Chapter 27: The Call 2
6:20AM. WEDNESDAY.
Umaga. Nagri-ring ang landline sa bahay ni Inspector Tiglao. Kasalukyang nagluluto ng almusal si Mrs. Tiglao at hininaan niyang apoy sa gas stove para sagutin ang tawag. Nakahilata pa sa kama si Inspector Tiglao at hirap na bumangon nang tawagin siya ng asawa. Puyat, binawian na siya ng pagod mula sa nagdaang mga araw. Nguni't sa balita ni Mr. Albalde, wala siyang magawa kundi bumangon agad at maghandang umalis kahit na mabigat pa'ng katawan.
"Mag-almusal ka muna, kahit mabilis lang," sabi ni Mrs. Tiglao.
Pinagbigyan naman ni Tiglao ang asawa at naupo para kumain ng scrambled eggs at malunggay pandesal. Binibigyan naman niya ng halaga ang pagaasikaso sa kanya, malayo rin ang bakery na pinagbibilhan ng mga tinapay.
"Itong kasong ito," aniya ng maybahay. "Ingatan mo rin ang katawan mo, Conrado, at mukhang magkakasakit ka na. Mabuti na lang at andyan si pare't tinutulungan ka."
"Malaking tulong si pareng Andy. Kung wala siya, nangangapa na kami sa dilim," sabi ni Tiglao. Nag-ring ang cellphone niya. "Speaking of the devil."
Nagawang maisalba ni Mr. Albalde ang simcard ni Cora at ma-recover ang mga numero sa loob. Sinabi ni Tiglao kay Andy na sa townhouse ng mga Ruiz sila magkita imbes na sa Crame. Sakaling makontak nila si Noel o ang ikalawang lalaking nagngangalang Meong ay baka may pagkakataong makausap sina Macy at mga bata kaya mahalagang naririyan sina Joanna at David.
"Si Aaron ba gising na?" tanong ni Tiglao habang tumayo para umalis.
"Nagtext ang anak mo na hindi siya makakauwi, sa bahay ng kaibigan siya natulog," sabi ni Mrs. Tiglao.
Sa mga nagdaang linggo'y bihira nang makausap ni Tiglao ang bunsong anak at pakiramdam niya'y napapalayo na ito sa kanya. Isa pa'y hindi siya kampante sa mga bago nitong kabarkada. Matapos inumin ang kanyang maintenance ay nagpaalam na ang inspector sa asawa.
Nang dumating si Tiglao sa townhouse ay naroon na ang Pajero ng heneral. Kumpleto ang mga Ruiz: sina David, Joanna, Marco, Inez, nanay ni Joanna at nakatatanda niyang kapatid na si Jason. Parating din daw ang tatay at nanay ni David. Nakakaramdam na si Tiglao ng hiya na humarap sa mga ito. Marami ka nang ipinangako, ang huling sinabi sa kanya ni Joanna. Halos kasabay niyang dumating si Andy. Pagbaba niya ng kotse ay nariyan na ang Nissan pick-up ng private investigator. Inantay niya itong pumarada para sabay na silang pumasok ng townhouse.
***
Hawak ni Mr. Albalde ang simcard ni Cora at ipinakita niya ito sa lahat. Pagkatapos ay ipinasok niya ito sa isang android phone na nakakonekta sa kanyang laptop at ready na para i-record ang tawag at mag-trace. May print outs siya ng mga numero na galing sa simcard. Kabilang doon ang landline ng townhouse, cellphone nina David at Inspector Tiglao at numero na pinaghihinalaan nilang maaring kay Noel o kay Meong.
"Hindi pa nila alam na patay na si Cora," sabi ni Andy. "Kung tatawag tayo, iniexpect nilang si Cora ang tumatawag."
Napaisip sila. May panganib nga na kapag nalaman nina Noel o Meong na patay na si Cora ay maaaring magpanic ang mga ito at mailagay sa panganib ang mga bata.
"Kung ganon, kailangan natin ng mimic," sabi ni Inspector Tiglao.
Mimic—ito'y isang voice artist na kayang manggaya ng mga boses. Ayon sa inspector, gumamit na sila ng mimic sa isang hostage situation, para pasukuin ang isang lalaking nang-hostage ay kumuha sila ng mimic para gayahin ang boses ng ex-wife nito, at naging matagumpay naman sila.
