Chapter 32: Judgment Day
"Kailangan kong malaman na ligtas ang mga bata," sabi ni Inspector Tiglao sa cellphone.
"Okay," sabi ng lalaki sa kabilang linya. "Tatawagan kita uli."
Natapos pansamantala ang tawag. Binaba ni Tiglao ang cellphone. Kasama niya sina Andy at Captain Sadyawan. Sina SP01 Suratos, P01 Laperna at ibang mga pulis ay kasalukuyang hinahanap ang tamang trail na papunta ng Tahanan.
"Tatawagan ko si Batac," sabi ni Tiglao.
***
Do not engage. I'm on my way.
Iyon ang sinabi ni General Batac nang tawagan siya ni Inspector Tiglao at ibalita ang nangyari at ngayon, papunta na ang heneral dala ang ransom money. Nabuksan muli ang negosasyon at handa na ang mgs pulis na makipagusap sa mga kidnappers na nagpakilala lamang bilang mga kasamahan ni Cora, lingid sa kaalaman nila na sina Carding at Tano pala. Tinanong ng mga ito sa pulis kung anong nangyari kay Cora at nagsinungaling si Tiglao at sinabing hindi natuloy ang palitan ng pera pagka't biglang hindi nagpakita si Cora. Hindi na muling nagtanong pa si Carding, lalo na't sinabi ni Tiglao na parating na ang pera.
Gayunpaman ay hindi mapakali si Tiglao. Pinoproblema niya ang oras. Tiyak na matatagalan ang heneral kahit na maghelicopter pa ito. Dahil sa makapal na hamog ay mapipilitang lumanding ang helicopter sa PROCOR, at mula pa roon manggagaling ang heneral tungo sa kinaroroonan nila. Hindi mapakali si Tiglao, may kaba sa kanyang dibdib, pakiramdam niya'y nanganganib ang mga bata.
Maya-maya'y tumunog ang cellphone niya. Pumasok ang picture message—litrato ng walong mga bata na nakaupo sa loob ng kuwarto. Pinakita niya ito kina Andy at Captain Sadyawan.
"Binihisan pa nila ng puro puti," pansin ni Sadyawan. Sa litrato, suot ng mga bata'y kulay puti na mga damit. "Parang kulto nga."
"Araw ng Paghahatol," muni ni Andy.
Napatingin sa kanya si Tiglao.
Bigla, nagring ang kanyang cellphone.
"Hello?"
"Nakuha mo?" tanong ng lalaki.
"Oo," sabi ni Tiglao.
"Kailangang madala mo ang pera bago magtanghali," sabi ng lalaki. "May kukuha ng pera sa iyo, pagkatapos ay ituturo niya ang papunta dito kung nasaan ang mga bata. Kapag nakalayo na ang kasama ko, pakakawalan kong mga bata. 'Wag kayong magtatangka na patayin ako, may mga sniper ako sa paligid, uunahin nilang mga bata. Kunsyensya n'yo na lang."
"Okay, areglado," sabi ni Tiglao.
Natapos muli ang tawag.
"Ano sa tingin, n'yo?" tanong ni Tiglao sa mga kasama.
"Hindi ako naniniwala na may snipers sila," sabi ni Andy.
"Ako rin," dugtong ni Sadyawan. "Nananakot lang."
Pero hindi pa rin mapakali si Tiglao. Nagdadalawang-isip siya kung hihintayin nila si General Batac o papasukin na nila ang tahanan.
"Call mo 'yan, pare," sabi ni Andy.
***
"Philip," tawag ni Beth. "Pagkatapos mo diyan, tawagin mo sila Elza at Maritess at papuntahin mo dito."
Tumango si Philip. Kasalukuyang naghahanda ang binatilyo ng mga plato sa loob ng Bahay-Kainan habang si Beth naman ay nagluluto. Matapos sa ginagawa'y nagpunas si Philip ng mga kamay at napatingin sa malaking garapon na laman ang juice na may lason. Siya'y napatunganga.
"Huy!" sigaw ni Beth. "Puntahan mo na sila Elza!"
