Chapter 31: Into the Woods
6:23 AM. THURSDAY.
Maagang lumisan ang grupo nila Inspector Tiglao mula sa himpilan ng PROCOR dalang kanyang kotse at sinusundan ang patrol jeep, isang Toyota Hilux na pick-up na ang likuran ay may open passenger area, pahabang upuan na magkabaligtaran. Doon nakaupo ang tatlong mga pulis, dalawang lalaki't isang babae. Sa harapan nakaupo si Captain Sadyawan kasamang isa pang lalaking pulis na nagmamaneho.
Ang daan nila'y mula sa La Trinidad-Bontoc Road at makarating ng bayan ng Tublay sila'y huminto sa gasolinahan para magkarga ng gasolina at mula roon ay tinuhog ang Acop-Kapangan-Kibungan-Bakun Road, daan na tila pataas ng pataas patungo ng bundok. Bagama't tumila ang ulan ay makulimlim pa rin ang kalangitan.
"Mabuti tumigil ang ulan," sabi ni P01 Laperna.
"Mabuti," sang-ayon ni Mr. Laperna, nakaupo ang dalawa kasama si Andy sa dating puwesto sa likuran. "Pero, hindi 'yun ang problema na natin."
"Eh ano?"
"'Yung hamog. 'Yung fog."
Tumpak sa sinabi ng may edarang surveillance expert, pagka't habang paakyat sila ng paakyat ng kalsada'y tila kumakapal naman ang hamog. Ang temperatura'y tila lumamig pa. Sa kanilang bibig ay ang hanging-lamig. Mabuti na lang at nakasuot sila ng makakapal na jacket. Si Mr. Laperna'y suot ay knitted na sweater na aniya'y nabili pa niya noon sa Baguio panahon pa ni Macoy. Paniwala naman ang lahat pagka't amoy aparador ang sweater. Si Andy nama'y kumportable sa suot niyang itim na leather jacket, habang si Tiglao ay naka-scarf pa. Biro ni SP01 Suratos na siguro'y malimit daw mabuntis ang mga misis sa lugar na iyon.
"Alam n'yo na, maginaw eh," ngiti niya. "Siyempre, panay ang tabi at kalabit ni mister."
"Nagfa-family planning naman siguro sila," sabi ni Laperna.
Dahil na rin sa hamog, tuwing liliko ang mga sasakyan nila sa matatalas na kurbada ay bumubusina sila nang sa gayon ay maalerto ang sasakyan na kanilang kasalubong. Hindi lang iyon, sa zigzag road na patungo ng Kapangan, ay paunti rin ng paunti ang mga bahay, patunay na palayo sila ng palayo sa sibilisasyon. May napansin si Mr. Albalde na hindi nawawala.
"O, Iglesia ni Kristo na naman!" turo niya sa gusali, nasa Posos na sila na nasa bayan ng Tublay. "Pangatlong Iglesia na ata 'yon na nakita ko."
Tinanong ni Laperna kung karamihan ba sa mga tagaroo'y mga Iglesia, ani ni Andy na sa katunayan ay maliit lamang ang sector ng Iglesia ni Kristo sa Benguet. Nakakarami pa rin ang mga Katoliko, pero malaki rin ang sektor ng mga Protestante, mas malaki sa Iglesia. Mga Baptist, Methodist at Jehovah's Witness.
"Saksi ni Jehovah," sabi ni Inspector Tiglao. "Nadaanan natin 'yung isang simbahan nila kanina."
Dahil doon, napunta ang paksa nilang muli sa sinabi ni Andy na Doomsday Cult na ang pakay nila'y puntahan ang settlement sa bundok para iligtas ang nakidnap na mga bata. Ang tanong ay kung ano bang relihiyon sila? Ayon kay Andy sila'y mga Christians, na ang batayan nila'y ang ebangheliyo pa rin ng bibliya, iyon nga lang ay may kakaiba silang interpretasyon, at ang sentro ng kanilang paniniwala ay ang mga nakasaad sa Book of Revelation. Kung totoo man ito'y, anong kinalaman ng mga bata? Bakit sila kinidnap? Ang teorya ni Andy ay:
"Maaring hindi pera," ani ng private investigator.
Nagtaka ang lahat. Sinabi ni Andy na maaaring ang pera, ang ransom ay bagay na si Cora ang nagplano, kasama sina Noel at ang nagngangalang Meong. Na ito'y hindi alam sa kanilang kulto. Kutob ni Andy na ang nakausap nilang nagpapanggap na si Noel ay maaaring kasamahan nila. Maari ngang iyon ang pinuno.
