Chapter 7: Kidnappers

6:44 AM WEDNESDAY.
29 hours 31 minutes earlier.

"Wait! WAIT!"

Nagulat ang dalawang babae sa loob ng school bus nang sumigaw si Joanna. Mula sa harapan, lumingon ang driver sa kanila na gulat din. Kinabahan ang tatlo at nagpalitan ng mga nagtatanong na mga tingin. Mas kinabahan pa sila nang makitang tumakbo paloob ng bahay si Joanna na animo'y may emergency.

"Baka tumawag ng pulis," alala ni Sarah.

"Tara na. Andar mo na!" may panic na hudyat ng ikalawang babae kay Noel na driver.

Kumambyo ang driver at aapakan na lamang ang gas nang sumigaw si David.

"Wait lang, pare!"

Napatingin si Noel sa side mirror at nakita si David na sumesenyas na huwag silang umalis. Nakita niyang hindi naman nagpapanic ito hindi tulad ng kanyang asawa. Tumango si Noel kay David pagkatapos ay lumingon pabalik kina Sarah at ang ikalawang babae.

"Wala ito..." iling niya.

Sumilip si David sa tinted na bintana, kumakaway si Macy sa kanya. Si Marco ay walang malay sa nangyayari pagka't busy na siyang kakulitan ang mga batang lalaki, isang ka-edad niya at isang mas bata. Bukod kina Macy at Marco ay may apat pang batang babae ang sakay ng school bus. Dalawa pang batang babae ang dadaanan nila bago dumiretso ng school.

"Daddy! Daddy!" tawag ni Macy sa may bintana. Kita niya ang ama na tumitingin sa loob.

Maya-maya'y lumabas si Joanna dala ang sandwich sa ziplock bag na para kay Marco at ang lunchbox ni Macy na may sandwich din sa loob at nagmamadaling lumapit sa likuran ng school bus. Nang makita ito'y nakahinga nang maluwag sina Sarah, Noel at ang ikalawang babae. Ah, iyon lang pala ang dahilan ng lahat—naiwan ng mommy ang baon.

"Kita n'yo na..." ngiti ni Noel.

Napangiti si Sarah, sa tatlo siyang pinakabata at pinakakabado.

"Buksan mong pinto," utos ng ikalawang babae kay Sarah.

Binuksan ni Sarah ang pintuan ng school bus at inabot ang mga baon nina Marco at Macy mula kay Joanna.

"Sorry, nakalimutan ko ang baon nila," sabi ni Joanna kay Sarah.

Natigilan si Joanna nang makita ang ikalawang babae na nakaupo malapit sa dulo, at siya'y napakunot-noo, nagtataka, minumukaan ang hindi pamilyar sa kanya na tao. Agad na umiwas ng tingin ang ikalawang babae at biglang kunwa'y kausap ang katabi nitong bata. Parang gusto ni Joanna na tanungin si Sarah kung sino ang babaeng ito. Biglang humarang si Macy.

"Bye, mommy!" kaway ni Macy hawak na ang lunchbox niya.

Nang marining na tinawag si Joanna ay saka pa lamang napatingin si Marco.

"Uy! Baon ko!" bulalas niya at muntik nang matalisod sa pagabot ng baon mula kay Sarah.

Nagtawanan ang ibang mga bata.

"Bye! See you later!" kaway ni Joanna kina Macy at Marco, although sumusulyap pa rin sa ikalawang babae na nakatagilid na ng puwesto. Nagtataka si Joanna dahil wari niya'y tinatago ng babae ang mukha niya na tila ayaw nitong makilala.

Sinara ni Sarah ang pintuan at umandar paalis ang school bus. Habang paalis, kita ni Sarah na kumakaway sina Joanna at David. At kay Joanna, pansin niya ang kuryosong expresyon nito sa mukha. Nang makalayo na ang school bus ay lumipat ng upo ang ikalawang babae at tumabi sa kanya.