Nagulat si Philip at natauhan. Nagmamadali siyang lumabas ng Bahay Kainan at muling nagulat nang muntik niyang mabangga si Sarah sa labas. Dala-dala ni Sarah ang dalawang sulo o torch. Ito'y pahabang kahoy na sa dulo ay may nakabalumbon na tela gamit ang alambre. Dire-diretso lang si Sarah patungo ng Bahay Dasalan, animo'y hindi nakita si Philip, na ipinagtaka ng binatilyo pagka't tila walang emosyon si Sarah. Naisip niya na maaaring dahil sa magaganap mamaya—ang kanilang pagpapakamatay na nalaman lamang niya kamakailan.
Nang malapit na sa Bahay Tulugan ay natanaw naman ni Philip sina Carding at Tano na kalalabas lang ng Bahay Imbakan. Sila rin ay siryoso tulad ni Sarah. Nakita niya na si Tano ay tangan ang itak at siya'y kinabahan. May trauma pa siya na masaksihan ang pagpatay kay Noel at simula noo'y dala-dala niya ang matinding takot.
Pumasok si Philip sa loob ng Bahay Tulugan at nakita sina Maritess at Elza na inaayusan ang walong mga bata na bagong paligo at nakabihis ng kulay puti. Sinusuklay nilang buhok ng mga ito.
"Tawag kayo ni Beth," sabi ni Philip sa dalawang dalaga na bihis rin ng kulay puti, mahabang mga bistida, tulad nina Beth at Sarah.
"O, bantayan mo sila," sabi ni Elza. "Hinahanap ka nga pala ni Tano, kakapunta lang niya dito."
"B-bakit daw?" may nginig na tanong ni Philip.
"Ewan ko," kibit-balikat ni Elza. "Basta kinunan pa nga niya ng litrato ang mga bata."
Pagkasabi'y lumabas ng kuwarto sina Elza at Maritess. Kung ang iba'y siryoso, sina Elza at Maritess nama'y tila masasaya. Excited pa.
Nilapitan ni Philip ang mga bata.
"Kuya Philip," sabi ni Macy. "Anong mangyayari mamaya?"
Nagtinginan ang mga bata, hinihintay ang kasagutan ni Philip. Ramdam nilang may nagaganap. Tumingin sa kanila si Philip. Paano niya sasabihin sa mga bata na kasama silang lahat sa magpapakamatay. Ang kaba niya sa dibdib ay dumoble.
***
"Ama?" tawag ni Carding.
Kumatok si Carding sa pintuan ng bahay ni Ama.
"Ama?...Ruth?"
Mabilis ang pintig ng puso ni Carding, may pawis sa kanyang noo. Nanlalamig ang kamay niya na hawak ang kanyang balisong. Tumingin siya sa likuran, kay Tano na kasunod niya na hawak naman ang itak. Huminga si Carding nang malalim, inikot ang doorknob at humakbang paloob.
"Ama? Ruth?"
Nagulat sina Carding at Tano nang makita si Ama na nakahiga sa sahig at kanlong-kanlong ni Ruth. Nanginginig ang katawan ni Ama at tirik kanyang mga mata. May sinasabi na hindi nila wari.
"Anong nangyayari?" nagtatakang tanong ni Carding.
"May pangitain si Ama!" sabi ni Ruth.
Pangitain. Ibig sabihin nito'y may "vision" si Ama na umano'y galing sa Diyos. Madalas ay ukol sa mangyayari sa hinaharap, tulad na lamang ng pagtatapos ng mundo o ang Araw ng Paghahatol. Ilang beses na nila itong nasaksihan. Si Ama na propeta.
"Anong pangitain?" mabilis na tanong ni Tano.
Biglang tumigil sa pagkikisay si Ama at bumalik sa normal. Hinihingal siya't nanghihina. Tinulungan siyang makaupo ni Ruth.
"Ama? Anong nakita mo?" tanong ni Ruth.
Biglang dinapuan ng kaba sina Carding at Tano. Paano kung ang pangitain pala ni Ama'y ang binabalak nila sa sandaling iyon? Na nagpunta sila roon para patayin ang kanilang pinuno. Na ipinagpalit na nila ito sa pera, sa ransom. Lalo pa silang kinabahan nang napatingin si Ama sa hawak nilang balisong at itak. Humigpit ang kapit ng dalawa sa mga patalim, handa na sila sa sandaling akusahan sila ni Ama. Tutuluyan nila ito, kasama na si Beth kung manlalaban. Nguni't, ibang sinabi ni Ama.