Magaalas-diyes nang dumating ang isang middle-age na babae—ang mimic. Ipinarinig nila ang mga voice recordings ni Cora na nai-record ni Mr. Albalde. Sa loob ng isang oras ay pinagaralan at nag-rehearse ang mimic. Hindi lang tono ng boses ni Cora, kundi ang mga salita na kanyang ginagamit o maaaring gamitin. Namangha sila sa abilidad ng mimic, pagka't unti-unti nitong nabago ang kanyang boses na kung pipikit ka'y akala mo'y nabuhay si Cora at nasa kuwarto lang. Brinief din nila ang mimic ukol sa kaso. Sa bond paper gamit ang pentel pen, nagsulat si Inspector Tiglao ng mga linya na maaaring gamitin ng mimic sa pakikipag-usap. Dumating naman in time ang mga magulang ni David bago nila gawin ang tawag.
"Ready na ba tayo? Ruben?" tanong ni Tiglao.
"Ready na, sir," sabi ni Mr. Albalde.
"Okay, let's do it," hayag ni General Batac.
11:15 AM nang tawagan nila ang numero.
Suot nina Mr. Albalde at Inspector Tiglao ang headphones. Ang iba'y nakatutok sa speaker sa may sala. Sumenyas ang inspector sa mimic at dinial nito ang numero. Tahimik ang lahat. Tense.
Ring. Ring.
Biglang tumahol si Ruffles na nasa ilalim pala ng mesa.
"Shit," sabi ni Tiglao at sumenyas na i-cancel ang tawag.
Agad na dinampot ni Inez si Ruffles at ibinaba sa garahe, pagkatapos ay bumalik din agad.
Sumenyas uli si Tiglao. Pinindot ng mimic ang redial.
Ring. Ring.
Ilan pang ring, nguni't walang sumasagot.
The number you have dialled is unattended or out of coverage area. Please try again later, paulit-ulit nilang narinig. Sinubukan pa nila ng ilang beses pero ganoon pa rin. Sinabi ni Tiglao na magpahinga na muna sila bago subukan na muli.
"Okay, at ease everyone," sabi ni General Batac.
Tutal tanghalian na rin ay minabuti nilang kumain na muna. Nagoffer si Joanna na magluto nguni't sinabi ni General Batac na huwag na itong magabala at inutusan ang kanyang driver na mag-take out na lang ng pagkain. Nagsipagpahinga sila. Bumaba sina Andy at Inez para magyosi.
"Tiglao," paglapit ni General Batac sa inspector. "Tama kayo, baka nga mas malayo pa ang lokasyon nila, let's get in touch with PROCOR."
Tumango ang inspector. PROCOR o Police Regional Office Cordillera ay himpilan ng PNP na nasa La Trinidad, Benguet. Pasimpleng tinanong naman ng heneral si Mr. Albalde kung iyon bang cellphone mismo ni Cora ay naisalba. Umiling ang experto at sinabing masyadong nababad ito sa tubig kanal na pinasok na nga ng putik ang loob. 'Yung video 'di mo narecover? Tanong pa ng heneral, at umiling muli si Mr. Albalde. Hinayang lang sila.
Sa sala, magkakasama sina Joanna, David at iba pa na nag-uusap. Nagtataka pa rin sila Joanna kung bakit ginawa ni Cora ang ginawa niya. Bakit siya sumakay sa kotse ni David? Bakit siya lumihis sa usapan? Ngayong patay na siya, ano ba talaga ang tiyansa nilang mahanap si Macy at ang mga bata. Tila tahimik lang si David.
Sa tabi, nakikinig si Marco. Gusto na rin ng panganay na matapos na ang lahat, maibalik ang kanyang kapatid at bumalik sila sa normal. Sa nagdaang mga araw, halata niyang pagbabago sa kanyang mga magulang, partikular sa kanyang daddy. Nagkatinginan sila ni David na ngumiti sa kanya, pero sa wari niya'y ang ngiti nito'y para bang may halong lungkot.
Sa tapat ng townhouse sa labas, magkasamang nagyoyosi sina Andy at Inez. Naroon din ang madalas nilang kasama—si Ruffles na nakatali sa tabi. Sinabi ni Andy na alam na ni David na alam ni Inez ang tungkol sa kanila ni Carol.
"Anong sabi niya?" tanong ni Inez.
"Wala naman siyang sinabi," sagot ni Andy. Ayon sa P.I., mukhang genuine naman na nagsisisi si David sa mga nagawa niya, at naniniwala siya na tapos na ang relasyon nila ni Carol.