"Kinabahan ako dun ah," sabi ng ikalawang babae na mas matanda kay Sarah, mas dark ang complexion at kulot ang mahabang buhok.

Walang imik si Sarah. Hindi pa bumababa ng tuluyan ang kaba niya.

"Huy!" sabi ng ikalawang babae sa kanya.

"Eh, Cora..." sabi ni Sarah.

Agad siyang sinaway ng ikalawang babae na pangalan ay Cora.

"Huwag kang maingay, huwag mong banggitin pangalan ko," aniya, sabay tingin sa loob at nakitang ang mga bata'y abala sa pakikipagkuwentuhan sa isa't-isa.

"Bakit ba?"

"Itong gagawin natin," sabi ni Sarah. "Huwag na kaya nating ituloy..."

"Gago ka ba?" ang mainit na reaksyon ni Cora. "Gusto mo bang matikman ang galit ni Ama? Gusto mo bang hindi na makabalik sa Tahanan?"

"Pero..."

"Isang taon din ang nagugol para maitanim kayo rito," diin ni Cora. "Isipin mong mga sakrispisyo natin, ang..."

Biglang malakas na nagtawanan ang mga bata. Kanilang inaasar si Marco sa muntik nitong pagkatalisod kanina. Lumingon si Cora sa kanila at pinandilatan sila.

"Hoy, mga tupa! Tumahimik kayo!" sigaw niya.

Nasindak ang mga bata at natahimik, kahit na ang mga mas nakatatanda na tulad ni Marco na kanina'y patayo-tayo pa sa loob na nagpapasikat ay agad na napaupo. Ang pinakamaliliit na mga bata nama'y takot na sumiksik sa dulo ng pahilerang upuan. Hindi tulad ni Sarah na maamo ang mukha, sa pinakitang kasungitan ni Cora ay tingin ng mga bata sa kanya'y isang mangkukulam, sa kulot nitong mahabang buhok, at mga peklat sa binti.

Naging tahimik ang biyahe sa natitirang layo tungo sa Holy Good Shepherd Montessori. Ilang kanto bago makarating doon ay bumaba si Cora.

"Hindi tayo dapat mabigo," sabi ni Cora kay Sarah. "Lalo't malapit nang sumapit ang Araw ng Paghahatol."

Tumango si Sarah at isinara ang pintuan ng school bus.

Makarating sa school ay masayang nagbabaan ang mga mag-aaral. Inalalayan nina Sarah at Noel ang maliliit na mga bata para makababa at sila rin ang nagbababa ng bag ng mga ito. Sandali lang nang sila'y masigawan ng kinatatakutang babae kanina ay limot na agad ng mga bata ang nangyari.

"Halika na, Macy..." tawag ni Sarah. Dala-dala ng bata ang maliit na lunchbox. Tinulungan siyang makababa ni Sarah.

Nagpasukan ang mga bata sa gate ng school, naroon ang security guard na sumalubong sa kanila at sila pa'y isa-isang binati nito. Mabait ang guard at halatang walang kinalaman sa magaganap. Sa katunayan, kung titignan mo ang paligid ng school, ang ibang mga drivers ng school bus at mga kasama nila na halintulad ni Sarah, ang mga titsers, janitors at janitress, at ibang mga staff—lahat sila'y walang kamuang-muang sa mangyayari sa araw na iyon, ilang oras simula nang dumating ang school bus nina Macy.

***

11:55AM.

Isa-isang naglalabasan sa classroom ang mga Grade 2 schoolers.

"Don't forget your homework, okay?" sabi ng teacher.

Suot ni Macy ang knapsack sa likuran, ang lunchbox sa kanyang kamay.

"Hi, Macy!" bati sa kanya.

"Hi, Tita Trina..." ngiti ni Macy.

Nagkasalubungan sina Macy at ang kaibigang teacher ni Joanna na si Trina. Sa paligid, nagsisiuwian na rin ang ibang mga bata, nakabantay na sa may gate ang mga sundo, mga yaya na kumakaway sa mga alaga nila.