"Kung kidnap-for-ransom ito, bakit hindi sila nag-follow up?" ani ni Andy.
Bago sila umalis ng PROCOR ay sinubukan nilang kontakin muli ang cellphone ni Noel, pero patay na ang linya nito. Nangangahulugan ayon kay Andy, na wala talagang interes ang mga may hawak sa mga bata sa pera.
"Nakuha na nila ang kailangan nila, ang mga bata," patuloy ni Andy. "Isa itong kidnapping na walang kinalaman sa ransom."
Ang halimbawa ni Andy ay ang mga kulto na nangingidnap ng mga bata't teenagers at dinadala sa kanilang commune o settlement para palakihin bilang mga miyembro nila. Isang paraan ng brainwashing. Aniya, kadalasan na kinikidnap ay ligaw na mga bata, mga street children, mga walang magulang, kung kaya't kataka-taka rin na nangahas ang kultong ito na mangidnap ng mga bata mula sa may kayang mga pamilya.
"Well, ikaw na rin ang nagsabi, pare," sabi ni Tiglao. "Twisted din ang pag-iisip nila."
"Siguro nga," tango ni Andy.
Halos isang oras din ang inabot nila bago marating ang sentro ng Kapangan. Sa may Lomon, huminto sila sa istasyon ng pulis sa munisipiyo para kausapin ni Captain Sadyawan ang hepe roon. Sinabi nila ang pakay nila at humingi ng tulong na matunton ang sinasabing settlement. Sinamahan sila ng isang lalaking pulis na pamilyar sa bulubunduking lugar. Saglit lang ay bumiyahe na uli sila, at mula sa main road ay pumasok sa mas maliit na daan ng Pukok na tila mas lalong papasok pa ng bundok. Sinundan nila ang daan na ito hanggang sa matumbok nila ang maliit na barangay ng Pudong. At mula roon, sa daan na tila wala ng bahay na matanaw sa paligid. Dito, mas makapal pa ang hamog na hirap na makita ang kalsada.
Makaraan ang ilang minuto ay huminto ang patrol jeep nila Captain Sadyawan at nagbabaan ang mga pulis na sakay nito. Huminto rin sina Inspector Tiglao. Lumapit si Captain Sadyawan sa sasakyan nila.
"Anong nangyari?" pagbukas ng bintana ni Tiglao. "Bakit tayo huminto?"
"Putik, hindi makakadaan ang sasakyan," sabi ni Sadyawan. "Hanggang dito na lang tayo."
Nagbabaan sila Tiglao ng sasakyan para tignan ang unahan ng kalsada at nakita nga ang gadangkal na putik. May paglalandslide at naging impassable ang daanan.
"Anong gagawin natin?" tanong ni P01 Laperna.
"Ano pa, eh 'di maglalakad," sabi ni SP01 Suratos.
"Malayo pa ba tayo?" tanong ni Andy.
"More or less mga apat na kilometro," sagot ni Captain Sadyawan. May dala siyang mapa na kanyang nilatag sa hood ng patrol jeep at tinuro kina Tiglao at Andy, "Nandito tayo."
Sa mapa, ang bulubunduking terrain. Ang nagiisang main road. Tinignan nilang lugar kung nasaan sila. Tumingala si Tiglao at nakitang parang nasa gitna sila ng lambak o valley, nagtataasang mga bundok na naalala niya na para bang nasa Makati siya na napapagitnaan ng matataas na mga building. Mas malamig pa dito at kaya ganon na lang ang hina ng visibility pagka't sa lambak naiipon ang hamog.
Tinawag ni Sadyawan ang dalawang pulis niya na sina sina P01 Quisapay at SP01 Jaramilla na siyang nag-drive ng patrol jeep.
"Kayong tao dito," aniya sa kanila, at tumango ang mga ito. "Kasama ko sina Magalong at Reyes, at 'yung pulis-Lomon."
Ang tinutukoy niya'y ang sumamang guide nila na taga-Lomon, isang P01 Dagliw-a, patrolman na maitim na lalaking may kaliitan nguni't brusko. Sinama ni Sadyawan ang dalawang pulis na kasama niya noong gabi na dumating sila Tiglao, sina P01 Magalong at P01 Reyes, lalaki't babaeng mga patrolman na may pagka-pamilyar din sa mga lugar-lugar. Aniya, kung karamihan sa mga batang nakidnap ay mga babae, mabuting makakita ang mga iyon ng mga babaeng pulis, mas makakaramdam silang ligtas.
