Chapter 25: On the Trail of...

6:12PM. TUESDAY.

"Hindi ko naman tinatanong kung anong trabaho ng mga umuupa," sabi ng naka-sandong lalaking may kaitiman. "O kung taga-saan sila..."

Kasunod niya sina Andy, P01 Laperna at ang dalawang pulis sa makitid na hallway ng apartment building. Apat na palapag ito. Bakbak na ang pintura sa pader at kisame. Ang vinyl na sahig ay may balat na ng dumi at nagkalat ang mga tsinelas sa floormat ng mga pintuan ng apartment units. P4.5k ang upa sabi ng naka-sandong lalaki na siyang katiwala. Sa hallway, amoy pa rin nila ang tubig kanal. Naisip ni Andy kung paano nakakatagal ang mga tao na araw-araw iyon ang kanilang nalalanghap. Sanayan lang siguro. May nagsilipang mga tenants sa pintuan nang marinig sila nguni't nang makitang mga pulis ay agad ding nagbalikan sa loob.

"Dito siya," turo ng katiwala sa dulong apartment unit na tabi na sa fire escape. Unit 408, nasa pinakaitaas sila.

Habang hinanap ng katiwala ang susi sa lumpon ng mga susing hawak ay sinubukang buksan ni Andy ang pintuan ng fire escape nguni't nakakandado ito. Tinanong niya kung bakit.

"Sinadya naming i-lock 'yan," sabi ng katiwala. "Paano, ginagawang daanan ng mga magnanakaw."

Naisip ni Andy na kung ang magnanakaw ba'y naroon para magnakaw o umuuwi lang. Napailing siya. Nahahawa na ata siya kay Laperna at napatingin sa babaeng pulis. Hindi naman masamang tignan si Laperna. Morena. Maiksi ang buhok. Bilugan ang katawan sa importanteng mga parte. Walang asawa o nobyo.

Tunog ng susi sa doorknob. Tinulak pabukas ng katiwala ang pintuan at nagpasukan silang lahat sa apartment ni Cora. Madilim. Sinwitch ng katiwala ang ilaw at hinawi ang kurtina. Tinulak niya ng bukas ang mga bintana, padilim na sa kalangitan, at muling pumasok ang bagong aroma ng tubig kanal.

"Malala pa 'yan dati," ani ng katiwala ukol sa amoy. "Nalinis na nila ang estero. Dati tambak ng basura."

Sa mesang kainan nakapatong ang bote ng gin katabi ang baso. Dinampot ni Andy ang bote at nakitang nasagad na ito. Nagsimulang halughugin ng mga pulis ang mga kagamitan sa loob. Wala namang gaanong gamit maliban sa kama, kabinet, TV at ref. Semi-furnished pagmamalaki ng katiwala, bagama't mga second-hand na. Third-hand pa nga ata.

"Kailan pa siya dito?" tanong ni P01 Laperna habang sinisilip ang loob ng kabinet ng mga damit. Napatingin si Andy pagka't mahalagang tanong iyon.

"Two months ago pa ata," pagalala ng katiwala, may kamot pa sa tagiliran.

"Matagal na pala," ani ni Laperna habang kinakapa ang bulsa ng mga pantalon sa kabinet.

"Bayad na nga 'yung upa sa susunod na buwan," nagmalaki muli ang katiwala.

Biglang humudyat ang isang lalaking pulis, "Sir!"

Hawak niya ang I.D. ni Cora, expired na driver's license. Lumapit naman ang isa pang lalaking pulis pagka't nakita naman niya'y bibliya't rosaryo. Agad nilang ibinigay ang mga ito kay Andy. Excited din ang katiwala, naikuwento sa kanya ang tungkol kay Cora at feeling niya'y nasa pelikula siya.

Nasa kamay ni Andy ang driver's license at doon nakapaskil ang buong pangalan ni Cora:

Corazon Gilawan Balug.

"Jackpot!" bulalas ni P01 Laperna.

"Yun oh!" sabi ng katiwala, makikipag-apir sana pero hindi siya pinansin.

Napangiti si Andy. Isang linggong naging palaisipan ang katauhan ng kidnapper. Ngayon ay heto, at kilala na nila. Sa kasamaang palad, patay na rin ito't hindi na nila makakausap.

"Balug?" basa ni Laperna. "Tagasaan kaya siya?"

"May kilala akong Balug," sabi ng isang lalaking pulis. "Taga-norte."

"Norte?" ulit ni Laperna. "Bulacan?

"Lampas pa. Benguet."

"Anlayo."