"Dapat lang," may gigil na sabi ni Inez habang bumuga ng usok. "Silang dalawa ang puno't-dulo ng lahat ng ito."
Kumahol si Ruffles ng pagsang-ayon.
Tama si Inez. Walang duda naman pagka't inamin na rin ni David—na siya ang nag-isip at nag-suggest ng kidnapping kay Cora. Pero, may bagay na bumabagabag sa isipan ni Andy at may kinalaman ito sa daloy ng mga pangyayari. Kagabi ay pinagaralan ng P.I. ang mga impormasyong nakalap at base sa binuo niyang timeline ay ang mga sumusunod:
1 month and 3 weeks ago nang puntahan ni Cora si David sa bangko para ipakita ang sex video at i-blackmail ito. 2 months ago naman nang makaengkwentro nina David at Carol si Noel, by accident, sa gasolinahan bago sila pumunta ng motel.
Ibig sabihin, between the time sa gasolinahan at bangko nangyari ang pagkuha ng sex video. Ito ang palaisipan para kay Andy:
Nakuha niya ang eksaktong araw nang rentahan ni Cora ang apartment unit at lumalabas na iyon din ang araw ng engkwentro sa gasolinahan. Ibig sabihin, nagrent na si Cora bago pa nadiskubre ni Noel ang relasyon nina David at Carol. Sa paghalughog nila sa apartment, obvious na naroon si Cora pansamantala lamang pagka't wala siyang dala kundi mga damit lang. Pansamantala. Dahil bayad na ang susunod na buwan. Bakit? Ibig bang sabihin nito ay may pinaplano na siya, kasama si Noel, na walang kinalaman sa pangba-blackmail kay David?
Sa kanyang pagaanalisa, ito pa ang naisip ni Andy: Bakit iri-risk ni Noel ang trabaho niya bilang school bus driver? Ganoon din si Sarah. Si Sarah ang nagpasok kay Noel sa school bilang driver. Kung sangkot si Noel sa kidnapping, imposibleng hindi alam ito ni Sarah. Maaaring planado na talaga nila ang kidnapping simula't sapul pa lang. Sangkot si Sarah sa kidnapping pero maaaring wala siyang kinalaman sa pangba-blackmail kina David at Carol.
***
Nakontak na ni General Batac ang PROCOR sa Benguet at sinabi ng head doon na uumpisahan na nila ang paghahanap sa delivery truck, at nakahanda na rin silang mag-assist sa oras na dumating sila.
1:10AM nang tawagan muli nila ang numero.
Nag-redial ang mimic.
Ring. Ring.
The number you have dialled is unattended or out of coverage area. Please try again later.
Ganoon pa rin. Ilang beses pa nilang tinawagan at walang pagbabago. Walang sumasagot sa tawag.
"Sir, baka nagbago na ng numero," sabi ni SP01 Suratos, ready nang mag-give-up.
Hindi malayong ito nga ang nangyari kung kaya't dismayado si Inspector Tiglao. Alam niyang mahalaga ang oras. Bawat minutong nawawala ay kabawasan sa tiyansa nilang mahanap ang mga bata. Ngayon, oras na ang nagugugol nila. Kung hindi sila makakakontak sa telepono, wala silang ibang choice kundi halughugin ang malaking parte ng Norte na walang kasiguraduhan kung sila'y magtatagumpay. Nakasalalay ang lahat sa tawag na ito.
Ring. Ring.
The number you have dialled is unattended or out of coverage area. Please try again later.
Wala talaga. Dismayado ang lahat.
Ring. Ring.
Puro ring lang, puro:
The number you have dialled is unattended or out of coverage area. Please try again later.
Ring. Ring.
"Abort," sabi ni General Batac. "We're wasting our time."
Nagtayuan ang mga tao. Ready nang i-stop ni Mr. Albalde ang pag-record nang biglang narinig ang boses ng lalaki:
Hello?
Nagulat ang lahat. Saglit na hindi nakagalaw. Hawak ng mimic ang cellphone.
Hello?
Sumenyas si Tiglao sa mimic na magsalita.
"Hello, Noel?" sabi ng mimic sa boses ni Cora.
"Cora?"
"O ako nga. Nasaan ka?"
"Nandito kami."
"Kayo ni Meong?"
"O-Oo," sabi ng boses.
Kinuha ni Tiglao ang mga papel kung saan nakasulat ang mga linya at namili. Ipinikata niya ang papel kung saan nakasulat ang: Kumusta ang mga bata? Nasaan sila?
