CHAPTER 20
Chapter 20: Power of a Lolarga
NAPATULALA ako sa suot na white dress na abot hanggang tuhod. Napakaganda! Hindi ko mawari na ang ganitong ka-simpleng damit ay magpapabago sa kaanyuan ko. Nakapa-eleganteng tingnan.
Ako ba talaga ito? Napalapit akong muli sa salamin para alamin kung ako nga talaga ang nakikita kong repleksiyon. Napaawang akong muli nang mapagtantong hindi talaga ako nagkakamali. Hindi ako nananaginip!
Talaga ngang napakaganda nang napili si Tita Canthy sa akin. Napakagaling nitong pumili. Tuwang-tuwa pa ito kanina sa telepono nang makausap ko dahil ipapadala raw nito ang susuotin ko sa kaarawan niya. Mayroon ding itong kasamang kwintas at pares ng heels sa loob ng kahon na naging dahilan para mas lalo akong namangha.
Mabuti na lang talaga at tumawag siya dahil kung hindi ay baka napagastos ako ng hindi ko man lang nagagamit ang nabibili.
Muli kong tiningnan ang sarili sa salamin. Napahawak ako sa tela ng damit na binigay niya sa akin. Tiyak na mamahalin ito, sa kaanyuan pa lang ay nagsusumigaw ito sa napakalaking presyo.
Inaayos ko ang buhok na kinulot ng make-up artist na pinapunta rito ni Tita Canthy. Siya ang nag-ayos sa akin at nagpaganda ng gantio. Pati iyon ay sa kanya galing, tuloy ay nahihiya ako dahil parang sobra-sobra naman yata ito.
Ilang minuto akong naglagi sa salamin bago pagsawaan ang katitingin doon sa sarili. Napalabas ako ng kuwarto nang marinig ang busina ng sasakyang susundo sa akin.
Ini-lock ko muna ang apartment bago lumabas ng tuluyan. Mas mabuti ng sigurado dahil baka maulit na naman ang nangyari kagabi. Nandoon pa rin ang pangamba ko na baka maulit na naman iyon pero anong magagawa ko? Kapag inisip ko lang ‘yon ay mas lalo lang akong babagabagin ng bagay na iyon. Lalamunin lang ako ng takot.
Maayos naman si Con dahil tinawag niya ‘yong tito niyang doctor ng gabing iyon. Siya rin iyong nagpunta noon sa apartment para tingnan ako. Parang normal na nga lang ang sitwasiyong iyon ng hindi man lang nag-react o nagalit ito kay Con.
Mukhang inaasahan niya sa lahat ng oras na ganoon ang magiging lagay ng pamangkin niya. Nang gabi ding iyon ay pinansin na rin ako sa wakas ni Con. Alam kong hindi akma ang saya kong naramdaman sa kaganapan kagabi pero iyon ang totoo.
Hindi ko alam kung saan ilalagay ang kagalakan tuwing nagtatagpo ang aming mga mata. Tuwing tatanungin ako nito kung ayos lang ba ako. Hinding-hindi ako magsasawa sa pagsagot kahit na paulit-ulit ‘yong mga tanong niya.
Nalulungkot tuloy ako sa isiping baka kagabi at pansamatala lang iyon. Dahil baka bukas o sa makalawa ay lumalayo na naman ito sa akin at ituring akong hangin sa paligid niya.
Gusto kong mang buksan ang usapin kung bakit ganoon ang trato niya sa akin noon pero natatakot ako na baka bigla kong masira ang kung ano mang mayroon kami ngayon.
Ano bang mayroon sa inyo, Ysa? Napabuntong-hininga ako sa isiping iyon.
Naalala ko rin na ang lalaking ‘yon ang nagbanta sa akin noong nasa café ako. Sinabi ko iyon kay Con ngunit tumango lamang ito at hindi na nagsalita ukol do’n.
Matapos kagabi ay nagising akong walang Con Lolarga sa apartment kaninang umaga. Mayroong namumuong sakit sa dibdib ko at hindi ko maituro kung saan ang eksaktong lokasyon nito. May parte sa akin na nagpuprotesta kung bakit nadatnan kong walang tao sa kwarto niya. May nagtutulak sa akin na dapat ay alam ko kung saan siya pumaroon, na obligasyon niyang ipaalam sa akin kung saan siya tutungo.