Biglang napatingin ang lahat nang sa may bukas na pintuan ng apartment ay may biglang sumulpot na dalawang lalaki: isang matabang napapanot at isang matangkad na payat.

"Yes? Anong kailangan n'yo?" pagtaas ng kilay ng katiwala sa kanila.

Ang nakakatawa'y kung gulat na sina Andy, Laperna at mga pulis, ay mas gulat pa ang dalawang lalaking dumating na nang makita ang mga uniporme nila'y agad na nagtatakbo. Hindi na kailangang iproseso pa ni Andy sa kanyang utak na involved ang mga ito—ang dalawa na walang iba kundi ang lider ng chop-chop gang at ang kanyang bayaw, na naroon pala para singilin si Cora sa parte nila sa ransom.

"HOY! TIGIL!" sigaw ni Andy.

Hinabol nina Laperna at dalawang pulis ang chop-chop gang lider at bayaw nito na mabilis na tumakbo pababa ng hagdanan. Hahabol din sana si Andy pero biglang may naisip siya at napatingin sa fire exit tapos ay lumingon sa katiwala.

"'Yung susi nito? Nandyan ba?" turo ng P.I. sa pintuan ng fire exit.

"O-oo."

"Buksan mo dali!"

Tarantang hinanap ng katiwala ang susi sa lumpon ng mga susi.

"Heto! HETO!" excited niyang sabi at daliang binuksan ang pintuan ng fire exit. Agad na bumaba ng bakal na hagdanan si Andy.

"Ingat, boss!" sigaw ng katiwala. "Kalawangin na 'yan!"

May edad na si Andy pero may taglay pa ring brusko lalo na sa larangan ng pagtugis sa masasamang tao. Dala lang ng adrenaline. Mabilis siyang nakababa sa 3rd floor. At bakit niya naisipang gamitin ang fire exit? Pagka't kanina nang sumilip siya sa bintana nito'y nakita niyang tama ang sinabi ng katiwala—sa ibaba ng fire exit ay madilim na bakuran na may pader at sa kabila ng pader ay daanan sa gilid ng creek. Mainam nga na rota para sa mga magnanakaw o mga tumatakas pagka't dito'y madilim at taklob pa ng mga puno. At makarating sa second floor ay hayun nga't nakita niya ang dalawang chop-chop gang na sumasampa na sa pader.

Binunot ni Andy ang baril sa holster sa gilid ng kanyang leather jacket, isang .38 na Smith & Wesson at inumang sa ere. Warning shot. Umalingawngaw ang putok sa dilim ng gabi na tila umecho pa sa lagusan ng creek. Nagtahulan ang mga ligaw na aso sa paligid. Nagulat ang dalawang chop-chop gang sa putok kaya't nabitawan nila'ng kapit sa pader at sila'y nalaglag pabalik. Dumating sina P01 Laperna at dalawang pulis at sila'y pinaghuhuli.

Naupo sa bakal na hagdan si Andy, hinihingal. Sa itaas sa fourth floor, nagsisipag-cheer ang katiwala kasamang mga tenants ng apartment na nagsipaglabasan nang marinig ang komusyon. Huli, kayo! Mga ungas! Sigaw nila. Sa ibaba, kita ni Andy na pinosasan nina Laperna't mga pulis ang mga salarin. Binalik niya'ng baril sa holster at bumunot ng stick ng yosi at nagsindi. Tumingin sa kanya si Laperna at masayang nag-thumbs-up na may kasamang kindat pa. Napangiti si Andy at tumango pabalik. Jackpot. Kinuha niya'ng kanyang cellphone at nag-dial.

"Tiglao, si Andy ito," aniya sa phone.

***

Hindi inaasahan ni Carol na babalik siyang muli sa Crame—doon sa kuwarto kung saan ipinakita ni Inspector Tiglao ang litrato ng mga crime scenes ng bangkay ng mga biktima ng kidnapping, karamihan mga bata, nakatali ang mga kamay at paa, at nagkalat ang dugo. Tumatak ang mga iyon sa kanyang isipan, mga imahen na sinundan siya hanggang sa pagtulog. Nag-agree siyang bumalik sa Crame hindi lang dahil willing siyang makipag-cooperate sa mga pulis para pababain ang kaso niya (ayon na rin sa advice ng kanyang lawyer) kundi'y gusto rin niyang matapos na ang lahat, na mahuli si Cora at mga kasama nito. Bagay na makapagbibigay sa kanya ng peace of mind.

"Please sit dowm, Ms. Bertrano," sabi sa kanya ni Inspector Tiglao.