"Kumuha pa kayo ng mga kutsilyo," sabi ni Ama. "Mag-armas kayo. Malapit na sila."
"Sino?" tanong ni Ruth.
"Ang mga pulis."
Inalalayan nilang makatayo si Ama na sinabi: "Ihanda n'yo na ang lahat, umpisahan na natin."
"Wala pang tanghalian," sabi ni Carding.
"Wala na tayong oras," balik ni Ama. "Ngayon na natin gawin ang sakripisyo."
Pagkasabi'y nagmamadaling lumabas sina Ama at Ruth. Nagkatinginan sina Carding at Tano, tinatanong ang mga sarili kung anong gagawin nila ngayong hindi nila naituloy ang binabalak.
***
Hindi mapakaling nagpapalakad-lakad si Inspector Tiglao. Panay buga niya ng hanging-lamig, ang gubat ay nananatiling balot sa makapal na hamog.
"Okay ka lang, pare?" tanong ni Andy habang nagsindi ng sigarilyo.
"Alam mo 'yung kinakabahan ka, pero hindi mo maipaliwanag?" sabi ng inspector.
"Madalas akong ganyan," amin ni Captain Sadyawan.
"Itong Araw ng Paghahatol na ito..." kunot-noo ni Tiglao. "Paano kung ngayon ito?"
"Ngayong araw?" pagtaas-kilay ni Andy.
Tumango si Tiglao, "Malakas ang kutob ko, pare."
"Kaya ba nakaputi ang mga bata?" tanong ni Sadyawan.
Nagkatinginan sila sa isa't-isa. At lalo pang lumakas ang pangamba ni Tiglao. Natanim na sa isipan niya ang tungkol sa mga Doomsday Cults, ang mga na-research nila: Branch Davidians, ang kulto sa Japan, ang suicides sa Jonestown at ng samahang Heaven's Gate. Alam niyang hindi ito tipikal na kidnapping lang, natatakot siya na maaaring magtapos ito tulad ng mga doomsday cults na iyon.
Narinig nila ang boses. Hugis ng dalawang tao na paparating na humawi sa hamog. Sina Suratos at Laperna.
"Sir!" tawag ni Suratos.
"Ano 'yon?"
"Nakita na namin!" balita ni Laperna.
Sinundan nina Tiglao, Andy at Captain Sadyawan ang dalawang pulis sa paikot na trail hanggang sa makarating sila sa kinaroroonan ng iba pang mga pulis, ang tatlong mga patrolman na sina Dagliw-a, Magalong at ang babae na si Reyes.
"Dito, sir!" turo ni Reyes.
Tulad ng inaasahan nila, ang tamang daan ay tinakpan ng mga dahon at kahoy para ikubli ito, bagay na ang gumawa ay sina Carding at Tano kahapon matapos nilang patayin si Noel. Utos ito ni Ama para nga linlangin at i-delay ang mga pulis.
"Anong gagawin natin, sir?" tanong ni Suratos.
Ipinaalala ni Captain Sadyawan na ang utos ni General Batac ay na huwag i-engage ang mga kidnappers at antayin siya at ang ransom money, at makipag-negotiate. Pero, sinabi rin ng kapitan na sang-ayon siya kay Andy, na ito'y call na ni Tiglao—aantayin ba nila ang heneral o itutuloy nila ang rescue operation? Hirap makapagdesisyon si Tiglao. Nagkatinginan sila ni Andy. Tumango ang kanyang kaibigang P.I., nagsasabi na sundin niyang nararamdaman niya, ang kanyang instinct. Tumango si Tiglao pabalik bago humarap sa lahat.
"Okay, everyone. Naniniwala ako...that the hostages are in danger, imminent danger," aniya. "If we don't act now, if we wait for the general...the hostages, the eight children may lose their lives...This is my command decision. We will rescue the children right now. I take responsibility for this decision."
