Chapter 30: A Prophet
Dinig ang mabibigat na patak ng ulan sa yerong bubungan.
Sumisipol ang hangin sa poste't kisame.
Hindi naramdaman ni Sarah na bumangon si Ama sa kanyang higaan. Hatinggabi nang siya'y magising at makitang wala si Ama sa kanyang tabi. Dinama niyang unan at lukot na kumot na gamit ni Ama—mainit, maging ang kutson na nakalatag sa sahig na kahoy, marahil ay hindi pa matagal nang bumangon ang kanilang pinuno.
Umungol si Ruth na nasa kabilang bahagi ng kutson kung saan pinagitnaan nila si Ama. Masaya si Sarah na sila ni Ruth ang huling nakasama ni Ama sa huling pagkakataon...sa kama. Pero, tulad ni Ruth, hindi rin mapayapa ang tulog niya. Tulad din ng lahat sa Tahanan. Pagka't may napipintong kaganapan—papunta na ang mga pulis para sila'y hulihin.
Bumangon si Sarah at sumilip sa labas ng pintuan ng Bahay ni Ama.
"Ama!" tawag niya.
Malakas ang ulan sa labas. Tila nalunod ang boses ni Sarah sa hangin. Bagama't madilim, natanaw niya si Ama na nasa Bahay-Dasalan. Kumuha ng payong si Sarah at nagtungo roon. Hindi na niya nagawang magsuot ng tsinelas kaya't nagkaputik-putik ang kanyang mga paa hanggang tuhod. Gumapang ang lamig paakyat ng kanyang suot na bistida at siya'y nanginig.
"Ama!" sigaw niyang muli.
Sumilong si Sarah sa Bahay-Dasalan. Nagdarasal nga si Ama nang kanyang datnan. Nakaluhod, ang dalawang kamay ay naka-amen at ang ulo'y nakayuko. Kausap niya ang Diyos. Marahil ay may huling mga habilin, naisip ni Sarah at huminto para hindi siya makaistorbo. Sa pagmasid kay Ama ay naalala ni Sarah ang kahalintulad ding tagpuan na nangyari noon:
Katatapos pa lamang nilang mananghalian noon at si Ama'y nagtungo sa Bahay-Dasalan para magdasal. Nagliligpit sila ng pinagkainan ni Beth nang sa bintana'y natanaw niya si Ama na natumba habang nagdarasal at tila nangingisay. Sumisigaw siyang tumakbo tungo kay Ama, takot na baka inaatake ito sa puso, at makarating doon ay nakita niyang tirik ang mga mata nito, nanginginig at may sinasabi sa wika na hindi niya wari. Narinig ang kanyang sigaw ng iba na nagtakbuhan din tungo sa kanila nguni't sa sandaling iyon ay bumalik na sa normal si Ama.
Tinanong nila kung anong nangyari at sinabi ni Ama na nakausap niya ang Diyos. Hindi naman na ito bago pagka't ayon kay Ama'y ilang beses na rin niyang nakausap ang Panginoon—tulad noong inutos ng Diyos na itatag ni Ama ang Tahanan o noong ituro ng Diyos ang kanilang mga tamang dasal. May mga sinabi pa si Ama na aniya'y mga pangitain na mangyayari pa lamang—na sa kalaunan ay nagkatutoo. Lalo pang tumibay ang paniniwala nila kay Ama noon. Si Ama na mata ng Diyos. Si Ama na isang propeta.
Nguni't, sa pagkakataong iyon ang mensahe ng Diyos kay Ama'y isang pangitain na kakila-kilabot—ang pagdating ng Araw ng Paghahatol. Ayon kay Ama, sinabi ng Diyos sa kanya mismo ang petsa kung kailan magwawakas ang mundo, at kasama noon, kung paano sila maliligtas.
Higit isang taon na ang nakaraan nang iyon ay mangyari.
At heto na't dumating na ang mismong araw. Ang Araw ng Paghahatol.
