo ang lokong ‘yon.
“Hoy! Bakit ka papasok sa kwarto ko? Off limits ka r’yan!" Hinigit ko siya sa braso dahil akma na niyang pipihitin ang door knob ng kwarto ko. Baka kung ano-ano na naman ang makikita nito.
“Bakit?”
“Anong bakit? Hindi mo ba alam ang salitang privacy? Wala ba ‘yon sa bokabularyo mo?”
“Okay,” tipid na sagot niya at tumalikod. “Is this my room?” Tinuro niya ang puting pinto na katapat lang ng kwarto ko sabay hawi sa asul na buhok nito. Tumango lang ako saka niya binuksan ‘yon. “Hmm. . . maliit pero mapagtitiisan na,” komento na naman niya at pumasok.
Ewan ko ba kung matutuwa ako sa paraan nang pananalita niya. Naiinis ako na ewan. Nanatili lang ako sa labas ng magiging kwarto niya samantalang siya ay patuloy na sinusuri ang loob. Napapabuntong hininga pa ito.
“Kung gusto mo ng mas maganda pa r’yan, doon ka tumira sa katapat na building!” matabang kong sabi.
“Wala akong sinasabing ganyan.” Naglakad siya palabas ng kwarto kaya napaalis ako sa pinto.
“Pero iyon ang dating ng mga sinasabi mo,” untag ko. Bakit ba ako nakikipagtalo sa isang ‘to? Kailan pa ako natutong makipagtalo? “Saan ka pupunta?” tanong ko matapos na makitang papalabas ito sa apartment namin.
Ang chismosa ko naman sa tanong kong ‘yon. Ysa, bakit ka ba nangingialam sa kanya? Roommate mo lang ‘yan! Makaasta ka parang magkapatid kayo ah?
“Maghahanap ng ibang matutuluyan. Mukhang ayaw mo naman ako rito, e,” may bahid ng pangongonsensya ang boses nito.
Hala?
Napaisip ako bigla. Kung titira siya rito, mahahati ang mga bayarin ko. Malaking bagay ‘yon para sa akin. Pwede kong maidagdag sa mga pang-araw-araw na gastusin ang kalahati ng pera ko. Makakabili na ako ng bagong sapatos at mabilis akong makakapag-ipon.
Hindi rin ‘yon magiging mabigat sa bulsa ko sapagkat hindi na araw-araw ang pagpa-part time ko sa isang café na nasa tapat ng G high. Lunes hanggang miyerkules lang ang pagpa-part time ko ro’n. Kahit na ganoon ay tinanggap pa rin ako ng may ari dahil naawa na rin siguro sa ‘kin. Kahit paano ay nakaktulong sa ‘kin ang kakarampot na sweldo ro’n.
Kung aalis siya, piliting huwag umalis. Baliw ka talaga Ysa!
“A-ano. . .j-joke l-lang naman iyon,” utal kong sabi at hinabol siya sa labas. Pumasok na siya sa kotse niya kaya naalarma ako noong ini-start niya na ang kotse. Napatakbo ako sa harap ng kotse niya at pinigilan siya. “J-joke lang naman ‘yon. Huwag mo namang seryosohin. Uy, Con dito ka na lang. Huwag ka nang umalis, please?” Sayang ‘yong kalahating pambayad mo sa renta.
“My decision is final. Maghahanap na lang ako ng iba. ‘Yong malaki at mas maganda.” Alam kong nakangisi siya habang sinasabi iyon sa loob ng kotse niya. Inaasar ba ako ng lalaking ito?
Gusto kong hampasin at pagsisipain ang kotse niya pero ibababa ko muna itong pride kong ito. Lalong-lalo na’t hindi ko kayang bayaran ang kotse niya kapag nagasgasan ‘no. Napalunok muna ako bago magsalita.
“U-uy Con joke lang naman ‘yon. Bumaba ka na r’yan. Ako na ang maglilinis ng kwarto mo kapag dito ka tumira. Promise ko ‘yan! Ako na rin maglalaba ng mga damit mo basta rito ka na lang tumira!” sunod-sunod kong sabi.
Hindi na yata ako nag-iisip. Ysa naman! ‘Di bale na, basta may kahati ako sa bayad ay okay na ako ro’n. Sa ganoong bagay, e, magiging maluwag ng kahit paaano ang bulsa ko.
Dahil medyo tinted ang sasakyan niya ay hindi ko masyadong makita ang mukha nito sa loob. Pilit kong inaaninaw ang mukha niya at laking gulat ko nang maaninaw na nakangiti ito sa ‘kin. Napalunok ako. Ngayon ko lang nakitang nakangiti ang isang Con Lolarga. Kalimitan kasing nakangisi ito, ‘yong parang nang-iinis pa lalo o hindi kaya seryoso lang sa eskwelahan.
Napanganga ako sa nakita. Kahit na tinted ay alam kong nakangiti siya. Biglang nawala ang ngiti niya sa isang iglap.
“Alis na r’yan!” singhal niya bigla.
Bakit galit ‘to? Hala. Namamalikmata lang ba ako at nag-assume na nakangiti ang lalaking ito? Kailangan ko na yatang magpa-check-up sa mata. Napanguso ako bigla.
“Ayoko!” Mas lalo kong hinarang ang katawan sa harap ng kanyang sasakyan. Mas ibinuka ko pa ang dalawang braso.
Please pumayag ka na Con. Pumayag ka na. Napa-cross finger na lang ako at hinihintay ang magiging sagot niya. Sana pumayag. Sana pumayag.
“Kukunin ko lang ang mga gamit ko. Tsk! Alis na,” anito.
Napangiti agad ako nang marinig ang hinihintay na salita. Yes! May kahati na ako sa renta! May kahati na ako! Wooh!
“Hindi ka aalis? Sigurado ka? Hati rayo sa renta ha!” paninigurado ko.
“Hindi. Pumasok ka na sa loob. I’ll be here in just a few minutes,” aniya.
“Hindi ka aalis ha? Promise ha?”
“Oo nga! Tsk. Alis na nga sa daan, ayokong makasagasa ng pangit!”
Pangit pa ako? Ako pa? Gusto kong sigawan siya pero baka biglang magbago ang isip kaya binaliwala ko na lang ‘yon at hindi pinatulan.
“Ingat ka Con!” Kumaway ako na may ngiting tagumpay.
Umalis na ako sa pagkakaharang ko sa kotse niya at gumilid pero bago siya makaalis ay nakita ko pa siyang napailing ngunit nakangiti.
Hindi ko rin alam kung bakit mas lalo akong napangiti nang makita iyon. Bakit ba ang gaan-gaan ng loob ko kay Con? Hindi ko maintindihan ang sarili pero isa lang ang alam ko, mabait siyang tao.
Kahit gangster siya ay wala akong pangambang nararamdaman kapag magkalapit kaming dalawa. Hindi ko nararamdaman ang takot na kagaya ng iba kapag nakikita siya. Hindi ko rin makita ang sinasabi nilang masama ang pag-uugali nito.
Na saan ang mga sinasabi nila? Lahat ng mga iyon ay usap-usapan ng iba at tanging naririnig ko lang. Mali yata na iniwasan ko siya noon at agad na hinusgahan ang pagkatao niya dahil sa s abi-sabi ng iba. Masama nga talagang maghusga ng tao base sa panlabas na kaanyuan nito at sa mga naririnig mo. Hindi mo masusukat ang pag-uugali ng tao sa unang tingin at sa unang husga.
Don’t judge a book by it’s cover. Old but gold.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top