Two
"Maligayang kaarawan, Apo!" Masaya ngunit nanghihinang bati ni Nana.
"Thank you, Nana!" Wika ko sabay yakap sa kanya.
Nitong mga nakaraang araw madalas nanghihina na si Nana kaya nakahiga lang sya at ako naman ang umaasikaso sa kanya, kami lang naman ang magkasama sa buhay. Si Nana ang kinamulatan kong ina pero sa palagay ko ay iba ang tunay kong ina. Nakita ko sa mga lumang litrato kung ano ang itsura ni Nana noong kabataan nya. Natural na kulay dark brown ang buhok nya, ganon din ang kulay ng mga mata nya at ang balat nya ay makinis at kayumanggi. Magkaiba ang itsura naming dalawa dahil itim na itim ang buhok ko at ang mga mata ko naman ay kulay abo habang ang kutis ko naman ay maputla.
Nginitian ako ni Nana at hinaplos ang buhok ko. Kasalukuyan syang nakasandal sa headboard ng lumang higaan nya.
"Pagpasensyahan mo na si Nana at hindi ko magawang mapaghandaan ang kaarawan mo. Ilan taon na nga ba ang apo ko?" Tanong nya.
"Pito" masayang sagot ko na ikinatawa nya.
"Paniguradong magiging isang napakanda mong binibini paglaki mo. Maraming kalalakihan ang mahuhumaling sa taglay mong ganda." Sabi nya.
Binigyan ko lang sya ng isang naguguluhang tingin at natawa na lang dahil wala naman akong naintindihan sa mga nais nyang iparating.
Nagulat na lang ako nang bigla nya akong abutan ng pera. Marahan nya iyong ipinatong sa mga palad ko bago iyon sinara.
"Hindi ba't matagal mo ng ikinukwento sa akin ang pares ng sapatos na gustong gusto mo sa may bayan? Iyong pang-ballet ba iyon?" Tanong nya.
Napaawang na lang ang bibig ko habang nakatitig kay Nana. May kamahalan ang sapatos na iyon kaya kahit gustong gusto ko ay hindi ko magawang ipabili dahil kailangan ni Nana ng pambili ng gamot nya, mas mahalaga iyon kaysa sa isang pares ng sapatos.
"Nana—"
"Pasensya na at hindi ako makalabas para bilhin iyon. Tanggapin mo ang regalo kong pera at gamitin mo iyan para bilhin ang sapatos na yun" sabi nya.
Tumango tango pa sya at marahan akong tinulak para umalis na. Nang makatayo ako mula sa higaan nya ay inayos pa nya ang pulang cloak na lagi kong suot. Simula pa nung baby ako ay lagi daw nakabalot sa akin ito. Madalas ginagawa kong kumot dahil may kahabaan ito, mabuti na lang at tinahi ni Nana ng ilang tupi ang cloak ko para hindi ito sumayad sa lupa kaya din mas naging makapal ito.
"Ayan ang ganda ganda naman talaga ng apo ko at napaka talino pa" sabi nya.
"Nana naman eh" nahihiyang pagtanggi ko.
Matiim nya akong tinitigan bago nginitian.
"Hala sige na't umalis ka na para makabalik ka kaagad" agad akong tumango na lang at tinungo ang pinto ng maliit naming tahanan.
"Mag-iingat ka" pahabol nya.
Bumungad sa akin ang malawak ng kagubatan na nakapaligid sa bahay namin. Kahit tanghali na ay hindi naman mainit, sa katunayan ay mahangin pa nga. Pasimple kong dinala ang basket ko dahil balak ko din bumili ng makakain namin ni Nana.
Nakatira kami sa isang liblib na bayan. Maliit lang ito at hindi naman lingid sa kaalaman ko ang tungkol sa kanila. Nakwento na sa akin ni Nana ang tungkol sa mga Vampires, Werewolves pati Witches. Sa katunayan ay may mga Witches sa bayan na pupuntahan ko. Mababait naman sila at kaya nila makipamuhay kasama naming mga tao kumpara sa mga Vampires at Werewolves.
Yung mga Vampires daw kasi ay pumapatay ng mga tao, ganon din ang mga Werewolves pero nakwento din sa akin ni Nana ang tungkol sa mga Hunters. Sila yung nanghuhuli ng mga Vampires, sila din yung pumoprotekta sa mga malalaking bayan na puro tao ang mga nakatira. Ang hindi ko lang alam, kung ang mga Hunters ay humuhuli ng Vampires, sino naman ang humuhuli sa mga Werewolves? Delikado din sila at nangangain ng mga tao.