"Say hi to Mommy for me, okay?"

Nakangiting tumango si Macy at saglit na pinanood pumasok si Trina sa loob ng school. Kilala niya si Trina dahil ninang niya ito sa binyag. Palabas ng gate ay natanaw ni Macy si Marco sa bakuran ng school sa di-kalayuan kasama ang ibang mga Grade-6 students, nakapang-P.E. at sinusundan ang kanilang lalaking P.E. teacher na tulad nila'y naka-t-shirt, jogging pants at rubber shoes, with extra whistle na may cord na nakasabit sa kanyang leeg. Papunta sila sa likuran ng school kung nasaan ang mini soccer field.

Huminto si Macy.

"Kuya Marco!" tawag niya sa kanyang kuya. "KUYAAA!!"

Pero hindi siya narinig ni Marco na dire-diretso sa paglakad kasamang soccer team. Nadismaya si Macy, sisigaw pa sana siya pero nakalayo na ang kanyang kapatid. Sa labas, natanaw ni Macy ang nagaabang na school bus at siya'y naglakad tungo roon. Si Marco na masayang naglalakad papunta ng soccer praktis ay isa sa mga imahen na huli niyang matatandaan.

***

"Ate! Lampas na tayo!" sabi ng batang lalaki. "Doon house namin!"

"Quiet, Christopher, umupo ka," sabi ni Sarah sa kanya.

"Pero lampas na tayo!" ulit ni Christopher, tinuturo ng 9 na taong gulang na bata ang entrance ng kanilang subdivision na dinaanan ng school bus.

"Sarah, patahimikin mo 'yan," warning ni Cora na nakapuwesto sa may pintuan ng school bus, sa kabila ni Sarah.

"Lampas na ate!" angal ni Christopher.

Nagtataka rin ang ibang mga mag-aaral at sila'y tumitingin din sa labas. Alam nila kung saan hinahatid si Christopher, at alam nilang lumagpas na nga ang school bus. Walo ang sakay ng school bus ngayon: anim na batang babae kasama na si Macy at dalawang batang lalaki, mga Grade 1 and 2, edad 7 hanggang 9. Ang batang si Christopher na siyam na taong gulang ang pinakamatanda sa kanila.

"Patahimikin mo ang batang iyan, Sarah," ngitngit ni Cora. "Kundi ako ang magpapatahimik d'yan."

Humarap si Sarah sa mga bata at ngumiti.

"Makinig kayo. May surprise birthday party kasi tayo!" aniya.

Nagkatinginan ang mga bata at napangiti. Excited.

"Sinong may birthday?" tanong ng batang babae.

Napaisip si Sarah at sinabi, "Birthday ni Luis!"

Nag-cheer ang mga bata. Pero napaisip si Macy.

"'Di ba may soccer practice sila?" aniya. "Kasama ni kuya."

Nagulat si Sarah. Napatingin si Cora sa kanya.

"H-hindi, Macy, kunwari lang na may soccer practice," dahilan ni Sarah at nagbigay ng malawak na ngiti. "Ang tutoo, may surprise party! Nandon nga ang kuya mo! Saka iba n'yo pang mga classmates!"

Nag-cheer ang lahat. Maingay. Napatingin si Noel na nagmamaneho.

"Kaya kailangan tahimik kayong lahat kasi surprise nga," sabi ni Cora, pilit na ngumungiti.

Nang si Cora ang nagsalita ay napatango agad ang mga bata.

"So quiet tayo ha," sabi ni Sarah. "Para ma-surprise natin si Luis!"

Nagkatinginan ang mga bata. Agree sila. At sumenyas sa isa't-isa, hintuturo sa kanilang mga bibig, na sila'y maging quiet. Nanahimik sa loob ng school bus, sa mukha ng mga bata ang nagpipigil na excitement—lalo na si Macy pagka't makikita niya si Marco at nawala ang disappointment niya na hindi niya ito nakausap kanina.

