Epilogue
1 YEAR LATER.
Tulala si Inspector Tiglao.
Nasa loob siya ng kanyang opisina sa himpilan ng PNP-AKG, nakasandal sa upuan sa harapan ng kanyang desk, nakatitig sa pader—sa mga picture frames na nakasabit: mga litrato ng kanyang mga nagawa, mga accomplishments sa kanyang halos 20 years sa serbisyo. Litrato ng inspector kasamang ilang presidenteng nagdaan, nagkakamayan, mga nakangiti. May mga naka-framed din na pahina ng mga diyaryo na tampok ang kaso na kanyang naresolba.
At nagawa namang humapyaw ng ngiti si Tiglao sa pag-alala. Maraming oras, araw, hirap at pawis ang nagugol niya sa pagpupulis, una bilang isang patrolman hanggang sa tumaas ang rango niya bilang miyembro ng Anti-Kidnapping Group. Napakaraming mga kaso ang dumaan sa kanyang mga kamay. Mga tagumpay kasama ng mga kabiguan.
At ngayon, dumating na ang sandali ng kanyang pagreretiro.
9:41 PM.
Tumayo ang inspector at isa-isang inalis ang mga picture frames sa pader at kanyang nilagay sa isang kahon, kasamang iba niyang mga gamit tulad ng libro, trophies, medals at iba pang mga mementos. Ang huli niyang inalis na picture frame ay newspaper headline ng huli niyang major case—ang kaso ng kidnapping ng walong mga mag-aaral. Hawak ng dalawang kamay, tinitigan niya ito at bumalik sa kanyang ala-ala ang mga naganap. Naalala niya ang mga tawag sa telepono. Naalala niya ang habulan sa riles ng tren. Naalala niya ang pagakyat nila sa Benguet. Naalala niya ang mukha ng mga bata na naligtas nila.
Naalala niya, lalong-lalo na si Andy. Ang kaibigan niyang private investigator na tumulong sa kanila sa kasong iyon. Naalala niya si Andy pagka't iyon ang huli nilang kasong magkasama. May matinding lungkot ang dumapo sa kanyang mukha.
Mula sa filing kabinet kung saan nakatago ang iba pang mga diyaryong kanyang inipon, ay may hinanap siya. Kanya itong nakita, at sa liwanag ng table lamp ay nilapag ito sa mesa. Ang headline ng diyaryo ay:
UFOs sa Quezon Province: Isang Government Cover-up?
Isang palaisipan pa rin hanggang ngayon ang di-umano'y nangyari sa bayan ng Callejon, Quezon Province pitong buwan na ang nakalipas. Ang umano'y paglaho ng buong mamamayan ng maliit na bayan na ito at ang kanilang pagbabalik. Ang umano'y pakikipagsagupaan ng mga militar laban sa mga flying saucers. Ang nabalitang mga aliens.
Naalala niya siya Andy. Pagka't doon huling nakita ang private investigator.
Katok sa pinto.
"Sir..."
Bumukas ang pintuan at sumilip si P02 Laperna, may hawak na bote ng beer. Nang mabuksan ang pintuan ng kuwarto ay narinig ang ingay sa labas. May kanya-kanyang hawak na inumin ang mga kasamahan nilang pulis na ipinagdiriwang ang retirement ni Tiglao. Sa mahabang mesa ay may mga pulutan at mga alak.
"Sir, anong minumuni n'yo d'yan? Nasa labas ang party n'yo!" pagpasok ni Laperna.
"Nagaayos lang ako ng gamit," sabi ni Tiglao.
"Mamaya na 'yan, sir! Mag-enjoy muna kayo!"
Lumapit si Laperna at nakita ang diyaryo sa mesa. Napalitan ang saya sa kanyang mukha ng lungkot.
"Mag-iisang taon na pala..." mahina niyang sabi.
"Oo," tango ni Tiglao habang niligpit ang diyaryo. Isang taon nang nawawala si Andy. Presumed dead.
"Alam n'yo, sir," madamdaming sabi ni Laperna. "Naniniwala ako, nararamdaman ko, na isang araw babalik si Sir Andy."
Napatingin si Tiglao. Ayon sa secret reports ay kinuha si Andy ng mga aliens, bagay na iniiwasang magbigay komento ng military. Kung ganoon, ibig sabihin ay maaaring buhay pa si Andy.
Maya-maya'y pumasok sa loob ang dalawang lalaki—walang iba kundi sina SP02 Suratos at Mr. Albalde.
"HAPPY RETIREMENT!" malakas nilang bati.
Dala ng dalawa ang mga shot glass at bote ng Johnnie Walker Black at tinagayan nila sina Tiglao at Laperna. Nagtoast sila. Naramdaman nila ang init ng whiskey sa kanilang mga lalamunan at tiyan.
