Chapter 26: Northbound
10:18 PM. SUNDAY. 3 DAYS BEFORE THE KIDNAPPING.
Tanaw nila ang warehouse sa dulo ng makitid na kalye na kung saan sa magkabila ay matataas na simentong pader ng naglalakihang mga lote. Madilim sa lugar na ito. Malayo ang laktaw ng mga poste ng ilaw sa isa't-isa. Isang industrial area ng mga inabandonang mga gusali. Pasado alas diyes ng gabi at tahimik ang paligid.
"Doon sa dulo," turo ni Cora.
Kasama nina Cora at Noel ang tatlong mga lalaki—ang chop-chop gang sa pangunguna ng mataba't napapanot nitong lider. Ang dalawa pa'y katamtaman ang taas at pangangatawan, mga naka-t-shirt at maong, isa'y naka-tsinelas lamang. Lahat sila'y pawang madudungis, grasa sa braso't leeg.
Isang dead end. Narating nila ang sira-sirang yerong gate ng warehouse, nakakadena't may padlock na kalawangin na. Sa paanan, gadangkal na ang damo. May mga basura na buwan nang hindi nakokolekta. Hawak ni Cora ang susi at binuksan niya ang padlock. Tinulak ni Noel ang yerong gate na gumawa ng nakakangilong ingay. Madilim sa loob ng warehouse, amoy putik at basang damo. Kinapa ni Noel ang lightswitch sa pader at binuksan ang ilaw.
"Tawagan mo si Meong," sabi ni Cora kay Noel. "Sabihin mo nandito na tayo."
"Okay."
Kinuha ni Noel ang cellphone at tumawag habang nagpasukan silang lahat sa loob.
"Hello, nasaan ka na? Nandito na kami," sabi ni Noel sa cellphone, at kay Cora: "Malapit na raw siya sa tollgate."
Sinuyod ng tingin ng chop-chop gang lider at kanyang mga kasama ang loob ng warehouse. Ang unang napansin ng lider ay may kadiliman doon. Tumingala siya sa kisame, sa naninilaw na bumbilya. May butas sa bubungan at natanaw niya ang bilog na buwan. Walang maaninag na mga bituin sa langit, ang mga ulap ay kulay alikabok.
"Kung sa gabi kami titirada eh madilim dito," sabi ng lider at sumenyas sa isa sa kasama niya. "Chino, magdala ka ng ilaw at baterya."
Tumango ang sinabihan.
"Magdala ka na rin ng extension cord," pahabol ng lider.
"Okay, boss."
"Kailan ba tayo uli?" tanong ng lider.
"Sa Miyerkules ng gabi," sagot ni Cora.
Tumango ang lider at nagsindi ng yosi.
"Gaano katagal ba kayo aabutin?" tanong ni Noel.
Saglit na napaisip ang lider at sinabi, "Magdamagan 'to. Tapos hahakutin pa namin paunti-unti. Hindi puwedeng isang hakutan lang, delikado. Mga isang araw din 'yon."
"Okay, sa Huwebes tayo magkita uli," sabi ni Cora. "Bigyan ko na kayo ng advance."
Umiling ang ilder at winagayway ang kamay niyang may yosi. Sinabi niyang bayaran na lamang siya ng buo kapag nagkita na uli. Um-ok naman si Cora. Nagpulong sa isang tabi ang chop-chop gang at pinagusapan ang kanilang mga gagawin, mga bagay na dadalhin at kung-anu-ano pa, kasama na ang magiging hatian nila sa spare parts at sa sampung-libong sinabi ni Cora. Nagulat sila nang bilang may tumakbong daga na halos kasinlaki na ng pusa. Putangina! Anlaking daga! hiyaw nila. Dumampot ng bato ang isang chop-chop gang at binato ang daga nguni't nakasuot na ito sa butas ng pader.
Lumabas ng warehouse sina Cora at Noel at hinayaan muna ang chop-chop gang na mag-usap sa loob.
"Mapagkakatiwalaan ba'ng mga 'yan?" tanong ni Noel habang nagsindi ng sigarilyo.
"Basta 'wag lang nilang malaman 'yung tungkol sa mga bata," sagot ni Cora.
"Sigurado ka ba? Sa kanila?"
"Eh, paano natin itatawid 'yung school bus pa-probinsya? Siguradong huli tayo," sagot ni Cora. "Saka, hindi ba ang gusto natin eh isipin ng mga pulis na nandito lang ang mga bata sa Maynila?"
"O, eh 'di iwan na lang natin dito 'yung school bus," sabi ni Noel. "'Pag nakita nila, eh 'di iisipin nilang nandito nga lang talaga 'yung mga bata."
"O, e 'di iisipin naman nila na nilipat natin ang mga bata ng ibang sasakyan," mabilis na kontra ni Cora. "Malamang isipin nila nilabas natin ng Maynila ang mga bata. O eh 'di yari na. 'Di mo kasi alam kung paano mag-isip ang mga pulis na ito eh. Mas walang ebidensya, mas mabuti."
Hindi na humirit pa si Noel. Kilala niya si Cora, hindi ito nagpapatalo.