Sa kanyang grupo naman, pinaiwan na lang ni Tiglao si Mr. Albalde. Hindi sanay ang surveillance expert sa mga ganitong raid o rescue operation, bukod sa non-combatant pa siya.
"Maiwan ka na lang, Ben," sabi ni Inspector Tiglao.
Tumingin si Mr. Albalde sa daang paakyat ng bundok.
"Mabuti pa nga," sang-ayon niya. "Rarayumahin ako d'yan eh."
Hindi nila alam kung armado ang mga makaka-engkuwentro nila at kung ilan, pero handa sila sa anumang mangyayari. Armado sila ng mga armalite at di-sabog. Si Andy, ang kanyang .38 na Smith & Wesson, si Tiglao ang kanyang 9mm Glock 17. Meron din silang teargas at granada, at mga walkie-talkie sakaling kailanganin ng back-up.
"Okay, this is it," hudyat ni Tiglao.
Sinundan nila si P01 Dagliw-a paakyat ng daan, ang mga bota nila'y lumulubog sa makapal na putik. Nauuna ang mga Benguet PNP kasunod ang grupo nila Tiglao. Ani ni Suratos, nasa bundok na sila'y umaakyat pa sila ng bundok. Maaaring nasa 3,000 to 4,000 feet sila above sea level sabi ni Andy. Na ang hamog na nasa paligid ay sa katunayan ay mga ulap na, lalo na't kung titignan mo mula sa tuktok ng bundok.
"Nasa ulap na tayo?" mangha ni Laperna.
Biglang umawit si Suratos.
Nasa ulap ba ang 'yong mga mata.
Tila malayo ang yong pagtingala
Pakay ko lamang na ika'y mapangiti
Ito'y aking lambing
Nagkatinginan sina Tiglao at Andy at nagsiilingan pagka't hindi nila alam ang kanta. Para sa mga nakakabatang mga patrolman naman, lalo na ang mga lalaki na madalas sa beerhouse na may videoke ay alam ito, at nakisabay pa kay Suratos.
Subok na ang aking pag-ibig
Ikaw lamang sa buong daigdig
Tinitibok ng puso ko'y dinggin
Sumama kana sakin
At nang dumating sa chorus ay napangiti na lamang sina Tiglao at Andy, pagka't natanto nila kung anong kanta iyon.
Ako si mr. suave
Oohhh grabe
Habulin ng babae
Araw man o gabi
Oo ako si mr. suave
Oohhh grabe
Hayup kung dumiskarte
Wala silang masabi
Paakyat ng bundok, maririnig ang mga hai hai hai nila.
***
Nalampasan nila ang area ng landslide at nagpatuloy pa sa paglalakad sa daan. May nakasalubong silang matandang lalaking igorot na bagama't naka-bahag ay naka-t-shirt at jacket ang pang-itaas. Malamig naman talaga kasi, sabi ni Suratos. May pantukod ito na gamit din niyang sibat. Tinantiya nilang nasa kanyang 80s na ito dahil sa mga linya sa mukha at nagulat na siya'y 59 anyos pa lamang. Ayon sa igorot buhay pang ama niya na 88 na. Nagusap sila ni P01 Dagliw-a sa dialektong sa hula nila'y Ibaloi. Sinabi ng igorot na malapit na sila sa hinahanap nilang daan. Bilang pasasalamat ay binigyan siya ni Captain Sadyawan ng apat na stick ng yosi.
"Malapit na tayo," sabi ni Sadyawan kila Tiglao. "Panalangin natin na hindi na umulan."
Matapos ang kalahating oras ay narating nila ang daan na patungo ng settlement. Sabi ni P01 Dagliw-a na alam lang niya ang daan pero hindi pa niya napapasok mismo ito. Ito'y papasok sa puso ng bundok—gubat na makakapal ang mga halaman at malalagong mga puno kung kaya't may kadiliman.
"Baka may mga ahas diyan," tingin ni Tiglao.
"Posible," sabi ni Sadyawan.
Nakapagdala naman sila ng itak kung kinakailanganin nilang tabasin ang mga halaman sa daan. Sa lupa nakita nila ang tire tracks na hinihinalaan nila na gawa ng delivery truck.
Tinignan ni Inspector Tiglao ang kanyang relo. Alas-9:15 AM na.
"Okay, ready kayong lahat!" sigaw niya, ang lamig-hangin sa kanyang bibig. "Check n'yong mga baril n'yo."
