CHAPTER 2
Chapter 2: Agreement
“OPEN your book on page 281,” sabi ni Ma’am.
Isa-isa naming nilabas ang libro at nilagak sa ibabaw ng mesa.
Napatingin ako sa bandang kaliwa kung saan nakapuwesto si Con. Wala taong nakaupo sa dalawang upuang pagitan namin kaya malaya ko itong napagmamasdan. Nakaupo ito malapit sa bintana at nasisinagan ng araw ang buhok niya. Nakaub-ob din sa sariling desk niya. Walang duda, natutulog na naman ito.
Nangunot ang noo ko nang mapagmasdang mabuti ang kulay ng buhok nito. Asul?
Nilibot ko ang paningin at tiningnan isa-isa ang buhok ng mga kaklase ko. Ibinalik ko ulit ang paningin kay Con. Tanging si Con lang ang may kulay ng buhok sa amin at kulay bughaw pa!
Ngayon ko lang napansin.
Sumasayaw ang bawat hibla ng buhok nito dahil sa ihip ng hangin. Hindi ko ipagkakaila, bagay na bagay sa kanya ang kulay ng buhok niya. Naputol ang pagtitig ko sa kanya nang bigla siyang gumalaw kaya agad na napabalik ang tingin ko sa libro at kunwaring nagbasa.
Napatingin ulit ako sa kanya pagkatapos ng ilang segundo. Nakaharap na siya sa gawi ko pero nakapikit pa rin. Nakakrus ang mga braso niyang nakapatong sa desk at ginawa niyang unan iyon.
Napagmasdan ko nang mabuti ang mukha niya. Una kong napansin ang matangos nitong ilong, parang ilong ng isang koreano. Iyon kasi ang una kong napapansin kapag nanonood dati ng isang korean drama. Manghang-mangha ako sa ilong nila.
Teka? May lahi ba itong koreano? Nangunot ang noo ko sa tanong na iyon. Pero sa pagkakatanda ko hindi singkit ang mata niya. Ay ewan.
Katamtaman lang ang kapal ng kilay niya. Ang kinis din ng mukha pero napansin kong may pasa sa gilid ng labi niya subalit hindi ito gaanong nakikita. Parang pawala na nga ito. Siguro sa pakikipagbasag ulo niya nakuha iyon? Ano pa nga ba ang aasahan diba?
Bigla siyang nagmulat ng mata kaya nagsalubong ang paningin namin. Paktay! Nahuli pa! Baka ano pang sabihin nito sa ‘kin. May atraso pa ako rito. Hala, hala!
Ako na ang unang nag-iwas ng tingin pero pagkailang segundo ay napatingin ulit ako sa kanya. Tuloy ay nahuli ulit ako nitong nakatingin sa kanya. Pasimple kong kinurot ang hita. Napaiwas ulit ako.
Ysa huwag ka nang lumingon! Huwag!
Pilit kong pinigilan ang sarili na huwag ulit lumingon. Para kasing may nagtutulak sa akin na pihitin ang ulo para makita ulit si Con. Hindi ko alam kung bakit. Siguro ay gusto ko lang humingi ng tawad sa sinabi ko kanina. Tama! Iyon nga ‘yon.
Napalingon ulit ako sa kanya sa ikatatlong pagkakataon. Naman oh! Gusto kong malaman kung nakatingin pa ba siya o ano. Nagsalubong ulit ang paningin namin. Ganoon pa rin ang posisyon niya pero nakamulat na ang mga mata. Nakatingin pa rin siya sa ‘kin. Seryosong nakatitig lang ito at hindi gumagalaw.
Napalunok ako sa paraan ng pagtitig niya. Hindi ko maipaliwanag iyon. Halos magkasabay na ang bawat kisap ng mata namin. Binasa niya ang labi kaya napalunok ako. Bubuka na sana ang bibig ko pero hindi iyon natuloy.
“Ysa! Okay na ba ‘yong pinagawa kong project ha?”
“Ay oo nga pala ‘yong essay ko tapos na ba Ysa?”
Halos mapatalon ako sa gulat namg marinig ang boses ng mga kaklase ko. Nawala tuloy ang atensyon ko kay Con at nailipat sa kanila na nakatayo sa harapan ko. Sinilip ko ang unahan, wala na ‘yong guro namin.
