CHAPTER 19
Chapter 19: Intruder
NAPAPAHID ako sa luhang dumaloy sa kaliwang pisngi ko habang nanonood ng drama sa telebisyon. Kasulukuyan akong nasa living room at alas-otso na ng gabi.
“Bakit mo ako kailangan iwan, Conrad? Ha? Hindi pa ba sapat ang pagmamahal ko kaya kailangan mong humanap ng iba? Anong kulang sa akin?”
“Walang kulang sa ‘yo, Nik. Minahal kita pero. . .”
“Pero ano? Kasi hindi mo na kaya ang pag-uugali ko?!”
“Hindi naman sa ganoon, Nik.”
“Umalis ka na!”
Sa pagkakataong dadaloy na ulit ang luha ko sa pinapanood ay bigla na lang naudlot sa pagtunog ng cellphone ni Con na nasa center table pala.
Agad akong napalingon sa kusina ngunit wala siya roon. Napabalik muli ang tingin ko sa cellphone nito at napasilip kung sino ang tumatawag.
Dad’s calling. . .
Aabutin ko na sana ngunit tumigil na rin. Aktong uupo na ulit ako at huwag na lang pansinin iyon subalit tumunog sa ikalawang pagkakataon.
Pinatay ko muna ang tv at hinawakan ang cellphone niya.
“Con. May tumatawag!” Sapat na iyon para marinig niya ako mula sa kanyang kwarto. Naghintay ako na may lalabas sa pinto pero wala pa rin.
Napatingin akong muli sa screen ng cellphone niya. Sasagutin ko ba? Baka kasi importante ‘to. Pero. . . baka magalit iyon sa akin kapag pinakialaman ko ‘to.
Sa huli ay pinili ko na lamang pindutin at sagutin ang tawag.
“Finally! How are you, Con? Why are you not answering my calls? Your mom was always worried about you. Umuwi ka naman dito, anak. Birthday na sa weekend ng mommy mo at inaasahan ka nitong maka-a-attend,” bungad sa akin ng ama niya.
Napakamot ako sa ulo at hindi alam ang sasabihin. “A-ano. . . s-sorry po, t-tito pero hindi po ito ang anak niyo.”
“What happened to my son? Saang hospital kayo?”
Napatigil ako sa inasta nito. Bakit naman hospital agad ang tinanong nito? Inaasahan niya bang ganoon iyon? Napailing ako animo’y makikita niya iyon. Naghehisterya ang boses nito kaya batid kong nag-aaalala ito sa anak niya.
“A-ah. A-ano. . . hindi po, tito. Okay lang naman po si Con.” Narinig ko itong napahinga na parang nabunutam ng tinik.
“Ah. Sorry, iha. Akala ko kasi nasa hospital na naman ang anak ko. Tsk. Palagi na lang napapaaway ang isang ‘yan. By the way, bakit nga pala nasa ‘yo ang phone ni Con? How is he?”
“A-ano. . . .Kasi—” hindi ko na natapos ang sasabihin nang biglang may humablot sa cellphone.
Nanlaki ang mata ko nang malamang si Con iyon. Inis ang rumehistro sa mukha nito matapos na patayin na lang basta-basta ang tawag.
“How many times I’ve told you that don’t touch my things? It is hard to understand, Ysa?” diing wika nito.
“S-sinagot ko lang naman kasi baka importante ‘yon. At saka d-daddy mo pa.” Napayuko ako pagkatapos na sabibin iyon.
“E di sana pinabayaan mo na lang! Bakit mangingialam ka pa?”
Napakagat ako sa pang-ibabang labi sa sinabi nito. Ang sakit niya namang magsalita. Nag-aalala lang naman ako dahil baka importanteng tawag iyon. Masama ba iyon?
Pangingialam na ba agad iyon? Mabuti naman ang intensiyon ko at wala akong nakikitang mali roon. Nangiligid ang luha ko matapos na mapasulyap sa nagngangalit nitong mata.
“Kung alam mo namang hindi sa ‘yo, huwag mo na lang pakialaman, p’wede ba? Tsk.” Napaigtad ako sa pagtaas ng boses nito.