"Kumusta ang mga bata? Nasaan sila?" sabi ng mimic sa telepono. Sa paligid, tahimik na nakikinig ang lahat. Si General Batac sa headphones tulad ni Tiglao, ang iba, sa speakers sa may sala.
"Nandito ang mga bata," sabi ng boses. "Okay naman sila."
Nang marinig ito'y nagpipigil sa emosyon si Joanna. Ganoon din ang iba. Nagkatinginan ang mga pulis at nagtanguan. Ligtas ang mga bata. Mabuti. Pero nasaan sila? Hindi nila maitanong nang direkta ang lokasyon ni Noel pagka't baka mahalata sila. Naghanap uli ng papel si Tiglao at pinabasa ito sa mimic.
"Nasa akin na ang pera," sabi ng mimic.
Inantay nila ang magiging sagot. May konting katagalan.
"Ah ok," sabi ng boses. "Anong plano mo?"
Nagtaka si Tiglao sa sagot na ito. Ganoon din sina Andy, General Batac at iba pa. Hindi alam ng mimic ang isasagot. Mabilis na kumuha ang inspector ng papel at nagsulat gamit ang pentel pen at ipinakita ito sa mimic.
"Eh...'di kung anong napagusapan natin," basa ng mimic sa hawak na papel ni Tiglao.
Inantay nila ang kasagutan. Mas matagal.
"Anong gagawin ko sa mga bata?" sabi ng boses.
Uli, nagtaka sila Tiglao sa sagot na ito. Nagsulat muli siya sa papel at ipinakita sa mimic.
"Bibigay ko ang lokasyon n'yo sa mga pulis," basa ng mimic. "Para makuha nila ang mga bata."
"Okay," sabi ng boses.
Sumenyas si Mr. Albalde kay Tiglao. Na-trace niyang tawag. Tumango ang inspector, at may pinabasa uli sa mimic na papel.
"Okay," sabi ng mimic sa telepono. "Antayin mo uli ang tawag ko."
"Okay," sabi ng boses.
Natapos ang tawag. Naglapitan ang lahat kay Mr. Albalde na tinuro sa mapa sa kanyang laptop kung saan nagmula ang signal ng telepono ni Noel, at tulad ng hinala nila, ito'y walang iba kundi sa:
"Benguet," sabi ni Mr. Albalde.
"You were right all along," sabi ni General Batac kay Tiglao, at kay Andy. "Tama ang kutob mo."
Ngumiti ang dalawa. Tagumpay. Napuno ng pag-asa ang lahat lalo na sina Joanna, David at mga Ruiz. Alam na nila ang lokasyon ng mga bata, bagama't hindi na-pinpoint ni Mr. Albalde ang exact location kundi'y nagbigay ng mga dalawang kilometrong radius na area sa bundok sa may Kapangan, mga dalawang oras mula sa Baguio.
"Good enough," sabi ni Tiglao.
Sinabi ni Tiglao na bukas na bukas ay luluwas sila ng Benguet at makikipag-coordinate sa PROCOR para hanapin sina Macy at ang mga bata. Lalo pang natuwa ang mga Ruiz nang marinig ito. Pero, ani ni General Batac, na magdasal pa rin ang lahat para sa matagumpay na pag-recover sa mga bata. Inutos niya na i-relay ang impormasyon na ito sa iba pang pamilya ng mga nakidnap. All in all, optimistic ang lahat. Nakahinga nang maluwag si David, para siyang nabunutan ng tinik. Pero, may bagay na bumabagabag naman kay Joanna.
"Ano 'yon, dear?" tanong ni David.
Nagtinginan ang lahat kay Joanna. Lumapit si Inspector Tiglao.
Sa mukha ni Joanna ang pagdududa at pagkalito.
"May ilang beses ko ring nakausap si Noel," sabi niya. "Tuwing sinusundo at hinahatid nila sina Macy at Marco..."
Napatingin din si Marco sa kanyang mommy.
"Sa umaga, binabati niya kami," patuloy ni Joanna. "Nag-goo-good morning siya."
Nag-react si David. Naalala rin niya. Good morning sir, ma'm, ang salubong sa kanila ni Noel sa gate ng townhouse.
"Anong gusto mong sabihin, Joanna?" nagtatakang tanong ni Tiglao.
Tumingin si Joanna sa kanila.
"'Yung boses ng lalaki sa telepono," aniya. "Parang hindi si Noel 'yun."