Tumango ang lahat. Malaki ang tiwala nila kay Tiglao. Sa tutoo, nangangati na rin sila sa sagupaan at iniisip nilang kalagayan ng mga bata.
"Okay, let's move!" sigaw ni Tiglao.
***
"Pero, wala pang tanghalian," sabi ni Sarah. "Akala ko ba'y mamaya pa?"
"Ngayon na raw sabi ni Ama," sabi ni Beth.
Sa loob ng Bahay Kainan ay nagkakagulo ang mga dalaga, sina Elza at Maritess na ilabas ang mga pagkain, plato't mga kubyertos para dalhin sa Bahay Dasalan kung saan nila gaganapin ang ritwal—ang paglalason.
"'Yung mga baso!" turo ni Beth kina Elza at Maritess.
"Pero, sabi ni Ama sa tanghalian pa, 'di ba?" ulit ni Sarah.
"Ano ba, Sarah! Marunong ka pa kay Ama!" inis na bulyaw ni Beth habang hinawakan ang buhatan ng malaking garapon na laman ang juice. "Halika, tulungan mo ako!"
Parang nagdadalawang-isip si Sarah na lumapit. Nagulat siya nang kinuha nina Elza at Maritess ang mga kutsilyo.
"Saan ninyo dadalhin 'yan?"
"Parating ang mga pulis!" ang sabi lang ni Maritess.
"Tara na, Sarah!" sigaw ni Beth.
Walang nagawa si Sarah at hinawakan ang kabila ng garapon at inilabas nila ito ni Beth ng Bahay Kainan. Sa labas, kitang naghahanda na ang lahat. Sa may Bahay Dasalan, naroon si Ama nakabihis ng puti, ang buhok ay nakalugay na parang si Hesus. Si Tano ay nagsisindi ng mga kandila sa paanan ng Bahay Dasalan habang sinisindihan naman ni Carding ang dalawang sulo na nakatuhog sa lupa.
"Dito! Ilapag niyo dito!" turo ni Ruth.
Nilapag nina Sarah at Beth ang garapon sa bukana ng Bahay Dasalan.
"Ang mga baso! Ang mga baso!" sigaw ni Ruth.
Nagmamadaling nilapag ni Maritess ang mga baso sa tabi ng garapon.
"Kapag dumating ang mga pulis at hindi pa tayo patay, lalaban tayo!" tinaas ni Ruth ang kutsilyo niya. Ganon din sina Elza at Maritess na may hawak na kutsilyo.
Sa may likuran, nagkatinginan sina Carding at Tano, nakahanda ang balisong at itak nila.
"Ang mga bata..." sabi ni Ama at lumingon kay Sarah. "Sarah, dalhin mo na ang mga bata dito."
Hindi agad naka-react si Sarah.
"Sarah! Bilisan mo na!" sigaw ni Ruth.
Napaatras si Sarah at lumakad tungo ng Bahay Tulugan. Habang naglalakad ay kumakalabog ang dibdib niya. Hindi rin niya maintindihan kung bakit siya nagkakaganoon. Noong isang araw lamang ay tanggap na niya ang lahat, handa na niyang ialay ang kanyang buhay para sa Diyos, para kay Ama. Pero bakit parang bigla siyang dinapuan ng kunsiyensya? At na-realize niya, nagsimula siyang makaramdam ng ganoon noong araw na pinatay nila Ama si Noel.
Pagpasok niya sa Bahay Tulugan ay naroon si Philip kasamang mga bata.
Napalunok si Sarah nang makita ang mga bata na nakasuot ng puti at maaayos ang mga hitsura. Na para bang sila'y magkokomunyon. Na para bang papasok lang sila ng eskuwela. Biglang niyang naalala ang mga araw na nilagi niya kasamang mga ito, sila ni Noel, hatid-sundo sa school bus. Parang maluluha si Sarah. Kilala niya silang lahat. Kabisado niyang mga pangalan nila: Macy, Apple, Elly, Louella, Joy, Anna, Stephen at Christopher. Kilala niyang mga ugali nila. Sinong tahimik o maingay. Sinong palangiti o laging nakasimangot. Sinong madamot o mapagbigay. Kilala niya silang lahat.