“A-ah. . . o-oo. Ito na, tapos na lahat,” wika ko at isa-isang kinuha sa ilalim ng desk ang mga libro at projects na pinagawa nila sa akin.
Binigay ko sa kanila iyon. Napatili pa sila dahil wala na silang poproblemahin. Isa-isa silang nagbayad sa akin. Nginitian ko lang sila.
“Sa uulitin ha? Alam niyo naman kapos ako sa budget,” nahihiyang sabi ko at napakamot sa ulo.
“Oo naman! Ikaw pa ba Ysa? Ikaw ang tagapagligtas namin e! Right girls?”
“Tama!”
Tipid akong napangiti. Alam naman nilang nangangailangan ako. Kaya kapag mayroon silang hindi natapos na projects o hindi kaya tinatamad sila ay sa akin nila iyon pinapagawa at binabayaran nila ako. Mabait naman ang mga kaklase ko pero may mga taong hindi ako gusto. Kalat sa eskwelahan na mahirap lang ako. Wala naman akong pakialam doon. Totoo naman, e. Iyong iba nakikisimpatya pero iyong iba wala namang pakialam, mayroon din namang ayaw sa akin, katulad ng grupo nina Cyrene. Hindi ko na lang pinapansin. Mas lalo lang akong pag-iinitan ng mga ‘yon.
Umalis na sila sa desk ko matapos na makuha ang mga pinagawa sa ‘kin. Napangiti ako ng makita ang binayad nila. 50 pesos lang dapat ang mga iyon e. Napakamot ako sa ulo. Tig-iisang libo kasi ang binigay nilang lahat sa akin. Keep the change na raw iyon. Sabagay, mayayaman ang mga ito. Barya lang sa kanila ang isang libo. Subalit hindi pa rin nawawala ang hiya ko kapag isang libo na, malaking halaga iyon.
Sampung libo lahat ang nabayad nila. Hindi ko na mapigilang mapangiti. May pambayad na ako sa renta ng apartment ko at makakabili na ako ng mga pangagailangan. Nilagay ko na iyon sa wallet at tinago sa backpack kong halos mapigtas na hawakan. Siguro bibili na lang ako mamaya ng bag bago umuwi.
Napalingon ulit ako sa inuupuan ni Con. Taka kong iginala ang paningin nang makitang wala ng taong nakaupo roon. Saan naman nagpunta ‘yon? Nagkibit-balikat lang ako at hindi na iyon pinansin hanggang sa sunod-sunod na ang klase ay wala pa rin ito.
Hindi ko alam pero palagi akong napapatingin sa pinto at sinisilip kung papasok ba si Con o hindi. Subalit naubos lang ang tinta ng panulat ko ay wala pa ring Con na pumasok sa klase.
Halos magla-lunch na ay hindi pa rin siya dumating. Lumiban na naman ba uyon sa klase? E, ikatlong beses pa lang pumasok ‘yon e.
Lunch na at nagkaayaan ang mga kaklase kong sabay na raw kumain sa cafeteria. Inaaya pa nila ako pero tumanggi na ako. Nahihiya akong sabihin na wala akong pambili, ang mamahal ng mga pagkain doon. Saka itatabi ko ang perang binayad nila sa mga pang araw-araw na pangangailangan ko. Ayoko namang iwaldas iyon ng basta na lang. Mahirap kumita ng pera sa panahon ngayon. Wala akong aasahang magulang dahil wala na ang mga ito.
Napagpasyahan kong tumungo sa garden ng school. Tuwing lunch ay doon ako tumatambay at kumakain na rin ng baon ko. Walang mga estudyanteng napapadpad doon tuwing lunch time dahil lahat nasa cafeteria o hindi kaya sa labas ng school kumakain.
Hindi ko pinansin ang mga tingin ng mga kapwa ko estudyante. Hindi naman giginhawa ang buhay mo kapag pumatol ka sa mga ganyang tao. Inalis ko na ang isiping iyon sa isip ko.
Nang marating ang garden ay napalanghap ako ng hangin. Tuwing mapupunta talaga ako rito ay gumagaan ang kalooban ko. May dulot na kung ano ang kalikasan na nagpapapanatag sa ‘kin. Nakangiti kong tiningnan ang mga bulaklak na nadaraanan habang papunta sa upuang gawa sa kahoy hindi kalayuan.