"Sa'n n'yo nakuha itong Johnnie?" tanong ni Tiglao.
"Padala ni General Batac," sabi ni Mr. Albalde. "Syempre nadagdagan ng star sa balikat eh."
"Nadagdagan ng star, sana ginawa ng Johnnie Blue!" sabi ni Suratos.
"O, tandaan n'yo, siyang naglakad para ma-promote kayo," turo ni Tiglao kina Suratos at Laperna. "Wala pang dalawang taon nag-rank up na kayo. Labas 'yon sa time-in grade."
"Onga, sir," ngiti ni Laperna.
Sinalinan muli ni Suratos ang kanilang mga baso ng whiskey.
"O, isa pa," sabi ni Suratos.
"Kanino naman ang toast na ito," tanong ni Mr. Albalde at tumingin kay Tiglao. "Sir, do the honors."
Napatingin si Inspector Tiglao kay Laperna. Alam na ni Laperna ang sasabihin nito.
"Ito para kay Andy..." pagtaas ng baso ni Tiglao.
Tumango sina Suratos at Mr. Albalde. Naalala nila ang P.I.
"Nawa'y ibalik ka ng mga aliens!" pahayag ni Mr. Albalde.
May ilang beses nang pinagdiskusyunan nila ang tungkol sa mga UFOs at aliens, si Tiglao na isang skeptic ay nahihirapang maniwala na tinangay ng mga aliens ang kaibigan niyang P.I. Nabasa niya ang top secret reports, ang mga pahayag ng mga sundalo at pulis na naroon. Pati na ang testimonial ng mga reporters na na-witness ang mga flying saucers at testimonials ng higit-500 na mamamayan ng bayan ng Callejon, na sworn into secrecy ng gobyerno. Alam ni Tiglao na hindi ito mass hysteria lamang. Paano nga kung tutoong iyon ang nangyari? Paano nga kung si Andy ay nasa ibang planeta ngayon?
Ang tangi lang niyang nais ay makitang muli si Andy at least, bago man lang siya pumanaw.
"O, tagay pa!" ayang muli ni Suratos, halatang may tama.
Tinagayan ni Suratos ang mga baso nila, una kay Tiglao tapos kay Mr. Albalde. Nang kay Laperna na ay nanginig ang kamay niya kung kaya't nagkanda-tapon tapon ang alak.
"Ano ba, Suratos! Lasing ka na a!" sabi ni Laperna.
At natanto nila na hindi pala iyon ang dahilan.
Nagkatinginan sila.
Naramdaman nila.
Na lumilindol.
Hindi kalakasan pero sapat para sila'y mapakapit sa mga upan at mesa. Si Mr. Albalde ay naisipan nang magtago sa ilalim ng mesa. Pero, matapos lamang ang ilang segundo ay tumigil din ang lindol. Nanatili silang hindi gumagalaw. Nakikiramdam.
"Tapos na..." sabi ni P02 Laperna.
"Shit," sabi ni Suratos. "Tanggal ata amats ko."
"Diyos na mahabagin," paghinga ni Mr. Albalde.
At narinig nila ang komusyon sa labas ng kuwarto, kung nasaan ang mga nagdiriwang na mga pulis. Dalian silang nagsilabasan ng kuwarto.
"Lumidol, okay lang ba kayo?" tanong ni Suratos sa ibang mga pulis.
Nakita nilang abala ang mga kasamahan nilang pulis, na mga nakatutok sa TV—sa balita.
"Anong nangyayari?" tanong ni Laperna.
Tinuro ng isang pulis ang TV.
"'Yung tore ng Manila Cathedral! Gumuho!"
Sa flash report sa TV ay news footage ng Manila Cathedral kung saan kitang gumuho ang tore nito.
"Lakasan n'yo ang volume!" utos ni Tiglao.
Nilakasan ng pulis na may hawak ng remote ang volume at nagsipaglapitan pa ang ibang mga pulis na hawak pang mga bote ng beer na kanilang iniinom. Kanilang narinig ang boses ng news anchorwoman sa TV.
Kuha ito kani-kanina lamang ng aming reporter sa Intramuros at makikitang gumuho ang belfry tower matapos ang paglindol. Wala namang naulat na nasaktan.
"Hindi naman ganong kalakas ang lindol para paguuhin 'yung tore," punto ni Mr. Albalde. Napaisip ang iba, oo nga, at sila'y nagtaka. "Alam n'yo bang pinakamalakas na lindol na nangyari dito sa Pilipinas? Noong August 1976! Magnitude 8! Iyon ang..."
"Teka, meron pa," pag-interrupt ni Laperna at tinuro ang TV.
Pinakita sa TV ang isa pang video footage. Sabi ng reporter:
Bago ang paglindol at pagguho ng belfry tower ay nakunan ng video ng ilang mga residente ang umano'y mahiwagang ilaw at itim na ulap sa itaas ng tower.
