Part 17

UNTI-unti ko nang natatandaan ang ilang detalye sa buhay ko. Iyon nga lang, nakalulungkot isipin na may ilan doon na hindi ko na matatandaan pa. Babahagya ang natatandaan ko sa kabataan ko. Ang tawag daw roon ay living in obliviousness. Ang ibig sabihin ay wala ka nang memorya sa malaking bahagi ng buhay mo.

'Yong gusali na nakita namin ni JV kamakailan ay pinagtatrabahuhan ko pala. Nakapanghihinayang lang. Hindi ko na rin mabalikan iyong trabaho dahil nakahanap na sila ng kapalit ko.

IBINABA ko ang dalawang basket ng puting rosas sa magkatabing puntod sa harap namin ni JV. Puntod iyon ng mga magulang ko. Nakalulungkot ngang isipin na sa lahat ng puwede ko pang maalala, eh, ang pagkamatay nila 'yong isa roon. Sa katagala'y unti-unti ko ring natatanggap iyon. Wala na akong magagawa para maibalik ang buhay nila. Nangyari na, eh.

"Ma, Pa. Pasensiya na, ngayon lang kami nakadalaw ng mamanugangin ninyo." Kinabig ako ni JV nang sabihin ko iyon. Kinikilig yata.

Muli akong nagpatuloy. "Alam n'yo na, malapit na ang kasal namin kaya medyo abala." Sinindihan ko ang mga kandilang nakatulos sa puntod nila. "Sayang lang kasi hindi n'yo na ako maihahatid. Pangarap n'yo po iyon 'di ba? Pero ayos lang. Alam ko naman pong masayang-masaya kayo para sa akin. Mahal po namin ni JV ang isa't isa."

Hinalikan ako ni JV sa bumbunan. Hinayaan niya akong kausapin ko ang mga magulang ko.

"Ma, Pa, wala akong masyadong maalala kung paano ninyo ako inalagaan at pinalaki pero kahit nakalimot ang isip ko, hindi kailanman makalilimot ito..." Itinuro ko ang puso ko. "Ramdam ko pa rin hanggang ngayon ang pagmamahal ninyo. Mahal na mahal ko po kayo, Mama, Papa. Sana payapa na kayo kung nasaan kayo."

"Huwag po kayong mag-alala, Tito at Tita, aalagaan ko ang anak ninyo at mamahalin ko siya pati na rin ang mga kapatid at pamangkin niya. magiging mabuting asawa po ako kay Liway."

Nasanay na si JV na Liway ang tawag sa akin kaya hinayaan ko na lang siya. Gusto ko rin naman kasi kahit papaano ay may isang taong tumatawag sa akin ng ipinangalan sa akin ni Lola Mona.

Nang maalala ko ang huli ay napatingin ako sa orasan sa aking cellphone. "Magsisimula na ang novena namin, babe. Pakihatid mo na ako sa simbahan."

Binitbit ko ang paperbag na kinalalagyan ng berdeng blusa at palda, na siyang isinusuot naming mga deboto ng Oblates of Saint Joseph, ang samahan na kinabilangan ni Lola Mona nang siya ay nabubuhay pa. Oo, umanib na rin ako sa organisasyong iyon para mas mapalapit ako sa Panginoon.

"Let's go, babe." Hindi na ako tumutol nang pinagkrus ni JV ang mga daliri namin. Nagpakawala muna kami ng ngiti sa isa't isa bago namin nilisan ang libingang hinihimlayan ng aking mga magulang.

Wakas

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top