“T-tinawag naman kita k-kaso hindi mo y-yata narinig k-kaya minabuti ko na lang na s-sagutin. At s-saka, p-parang miss na miss ka na ng d-daddy at m-mommy mo,” kahit nauutal ay makuha ko pa ring iparating ang nais na sabihin.
Mabuti nga siya at may mga magulang na ganyan tapos parang wala lang sa kanya. Sa tono kanina ng daddy nito ay malalaman mong nami-miss na siya. Ganoon na lang ba niya dapat tratuhin ang mga magulang niya?
“Stop sticking your nose with someone’s business! Just mind yours!” Akma na itong tatalikod pero bigla akong napasagot.
“Bakit ba galit na galit ka? Mabuti ka pa nga ay may mga magulang na nakaaalala sa ‘yo. Maswerte ka kasi sila nandiyan pa rin, samantala nga iyong iba ay wala ng mga m-magulang.”
Hindi ko alam kung saan ko kinuha ang lakas na iyan para sabihin iyon kay Con. Napatakip na lang ako sa bibig para gindi mapahikbi. Segundo lang ang tinigil ni Con matapos na marinig ang sinabi ko at nagpatuloy na sa paglalakad na parang walang narinig sa akin.
Tumakbo na lang ako sa kwarto at agad na niyakap ang rilakkumang nasa kama ko. Doon ko binuhos ang mga luha at sama ng loob kay Con.
Siguro kung nakakapagsalita lang ang stuff toy na ito ay sesermonan ako dahil palagi ko na lang siya binabasa ng mga luha ko.
Bakit ka ba ganyan, Con? Nakakainis ka pero hindi ko naman magawang mainis ng matagal sa iyo. Napahawak ako sa dibdib. Ang sakit. Tila may nakatarak na kutsilyo roon at palalim nang palalim ang sugat.
NAALIMPUNGATAN ako sa langitngit ng kahoy na para bang may naglalakad na isang mabigat na tao. Nangunot ang noo ko at napamulat ng mata. Naibaling ko sa bintana ang paningin at napagtantong gabi pa rin.
Nakatulugan ko na lang yata ang pag-iyak. Anong oras na ba? Bakit gising pa si Con? Gutom? Hindi siya sumabay kanina sa akin, e. Baka nga.
Kamot-ulong napataklob ulit ako ng unan sa mukha. Hindi ko pinansin iyon hanggang sa mawala ang mga langitngit.
Kinain ulit ako ng antok kaya napapikit na ako. Subalit ilang minuto lang ang itinagal ng pagkapipikit kong iyon. Lumangitngit muli ang sahig at dahan-dahang lumalapit ang tunog no’n.
Huwag mong sabihing gigisingin ako ni Con ngayon dahil magpapaluto siya kasi tinatamad na naman siya? Asa ka, Ysa. Hindi nga namamansin iyon sa ‘yo, gigisingin ka pa kaya?
Saka, galit na galit sa iyo ang tao kanina dahil sa pakikialam mo sa buhay niya. Napaimposible ng iniisip mo, Ysa.
Inis akong napakamot sa ulo at kinuha ang unang nakapatong sa mukha. Napabangon na ako sa pagkakataong iyon. Madilim ang buong kwarto ko at tanging mga ilaw sa labas ang nagre-reflect sa loob ang nagsisilbing ilaw rito. Sapat na iyon para maaninaw ng bahagya ang loob ng kwarto.
“Con—” hindi ko natapos ang sinasabi ng makitang wala namang tao.
Napakusot ako sa mata para makita nang maayos ang loob ng k’warto. Nananaginip lang ba ako? O guni-guni ko lang ‘yon?
Alam kong may tao sa kwarto ko, e. Baka multo lang? Nangilabot ako bigla. Walang multo, Ysa! Huwag mong takutin ang sarili mo.