***
Sa pahayag ni Joanna ay namurublema silang muli. Oo nga naman. Kahit na in-acknowledge ng lalaki na siya si Noel sa telepono, ano ba ang pruweba nila na si Noel nga iyon? Wala sa mga pulis ang nakakarinig pa sa boses ni Noel. Hindi sure si Joanna, ganoon din si David. Si Marco na kahit na araw-araw na nakakasama ang driver sa school bus ay hindi naman talaga napapansin iyon.
Kung kaya't ang ginawa nila Tiglao ay nagpunta sila sa Holy Good Shepherd Montessori at ipinarinig sa mga titser, sa staff at mga school bus drivers ang recording ng boses ng di-umano'y si Noel. Maraming nagsabi na hindi si Noel iyon, ang iba'y hindi sigurado.
Nagpahanap sila Tiglao ng mga video at sa isang video ng Christmas Party ay may footage ni Noel na kumakanta sa videoke. Pina-analyze nila ang boses ni Noel sa videoke at sa recording sa isang voice identification expert at forensic linguist kung sila ba'y iisang tao. Ayon sa mga experto, magkaibang tao iyon.
"Baka 'yung Meong," sabi ni SP01 Suratos.
"Pero, it doesn't make sense," kamot ng ulo ni General Batac.
Kung magkakilala at magkasama sina Noel at Meong bakit pa magpapanggap si Meong na siya si Noel? Wala ngang saysay.
"Maaring ibang tao," sabi ni Andy.
"SHIT!" bulalas ni Tiglao.
Kung tama si Andy ay nangangahulugan na alam din ng sumagot na hindi si Cora ang kausap niya. Maaaring naalarma na ito at ito'y posibleng daan para malagay sa panganib ang mga bata. They're into us, sabi ni General Batac. Dahil doon ay nagpasya sina Tiglao na huwag nang antayin ang bukas, at naghanda na silang umalis papunta ng Benguet. Pasado alas-singko na ng hapon, sa kalangitan ay nagbabadya ang ulan at ang laman sa isipan nila'y sino ang lalaki na nagpanggap na si Noel?
***
Dumuduyan sa hangin ang mga dahon. Anino ng maiitim na ulap ay tumakip sa mga puno sa gubat at itinago ang araw. Nagliparan ang mga ibon, nagsikublihan ang mga insekto sa damuhan. Umalingawngaw ang malalim na kulog na tila ba nagmula sa likuran ng mga bundok. Maya-maya'y nagsimulang pumatak ang ulan. Sa umpisa'y mahina, palakas nang palakas hanggang sa bumuhos ang galit nito.
Nakasilong si Ama sa ilalim ng malaking puno sa gubat, lampas sa kahoy na bakod na pumapaligid sa Tahanan. Tanaw niya ang mga bahay. Kita niyang nagtatakbuhan ang mga dalaga, sina Sarah, Beth at iba pa na bagama't hindi kasal sa kanya'y tinuturing niyang mga asawa, at nagpasukan sa mga bahay.
Naligo na sa ulan si Ama, basa na ang suot niyang t-shirt at maong, ang mahabang buhok ay tumatakip sa kanyang mukha. Hindi niya iniinda ang ulan. Bagama't kalmado ang kanyang expresyon, ang kanyang mga mata'y may itinatagong galit.
Hawak ni Ama ang cellphone at wala siyang pakialam kung mabasa man ito ng ulan.
Kanina lamang ay kausap niya si Cora.
O sa palaga'y niya'y isang babae na hawig lamang ang boses ni Cora.
Pagka't hindi nito siya nabosesan at inakala pang siya'y si Noel.
Kung sino man ang babae'y sigurado siyang hindi siya si Cora.
Tinapon ni Ama ang cellphone sa putik. Ang cellphone ni Noel.
"Anong gagawin natin ngayon?" sabi ng boses.
Lumingon si Ama at hinarap si Carding. Sa likuran ni Carding ay matatanaw si Tano na may hawak na itak. Kapuwa sila naliligo rin sa ulan. Sa tabi ni Tano ay may lalaking nakagapos sa puno.
"Anong gagawin natin sa kanya?" sabi ni Carding, hawak ang balisong na kanyang ipinanturo.
Tinignan ni Ama ang lalaking nakagapos sa puno at nakaluhod sa lupa.
Walang iba kundi si Noel.
NEXT CHAPTER: "Save the Children"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top