Nanlaki mga mata nina Tiglao, Suratos, Laperna, Mr. Albalde at iba pa.
Pagka't sa video footage, sa itaas lamang ng belfry tower ay may kakaibang itim na ulap na may butas sa gitna kung saan may pababang mahiwagang ilaw. Hindi sila makapaniwala sa nakikita. Ngayon lamang sila nakakita nito—isang tila supernatural phenomenon.
"Shit..." bulong ni Tiglao.
"Magugunaw na mundo!" sabi ng isang pulis.
"Maghapi-hapi na tayo!" sabi ng isa pa.
At dahil doon, nagtagayan pa ng alak ang mga pulis at nagsipagbukasan ng beer.
"Da best ang party n'yo, sir!" sabi ni SP02 Suratos kay Tiglao, hawak ng bagong tagay na baso. "Hindi namin ito makakalimutan!"
Happy retirement! Sigaw ng mga pulis at nagsimula na muli ang inuman, at saglit lang ay tila nakalimutan na nila ang balita sa TV, ang lindol, ang belfry tower.
Maliban kay Inspector Tiglao. Na buhat noo'y hindi na maalis sa isipan niya ang nasaksihan sa TV. Hanggang sa dumating pa ang iba niyang mga kaibigan, si General Batac na kasama pang mga iba niyang kakilala't nakatrabahong mga pulis. Hanggang sa magkalasingan na ang lahat. Hanggang sa pagtatapos ng party. Hanggang sa sinurrender ni Tiglao ang kanyang tsapa at baril kay Batac at binati siya ng well wishes. Hanggang sa pag-uwi ni Tiglao sa kanyang bahay dakong madaling araw.
Hanggang sa paghiga niya ng kama katabing kanyang maybahay.
Ang laman pa rin ng isipan niya'y ang belfry tower, ang mahiwagang ulap at ilaw.
At tulad ng dati, nagising si Tiglao dakong alas-tres ng madaling araw. Body clock. Bumangon siya ng kama.
"Conrado..." boses ng kanyang asawa.
"C.R. lang..." sabi ni Tiglao.
Kinapa ng kanyang mga paa ang kanyang mga tsinelas sa sahig at nang maisilid ay lumabas siya ng kuwarto tungo ng C.R. Pagkagaling roo'y nagtungo siya sa kusina at naghanap ng makakain sa ref. May styro ng tirang manok mula sa kanyang retirement party. Kinuha niya ito at isang pitsel ng tubig at naupo sa kusina't kumain. At ang laman ng isipan niya'y nadagdagan. Ngayon, kanyang inuugnay kung may kinalaman ba ang hiwaga sa Manila Cathedral at ang mga UFOs sa Callejon. Naisip pa niyang muli si Andy.
Paranormal. Itong pumasok sa isipan niya. Ang mga bagay na ito'y paranormal. Nabasa niya. Katunayan, matapos ang insidente ng pagkawala ni Andy ay nahilig siya sa pagreresearch sa mga bagay na may kinalaman sa UFOs, aliens at iba pang kababalaghan sa pagnanais na mabigyang kasagutan ang paglaho ng kanyang kaibigang P.I.
Kasama sa research niya ang talaan ng mga major events sa nagdaang taon: 7.5 magnitude na earthquake sa Papua New Guinea na pumatay ng 145 na katao; Wildfires sa Greece; Pagbabaha sa North Korea, Japan at India; Volcanic eruption sa Guatemala, death toll, 425; ang Ring of Fire; at ang hindi malilimutang Earthquake at Tsunami sa Sulawesi, Indonesa na pumatay ng 2,783 na katao. At hindi pa doon nagtatapos pagka't patuloy pa ang mga natural disasters.
Ngayong nagretiro na siya'y mas marami na siyang oras na maibibigay sa kanyang research.
Malamig na ang manok. Pero, malasa pa rin.
Matapos kumain ay bumalik na siya sa kanyang kuwarto. Nadaanan niya ang kuwarto ni Aaron, kanyang bunsong anak. Madilim sa loob at naalala niyang lumipat na nga pala si Aaron sa sariling apartment. Bigla niyang na-miss ang anak.
Bumalik siya sa kama at naramdaman ang init na iniwan niya sa kutson. Naramdaman niya ang init ng katawan ng kanyang natutulog na asawa. Itinaas ni Tiglao ang kumot at pumikit. Marami siyang iniisip nguni't dahil sa pagod ay inaako na rin ng antok.
Patulog na siya nang bigla siyang napadilat.
Pagka't may pumasok sa isipan niya.
May naalala siya na maaaring may kinalaman sa lahat ng mga nangyayari.
At mula sa kanyang bibig lumabas ang katagang:
Araw ng Paghahatol.
Copyright © 2019 All rights reserved.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top