"Paano nga pala si Sarah?" kanya na lang sabi.
"Nakaalis na kayo no'n bago pa sila dumating," senyas ni Cora sa chop-chop gang.
"Anong sasabihin mo sa kanya?"
"Mag-iisip na lang ako ng dahilan."
Nang lumingon si Cora sa loob ng warehouse ay saglit silang nagkatinginan ng chop-chop gang lider. Napakunot-noo si Cora. May punto rin si Noel. Maging siya'y may pagdududa sa mga chop-chop gang na ito. Pakiramdam niya'y sila'y mga traydor. Masamang karma. Pero, wala na siyang magagawa, andidiyan na ito.
Maya-maya'y natanaw nila ang headlights ng sasakyan sa malayo.
"Si Meong na siguro ito..." sulyap ni Noel at tinapon ang kanyang upos.
Huminto ang lumang 4-wheel na delivery truck na may aluminum na container sa likuran. Namatay ang headlights at bumaba si Meong. Naglabasan ang mga chop-chop gang nang marinig ang sasakyan. Maingay lang ang makinang diesel.
"Ito din ba cha-chop-chopin namin?" tanong ng lider.
"Hindi, amin ito," sagot ni Cora.
"Ah ok," sabi ng lider, nakatingin sa truck at kay Meong bago lumingon sa mga kasama niya. "Paano, mga pre, sibat na tayo? Okay na kayo?"
Nagtanguan ang dalawang kasama niya.
"O, basta, textan tayo, okay? Miyerkules ng gabi," paalala ni Cora.
"Basta, 'yung pinag-usapan natin ha."
"Oo, usapan ay usapan," sabi ni Cora.
Nagdidiskusyon pa sa mga gagawin nila ang chop-chop gang habang naglalakad paalis. Nang makalayo'y lumingon pabalik ang lider at nakitang siryosong nag-uusap pa sina Cora, Noel at Meong sa harapan ng warehouse. Naisip niya, ano bang raket ng mga ito? Anong sindikato ito? Ang sinabi lang sa kanya'y may ipapatrabaho sa kanila na bus, na later on ay school bus pala. Hindi naman na siya nagtanong noon, basta't pinangakuan siya ng sampung libo at sa kanila pa ang spare parts. Basta uli, wala ng maraming tanong. 'Yun lang, mukhang kailangan niyang magdagdag ng extrang tao at naisip niyang kanyang bayaw. Wala siyang alam sa kidnapping hanggang sa mabalitaan na lang niya.
"Ano pang napansin mo?" sabi ng boses. "Nakuha mo ba ang plate number?"
"Madilim eh," iling ng chop-chop gang lider.
"Anong klaseng truck iyon? Anong modelo?"
"Madilim eh."
9:05 PM. WEDNESDAY. PRESENT DAY. ONE WEEK AFTER THE KIDNAPPING.
Nakaupo ang chop-chop gang lider katabi ang kanyang bayaw. Kapuwa sila naka-posas sa kamay at may ilang mga pasa sa mukha. Sa harapan nila ang kuwadradong mesa at katapat nila sina Inspector Tiglao at Andy. Nasa himpilan sila ng PNP-AKG sa Crame, sa kuwarto kung saan dinala rin sina Carol at David. Naroon din ang mga ito, si Greta na abugado at sina P01 Laperna at ang dalawang lalaking pulis na kasama nila ni Andy sa apartment.
"Sa haba ng kuwento mo, hindi mo masabi kung anong modelo nung delivery truck?" bulyaw ni Tiglao sa chop-chop lider. "Animo haba ng damo, 'yung amoy putik at 'yung buwan sa butas ng bubungan naalala mo, ano ka makata? Pero 'yung truck hindi mo matandaan?"
"Madilim nga, sir," ulit ng chop-chop lider.
"Madilim? Nagdidilim nang paningin ko sa inyo!" galit na sabi ni Tiglao.
Napaindak ang dalawang naka-posas.
"Mga chop-chop kayo pero 'di nyo masabi kung anong modelo nung truck?" sabi ni Andy.
"Kami mga chop-chop?" pagdeny ng bayaw.
"Umamin na kayo kanina!" sigaw ni P01 Laperna.
"Eh binantaan n'yong totodasin n'yo kami eh," sabi ng lider sabay turo kina Laperna at sa dalawang pulis.
Napatingin si Inspector Tiglao sa mga pulis na nagtinginan sa malayo.
"Tutoo ba ito?"
"Silang tatlo, sir," gatong ng bayaw. "Ihuhulog daw kami sa creek!"
Pinakita ng dalawang chop-chop gang ang mga pasa nila sa mukha.
"Tignan n'yo, may mga pasa kami!" angal ng lider.
Tumingin uli ang inspector kina Laperna at dalawang pulis.
"Malubak sa daan, sir," sabi ng isang lalaking pulis. "Nasiko ko ata."
"Pulis brutality!" sigaw ng bayaw. "Kailangan namin ng abugado!"
"Abugado ako," singit ni Greta. "Pero, 'di n'yo ko afford."
Sa likuran, napasandal sina Carol at David, iniisip kung saan papunta ang usapan na ito.