Kagabi lang ba lahat ng iyon? Lahat ng pag-aalala niya? Nang pag-aalaga at pagpapakitang importante ako o higit pa? Tulad din ba iyon ng pagkain? Na kapag nasa expiration date na ay hindi na puwede pang kainin o pakinabangan pa?
Matunog akong napabuntong-hininga sa ikalawang pagkakataon. Halos kainin ng buong oras ko ang pag-iisip kay Con. Hindi ko man lang namalayan na nasa isang malaking mansyon na kami at papasok doon.
Sa labas pa lamang ay mahihinuha mong engrandeng kaarawan iyon. Puno ng magagandang ilaw ang bawat dadaanan naming puno, pati na rin ang mga halaman.
Marami rin akong nakikitang mga bisitang lulan ng mga magagarang sasakyan. Bigla akong nanliliit sa sarili. Anong panama ko sa mga taong iyon? Tiyak na mahuhulaan nila na galing ako sa isang mahirap na pamilya. Mabilis pa naman ang mga pang-amoy ng mga taong ganyan sa katulad ko.
Namawis ang mga kamay ko gayong wala akong nakikilala rito. Tanging si Tita Canthy lang ang alam ko. Sabi nito sa akin ay ipapakilala ako nito sa kanyang anak pero hindi ko maiwasang mag-isip na huwag na lang tumuloy. Nakahihiya.
Nang huminto ang kotse ay pinagbuksan ako ng driver. Matapos na makababa ay nagpasalamat ako sa kanya. Hahakbang na sana ako ngunit nanlamig ako nang makita ang pamilyar na bulto ng katawan kasama ang isang dalagang nakasuot ng pulang dress na halos makita na ang puwetan nito sa sobrang ikli. Napaatras ako dahil bigla akong kinabahan.
Si Mr. Fuentabella kasama ang anak nito, si Cyrene. Pakendeng-kendeng itong kumapit sa braso ng ama at malapad na ngumiti papasok sa mansyon. Halos lahat ng daanan nila ay napapalingon sa kanila at bumabati. Natitiyak kong kilala nila ito.
Ikaw ba naman ang isa sa mga bigating tao rito sa Pilipinas, tiyak na lahat ay kikilalanin ka kahit ayaw pa nila.
“Iha? Bakit nandito ka pa? Tara na sa loob. Magsisimula na tayo.” Nagulat ako nang biglang may humawak sa braso ko. Agad akong napalingon.
“T-Tita Canthy. . .”
Natigalgal ako sa suot nito. Hapit sa buo nitong katawan ang isang white long dress. Ilang taon na ba ito si tita? Bakit parang kaedad ko lang ito ngayon? Napakaganda niya. Napasimple ngunit nakalalaglag panga. Walang kahit anong kolorete ang mukha nito at tanging naka-lipstick lamang ito at contacts. Walang mga alahas na nakalingkis sa kanyang katawan hindi ‘gaya ng mga mayayamang nakikita ko papasok sa loob ng mansyon.
Tumawa ito sa akin. Ilang ulit ko na bang nasabing napakaganda niya? Lalong-lalo na kapag tumatawa.
“Look, Ysa! Pinagawa ko ‘to para pareho tayong dalawa. You’re so beautiful, iha. Hindi ako nagkamali sa pinili kong damit sa iyo. You're stunning,” humagikhik ito matapos na sabihin iyon. Para siyang baya na tuwang-tuwa sa damit.
Namula ako sa sinabi nito. Nagpagawa talaga siya para lamang pareho kami? Grabe!
“S-salamat po. M-mas maganda po kayo tita. Seryoso, napakaganda niyo po!”
Tumawa lang ito sa sinabi ko. “Enjoy the night, iha. Huwag kang mahiya. You’re a family naman, e. If you want anything, just say it to me huh? Let’s go?”
Family? Hindi ko alam kung ano ang ire-react sa narinig. Parang ang sarap sa pakiramdam na malaman na tinuring ako nitong pamilya samantalang isa lang naman ako iskolar nito.
Talaga ngang napakabait talaga ni Tita Canthy. Kaya siguro ay binayayaan siya ng ganitong buhay sa kagandahang ugali nito. Mas lalo akong humanga sa kanya.