Naalimpungatan si Sarah sa paggunita ng ala-alang iyon nang marinig niyang boses ni Ama.
"Sarah, ba't gising ka pa?"
"Nakita kong wala ka sa kama," sagot ni Sarah. "Nagalala ako."
Lumapit si Ama't hinawakan si Sarah sa kamay. Mainit ang mga palad ni Ama sa pakiramdam. Napapikit si Sarah saglit, naalala pa niya ang init ng katawan ni Ama sa sarili niyang katawan. Sa loob at labas.
"Anong sabi Niya?" tanong ni Sarah. "Nakausap mo siya 'di ba?"
Tumango si Ama, "Inaantay na Niya tayo."
Ngumiti si Sarah nang marinig iyon, pero halata sa mga mata niya ang pagkawalang-bahala. Tinanong ni Ama kung bakit. Sinabi ni Sarah na naaawa siya sa mga bata at kung maaari bang palayain na lamang ang mga ito para makapiling ang kanilang mga magulang sa katapusan ng mundo. Kinuwestiyon niya kung talaga bang kailangan nila ang mga bata.
"Ang kawalan nila ng mga kasalanan ang magsisilbing daan natin tungo sa Panginoon," dahilan ni Ama.
Saglit na hindi makapagsalita si Sarah, hanggang sa:
"I-iyon bang eksaktong sabi Niya?"
Naging siryoso ang mukha ni Ama.
"Nagdududa ka?"
Hindi makasagot si Sarah.
"Tulad nina Noel, Meong, ni Cora?"
"Pinatay n'yo si Noel. Bakit?" tanong ni Sarah.
"Pinagtaksilan niya ako."
"Tao lang siya, Ama," dahilan naman ni Sarah. "Sana'y pinatawad mo siya."
"Pinatawad ba ni Hesus si Hudas?"
"Pinagsisihan ni Hudas ang ginawa niya," sagot ni Sarah.
"Hindi sapat ang pagsisihan mo ang iyong kasalanan," balik ni Ama. "Kailangang humingi ka ng kapatawaran sa Diyos ng buong loob. Kanino ba nangumpisal si Hudas kundi sa mga paring kasabwat niya."
"Pero sa bibliya, walang kasalanan ang mas mananaig sa pagmamahal ng Diyos," sabi ni Sarah.
"Nagpakamatay si Hudas, Sarah. Walang kapatawaran para roon," sabi ni Ama. "Hindi humingi si Noel ng kapatawaran. Sa kahuli-hulihan, puro pagdududa pa ang sinabi niya."
Natahimik si Sarah.
Maya-maya'y dumating si Ruth dala ang payong. Hindi tumitila ang ulan. Bagkus, tila lumalakas pa.
"Ama? Sarah?"
"Sinamahan ko lang magdasal si Ama," pagharap ni Sarah.
Nakita ni Ruth na basang-basa si Ama.
"Bumalik na tayo sa loob," aya niya.
Pagbalik sa bahay ay magkatuwang na hinubaran nina Sarah at Ruth si Ama at pinunasan ng tuwalya ang buhok at katawan niya. Kanilang sinuotan si Ama ng panibagong t-shirt at pangibabang pajama, at hiniga sa kama at pinahiran ng langis ang kanyang katawan para painitin. Pinatay ni Ruth ang ilaw at magkabila nilang niyakap si Ama hanggang sa pagtulog.
***
Magdamagan ang ulan at nagsimula pa lamang humina bandang mga alas-6:00 ng umaga. Maagang nagsipagbangunan ang lahat sa Tahanan maliban sa mga bata. Maagang nagsipaghanda sina Beth at Sarah ng almusal, sina Elza at Maritess para mag-igib at si Tano para magkatay ng manok para sa espesyal nilang pananghalian.
Araw ng Paghahatol. At lahat ay handa na sa magaganap.