At dinapuan siya ng matinding kunsiyensya.
"Ate Sarah?" sabi ni Macy.
"Macy..."
"Uuwi na ba kami?"
Hindi makasagot si Sarah. Naluluha siya. Nakita ito ni Philip at lumapit.
"Tulungan mo sila, ate," aniya.
"Ha?"
"Papatayin nila sila," sabi ni Philip.
Nagulat si Sarah sa pahayag ng binatilyo. Ang alam niya'y hindi alam ni Philip ang tungkol sa pagpapatiwakal.
"Tumakas na tayo," sabi ni Philip.
Pero, bago makasagot si Sarah ay biglang nagpasukan sina Ruth, Elza at Maritess.
"Ano ba't antagal niyo?" bulyaw ni Ruth. "Nagaantay na si Ama!"
Hinawakan nilang mga bata't isa-isang pinalabas ng bahay.
"Bilisan n'yo!" sigaw ni Maritess.
Naglabasan ang lahat. Sa hulihan sina Sarah at Beth. Palabas na si Sarah ng pintuan nang hawakan siya ni Beth at tignan sa mukha. Pagka't may luha sa mata si Sarah. Pinahid ito ni Beth.
"Siguro nama'y luha 'yan ng kagalakan," siryosong sabi ni Beth.
Mahinang tumango si Sarah sa kaibigan.
***
"Halikayo! Magsama-sama tayo!" bati ni Ama.
Sa Bahay Dasalan, nakaupo sila sa sahig, kaharap ni Ama ang lahat. Sa pinakaharapan ang walong mga bata, si Philip at ang mga dalaga sa kanilang likuran. Sa pinakalikuran, sa magkabilang gilid sina Carding at Tano, nagpapalitan ng mga tingin na para bang naghihintay ng hudyat.
Sumenyas si Ama sa mga dalaga at nagtayuan ang mga ito. Binigyan nina Ruth at Elza ang mga bata ng tig-iisang mga plato, ganoon din sina Ama, Philip, Carding at Tano. Hawak ang kawali ay nilagyan ni Sarah ng kanin ang mga plato. Nanginginig ang mga kamay niya hawak ang sandok, lalo na nang matapat kay Macy, siya'y parang maluluha. Sina Beth at Maritess nama'y naglagay ng pagkain sa mga plato—piraso ng piniritong manok. Nang kumpleto na ang pagkain ay pumikit si Ama't itinaas ang isang kamay at nagdasal.
Ama, basbasan mo ang biyayang ito na nagmula sa iyong kabutihan. Ang huling pagkain na aming matitikman sa mundo...aming baon sa aming paglalakbay.
Napatingin si Carding sa kanyang plato, sa piraso ng manok at kanin, at napaisip kung gaano kalungkot ang huli niyang kakainin sa kanyang buhay.
Ikaw ang ilaw. Ikaw ang pag-asa. Ikaw ang huling hantungan.
Paulit-ulit nilang dinasal ito. Maging ang mga bata pagka't kabisado na nila ito. Tahimik silang nagsipagkain at matapos ay binasbasan ni Ama ang garapon—ang juice na may lason, at kanyang prinoklama sa malakas na boses:
"Magdiwang! Hinihintay na Niya tayo! Hinihintay na tayo ng Panginoon sa bagong paraiso!"
Nagsipag-cheer ang mga dalaga. Malalakas na sigaw ng Hallelujah! At kanilang inudyok ang mga bata na magdiwang din. Sa sobrang galak, ay naiyak pa sina Ruth, Beth, Elza at Maritess na halos himatayin na sila. Nagdiriwang din si Sarah nguni't may pagka-pilit, ganoon din si Philip. Sina Carding at Tano'y tila nakikisakay lang.
"Oras na!" sigaw ni Ama.
Sumenyas si Ama kina Ruth at sa mga dalaga. Kinuha nilang mga baso at isa-isang nilagyan ng juice mula sa garapon—ang juice na may lasong siyanuro, pagkatapos ay isa-isa nilang binigyan ang mga bata. At sinabi ni Ama sa mga bata:
"Kayo ang magiging gabay namin tungo sa bagong paraiso! Kayong ilaw namin sa daan!"