Hindi ko na sana papansinin iyon at mahihiga na nang mapalingon ako sa gilid ng kama. Nasinagan ng ilaw na nanggagaling sa labas ang mukha nito kaya kitang-kita ko ang panlilisik ng kanyang mata. May itim na telang nakabalot sa buo nitong mukha ngunit mata lang ang nakikita.
Ang mga mata nito ay hindi pag-aari ni Con. Puno ng galit at nais pumatay ang bumabalot doon. Subalit, napapamilyaran ko iyon pero hindi na ako nakapag-isip pa ng maayos. Pinagpawisan ako ng malamig kasabay ng pagbilis ng tibok ng puso ko.
“S-s-sino k-ka? Co—” hindi ako makasigaw nang madiing tinakpan niya ang bibig ko.
Nagpumiglas ako sa pagkakahiga pero hindi ko kaya ang lakas niya. Tila may nakadagang isang malaking bato at hindi ako makagawa ng kahit ano.
“Hmm. . . mmmm! Hmmmm!” Patuloy kong pagpupumiglas. Mas diniinan niya pa ang pagkakahawak sa bibig
Nakakakilabot ang nanlilisik nitong mata. Sa paglipas ng mga segundo ay mas lalo akong kinakain ng kaba. Hindi ko alam kung ano ang gagawin nito sa ‘kin at wala akong kaedi-ideya sa kung ano ang susunod nitong gagawin. Nangiligid ang luha ko sa kabang nararamdaman.
Dumiin ng husto ang nakatakip na palad sa bibig ko. Nilagay niya ang isang daliri sa harap ng bibig nito kahit hindi naman kita dahil sa telang nakatakip roon. “Shhhh. . .”
Sinikap kong kilalanin ang boses niya pero hindi ako makapag-isip ng maayos sa sitwasyon ko ngayon. Sino pa ba ang makakapag-isip ng tama kapag ganito na? May kinuha siya sa likod niya at mas lalo akong nagpumiglas nang makitang isang maliit na kutsilyo ‘yon.
Con! Tulungan mo ‘ko! Gumising ka d’yan! Con!
Nanlumo ako ng wala akong maramdaman o narinig man lang na lumalapit sa kwarto ko. Nakalimutang kong magkagalit pala kami ni Con. Paanong pupunta ‘yon dito diba? Umagos ang kanina ko pang pinipigilang luha. Katapusan ko na ba talaga? Marami pa akong pangarap.
Mahina siyang napahalakhak. Saktong-sakto para ako lang ang makarinig sa kwarto. Nangilabot ako sa malademonyo nitong pagtawa. Walang ano-ano’y sinakal ako nito gamit ang isang kamay na nakatakip sa bibig ko kanina. Kinuha ko ‘yong pagkakataon na ‘yon para makagawa ng ingay pero nahihirapan akong magsalita sa diin ng pagkakasakal nito.
“C-c-c-co. . . n!” tawag ko sa kanya pero mas lalo akong nahirapang huminga. Mas hinigpitan niya ang pagkakasakal sa ‘kin.
Nagsimulang manlabo ang mata ko. Hindi ako makahinga! Nawalan ako ng lakas para magpumiglas. Tila hinigop nito ang lakas ko at wala akong magawa kahit sa simpleng pagsalita man lang.
Con!
Nanumbalik ang mga alaala naming dalawa. Tila nanonood ako sa isang sine dahil isa-isa ‘yong nag-flashback lahat sa isip ko. Noong nagkita kami sa garden, mga kalokohan niya, ang pag-uwi niya sa apartment namin na bugbog sarado, kung paano ko siya gamutin at kung paano niya pasayahin ako noong nawala ang scholarship na pinakaiingat-ingatan ko.
Ano’t ganito ang nakikita ko imbis na ang buhay ko?
Walang humpay sa pagdaloy ang mga luha ko. Unti-unti akong napapikit hanggang sa nilamon na ako ng kadiliman.
“Ysa!”
Subalit, isang marahas na tunog ang nagpabalik sa akin. Tila hinugot ako ng boses na iyon sa kadilimang lumalamon sa akin. Naimulat komg muli ang mga mata at napatingin sa pinto.