Napayakap na lang ako sa sarili ko at mas binilisan pa ang paglalakad ko. Nasa gitna ako ng kagubatan at sabi ni Nana maaaring may mga mababangis na Werewolves ang pakalat-kalat dito para mangaso ng kakainin nila.
Hindi pa naman ako nakakakita ng mga katulad nila pati na rin ng mga Vampires. Puro kwento lang ang mga nalalaman ko tungkol sa kanila.
Nang matanaw ko ang bayan ay napangiti na lang ako. Tinakbo ko na ang daanan papunta sa simentadong daan.
May ilang mga taong nakakakilala sa akin at nginingitian ako.
"Oh, ayan na pala si Little Red!" bati sa akin ng panadero ng bayan.
"Kamusta po?" Magiliw na tanong ko.
"Mabuti. Mabuti. Matagal-tagal kang hindi nakapasyal dito sa bayan ah, heto kunin mo ito" inabot nya sa akin ang isang balot ng maliliit na tinapay.
"Maraming salamat po" sabi ko at nagpaalam na.
Kilala ako sa pangalang Little Red dito sa bayan dahil na rin sa suot ko. Hinahayaan ko na lang din silang tawagin akong ganon.
"Wag mo ng uulitin iyon!" Pahabol na sigaw ni manong panadero.
Minsan nya akong nahuling kumukuha ng tinapay sa tindahan nya dala ng matinding gutom, dahil may sakit si Nana at pinambibili ko na lang ng gamot nya ang perang binibigay nyang pangkain ko. Akala ko ipapakulong nya ako pero pinagsabihan lang nya ako nun at simula nun binibigyan na lang nya ako ng tinapay.
Tumawa na lang ako at nagpunta sa maliit na botikang binibilhan ko ng gamot. Isang witch ang may-ari nito at kilala din nya ako.
"Naparito ka ba para ibili ng gamot si Nana?" Tanong nya at tumango naman ako.
Si Elmira ay isang mabait at magandang witch. Mukha pa rin syang bata kahit ang sabi nya sa akin noon ay matanda na sya. Marami syang alam sa gamot at mahilig syang magbasa-basa ng mga libro.
Habang kinukuha nya ang gamot ni Nana ay nagikot-ikot muna ako sa tindahan nya hanggang sa tumunog ang bell sa pinto, senyales na may bagong dating.
Pasimple akong sumilip mula sa likod ng mga lalagyan ng bote at nakita ko ang isang matandang babae na kulay puti na ang buhok at kulay lilac naman ang mga mata nya. Sa palagay ko ay isa din syang witch.
"Valenciana!" Agad syang sinalubong ni Elmira.
"Mira" bati nung matandang witch. Napalingon pa sya sa akin na naging dahilan ng pagkabigla ko. Medyo lumayo sila ng kaunti at kahit anong pilit kong makinig sa usapan nila ay wala akong marinig. Nakikita ko lang ang pagbuka ng bibig nila pero hindi ko sila naririnig.
Napatingin na lang ako sa may malaking bintana ng tindahan nya kung saan tanaw ko ang kabilang tindahang nagbebenta ng mga kung ano-ano. Mga lumang gamit, mga lumang libro at dun ko din nakita ang sapatos na gusto ko. Ang sabi ng tindero, hindi pa daw iyon nagagamit pero ang disenyo nun ay luma na. Nung sinukat ko iyon nung nakaraang linggo ay kumasya ito sa akin kaya nga lang wala naman akong pera.
"Sana na lang nandun pa ang sapatos na gusto ko" bulong ko.
"Nandito ang mga Knights!"
"Anong kailangan nila?"
Halos magkagulo ang lahat sa labas dahil sa sinasabi nilang mga Knights.
"Sino ba yun?" Takang tanong ko.
"Elmira, kailangan ko ng umalis" napalingon na lang ako sa kanila dahil hindi pa nakakasagot si Elmira ay umalis na yung matanda witch. Bigla na lang syang nawala.
"Oh, eto na ang mga gamot na kailangan mo" nakangiting sabi ni Elmira. Inabot ko naman agad sa kanya ang bayad ko.
"Elmira, ano yung mga Knights? Pinagkakaguluhan sila sa labas" tanong ko.
Napangiti na lang si Elmira at hinawakan ako sa ulo.
"Mga mababait silang nilalang" bulong nya.