Hindi alam ni Sarah ang gagawin habang nakatingin siya sa mga bata na hawak ang mga baso. Sa likuran nagkakatinginan sina Carding at Tano.
Tumango si Ama kina Ruth.
"O mga bata, uminom na kayo!" kanyang sabi.
"Inom na!" sabi rin nina Elza at Maritess.
Nguni't, nakatingin lang ang mga bata sa kanilang mga baso.
"Inom na, mga bata!" sabi ni Beth sa kanila.
Nagkatinginan ang mga bata sa isa't-isa.
"Christopher! Stephen! Akala ko ba gusto n'yo ng juice!" sabi ni Beth. "Uminom na kayo!"
Hindi umiinom ang mga bata. Sa katunayan ay takot sila. Naalala nila ang sinabi ni Philip noong sila'y naiwan kasama ito sa Bahay Kainan: na ang juice ay may lason. Lason na alam nilang nakamamatay.
Nagtaka ang mga dalaga. Nagtaka si Ama.
"Ano pang hinihintay n'yo, mga tupa?!" sigaw ni Ruth, at sa kanyang galit ay nilapitan niya si Louella na siyang pinakamaliit na bata at kinuhang hawak nitong baso at pilit na pinaiinom si Louella nguni't sinara ng bata ang kanyang bibig at tinutulak niyang palayo ang baso. Sigaw ni Ruth: "Ibukas mong bibig mo!"
Sinusuksok ni Ruth ang baso sa nakasarang bibig ng bata.
"Inom! Uminom ka!" sigaw niya.
"Malapit nang dumating ang mga pulis," may pangambang sabi ni Ama. "Painumin n'yo na sila, dapat silang mauna sa atin! Iyon ang sabi ng Panginoon!"
Pagkarinig nito'y nilapitan din nina Beth, Elza at Maritess ang ibang mga bata at pilit na pinaiinom, nguni't ayaw ng mga bata. Tinatakpan nilang mga bibig nila at tinataboy ang basong may juice.
"Sarah! Painumin mo sila!" sigaw ni Beth. Pero hindi gumagalaw si Sarah na tigagal sa nasasaksihan. "Sarah!"
Naluluha si Sarah at umiiling. Nagkatinginan sila ni Philip na takot din.
Tinawag ni Ama sina Carding at Tano na nasa likuran.
"Tulungan n'yo sila! Painumin n'yong mga bata!"
Nagkatinginan sina Carding at Tano. Ang tutoo'y pagod na sila sa kahihintay. Ang alam nila'y kailangan nilang mga bata kung hindi'y wala silang ransom money. Nagtanguan ang dalawa at kanilang nilapitan ang mga dalaga.
Mabilis ang mga sumunod na pangyayari.
Una'y hinila ni Tano si Maritess sa buhok at sinalampak ang ulo sa sahig. Parang bolang tumalbog ang ulo ni Maritess sa kahoy na sahig, ang nguso niya'y sumirit ng dugo. Si Elza na kalapit ni Maritess ay sinuntok naman ni Tano sa mukha. Napaatras si Elza at napaupo sa sahig, duguang bibig, ang ngipin niya sa harapan ay lumaylay.
Kasabay nito'y nilapitan naman ni Carding sina Beth at Ruth. Pinulupot ni Carding ang braso niya sa leeg ni Beth at sinakal habang tinadyakan naman niya si Ruth sa tagiliran. Bumalandra si Ruth sa poste, maririnig ang pagkabali ng buto. Hindi makahinga si Beth, nagpupumilit na pumiglas. Sinuntok siya ni Carding sa tagiliran ng ulo at siya'y bumagsak sa sahig.
Ganoon na lang ang gulat nina Sarah, Philip at mga bata. Lalo na si Ama.
"Anong ginawa n'yo?!" sigaw ni Ama kina Carding at Tano. "ANONG GINAWA N'YO?!"
Nilapitan nina Carding at Tano si Ama at bigla na lamang sinaksak. Si Carding gamit ang kanyang balisong ay sinaksak si Ama nang sunod-sunod sa dibdib at tiyan. Si Tano gamit ang itak ay tinaga si Ama sa may leeg.