Nang masilayan ko kung sino iyon ay ganoon na lang kabilis na nagbagsakan ang mga luha ko nang sandaling magtagpo ang aming paningin.
“C-con,” usal ko sa pangalan nito.
Napatingin na rin doon ang taong sumasakal sa akin. Nawala pansamantala ang atensyon nito sa akin kaya sinamantala ko iyon. Kahit na nanghihina dulot ng ginawa nito ay pinilit kong ipunin ang natitirang lakas na mayroon ako at sinipa ang sikmura nito. Naging dahilan iyon para maalis ang pagkakapatong nito sa akin at malakas na kalabog sa sahig ang namayani.
Nanlilisik niya akong tinapunan ng tingin. “P*tanginang babae ka!”
Tatayo na sana ito at itinaas ang kamay para saksakin ako ngunit pinigilan iyon ni Con. Binalibag niya ito sa sahig at pinagsusuntok.
“Who are you?!”
Tumawa nang nakaloloko ang taong iyon at tumayo. Nasuntok niya si Con kaya napaatras ito. Napatakip na lang ako sa bibig at umalis sa kama.
“Con!” sigaw ko.
“Don’t. Diyan ka lang,” anito sa akin at humarang sa unahan ko.
Inambahan niya ng saksak si Con ngunit nasalag niya ito. Ang kabang nararamdamn ko ay hindi na mapigil.
Gusto kong ipagtanggol din si Con pero anong mapapala ko? Baka nga ako pa ‘yong maging dahilan nang pagkakasaksak niya kapag naging pabigat ako sa kanya. Wala na nga akong maitutulong, mapapahamak pa siya.
Nag-isip ako ng maaring gawin pero wala talagang pumapasok sa isip ko hanggang sa mapasigaw akong muli nang tinapon ng taong iyon ang plorera na nasa labas ng pinto sa ulo ni Con. Mabilis na tumakbo ito papalabas ng apartment at hindi na magawa pang habulin ni Con dahil nakasadlak na ito sa sahig.
Agad kong dinaluhan si Con at tinulungang makatayo. Nahawakan ko ang ulo nito at nanlamig na may makapang dugo. Mabilis na nanubig ang mata ko sa nakita.
“F*ck that bastard!” Napahawak ito sa parte kung saan tumama ang plorera. “He will pay for this,” galit na aniya.
Naglakad ito papalabas ng kwarto ko. May balak pa yatang sundan ang lalaking iyon. Maagap akong napahawak sa braso nito na ikinatigil niya.
“Con, d-dito ka lang. . .” Nilingon niya ako at biglang naglaho ng ganoon na lang ang galit sa mga mata nito. Ang mabibilis nitong paghingan ay unti-untung humina. Napahikbi na ako sa pagkakataong iyon. “Huwag kang umalis. B-baka mapaano ka pa. Dumudugo ‘yong ulo mo, kailangan nating gamutin i-iyan.”
“Shhh. Stop crying. Are you all right? Anong masakit sa ‘yo?” Sinuri ako nito kung may tama ba ako o ano. Mas lalo akong napaiyak sa inasta nito. “H-hey, tell me, saan masakit?”
Nakuha niya pang mag-alala sa akin gayong siya itong napuruhan. Hindi nito alintana ang dumadaloy na dugo sa kanyang mukha. Mas lalong bumigat ang pakiramdam ko sa nakikitang emosiyon sa mga mata nito.
“N-nakakainis ka! Nakakinis ka, Con! Sarili mo ang alalahanin mo at hindi ako!” Napahikbi ako sa pagitan ng mga sinasabi ko.
Bakit ka ba ganyan, Con? Oo nga’t napakasungit mo, hindi namamansin at tintrato mo akong hindi kilala pero ano’t ganito ang dulot mo? Hindi ko kahit kailanman inisip na magtanim sa iyo ng galit. Tuwing mapapahamak ako, bigla-bigla ka na lang darating. Kapag alam kong wala ng pag-asa ang mga bagay-bagay ay bigla ka na lang magdadala ng liwanag sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top