Naupo si Carol. Kasama niyang kanyang babaeng abugado. Kapuwa pormal ang mga suot nila. Napansin kasi ni Carol na noong una siyang kinausap ng mga pulis, una sa presinto, pangalawa rito sa Crame, ay pinagtinginan siya ng mga tao dahil sa sexy niyang kasuotan. Biglaan din naman kasi ang punta niya at hindi na siya nakapagbihis. Na-conscious siya. Ayaw niyang pagkamalan siyang prosti.

"You remember my lawyer, Greta," senyas ni Carol sa katabi. Sa pagitan nila at ng inspector ay ang kuwadradong lamesa.

"Yes, yes," tango ni Tiglao at napatingin kay Greta. May hitsura din ang abugada, maputi, mahaba ang buhok na may highlights na blonde. Palagay niya'y graduate ng law sa ibang bansa.

Hinanap ni Carol si Andy at sinabi ni Tiglao na kasalukuyang abala ang P.I. sa paghahanap sa hideout ni Cora na naniniwala silang nasa area ng Sampaloc, malapit sa creek kung saan siya nasawi.

"My God! She's dead?" gulat na sabi ni Carol. Ngayon lang niya nalaman. Hindi sila makapaniwala ng kanyang abugado.

"Yes, unfortunately," kumpirma ng inspector. "Nahulog siya sa creek during a police chase. Nabagok ang ulo niya. Dead-on-the-spot."

Biglang naalala ni Carol ang mukha ni Cora. Ang sa kanya'y pangit nitong mukha, ang malagkit nitong buhok at magaspang na kutis, lalo na ang kinaiinisan niyang ngiti nito. Nakaramdam siya ng relief knowing na patay na ito. Nagpunta rito si Carol pagka't natatakot siya para sa anak niyang si Polly. Natatakot siya na baka anak naman niya ang biktimahin ni Cora. Hindi niya makakalimutan ang tingin na ibinigay nito kay Polly noong araw na pinuntahan siya sa kanyang townhouse.

"Kailan ito?" tanong ni Tiglao at inilabas ang kanyang notepad at lapis.

Napaisip si Carol, "Anong araw ba ngayon?"

"Tuesday," sabi ng kanyang lawyer.

Nagbilang si Carol sa isipan. Nagcheck naman ng notes si Tiglao.

"Two weeks ago?" alala ni Carol. "I think, Wednesday ata 'yun."

Kinuwento niya kay Tiglao ang tungkol sa tagpuang iyon, na weird pagka't si Cora ay umano'y nakabihis pa na isang census taker. Kinonfirm ito ni Tiglao, na nagpanggap si Cora na census taker at pinuntahan din ang townhouse nina Joanna para kausapin ang maybahay. Joanna. Tuwing nababanggit ang pangalan ni Joanna ay nagiging uneasy si Carol.

"Ano'ng agenda niya? Bakit niya ginawa iyon?" tanong ng abugado.

"Gusto niya sigurong makilala si Joanna, makaharap in person," sabi ni Tiglao. Dagdag niya, na tulad sa "profiling" o ang pagbuo ng mga impormasyon ukol sa character at behavior ng isang criminal, ang ginawa ni Cora ay isang paraan para makakuha rin siya ng impormasyon ukol sa kanyang mga binibiktima.

"But, what does it have to do with my client?" tanong pa ng lawyer.

"Perfect example," sabi n Tiglao at bumaling kay Carol. "Pinuntahan ka ni Cora para ipakita sa iyo na alam niya kung saan ka nakatira, isang paraan ng pananakot."

Which is true, dahil nagkaroon ng pangamba noon si Carol para sa anak niyang si Polly. Tinake note ito ng abugado na ang pagpunta ni Cora sa townhouse ni Carol ay isang form of harassment, at mapalakas ang depensa nila na si Carol ay isa ring biktima.

"T-that's good, right?" sabi ni Carol ukol sa pagkamatay ni Cora. "I mean, hindi na siya mangingidnap na muli."

Umiling ang inspector. Ang problema'y hindi naibigay ni Cora ang lokasyon ng mga nakidnap na mga bata. Napailing sina Carol at ang abugado niya. Malaking problema nga iyon.

"S-si David?" tanong ni Carol.

"Kinukunan ng statement sa kabilang kuwarto," senyas ni Inspector Tiglao, aniya, mula sa Sampaloc ay dumiretso sila rito ni David para i-file ang report ukol sa nangyari sa drop-off.