"Nilalang?—hindi sila tao?" Tanong ko.
Napailing na lang si Elmira at pinagbuksan ako ng pinto. Magkasunod kaming lumabas para tignan ang mga Knights.
"Mga Werewolves sila" sabi nya.
Napaawang na lang ang bibig ko sa sinabi nya.
"Anong ginagawa nila dito? Hindi ba't delikado sila dahil kumakain sila ng tao?" Sunod sunod na tanong ko.
"Hindi naman lahat ng mga Werewolves ay masasama. Hindi rin lahat ng Witches ay mababait. Malawak at delikado ang mundong ginagalawan natin kaya lagi kang mag-iingat" makahulugang sabi nya.
Nang mapansin kong kumulimlim na ay nagpaalam na ako para silipin ang katabing tindahan. Nung tinanong ko yung tindero, ang sabi nya nabili na ang sapatos na gusto ko.
Baka magtampo si Nana pag wala naman akong nabili sa sarili ko bilang regalo nya. Nagikot na lang ako sa tindahan para tumingin ng maaari kong magustuhan. Napadpad ako sa mga lumang libro.
Isa-isa kong tinignan ang mga libro baka sakaling may magustuhan ako. Pumatong pa ako sa lumang upuan para masilip ang nasa itaas na parte ng shelf.
"The Three Maidens of the Moon" mahinang basa ko habang nakatingkayad ako sa itaas ng upuan.
Sinubukan ko syang abutin pero may biglang kumuha ng librong iyon para sa akin.
"Here" sabi nya at inabot sa akin ang libro bago ako inalalayan pababa ng upuan.
Napatingala na lang ako sa kanya dahil sa tangkad nya.
"Salamat manong" sabi ko habang nakatulala sa kanya.
Para syang naligaw lang dito sa bayan. Yung datingan ng manong na 'to ay hindi katulad ng mga tao dito. Mukha syang tao pero parang hindi. Mukha syang manika. Mukha din syang anghel dahil sa kulay puting kasuotan nya.
Napasinghap na lang ako nang makita kong nagpalit ng kulay ang mga mata nya. Mula sa madilim na kulay ay naging abuhing pilak ito.
"Maximus!" Tumango na lang sa akin yung manong at biglang umalis.
Bigla akong natauhan kaya sinundan ko sya palabas at ganon na lang ang gulat ko nang malaman kong kasama sya sa mga Knights.
"Kung ganon, isa syang Werewolf?" Mahinang tanong ko sa sarili ko. Bakit hindi natatakot yung mga tao sa kanila? Bakit hinahayaan lang nila na pumasok sa bayan ang mga iyon? Paano kung bigla na lang nila kaming patayin?
Nakarinig naman ako ng pagtawa kaya nilingon ko yung tindero.
"Kukunin mo ba ang libro, hija?" Tanong nung tindero.
"Opo" sabi ko at inabot ang bayad sa kanya. Agad naman nyang nilagay sa supot yung librong binili ko.
"Salamat po!" Paalam ko at umalis na.
Muli akong naglakad palabas ng bayan para makabalik agad sa bahay dahil mukhang uulan na.
Nakaalis na din yung mga Knights na sinasabi nila. Halos lahat sila mukhang tao, hindi mo aakalaing mga Werewolves sila. Lalo na yung manong kanina—yung tinawag nilang Maximus.
"Maximus" bulong ko habang binabaybay ang daan pabalik.
Nagsimula ng umambon kaya tumakbo na ako papasok sa kagubatan. Mas lalong naging madilim ang paligid dahil sa mga malalaking puno. Medyo natatakot ako pero nilakasan ko ang loob ko para makauwi na ako kay Nana. Kailangan kong maiuwi ang gamot at pagkain sa kanya. Alam kong mahina na si Nana dahil sa katandaan at sakit nya. Kahit hindi ko sya tunay na ina ay ganon naman ang turing ko sa kanya.
Gustuhin ko mang magtanong tungkol sa mga magulang ko ay hindi ko na sinubukan. Mas inalala ko ang kalagayan ni Nana.
Lumakas na ang ulan at mas naging madilim ang langit.
"Birthday ko pa naman tapos ang lakas ng ulan. Galit ba yung langit?" Inis na tanong ko dahil basang basa na ako at bumigat na yung pulang cloak na suot ko.
Nang matanaw ko na ang bahay namin ay nakahinga ako ng maluwag pero nagtataka ako dahil nakapatay ang ilaw sa loob at bukas ang pinto.