***
"Nakita n'yo ba si Philip?" tanong ni Tano hawak ang itak sa isang kamay at manok sa kabila, sa dumadaang sina Elza at Maritess na nakadalawang-balik na sa igiban. Nangangailangan lang sila ng maraming tubig para panligo't sa paggawa ng iinuming juice.
"Baka nasa gubat," sabi ni Elza.
"Umulan. Siguro maraming tumubong kabute," sabi naman ni Maritess.
Nagpatuloy ang dalawa sa paglalakad at nakita na lumabas ng Bahay-Tulugan si Carding.
"Aba, maaga siya," pansin ni Maritess.
"Paano, walang katabi sa kama. Hindi napuyat," bulong ni Elza. "Umuulan at malamig pa naman kagabi."
Tumawa ang dalawa. Pumasok sila sa loob ng Bahay-Kainan kung saan naroon sina Sarah at Beth na naghahanda ng almusal at kanilang sinalin ang inigib na tubig sa malaking plastic na garapon na transparent. Kinuwento nila ang tungkol kay Carding, na hindi ito nakahirit sa mga dalaga dahil sina Beth at Elza ay may period habang si Maritess ay nagkunwaring dinudugo rin, samantalang naiinggit naman sila kay Sarah dahil napili ito ni Ama sa huling gabi.
"Nakapagbibiro pa kayo?" pagtataka ni Beth.
"O, bakit naman?" tanong ni Elza.
"Maglalason na tayo, nagagawa n'yo pang tumawa."
"Masaya lang kami," dahilan ni Maritess. "Makakasama na natin ang Panginoon."
"Maliligtas na tayo!" bulalas ni Elza.
"Puwera na lang kay Noel," sabi ni Sarah habang kinuha ang malaking pakete ng orange juice mula sa kabinet at ibinuhos ang laman sa tubig sa garapon habang hinalo ni Beth ang likido gamit ang mahabang sandok.
"Malas lang niya," sabi ni Maritess. "Inuna niya ang pera!"
"Ganon din si Meong at Cora!" sambit ni Elza. "Sa impiyerno sila!"
Tumingin lang sa kanila si Sarah. Kanina'y gusto na niyang sabihin sa kanila ang tungkol sa pag-uusap nila ni ama noong hatinggabi, ang pagkukuwestyon niya, pero sa reaksyon ng mga kasama'y itinago na lamang niya sa sarili.
"Hindi mo ba gigisingin ang mga bata?" tanong ni Beth habang naghahalo.
"Maaga pa. Maya-maya na," sagot ni Sarah, halatang siryoso't tila malalim ang iniisip.
"Nasaan na ang lason?" tanong ni Beth.
"Nasa Bahay-Imbakan," senyas ni Sarah.
"Nasaan ba si Philip?" inis na sabi ni Beth.
"Hinahanap din ni Tano," singit ni Maritess.
"O sinong kukuha ng lason?"
Nagkatinginan sina Elza at Maritess, wala umaakto.
"Ako na nga," umiiling na sabi ni Sarah.
Lumabas ng Bahay-Kainan si Sarah para magtungo sa Bahay-Imbakan. Tumila na ang ulan at paambon-ambon na lamang bagama't makulimlim pa rin. Ang lupa'y maputik kaya't mabagal ang mga hakbang niya. Natanaw niya sina Ama at Ruth na nasa Bahay-Dasalan na naguusap. Naalala niya ang nangyari kagabi.
Sa tabi ng Bahay-Imbakan ay naroon si Tano at nagkakatay ng manok. Pumasok si Sarah sa loob ng bahay at mula sa kahoy na shelf ay inabot niyang aluminum na kahon. Sinilip niyang loob at naroon ang maliit na boteng bilog na laman ang binili ni Meong mula sa isang magaalahas—ang lasong Siyanuro o Cyanide.