Maya-maya'y bumukas ang pintuan at pinapasok ng isang pulis si David sa kuwarto. Nang makita ni Carol si David ay bumilis ang pintig ng puso niya. Kahapon lang sila huling nagkita dito rin mismo sa kuwartong ito pero pakiramdam niya'y para bang kay tagal na noon.

"Carol..." mahinang bati ni David.

"David..."

"Take a seat, Mr. Ruiz," sabi ni Inspector Tiglao.

Naupo si David. Hindi maalis ni Carol ang kanyang tingin. Bakas sa mukha ni David ang matinding pagod both physically and emotionally. Kahapon lang nakita ni Carol si David pero parang napakalaki ng ipinagbago nito sa nagdaang mga oras. Naglaho ang sigla sa katawan ni David, ang kilala niyang malakas nitong personalidad ay napalitan ng isang taong tila sumuko na sa laban. Gustong tanungin ni Carol kung anong nararamdaman ni David sa mga sandaling iyon. Gusto niya itong yakapin. Laman ng isipan niya si David. In spite of everything, na-miss niya ito. Kagabi, napanaginipan pa nga niya si David. At sa panaginip niya, binuksan niyang pintuan ng kanyang townhouse at naroon si David sa labas. Sinabi ni David na na-recover na ng mga pulis sina Macy at mga bata, at nalaman na rin ni Joanna ang tungkol sa kanila. Sinabi ni David na naghiwalay na sila ni Joanna at maaari na silang magsama ni Carol. Silang dalawa kasama si Polly. Parang isang pamilya. Nang magising si Carol mula sa panaginip ay tumitibok ang puso niya. Napaka-vivid ng panaginip. Akala niya'y tutoo.

Winish niya na sana ay tutoo nga.

Naputol ang kanyang pag-daydream nang marinig ang malakas na boses ni Tiglao.

"Makinig kayo," panimula ng inspector. "Kung may hindi pa kayo sinasabi, sabihin n'yo na, kung may hindi kayo maalala, alalahanin n'yo na. Nakasalalay sa ating lahat ang buhay ng mga bata."

"Nagkita kami kahapon," biglang sabi ni David.

"Nino?" mulat na tanong ni Inspector Tiglao.

"Ni Cora."

"Ha? Anong pinagusapan niyo?" ganoon na lang gulat ni Tiglao.

"Na baka alam na ninyo ang tungkol sa amin ni Carol..."

Napatingin si Carol kay David.

"Saan kayo nagkita? Anong oras ito kahapon?" mabilis na mga tanong ng inspector.

"Bago ako magpunta dito...sa McDo sa Quezon Avenue..." ulat ni David.

Napamura si Inspector Tiglao. Naalala niya. Sinundan nila ni SP01 Suratos si David noon, mula 7-11 hanggang sa Quezon Avenue at tinigil lang nila ang pagsunod nang tumawag si Andy at sila'y nag-u-turn pabalik ng presinto. Kung sinundan pa sana nila ng mas matagal ay natunton nila sina David at Cora sa McDo. Shit lang.

"Ba't mo ginawa 'yon, Andy?" tanong ni Carol.

"G-gusto ko kasing makita si Macy," may nginig sa boses na dahilan ni David.

Nagtaka si Inspector Tiglao.

"Makita?"

Binanggit ni David iyong usapan nila ni Cora na dadalhin ang mga bata sa isang safehouse para doon i-recover ng mga pulis. Nasabi na niya ito kina Tiglao at Andy, pero nagkaroon ito ng ibang kahulugan ngayon. Kung gustong makita ni David si Macy ay nangangahulugang ang alam ni David ay malapit lamang ang safehouse. At least, within Metro Manila. Ang nakapagtataka'y hindi siya pinagbigyan ni Cora. Isa pa'y noong nasa kotse sila ni Cora ay ilang beses na tinatanong ni David ang lokasyon ng mga bata'y pero ayaw sabihin sa kanya. Bakit ayaw sabihin ni Cora gayong kasabwat naman niya si David?

"Ibig sabihin wala sa Metro Manila o nearby ang mga bata," sabi ni Tiglao at bumaling kay David, "Imposible ang hiniling mong makita si Macy pagka't ang tutoo ay nasa malayo silang lugar."

Lumipas pa ang isang oras na nag-usap sila pero wala nang naidagdag sina Carol at David na impormasyon. Nag-ring ang cellphone ng abugado ni Carol at nag-excuse itong lumabas sa hallway para doon makipag-usap. Dinig nila ang malakas na boses nito mula sa loob. May ka-argumento sa cellphone.

"S-si Inez," tanong ni David sa inspector. "May alam siya?"