Kumaripas ako ng takbo dahil bigla din ako kinabahan para kay Nana pero natigilan ako nang may makita akong malaking aso na biglang lumabas mula sa pinto. Dun ko lang din napansin na may ibang malalaking aso din ang nakapaligid sa bahay namin.
Nakatayo lang ako sa ilalim ng malakas na ulan, nakatanaw sa mga malalaking aso sa labas ng bahay namin hanggang sa makaalis sila. Nabitawan ko na lang ang supot ng libro na hawak ko dala ng matinding takot at panginginig.
Sabi ni Nana yung mga Werewolf daw ay parang tao din pero kaya nilang magbagong anyo at maging aso.
"Nana" bulong ko at tumakbo ako papasok sa bahay.
Magulo ang mga gamit. Basag ang mga bintana. Mga patak ng dugo sa sahig.
Humigpit ang hawak ko sa dala kong basket at marahang pumasok sa loob ng silid namin ni Nana.
"N-Nana" tawag ko.
"Nana" hindi ko na mapigilan ang humikbi habang tinulak ko ang pinto ng kwarto namin.
Sumalubong sa akin ang masang-sang na amoy pero kahit ganon ay pumasok pa rin ako at naabutan ko si Nana.
Nabitawan ko na ang dala kong basket at napahawak na lang sa bibig ko para pigilan ang pagsigaw at pagiyak.
Si Nana, wala na.
Yung katawan nya. May mga kalmot sya sa mukha at dilat ang mga mata nya.
Napaatras na lang ako at natalisod. Nang lingunin ko ang nakatalisod sa akin ay napasigaw na ako ng tuluyan at gumapang palayo sa putol na braso sa sahig.
"Nana" paulit-ulit kong bulong habang umiiyak.
Ang mga Werewolves ang may gawa nito sa kanya. Ang mga Werewolves ang pumatay kay Nana.
"Knights" nanginginig na bulong ko bago pinunasan ang mga luha ko. Nabahiran lang ako ng dugo sa mukha pero hindi ko na iyon pinansin.
Sila lang naman ang Werewolves na nagpunta sa bayan.
"Hindi sila mabait" naiinis na bulong ko at pinilit kong tumayo.
Lumabas ako ng kwarto at napakuha ng kutsilyo sa kusina dahil may narinig akong pagalaw sa likod ng bahay. Umikot ako mula sa labas, pilit kong inaalis ang takot ko habang nakatingin sa paligid.
Palingon-lingon ako sa mga puno dahil baka nandun pa yung mga pumatay kay Nana.
Nang makarinig ako ng pagkilos sa likod ko ay agad akong lumingon. Isang malaking itim na aso ang nakatayo malapit sa akin. Yung mga mata nya ay pamilyar dahil kulay abuhing pilak ito katulad nung sa manong na nasa tindahan.
"Wag kang lalapit sa akin" tapang-tapangang kong sabi habang nakatutok sa kanya ang kutsilyong hawak ko.
"Pinatay nyo si Nana" naiiyak na sabi ko. "Hindi kayo mabait!" Sigaw ko.
Lumapit sa akin yung aso, ngayon ko lang napansin na may kagat-kagat syang putikang supot at nilapag nya iyon sa harapan ko.
Yung librong binili ko.
Nakatingin lang sa akin yung aso. Mukha syang mabangis pero ang amo ng mga mata nya.
"Mag-isa na lang ako" humihikbing sabi ko.
Akmang lalapit ulit sa akin yung aso pero agad syang umalis nang makarinig kami ng mga yabag at sigawan ng tao.
"Tignan nyo ang paligid!"
"Look for any survivors!"
"May tao dito!" Sigaw nung babae nang makita ako.
"Shhh, it's ok. You're safe now. Nandito na kami" marahang sabi nya at kinuha nya sa akin yung kutsilyo. Pinulot din nya yung libro sa harapan ko.
"Sino kayo?" Tanong ko.
"Taga Black Blood Organization kami." Sabi nya bago ako binuhat. "Ako si Emilia Hawke."
Natanaw ko mula sa likod ng mga halamanan yung itim na aso at nakatingin pa rin sya sa akin.
"Maximus" bulong ko.
"What did you say?" Tanong nung babae na Emilia ang pangalan.
Umiling na lang ako at isiniksik ang sarili ko sa leeg nya habang nakatanaw pa rin dun sa malaking itim na aso.
"Hecate" bulong ko. "Hecate ang pangalan ko."
*End of Chapter*
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top