Ito talaga ‘yong matatawag kong paraiso sa G High. Walang matang mapanuri. Walang mga taong mabilis manghusga. Walang nangmamaliit. Tanging mga puno at malalagong halaman ang nakapaligid sa ‘kin. Gustong-gusto ko itong kaharap kaysa sa mga tao. Kasi ang mga ito ay hindi ka pupunahin at walang masasabi sa ‘yo.
Hinipan ko muna ang upuan bago ako maupo at ilagay ang bag sa ibabaw ng mesa. Nilabas ko ang baong lunch box na naglalaman ng kanin at dalawang itlog na pinakuluan. Pati na rin ang kakaunting asin para isawsaw ang itlog doon at tubig saka sinimulang kumain.
“Hmmm. . .”
Ang sarap talaga ng itlog. Biglang may nalaglag na dahon ng puno ng narra sa kanin ko. Nangunot ang noo dahil hindi lang iyon dahon kundi may nakasulat dito.
“Pahingi,” basa ko sa nakasulat.
Ha? Napatingala ako hawak-hawak ang kutsara habang may nginunguya. Bigla akong nabulunan sa nakita kaya dali-dali akong napainom ng tubig.
“Ginagawa mo r’yan?” singhal ko.
“Nakatambay?” patanong na sagot nito at tumayo sa ibabaw ng sanga.
“H-hoy! T-tatalon ka?” Napadako ang tingin ko sa lupa at nabalik iyon sa kanya. “Ang taas nito! Mababalian ka ng buto!” Tinuro ko siya gamit ang kutsarang hawak ko.
“Obviously?” sagot niya. Walang ano-ano’y pomusisyon na siyang tatalon. Halos mapigil oo na amg hininga sa gagawin ng lalakin ito. Ngumisi muna siya. “Just kidding,” bawi nito sa akmang pagtalon niya.
Mapapahinga na sana ako nang maluwag dahil hindi naman pala siya tatalon pero mali ako. Tumalon nga siya. Dyino-joke lang pala ako nito! Nanlaki ang mata ko.
“Aw!” Nasapo siya ang kanang balikat.
Diba dapat paa ‘yong masakit? Bakit balikat? Balikat ba ang nag-landing sa lupa? Nangunot ang noo ko. Tumayo na siya at nag-unat saka napatingin sa ‘kin.
“H-hala! Ayos ka lang ba?”
Naglakad lang siya at parang hindi ako narinig patungo sa kinarooonan ko. Naupo siya sa harap ko mismo na parang matagal na kaming magkakilala at sobrang close pa. Sinuri niya ang kinakain ko.
“Masarap ba ‘yan?” Turo niya sa pagkain ko. Napatingin ako ro’n.
“Oo naman! Walang pangit na pagkain!” sagot ko.
“Wala namang mukha ang pagkain?" patanong niya, pamimilosopo.
Nangunot ang noo ko sa sinabi niya at saka na-realize kung ano ang ibig pakahulugan nito. Ba’t ang slow ko?
“Umalis ka sa harap ko. Nandidilim ang paningin ko!” inis na wika ko at sinimulang tapusin ang kinakain.
“Uh. . .” Napatingin ako sa kanya at sinundan ng tingin ang tinititigan nito. “What kind of food is that? The white round ball in your rice. Masarap ba ‘yan?” inosenteng sabi niya. Napalunok pa ito.
White round ball? Ano raw? Nag-isip ako kung ano ‘yong pinagsasabi niya. ‘Yong itlog ba ang tinutukoy niya? Hala? Hindi niya alam ang tawag dito? Saan galing ang taong ‘to? Itlog lang hindi kilala? Gusto kong matawa sa mga pinagsasabi niya. Itlog? Hindi niya kilala? May ganoon ba?
“Why? Don’t stare at me as if I’m the weirdest human here on earth. I’m just asking that white uh. . . round ball.” Napakamot ulit siya ng ulo na parang nahihiya.
Biglang ako humagalpak sa tawa. Itlog lang hindi kilala? May pa white round ball pang nalalaman? Ito na yata ang pinakamabentang joke na narinig ko.
“Seryoso ka? Hindi mo ‘to kilala?” Tinuro ko ang itlog habang nagpipigil ng tawa.
Sinong tao ang hindi nakakakilala ng itlog aber?
“Magtatanong ba ako kung alam ko ang tawag d’yan? Tsk. Baka nakakalimutan mong may atraso ka pa sa ‘kin,” simangot niyang sabi.