Nagsigawan ang mga dalaga nang makita ito.
Unang nakabangon sina Elza at Ruth at kanilang kinuhang mga kutsilyo, at habang sinasaksak nina Carding at Tano si Ama na napaluhod na sa sahig ay nilapitan nilang mga ito.
Sinaksak ni Elza si Tano sa tagiliran na napadaing.
Inundayan ni Ruth ng saksak si Carding na hinarang ang kanyang palad at doon bumaon ang kutsilyo. Napadaing siya. Gumanti ang mga lalaki. Tinaga ni Tano si Elza sa braso. Sinaksak ni Carding si Ruth sa balikat. Nagsipagbangunan sina Beth at Maritess at kinuha ring mga kutsilyo nila para tulungan ang mga dalaga.
Tumingin si Sarah kay Philip.
"Takbo..." aniya. "TAKBO!"
Hinatak ni Philip mga bata. Nagtakbuhan sila palabas ng Bahay Dasalan.
"Takbo!" sigaw pa ni Sarah. "Itakas mo sila, Philip!"
Umaagos ang dugo sa tagiliran ni Tano. Uundayan niya ng taga si Elza nguni't hinawakan ng dalaga ang kanyang kamay. Lumapit si Beth at sinaksak si Tano sa tiyan.
Nanlalaking-matang nakatingin si Carding sa kanyang kamay—sa kutsilyo na nakabaon sa kanyang palad. Agos ng dugo. Hawak ni Ruth ang dumudugo niyang balikat. Umatake siya uli at nahiwa si Carding sa katawan. Umatake naman si Maritess at binaon ang kustilyo sa balikat ni Carding. Humiyaw si Carding at bumigwas ng saksak—ang balisong niya'y sakto sa leeg ni Maritess. Napaatras si Maritess, ang balisong nakabaon sa kanyang leeg. Bumulwak siya ng dugo at natumba. Napaluhod si Carding, dumudugo ang balikat, ang kamay na may nakabaon pang kutsilyo. Dinampot ni Ruth ang kutsilyo ni Maritess at pinagsasaksak si Carding—sa dibdib, sa leeg, sa mukha, sa mata.
Sa kabila, halinhinang pinagsasaksak naman nina Beth at Elza si Tano na matapos matumba sa sahig ay patuloy pa rin nilang sinasaksak. Nangingisay si Tano, pumapadyak ang mga paa. Talsik ng dugo. Ang kasuotang puti ng mga dalaga'y nagkulay pula.
Nanlalaki ang mga mata ni Sarah sa nasasaksihan. Sa sahig, gumagapang papunta sa kanya si Maritess, sumusuka ng dugo, humihingi ng tulong. Umiiyak na lumapit si Sarah at hinawakan si Maritess sa kamay na saglit lang ay nalagutan ng hininga.
Buhay pa si Ama. Nag-aagaw buhay.
"AMA!" sigaw ni Beth.
Nakalupasay si Ama sa sahig, naliligo sa dugo. Nilapitan siya nina Beth, Ruth at Elza, umiiyak.
Ama! AMA! AMA! Daing nila.
May sinasabi si Ama.
"Ang mga bata..."
"Ano 'yon, Ama?"
"Ang mga bata...kailangang mauna sila...sa akin...sa atin..."
"Habulin natin ang mga bata!" sigaw ni Elza.
"Lason! Magdala kayo ng lason!" sabi ni Ruth at naramdaman niyang kamay ni Ama sa kanyang braso.
Umiiling si Ama.
"Hindi na ako magtatagal," aniya.
Tinuro ni Ama ang kutsilyo.
"Sakripisyo...ng dugo..." nanghihinang sabi ni Ama. "Tulad ni Abraham kay Isaac."
Napatingin si Ruth sa kutsilyo at naintindihan niya. Tumingin siya kina Beth at Elza. Naintindihan din nila ang dapat nilang gawin. Nagsitayuan sila hawak ang mga kutsilyo para hanapin ang mga bata. Paglabas nila ng Bahay Dasalan ay nakaharang sa kanila si Sarah, hawak ang umaapoy na sulo o torch.