Nakangiting umiling si Cora. Sa isip niya, ganoon lang kadali utuin ng mga bata. Lalo na ang mga batang ito na laki sa yaman, mga spoiled ng magulang, mga walang alam sa kahirapan, at siya'y nakaramdam ng pagkamuhi. Tuturuan ko kayo kung paano dumanas ng hirap. Gagawin kayong mababait na tupa ni Ama.

Samantala si Sarah ay litrato pa rin ng pagdadalawang-isip, nguni't alam niya na wala siyang kapangyarihang magdesisyon, wala siyang lakas na tumiwalag. Siya'y napayuko na lamang at sinuko ang sarili sa mangyayari.

***

Lumihis sa kanyang rota ang school bus na maneho ni Noel, paiwas sa traffic, tumawid ng EDSA at nagpakanan-kaliwa sa maliliit na mga eskenita hanggang sa makarating sa malubak na daanan kung saan walang ibang sasakyan.

"Malapit na tayo," sabi ni Cora kay Sarah. "Patayin mo na'ng cellphone mo."

Kinuha ni Sarah ang kanyang cellphone sa bulsa at in-off ito. Pinatay din ni Noel ang cellphone niya. Lumiko ang school bus sa isang makitid at mahabang daanan sa gitna ng dalawang matataas na mga simentong pader hanggang sa matumbok ang isang dead end. Doon may isang sira-sirang yerong gate na papasok sa isang nabubulok na warehouse. Isang oras na ang nakalipas mula nang lisanin nila ang Montessori.

Nagtataka ang mga bata, maririnig ang mga bulungan.

Nasan tayo?
Hindi naman ito bahay ni Luis a.
Dito ba ang surprise party?
Hindi naman ito Jobee eh.
Katakot naman dito.
Gusto ko na umuwi.

Bumusina si Noel. Maya-maya'y may nagbukas na gate—isang malaking lalaki. Pumasok ang school bus sa loob ng warehouse at sumara ang gate. Malawak ang loob, mataas ang kisame. Kalawangin na rin ang loob tulad ng sa labas, sa sahig, may mga pool ng tubig mula sa mga butas ng bubungan. Pinababa nila ang mga bata. Ganon na lang ang takot ng mga ito.

Malinaw na hindi ito birthday party ni Luis.

May sasakyan sa loob—isang medyo lumang 4-wheel na delivery truck. Sa harapan ay para sa driver at passenger seat at ang likuran ay kuwadradong aluminum na container, walang bintana maliban sa grills na pasukan ng hangin. Binuksan ng malaking lalaki ang likuran ng truck. Tinawag siya ni Noel na Meong.

"Pasok sa loob!" sigaw ni Cora sa mga bata at tinuro ang loob ng delivery truck.

Nagiyakan ang mga bata. Ang ilan ay nagtakbuhan—si Christopher at isa pang batang lalaki na pangalan ay Stephen, at si Macy.

"Habulin n'yo!" sigaw ni Cora.

Si Macy ay tumakbo sa direksyon ni Sarah.

"Sarah!" turo ni Cora.

Una'y parang ayaw harangin ni Sarah si Macy. Nang mapalapit ito'y hinawakan niya sa braso. Nanginginig sa takot si Macy at lumuluha. Ang dalawang batang lalaki ay nahuli nina Noel at Meong, nanlaban ang mga ito pero sila'y sinampal sa mga mukha. Ang ibang mga bata—limang maliliit na babae ay bantay ni Cora at mga nanginginig din sa takot at nagiiyakan, lalo na nang makitang sinaktan ang iba sa kanila.

Pinasok nila ang mga bata sa likuran ng delivery truck—madilim ang loob, kalawangin at madumi. Ma-grasa ang pader at maputik ang sahig. Huling ikinarga si Macy sa loob. Nagsiksikan ang mga bata sa dulo, nanginginig sa takot.