Napatango at niyakag ako nito papunta sa isang mesa na walang tao. Habang papunta kami roon ay may mga bisitang panay ang bati rito. Hindi pa rin nawawala ang maganda nitong mga ngiti tuwing nagpapasalamat ito sa kanila.
Nakangiti kong pinagmasdan ang mga taong dumalo sa kaarawan ni Tita Canthy. May paanaka-nakang sumusulyap sa akin at halos gusto ko na lang na malusaw rito.
Napatingin ako sa isang table ‘di kalayuan. Doon ko napansing kanina pa nakatingin ang isang grupo ng mga kalalakihan. Tantsa ko ay nasa edad ko rin sila. Magbubulungan ang mga ito at lahat ng mga nakaupo roon ay susulyap sa akin. Napalunok ako dahil baka kung ano na ‘yong pinag-uusapan nila tungkol sa akin.
Napaiwas na lang ako at pinaglaruan ang mga kamay. Sa pagkakataon iyon nakuha ng atensiyon ko ang tunog ng isang mikropono at nagsalita na ang mc at sinimulan ang selebrasyon.
“And here’s the stunning birthday celebrant, Mrs. Canthy Lolarga.” Nagpalakpakan ang mga tao nang naglakad si Tita sa maliit na stage.
Napaawang ako. Tama ba ang narinig ko? L-Lolarga?
Halos hindi ko na masabayan pa ang mga sinasabi si Tita Canthy dahil nakatingin lang ako sa kanyang mukha buong oras. Lolarga? Isa siyang Lolarga? Kaano-ano niya si Con? Hindi naman sila magkamukha ni Con.
“Enjoy.”
Iyon lamang ang narinig ko sa kanya matapos ang mga palakpakan.
Nahati ang atensyon ko ng may umupo sa gilid ko. Halos mapatalon ako dahil sa gulat ngunit hindi ko iyon pinahalata. Agad akong napayuko, nakakailang.
“Don’t be shy, beautiful. I’m Clin and you are?” Ngumiti ito sa akin at nilahad ang mga kamay. Napatingin tuloy ako doon at nagdalawang-isip kung kukuhanin ko ba o hindi.
Kanina pa siya nakatingin sa akin at galing siya ro’n sa parehong mesa na nahagip kanina ng mga mata ko. Agad na napunta ang paningin ko ro’n. Halos lahat ng mga lalaki ay nakatingin sa gawi namin. Napaglaruan ko ang mga daliri at napabalik ang tingin sa Clin na iyon.
“Ysa ,bakit hindi ka pa kumakain?” Nawala ang paningin ko kay Clin na nakalahad pa rin ngayon ang mga kamay. Si tita. Ngumiti ito sa akin at napatingin sa kaharap kong lalaki. “It’s nice to see you here, Clin. How are you?”
“Same as what you think, tita.” Tumawa ito.
“Hmm. . . stop playing with girls, Clin. Ysabelle is an exception for that. You better search for another one, not her.”
“Tita baka kung ano ang isipin ni. . .” napatingin ito sa akin bago ituloy ang sasabihin. “Ysabelle. I’m a good man, you know?” Tumawa ulit ito.
Tumawa rin si Tita Canthy. Nakikipagbiruan pa si tita sa kanya. Napag-alaman kong business partners nila ang ama ni Clin. Nakinig lang ako pero hindi ko naman alam ang iba nilang pinag-usapan kaya nanahimik na lang ako.
Binigyan na rin ako ng pagkain at mas lalo akong nahiya. Hindi ako makakain ng maayos dahil panay ang tingin sa akin ni Clin. Hindi ko alam kung ano ang kailangan niya dahil hindi pa rin ito umaalis dito.
“Happy birthday, Canthy.”
“Happiest birthday, Tita Canthy!”
Sabay kaming napaangat ng tingin nang may pamilyar na bumati sa kanya. Kinabahan ako bigla dahil baka awayin ako rito ni Cyrene.
Hindi ako natatakot na harapin ito pero natatakot akong mag-iba ang paningin ng mga tao kay Tita Canthy dahil dinala ako nito rito sa bahay nila. Maraming bigating tao at sobrang nakahihiya iyon. Baka mapahiya ko si Tita Canthy gayong bisita ako nito kung sakalin awayin ako ni Cyrene.