Tinitigan ni Sarah ang bote. Ang unang plano ni Ama ay sa gabi sila magpapatiwakal habang nakahiga sa damuhan at magkakahawak na nakatingin sa mga bituin, pero dahil paparating na ang mga pulis ay itataon nila ito ng mas maaga—sa kanilang pananghalian. Mabuti na rin at bumuhos ang ulan at dinelay nito ang mga pulis, na ayon kay Ama, ay hatid ng Diyos para bigyan sila ng oras.
Nagulat si Sarah nang marinig ang boses.
"Nakita mo ba si Philip?" pagpasok ni Tano sa loob para kumuha ng panibagong manok sa tangkal. May mga talsik ng dugo ang kanyang t-shirt at kamay sa pagkatay.
Umiling si Sarah.
"Nasaan na bang batang iyon?" inis na sambit ni Tano.
Lumabas ng Bahay-Imbakan si Sarah dala ang kahon at nakasalubong si Carding na papasok naman. Binati niya si Carding na tumango lang sa kanya. Saglit siyang napatigil nang mapadaan siya sa Bahay-Tulugan. Napansin niyang tahimik. Tulog pa kaya ang mga bata? Naisip niyang silipin ang mga ito nguni't nakitang dala niya ang lason kaya't nagpatuloy na lamang sa paglalakad. Nang lumingon siya sa Bahay-Imbakan ay nakita niyang siryosong nag-uusap sina Carding at Tano. Medyo nagtaka siya.
***
Nang bumalik si Sarah sa Bahay-Kainan ay nagulat siya nang makitang naroon na nagaabang sina Ama at Beth.
"Ama..." paglapit ni Sarah.
Kinuha ni Ama sa kanya ang kahon, binuksan ito at nilabas ang bote ng siyanuro. Nagtinginan ang lahat sa bote na may kulay tubig na likido. Binuksan ni Ama ang takip at inamoy ang likido. Napapikit siya. Inisip ng iba kung ano nga bang amoy ng lason na sa katunayan ay walang amoy.
Binuhos ni Ama ang lason sa garapon at humalo sa orange juice habang kanyang sinabi:
Basbasan mo, o Panginoon, ang tubig na ito na aming iinumin. Ito ang banal na tubig ng aming ikalawang buhay. Ang tubig ng walanghangganang buhay. Pagka't ikaw ang ilaw. Ikaw ang pag-asa. Ikaw ang huling hantungan.
Inulit ng lahat ang huling pangungusap habang dahan-dahang hinalo ni Beth ang orange juice. Sina Elza at Maritess ay pawang excited na nakangiti't nagniningning ang mga mata. Si Ruth ay taimtim sa pagdarasal. Matapos magdasal ay sinara nilang garapon at itinabi. Pinaalala ni Ruth na ito'y iinumin nila sa salo-salo sa tanghalian.
Napatingin ang lahat nang may pumasok sa pintuan.
"Philip! Kanina ka pa namin hinahanap! San ka ba galing?" sita ni Beth.
Si Philip. Galing sa gubat at ipinakita ang dala niyang basket na may mga kabute.
"Sabi na eh," ani ni Maritess.
"Magalmusal na tayo," sabi ni Ruth at bumaling kay Sarah. "Gisingin mo na ang mga bata."
Tumalima si Sarah. Maya-maya'y bumalik siya kasama na ang walong mga bata. Nagsiupuan sila't kumain ng almusal na tinapay at itlog. Habang kumakain ay nakita ng mga bata ang garapon ng orange juice.
"Gusto ko ng juice," sabi ni Stephen.
"Ako rin," sabi ni Christopher.
At nagsipaghingian din ang ibang mga bata. Nagkatinginan sina Sarah, Beth at iba pa.
"Gusto ko rin ng juice," sabi ni Macy.
Lumapit sa kanya si Ruth at ngumiti.
"Para mamaya 'yon, iha."
At sinabi sa ibang mga bata:
"Para mamaya ang juice."
NEXT CHAPTER: "Into the Woods"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top