Ginawa ng mga pulis ang iniutos. I-check ang mga armas, ang mga magasin, siguraduhing walang stuck-up dahil sa malamig na temperatura. Kinontak ni Sadyawan ang dalawa niyang pulis na naiwan sa mga sasakyan kasama si Mr. Albalde para sabihin kung nasaan na sila.
"Stand-by kayo," sabi ni Sadyawan sa walkie-talkie.
"Okay, let's go!" hudyat ni Tiglao sa lahat.
Nguni't bago sila umalis ay hiniling ni Captain Sadyawan na sila'y magdasal muna. Nagsipikitan ang lokal na mga pulis. Nagkatinginan ang grupo nila Tiglao at nakisunod din naman.
Dinggin mo kami, o Diyos, dasal ni Sadyawan, taimtim na nakapikit.
Bigyan mo kami ng lakas ng loob at tapang
Nang magawa namin ang aming mga tungkulin
Gabayan mong aming mga kamay
Talasan mong aming mga mata
at ituro mo sa amin ang daan
Sa ngalan ng iyong Anak na si Hesus. Amen.
Napataas ng balikat si Tiglao. Nanibago lang. Hindi niya gawain ito.
Pinasok nila ang daan papunta ng settlement, maliit na trail na sinadya lamang ng mga nakatira sa settlement. Kinuwestyon iyon mismo ni Tiglao, ang legalidad ng settlement, ang pag-i-squat ng kulto sa lugar na hindi naman nila pag-aari. Sinabi ni Sadyawan na wala namang reklamo o naguutos pa sa kanila na imbestigahan iyon. Wala rin namang report ng karahasan o illegal na pagtatanim ng marijuana. Nakausap na rin nila ang mga dalaga at wala naman silang reklamo ng sexual abuse. Nang malaman nilang sangkot pala ang kulto sa kidnapping, ay ngayon lang sila aakyat ng bundok para puntahan ang settlement.
"Kung mas maaga sana naming nalaman," ani ni Sadyawan.
Habang palalim nang palalim sa gubat ay pakapal nang pakapal ang hamog, at makaraan ang kalahati pang oras ng paglalakad ay huminto sila nang tumigil si P01 Dagliw-a na nauuna sa kanila.
"O, anong problema?" tanong ni Tiglao.
May pagtataka sa mukha ni Dagliw-a. Sinabi niyang parang dumaan na sila sa lugar kung nasaan sila.
"Ano?!" sigaw ni Tiglao. "Huwag mong sabihin umikot lang tayo."
Pero, parang ganoon na nga. Sinusundan kasi ni Dagliw-a ang human trail at halata naman kung ano ang daang pantao pagka't ito'y lupa at hindi damo. Hindi rin naman sila gumamit ng compass sa pagaakalang sapat na ang trail na ito para makarating sa settlement. Ngayon, mukha ngang umikot lang sila.
"Shit!" galit na sambit ni Tiglao.
Napakamot ng ulo si Andy. Naisip niya, well, so much sa dasal.
"Baka minamaligno tayo," sabi ni P01 Magalong, pulis ni Sadyawan.
"Ano ba, hindi tayo nagpapaniwala sa mga ganyan," balik ng kasama niyang babaeng pulis, si P01 Reyes.
Minarkahan nila ang lugar kung nasaan sila sa pamamagitan ng pagukit sa katawan ng isang puno gamit ang itak at paglalagay ng tela sa tangkay ng kahoy. Muli nilang sinundan ang trail at makaraan ang ilang minuto'y bumalik na naman sila sa minarkahang puno.
"Maligno nga!" takot na bulalas ni P01 Magalong. "Baka binabarang na tayo!"
"Huminahon ka!" galit na sigaw ni Captain Sadyawan sa kanya. "Hindi ito barang! Anong pinagsasabi mong barang? Pulis ka pa naman!"
Natahimik si P01 Magalong.
Nilapitan ni Tiglao si Andy.
"Ano tingin mo, pare?"
"Ano? Na-barang ito? Sa lahat naman ng paniniwalaan..."
"Eh, ano, sir? Bakit tayo bumabalik dito?" tanong ni Laperna.
"Ano pa, eh 'di dinedelay tayo," sabi ni Andy.
Ayon sa P.I. na malamang na somewhere sa trail ay tinakpan ng kung sinuman ang tamang daan, ng mga dahon, kahoy at bato, at gumawa ng panibagong daan na paikot at idinugtong sa luma, kung kaya't paikot-ikot lang sila. Ang kailangan nilang gawin ay hanapin kung saan nagdugtong ng panibagong daan.