"Eh, kung iharap ko na lang kaya kayo kay judge," turo ni Inspector Tiglao sa dalawang chop-chop gang at ipinakita ang folder na may mga papel. "Hetong criminal records n'yo. Robbery. Theft. Carjacking. Extortion. Eh mga wanted pala kayo!"
"Resisting arrest pa kanina," dagdag ni Andy.
"Resisting arrest pa!" ulit ni Tiglao.
Umiiling-iling ang dalawang chop-chop gang.
"O, ano na?" tingin ng inspector sa dalawa. "Gising pa siguro si judge."
"Huwag kayong tumingin sa akin, sir," sabi ng bayaw. "'Di ko nakita 'yung truck. Nung Miyerkules ng gabi lang ako dumating."
Lumingon si Tiglao kay Laperna.
"Laperna, tawagan mo na nga si judge. Para makasuhan na'ng mga ito."
"Sinong judge, sir?"
"Bitay. Si Judge Bitay."
"Isuzu Elf closed van," biglang sabi ng lider. "2003 model. 3.6 Diesel."
"6-wheeler?" tanong ni Andy.
"4," pagkorek ng lider. "'Di ko masyadong matandaan 'yung plaka. Pero, luma na."
"Ayon..." pagpamewang ni Inspector Tiglao. "Madali pala kayong kausap eh."
***
May mga importanteng impormasyong nakuha sina Inspector Tiglao at Andy ng gabing iyon para makabuo sila ng teorya. Ayon sa mga testimonya't binuo nilang time frame ng kidnapping, naniniwala sila na isinakay ang mga bata sa isang closed van at inilabas ng Metro Manila patungo ng Norte. Ang mga lugar na kinokonsidera nila na maaaring pinagtataguan ng mga bata'y sa Pampanga, Zambales, Tarlac at Nueva Ecija.
May ipinaalala si P01 Laperna kay Andy.
"'Yung Benguet, sir?" aniya. "'Di ba sabi ni Valencia, may kilala siyang Balug doon?"
Ito'y sa dahilang ang buong pangalan ni Cora'y Corazon Gilawan Balug.
"Benguet?!" bulalas ni General Batac na kadarating lang noon. "That's ridiculous!"
Ayon sa heneral, napakalayo ng Benguet para gawing taguan ng mga kidnappers considering na ang drop-off point ay sa Manila. May katwiran naman siya. Alangan namang bibiyahe pa mula Benguet ang mga kidnappers para makipagnegosasyon. Bukod sa problema pa ang mahinang signal ay sadyang hindi ito praktikal.
"Gaano ba kayo kasigurado sa assessment n'yo?" tanong ni General Batac.
"Malakas ang kutob ko," sabi ni Andy.
"Kutob?" pagtaas ng kilay ng heneral.
Pero, kapuwa tiyak na sina Tiglao at Andy. Sigurado silang wala sa Metro Manila ang mga bata. Dahilan kung bakit hindi pinagbigyan ni Cora si David na makita si Macy. Dahilan din kung bakit natatagalan ang pagbibigay ni Cora ng proof of life.
"Nilabas nila ang mga bata, general, sigurado kami," panindigan ni Tiglao. "Somewhere north."
"I-check n'yong mga CCTV sa area at sa Expressway," utos ng heneral, "baka may match sa delivery truck na 'yon."
Tumango si Tiglao at agad na pinasa ang order na ito kay P01 Laperna. Noong gabing iyon hanggang umaga ay ni-review nila ang mga CCTV recordings at tama sa hinala nila, namataan nga ang delivery truck na lumabas ng North Expressway.
Isa pa sa mga nalaman nila noong gabing iyon ay ang tungkol sa ikalawang lalaki na nagngangalang Meong. Wala silang impormasyon sa kanya bukod sa ibinigay na deskripsyon ng chop-chop gang lider: matangkad at matipuno. Ipinakita nila ang litrato nina Cora, Noel at Sarah at na-establish na kasangkot nga si Noel sa kidnapping. Ayon sa chop-chop gang, hindi nila kilala si Sarah, na wala siya noong gabing nasa warehouse sila. Hindi rin maikonek ng mga pulis si Sarah sa pangba-blackmail kina David at Carol. Kung si Sarah'y sangkot sa kidnapping ay hindi pa matiyak nina Tiglao at Andy.
Dinetain nila ang dalawang chop-chop gang members pending investigation. Pinangalanan ng mga ito ang dalawa pa nilang kasamahan sa pag-chop-chop sa school bus, pero ayon sa mga pulis, kung may maidaragdag ang mga ito na impormasyon ay minor na lamang. Inutos ni General Batac na i-recover ang mga school bags ng mga bata na pinagnanakaw ng chop-chop gang, at least maibalik daw ang mga ito sa mga magulang.
Pinauwi na rin nila noong gabi sina David at Carol.
Subalit hindi pa roon nagtatapos ang lahat pagka't ang pinakaimportanteng lead nila ay dumating kinabukasan sa pamamagitan ng simcard na nagawang ma-recover ni Mr. Albalde.
NEXT CHAPTER: "The Call 2"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top