"Talian n'yong mga kamay," senyas ni Cora. "At busalan ang mga bibig. Mahirap na. Maiingay ang mga 'yan."

Gamit ang duct tape ay tinalian nina Noel at Meong ang kamay ng mga bata at sinarhan ang bibig ng mga ito. Pagkatapos ay kinunan sila ni Cora ng litrato gamit ang cellphone. Tuloy ang iyakan, agos ang sipon, ang iba'y nagmamakaawa at humihingi ng tulong kay Sarah. Nakakaramdam ng pagkaawa tuloy si Sarah.

"Hindi ba sila maiinitan d'yan sa loob?" alala ni Sarah. "Baka hindi sila makahinga."

"Tama 'yan nang makaranas sila ng hirap," nakangiting sabi ni Cora.

Bumaba si Noel nang matapos sila ni Meong na naiwan sa loob para bantayan ang mga bata.

"Siguraduhin mong hindi maingay ang mga 'yan," turo ni Cora.

Tumango si Meong at sinara nilang pintuan sa likuran. Binuksan ni Noel ang gate ng warehouse pagkatapos ay sumakay sa delivery truck at ini-start ang makina. Sumakay din si Sarah nguni't si Cora ay nanatili sa labas.

"Hindi ka sasama?" nagtatakang tanong ni Sarah.

Saglit na nagkatinginan sina Noel at Cora na hindi kita ni Sarah.

"Ah eh, may aasikasuhin pa kasi ako," dahilan ni Cora.

"Ha? Anong sasabihin ko kay Ama?" tanong ni Sarah.

"Si Noel na magsasabi."

Napatingin agad si Sarah kay Noel. Nagtataka si Sarah. Wala ito sa plano.

"Akala ko'y sabay-sabay tayong uuwi sa tahanan?" sabi ni Sarah sa dalawa.

"May mga nakausap kasi siyang mga taong gusto sumapi sa ating samahan," sabi ni Noel.

Alam ni Cora na kasinungalingan iyon, pero hanga siya na naisip iyon ni Noel.

"Ah, oo, oo," tango ni Cora. "Mga kasamahan ko dati sa simbahan. Papunta sila dito."

"Ganoon ba?" intindi ni Sarah.

"Nabalitaan nila ang araw ng pagwawakas," dagdag ni Noel. "Gusto rin nilang makaligtas."

Nang marinig ang dahilan ay agad na sumang-ayon si Sarah.

"Kung ganon pilitin mo sila," sabi ni Sarah kay Cora. "Kailangang marami ang mailigtas natin. Mabubuti ba silang tao?"

"O-oo naman," sabi ni Cora, pero pinipigil na matawa.

Mula sa likuran, ang kalampag ni Meong.

"Hindi pa ba tayo aalis?" sigaw niya sa likuran. "Mainit dito!"

"Sige na, alis na kayo," sinara ni Cora ang pintuan ni Sarah.

Inapakan ni Noel ang gas at umusad palabas ng gate ang delivery truck. Kumaway si Sarah kay Cora. Nang makaalis na ang truck ay napangiti si Cora.

"Uto-uto," aniya.

Sinara ni Cora ang gate ng warehouse at mula sa kanyang bulsa ay may kinuha—isang maliit na papel. Binuklat niya ito at naroon nakasulat ang numero ng telepono. Gusto na niyang i-dial ang numero nguni't nagpigil siya't naisip na bukas na lang.

Bumalik ang delivery truck sa mga pasikot-sikot na daanan hanggang sa makarating sa malaking kalye na patungo ng North Expressway.

Sa mga sandaling iyon ay kasalukuyang kasigawan ni Joanna ang babae sa school at katatapos pa lamang ng meeting ni David. Nang maireport ng school sa pulisya ang tungkol sa nawawalang school bus ay nasa Expressway na ang delivery truck, palayo nang palayo.

Nang magdatingan sina Inspector Tiglao at ang grupo ng PNP-AKG ay malayo na ang mga bata.

NEXT CHAPTER: "Ransom"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top