Part 13

NABANGGIT ko kay JV ang pagkabagabag ko sa tuwing nakatingin ako sa krusipiho sa may altar.

"Simbahan. Dadalhin kita sa simbahan, Liway." May pagtutol sa isang bahagi ng utak ko pero nagpatianod na lang ako sa kaniya.

Marami kaming simbahang napuntahan. Simbahang sa tuwing aming pinapasukan ay pinagdarasalan namin ni JV. Hindi ko nga alam kung paano iyon pero sabi niya ay isipin ko lang daw na kaharap ko ang nirerepresenta ng imahe na nasa malaking krusipiho, na sa pagpapakilala ni JV ay Hesukristo raw ang pangalan nito.

"Hindi ko alam kung bakit ko ito ginagawa at kung bakit ba kita kinakausap. Kung sino ka man, sana matulungan mong magkaroon ako ng kaliwanagan."

Muli kong iminulat ang mga mata ko at tumingin sa malaking imahe na nasa krusipiho. Sa pagkakataong ito ay para bang namalik-mata ako dahil para itong tunay na taong nakatunghay sa akin sa loob ng isang segundo na agad ding naging imahe muli sa sumunod na sandali.

Nanghihina akong umupo. Nanlalamig ang pawis ko sa noo. Pilit kong nilibang ang sarili ko habang hinihintay na matapos sa pagdarasal si JV kaya inilibot ko na lang ang tingin ko. Baka sakaling makatulong iyon para mapakalma ako.

Ngunit lalo lang akong naguluhan nang mapako ang mga mata ko sa isang lugar kung saan may mga nagdarasal na nakasuot ng ternong kulay berde. Binalot ng lungkot ang puso ko sa hindi malamang dahilan.

"Are you okay, Liway?"

Umiling-iling ako. Agad siyang umupo sa tabi ko at pinahinahon ako. Mayamaya ay niyaya na niya akong lumisan sa simbahan. Agad din naman akong sumama sa kaniya ngunit bago kami makalabas sa simbahan ay isang tingin muna ang ipinukol ko sa mga nagdarasal na pumukaw ng atensiyon ko.

AKMA akong papasok sa kotse ni JV nang may sumigaw, dahilan para maudlot ang pagsakay ko.

"Leslie!" Pamilyar na pangalang paulit-ulit na tumataginting sa utak ko. Pangalan na nang itawag sa akin ay nagdulot ng pagdagundong sa buong sistema ko.

Napalingon kami ni JV sa pinagmulan ng tinig. Isang babae na may bitbit na dalawang bata. Isang babae na sa tingin ko ay apat na taong gulang at ang isa naman ay tatlong taong gulang na lalaki na mayroong asul na mga mata.

"L-Leslie, i-ikaw nga." Dinaluyong ako ng babaeng tumawag sa akin ng Leslie. Isang yakap ang iginawad niya sa akin. Yakap na napakapamilyar. Yakap na para bang naramdaman ko na noon pa.

Wala akong nagawa kundi gumanti ng yakap at sa hindi ko malamang dahilan ay napaiyak din ako. Pati ang dalawang bata na karga ng babae ay nakiyakap na rin at nakihagulgol.

Siya na yata ang kasagutan sa lahat ng mga tanong sa utak ko. Siya na yata ang makasasagot kung sino ba talaga ako.

Na si Liway na sa pagkakakilala ni JV ay si Leslie pala sa buhay ng babaeng yumayakap sa akin ngayon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top