Napatingin si Carol. Nagtataka. Si Inez? Tumango si Tiglao.

"Siya ang lumapit kay Andy para sabihing may hinala siyang may relasyon kayo," pag-amin niya at bumaling kay Carol. "Dahilan din para imbestigahan ka ni Andy at sundan namin si David."

Malungkot na tumango si David. Tanggap niya, at alam niyang wala siyang dahilan para magalit sa kapatid. Ginagawa lang ni Inez ang nararapat. Para kay Macy. Para sa lahat. Pero, hindi si Carol. May himutok siya, I knew it, sabi niya sa isipan, that bitch.

Maya-maya'y nag-ring naman ang cellphone ni Tiglao. Tawag mula kay Andy.

"Dalawa? Sinong dalawa?" gulat na expresyon ng inspector at napatayo at mabilis na lumabas ng kuwarto.

Naiwan sa loob sina Carol at David. Ngayon, dalawang malalakas na boses na ang dinig nila mula sa labas ng kuwarto. Tumingin si Carol kay David.

"David..." tawag niya.

Pero, hindi tumitingin si David. Nakayuko lamang siya. Malungkot. Taong balot ng pagsisisi.

"David..."

Nilapit ni Carol ang upuan niya at hinawakan niya si David sa kamay.

"Kumusta ka, David? Okay ka lang?"

Matagal bago sumagot si David at sa pamamagitan lamang ng pagtaas ng kanyang mga balikat.

"Don't worry. Everything's going to be okay," diniin ni Carol ang kapit niya.

"I-ikaw, kumusta?" tanong ni David.

Sinabi ni Carol ang mga planong nilatag nila ng kanyang abugado. Na pinaghahandaan na nila ang maaaring mangyari. Unang-una ay kinakailangan niyang humanap ng bagong matitirahan, na importanteng magkaroon sila ng distansya ni David, lalong-lalo na ni Joanna. Ini-stress niya ang distansya. Inaantay niya ang reaksyon ni David. Pero, tahimik lang ito.

"Sinabi ko na sa mga real estate agents na kilala ko at nagpapahanap na rin ako ng marerentahan," sabi ni Carol. "Worse comes to worst, David, kung kailangan mo ng matitirahan if ever na umalis ka sa bahay, pwede kang tumira sa akin."

Diniinan pa ni Carol ang kapit kay David at nilapit niyang katawan at naramdaman ni David ang dibdib niya sa kanyang balikat. Malambot. Mainit. Nahimasmasan si David at lumayo ng upo't bumitaw kay Carol. Nagulat si Carol at nahiya.

"Mahal ko si Joanna..." sabi ni David.

Pakiramdam ni Carol ay sinampal siya sa mukha ng katotohanan.

"Well...ah...I mean..." nauutal niyang sabi at triny na isalba ang sarili. "Just in case lang naman na kailangan mo ng matutuluyan...I mean..."

"I don't love you, Carol," diretsong sabi ni David.

Nanlaki mata ni Carol.

"Fuck you, David. Fuck you," ngitngit na sabi ni Carol na may turo pa, "Don't you remember 'yung sinasabi mo sa akin everytime that you're fucking me? Everytime that I let you go down on me? Everytime that I blow you? That you love me! That you're willing to leave your wife for me."

"Carol..."

"Don't you deny it, David!"

"I..." hindi alam ni David ang sasabihin.

Biglang bumukas ang pintuan at pumasok si Inspector Tiglao hawak pa rin ang cellphone.

"Okay, pare, hihintayin kita dito," aniya. "Okay, okay..."

Inayos ni Carol ang upo. Pasimple niyang pinahid ang namuong luha sa gilid ng mga mata. Maya-maya'y pumasok na rin si Greta na kanyang abugado.

"A-anong nangyari, inspector?" tanong ni Carol habang inayos ang composure.

"May lead tayo," excited na sabi ni Inspector Tiglao.

Aniya, may nahuli sila Andy na mga accomplice ni Cora—dalawang umano'y nga chop-chop gang members na umaming sila ang nag-chop chop sa school bus.

"So, nasaan na ang school bus?" tanong ng abugado.

Ayon sa inspector, malamang ang mga parte ay nasa Banawe street na o sa mga kalye na nagbebenta ng spare parts. Pero, hindi raw iyon ang mahalaga. Ang importante ay ang sinabi ng dalawang chop-chop gang members na nakita nila.

"Delivery truck," sabi ni Inspector Tiglao. "Sinakay nila ang mga bata sa delivery truck."

NEXT CHAPTER: "Northbound"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top