"Ang problema eh paano natin mahahanap iyon," sabi ni Tiglao.
Tutoo. Pagka't sa kapal ng hamog ay tiyak na mahihirapan sila.
Tinignan ni Tiglao ang kanyang relo. Alas-10:20 AM. Maraming sandali na ang nawawala sa kanila. Pero wala silang ibang magagawa kundi ikutin uli ang trail.
"Talasan n'yong mga mata n'yo," sabi ni Tiglao. "Ang hinahanap natin eh 'yung mukhang bago pang daan, 'yung sariwa pa ang lupa, ang putik, at..."
Natigilan siya nang may marinig.
May nagriring na cellphone.
Ring. Ring.
Nagkapaan silang lahat sa bulsa at kinuhang kani-kanilang mga cellphones. Hindi kay Andy ang tawag. Hindi kay Sadyawan. Hindi kay Laperna o Suratos. At lalong hindi sa ibang mga pulis.
Kundi'y kay Inspector Tiglao. Nagri-ring ang cellphone niya.
Nagtaka siya. Hindi kilala ang numero. Sinagot niya ito.
"Hello?"
At mula sa kabila ang boses ng lalaki.
"Hello?" sabi ng lalaki sa kabila.
Ibang boses. Hindi ang lalaking nagpanggap na si Noel. Iba.
"Hello, sino ito?" malakas na sabi ni Tiglao.
"Kayo ba ang pulis?" tanong ng lalaki.
"Si Inspector Tiglao ito. Sinong kausap ko?"
Hindi agad sumagot ang lalaki.
"Sino ba ito?" ulit ni Tiglao.
"Hindi na importante iyon," sabi ng lalaki. "Basta hawak ko ang mga bata."
Nanlaki mata ni Tiglao. Napatingin sina Andy at iba pa.
"Anong kailangan mo?" tanong ni Tiglao.
"Pagusapan natin 'yung pera."
***
Mula sa gilid ng Bahay Imbakan ay nakaupo sa maliit na kahoy na bangko si Tano at nakamasid sa paligid ng Tahanan, minamanmanan ang ginagawa ng lahat. Sa Bahay Kainan ay abala sina Sarah at Beth sa paghahanda't pagluluto. Si Ama'y nasa kanyang bahay at pinaliliguan ni Ruth. Ang mga bata'y pinaliliguan din nina Elza at Maritess sa likod ng Bahay Tulugan. Si Philip ay paroon at parito sa iba't-ibang mga gawain.
Sa paanan niya ay nagkalat ang balahibo ng apat na mga manok na kanyang kinatay, na kanilang kakainin sa espesyal at huli nilang pananghalian. Ang t-shirt niya't mga braso ay bahid ng dugo ng manok kung saan nagkapitan ang balahibo ng kanyang mga alaga, ang kahuli-hulihan nilang mga manok.
Tulad ng lahat, ay matagal na rin niyang inaantay ang pagwawakas na ito—ang Araw ng Paghahatol. At tulad din ng lahat, tanggap niya ang mangyayari. Hindi siya natatakot. At bakit? Tinangka na niyang magpakamatay noon sa pamamagitan ng pagtalon sa tulay, dahilan kung bakit siya napilayan. Nang si Tano'y iwan ng kanyang asawa't mga anak ay nawalan na siya ng saysay mabuhay, kung hindi lang siya nailigtas ni Ama.
Tumingala siya at nakitang nagsisimula nang hawiin ng araw ang makakapal na itim na ulap. Mananatiling balot sa hamog ang gubat pero dito sa Tahanan, magpapakita ang magandang sinag ng araw, senyales na nakatingin sa kanila ang Diyos mula sa langit. Tulad ng sinabi ni Ama. Si Ama na tinuturing niyang Messiah, propeta. At handa niyang gawin ang lahat para kay Ama. Kahit pumatay pa. Ang buhay niya'y para kay Ama.
Iyon ang pagkakaakala niya.
Nang makitang abala ang lahat ay nilapag ni Tano ang binabalahibuhang manok at tumayo mula sa kanyang bangko. Lumakad siya tungo sa Bahay Imbakan at binuksan ang pintuan at sumilip sa loob.
Kung saan naroon si Carding na hawak ang cellphone.
At kausap ang mga pulis.
Ang buhay ni Tano ay inalay niya kay Ama at handa siyang mamatay para rito. Para sa ipinangako nitong bagong paraiso.
Pero, mas matimbang pa rin ang pinapangako ng pera.
NEXT CHAPTER: "JUDGMENT DAY"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top