“Thank you, Nard. Ang ganda pa rin ng anak mo,” patungkol nito kay Cyrene. Siniringan ako nito ng tingin at ngumiti kay tita saka hinawi ang buhok.
“I know tita!” preskong sagot nito.
Palihim akong napairap nang magtagpo ang mga mata naming dalawa. Ang bait-bait naman nito kapag kaharap ang ibang tao. Automatic na yata ang pagiging maldita ko kapag siya na iyong kaharap ko. Hindi ko alam pero parang defense mechanism ko na iyon matapos noong nawala ang scholarahip ko.
“By the way, this is Ysabelle Robles,” pakilala ni Tita Canthy kaya napatayo na lang ako.
Napadapo ang tingin sa akin ni Mr. Fuentabella at sinuri ako mula ulo hanggang paa. Nakakainsulto niya akong tiningnan sa mata. Pinatatag ko ang sarili at hindi iyon pinansin. Natitiyak kong matutuwa sila kapag nakita nilang mahina ako, pareho silang dalawa ng anak niya.
Ngumiti lang ako sa kanila pero hindi ako nakakuha ng sukli roon. Hindi ko naman inaasahan na magiging maganda ang trato niya sa akin. Paniwalang-paniwala pa naman ito sa sulsol ng impaktita nitong anak.
Tinaasan ako ng kilay ni Cyrene nang makita ang kabuuan ko pero nawala iyon nang magtagpo ang mata nila ni Tita Canthy. Agad siyang ngumiti roon.
“Hello, Ysabelle. Nice to meet you!” galak na anito.
Plastic!
Bumeso ito sa akin kaya wala akong nagawa. Nakahihiya kay Tita Canthy kapag hindi ko iyon tinugunan.
“Whatever you wear, you’re a trash pa rin naman,” bulong nito sa tenga ko. “Tiyak na binilog mo lang ang ulo ni Tita Can.”
Hindi ako tumugon sa sinabi nito at hilaw na ngumiti sa harap nila. Ayokong masira ang gabi ng dahil sa mag-amang ito. Alam ko sa sarili na hindi ako ganoon. Bahala sila.
Tumawa bigla si Mr. Fuentabella, nakakainsultong tawa. Napasulyap ako kay tita pero hindi pa rin nawawala ang maganda nitong ngiti.
“Did you know that she’s my scholar, Canthy?” Napailing ito at ngumiti. “Walang-utang na loob ang batang iyan. Sinaktan pa ang anak ko! Why did you invite her here?” lantad na aniya ngunit kalmado. Nasisigurado kong ayaw niya ring makakuha ng atensyon galing sa iba dahil sa ‘di angkop na inaasta niya.
“Correction. She’s not your scholar anymore,” may ngiti pa ring pagkakasabi ni Tita Canthy sa kanila.
Napaawang ako nang marning iyon. Alam niya?
“A person like her will not fit in here—”
“Because she’s poor?” Sumeryoso bigla si tita at hinawakan ang kamay ko. “Oh c’mon, Nard. You’re acting like a 16-year-old here. ‘Yan ba ang tinuturo mo r’yan sa anak mo?” Tumawa si tita na ikinalukot ng mukha ng dalawa. “Get out in my house habang maaga pa. I’m not that nice when it comes to my ex who’s been insulting people that I cherish the most. Ruin my birthday or you’ll end up living on the streets on the next day,” sinabi iyon ni tita na parang kaswal lang at ngumiti.
Napalunok ako sa sinabi nito. Tumira sa kalsada? Nagbabanta ang mga sinasabi niya pero hindi iyon makikita sa kanyang mukha. Hindi ko rin lubos maisip na ex niya ito.
Walang nasabi ni Mr. Fuentabella at walang ano-ano’y umalis na walang paalam kasunod ang anak nito. Umirap muna si Cyrene sa akin bago umalis.
Hinarap ako ni Tita Canthy. “Sorry about that, Ysa. I don’t like the both of them but I need to invite them here. You know, business thingy.” Kumibit-balikat ito. “Are you all right? Uhm. . . well, as you can see, I know all the things that her daughter did to you. My threats are partly true if ever na gumawa sila ng commotion dito. That’s the power of a Lolarga.” Tumawa ito sa akin na nagpaawang ng labi ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top