"Sarah..." tingin ni Beth.
"Huli na...huli na..." umiiyak na sabi ni Sarah. "Bayaan n'yo na ang mga bata..."
Lumapit ang tatlong mga dalaga pero winawasiwas ni Sarah ang sulo sa kanila.
"Bitawan mo 'yan, Sarah!" sigaw ni Beth.
Naaninag ni Elza ang mga bata sa malayo, tumatakbo sa hamog, papunta sa gubat kasama si Philip.
"Hayun sila!" sigaw niya.
Patakbo sina Ruth, Beth at Elza tungo ng gubat. Winasiwas ni Sarah ang sulo kay Ruth na nakailag. Nagawang mahawakan nina Beth at Elza si Sarah sa magkabilang braso. Inagaw ni Ruth ang sulo.
"Taksil ka!" sigaw ni Ruth. "Pare-pareho kayo ni Noel, ni Carding, ni Tano! Lalamunin kayo ng apoy!"
Pagkasabi'y sinaksak ni Ruth si Sarah sa tiyan.
Napaluhod si Sarah sa lupa. Bakat ng dugo sa puti niyang damit.
"Halikanakayo! Habulin natin ang mga bata!" sigaw ni Ruth.
"Paano si Sarah?" tanong ni Beth.
Umiling sa kanya si Ruth, na nagsasabing tuluyan na niya si Sarah. Naunang tumakbo sina Ruth at Elza patungo ng gubat. Napahiga si Sarah sa lupa, hawak ang dumudugong tiyan. Lumuhod si Beth sa tabi niya.
"B...Beth..."
Hinawakan ni Beth ng dalawang kamay ang kutsilyo, ang talim ay nakaturo paibaba at itinaas sa kanyang ulo. Ang patalim ay nakatapat sa dibdib ni Sarah.
"Patawad, Sarah...patawad," iyak ni Beth.
"Beth..."
"Patawad.."
Ibabagsak na ni Beth ang talim kay Sarah nang umalingawngaw ang putok ng baril.
Unti-unti nang nawawalan ng malay si Sarah pero narinig niya ang putok. At kita niyang lumingon si Beth at tumingin sa malayo. Rinig ni Sarah na may mga sumisigaw na tao, na sinasabing ibaba ni Beth ang patalim. Pero, hindi sila pinansin ni Beth na ibinalik ang tingin kay Sarah at muling bumuwelo ng saksak.
Pumutok uli ang baril.
At nakita ni Sarah na bumulwak ang dugo sa ulo ni Beth. Ang bala'y pumasok sa kanyang tenga at lumabas sa kabila. Bumagsak si Beth sa kanyang tabi, dilat at nakanganga. Dead on the spot.
Kita ni Sarah ang nagsipaglapitang mga naka-uniporme. Alam niyang mga pulis. Unang nasilayan niya'y ang may edarang pulis na hawak ang baril—si Tiglao. Pagkatapos ay ilan pang mga pulis. Isang babaeng pulis—si Laperna ay hinawakan ang dumudugo niyang tiyan ng dalawang kamay, pinipigilan ang dugo. Nakita niyang hinubad ng may edarang lalaki ang kanyang itim na leather jacket, binalumbon at nilagay sa likuran ng kanyang leeg. Nakatulong ito, pagka't nalulunod na siya sa dugo. Pero, pansamantala lamang. Nanghihina na si Sarah, alam niyang mamamatay na siya. Kinuha niyang huling lakas para magsalita.
"May sinasabi siya!" turo ng babaeng pulis.
Nilapit ng may edarang pulis ang kanyang mukha.
"Ano 'yon, iha?" tanong ng pulis.
Binuka ni Sarah ang kanyang bibig.
"Sa..sa gubat...ang mga bata..."
Wala na siyang lakas pero nagawa niyang maiangat ang kanyang isang kamay at ituro ang direksyon ng gubat.
"Doon! DOON!" sigaw ng may edarang pulis sa mga kasama. "Nandoon ang mga bata!"
Saglit pang nanatiling nakaturo si Sarah hanggang sa bumagsak ang kanyang kamay.
At siya'y pumikit.
NEXT CHAPTER: "Finale"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top