Mapatigil ako sa pagtawa nang sabihin niya ‘yon. Nang blackmail pa! Tumikhim muna ako bago magsalita.
“Itlog ang tawag sa ulam na ‘to. At oo, masarap ‘to. Oh tikman mo.” Pinilit kong maging seryoso pero hindi ko pa rin mapigilang matawa. “May itlog ka naman bakit hindi mo kilala ‘to. Magkaiba ba?” mahinang sabi ko at agad na tinakpan ang bibig. Ang tabil ng labi mo Ysa! Huli na no’ng mapagtanto ko iyon dahil tinaasan niya ako ng kilay. Siguradong narinig niya iyon.
“Stop laughing,” aniya tapos tumigil saglit sa pagsasalita. “You wanna see?” walang alinlangan sabi nito patungkol sa huli kong sinabi.
Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya. Joke lang naman ‘yon, e. “K-kainin mo na nga ‘yan!” pag-iiba ko ng usapan. Ang awkward! Sinunod niya naman ang sinabi ko at tinikman ‘yon. “Hindi ka pa ba kumain niyan?” tanong ko.
“Nope.”
“Bakit?”
“Usually instant noodles ang kinakain ko, e.”
“Seryoso ka? Masama sa kalusugan ‘yon!”
Ako pa talaga ang may karapatang magsabi niyan ah? E, ganyan din naman ang kinakain ko kapag walang-wala na talaga. Pero sa yaman niyang ‘to? Instant noodles lang ang kinakain?
“Marunong kang magluto?”
“Yep.”
“E, bakit hindi ka magluto?”
“Tamad.”
Ano ba ang taong ito. Isang tanong, isang sagot. Nakakaloka ‘to. Nagtitipid ba siya ng laway?
Naalala ko bigla ang sinabi ko sa kanya kanina. Ayan na naman tuloy ang konsensya ko.
“Uhm. . . ano. . . .S-sorry ulit sa sinabi ko.” Tiningnan ko siya dahil parang hindi ito kumikibo. Hala. “Gagawin ko ang lahat basta ba ay patawarin mo ako,” dagdag ko pa.
Binaba niya ang baunan ko. Wala ng laman iyon. Nanlaki rin ang mata ko dahil uminom siya sa baon kong tubig. Elegante niyang pinahiran ng itim na panyo ang bibig. Gangster ba talaga ang isang ‘to? Parang prinsipe kung kumilos.
“May alam ka bang matutuluyan?” tanong niya. Nangunot ang noo ko. Bakit nagtatanong ‘to bigla ng ganito? “Sa inyo? Meron?” dagdag niya pa.
Sa apartment ko meron pang isang k’warto. Kaso kung siya ang makakasama ko, aba ayoko ‘no!
“Bakit ka nagtatanong? Sino ba ang nangangailangan ng matutuluyan? Ikaw?” Tumawa ako. “Ang yaman-yaman mo tapos wala kang matutuluyan? Parang imposible naman ‘yon,”
“Ako nga ang naghahanap,” diretsang sabi nito.
Nanlaki ang mata ko. Hindi ako makapaniwalang siya nga talaga.
“Diba sabi mo gagawin mo ang lahat. Then gawin mo na. Hanapan mo ko ng matutuluyan.”
Aba’t! Anong akala nito sa ‘kin? Utusan?
Napaisip ako bigla, kung sasabihin kong mayro’n sa apartment ko ay mapapatawad niya ako, kung hindi naman ay kukulitin ako nang kukulitin ng taong ito. Wala akong choice. Napabuntong-hininga ako at sinimulan nang ligpitin ang baunan ko.
“May alam ako. Doon sa apartment ko. Mayroon pang isang kwarto.” Ngumisi niya nang marinig iyon. “Hati tayo sa renta,” sabi ko.
Aba dapat lang na sabihin ko na ito no. Baka makikitira lang ‘to, e. Wala akong pera para ipakain sa kanya ‘no!
“Then it’s settled.” Tumayo na siya. “Hintayin mo ‘ko mamaya. Doon na ako uuwi,” saad niya at tumalikod na.
Napanganga ako sa sinabi niya. Agad?
Ysa makakasama mo ang isang gangster sa isang bubong! Manalangin ka na!
Nanlumo ako ng ma-realize ang lahat. Anong ginawa mo, Ysa? Napahilamos na lang ako sa mukha. Bakit ka ba nahantong dito?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top