Chapter 23: Silence

Mula Greenhills ay nagpaikot-ikot ng daan sina David at Cora. Boni Serrano, Horseshoe Village, N. Domingo tawid ng Aurora Blvd. Kaliwa't-kanan sa Immaculate Concepcion at sa isang kalye na walang dumadaang sasakyan ay pinahinto ni Cora ang kotse sa gilid.

"Buksan mo ang likuran," sabi ni Cora at bumaba ng kotse.

"Ha?"

"'Yung likuran!" turo ni Cora sa back compartment.

In-open ni David ang back compartment. Nagliwanag ang mukha ni Cora nang makita ang tatlong malalaking gym bags na naroon—ang ransom money. Binuksan niyang zipper at sinilip ang laman at lalo pang nasiyahan nang makita ang limpak-limpak na pera.

"O tulungan mo ako!" tawag ni Cora.

Binuhat nila'ng mga bag at nilagay sa likurang upuan ng kotse. Pagkatapos ay nagpatuloy sa pagmamaneho si David. Mula roon ay lumabas sila ng E. Rodriguez at dire-diretso na sa direksyon ng Welcome Rotonda. Patuloy ang malakas na patugtog ng radyo at ang pagturo ni Cora sa kanilang dadaanan. Napapa-Praise the Lord si Cora, at paulit-ulit na kinakapa-kapa ang mga bag sa likuran. Pinapalagay niyang magkakarami ng laman na pera ang tatlong mga bag sa pamamagitan ng pagtantsa ng bigat ng mga ito.

"Saan punta natin?" tanong ni David.

"Basta dumiretso ka lang," sabi ni Cora.

"Anong ginagawa mo?" pagtataka ni David.

"50-50 'di ba?" sabi ni Cora. "Hinahati ko na ang pera. Kalahati sa 'yo, kalahati sa akin."

Binuksan na nga ni Cora ang isang bag at nilalabas ang mga bundle ng pera at nilalapag sa upuan sa likuran.

"Tumingin ka lang sa daan, baka maaksidente pa tayo," turo ni Cora. "'Wag ka mag-alala 'di kita dadayain. Usapan ay usapan."

Medyo nataranta si David.

"S-si Macy? 'Yung ibang mga bata, nasaan sila?" tanong niya.

"Ha? Ano?" hindi agad dinig ni Cora pagka't abala siya sa pagbabahagi ng pera at dahil malakas ang tunog ng radyo.

"Nasaan ang mga bata?" paglakas ng boses ni David.

"Mamaya. Sabihin ko sa 'yo mamaya," sabi ni Cora, nakalahati na niya ang paglabas ng pera. Ang balak niya'y dalhin ang isang bag na puno, isang bag na kalahating laman at iwan ang matitira. Tulad ng usapan nilang 50-50.

Tumawid ang kotse ng Araneta Avenue. Hininaan ni David ang radyo.

"Malapit na tayo sa Welcome Rotonda," malakas niyang sabi. "Saan ba punta natin?"

"Pumasok ka ng Mayon," sabi ni Cora na abala sa pagaasikaso sa pera, napansin niyang humina ang radyo kaya't kanyang nilakasan muli.

***

Sa townhouse, rinig nina General Batac at Mr. Albalde iyon.

"Shit! Magkasama sila!" gulat na sabi ng heneral at kanyang ibinalita iyon kina Inspector Tiglao at Andy, at inutos sa mga tauhan niya na alertuhin ang mga pulis. Nagsilapitan sina Joanna at iba pa.

"General, ano ba'ng nangyayari?" malakas na sabi ni Joanna.

"We have the right to know," sabi naman ng tatay ni David.

Alam nilang hindi na normal ang nangyayari, na may problema na kaya't na-alarma ang mga Ruiz. Maging si Ruffles ay tumatahol na rin. Nagkatinginan sina heneral at Inez, alam niyang may alam ito sa sabwatan nina David, Cora at Carol. Tumango sa kanya si Inez, nagsasabi na siya na ang bahala kung ano sasabihin. Sinabi ng heneral sa kanila na kasama ngayon ni David si Cora sa loob ng sasakyan at sila'y patungo ng Welcome Rotonda.

"What?" gulat na sabi ni Joanna. "Bakit sila magkasama? What's happening?"

"Kinikidnap ba nila si David?" tanong ng tatay ni David.

"Mommy, anong nangyayari kay Daddy?" tanong ni Marco.

Sunod-sunod ang tanong. Hindi alam ng heneral kung paano niya ipapaliwanag. Tumunog ang walkie-talkie. Come in, General, sabi ni Tiglao.

"Inaalam pa namin," sabi na lamang ni General Batac sa kanila at dinampot ang walkie-talkie. Napabuntong-hininga si Inez.

Dismayado ang mga Ruiz. Pinangako sa kanila na maayos ang magiging negosasyon sa kidnapping pero heto't nagkakagulo ang kawani ng PNP-AKG. May violent reactions, pero alam naman nilang wala rin silang magagawa kundi isaalang-alang ang lahat sa mga pulis.

"Batac ito," sabi ng heneral sa walkie-talkie.

***

Nabulabog ang traffic sa EDSA sa malakas na sirena ng mga sasakyan nina Tiglao at ng kotse ng dalawa pang PNP-AKG. Convoy sila kasamang pick-up truck ni Andy. Patungo sila ng Cubao kung saan may konting traffic pa-North bound sa area ng White Plains gawa ng mga sasakyan na nag-u-u-turn sa may Boni Serrano.

Attention all units, proceed to Welcome Rotonda, Mayon, Sampaloc area, suspect inside a Silver Toyota Altis with plate number... Itong sabi sa radyo ng mga pulis.

"Malapit na kami sa Cubao," sabi ni Tiglao at kay SP01 Suratos na nagmamanaeho, "Suratos, 'yung pinakamabilis na daan papunta ng Welcome."

"Yes, sir!"

***

Paikot ng rotonda ay bumagal ang takbo ng mga sasakyan sa mga nagsasalubong na papuntang España, Quezon Avenue at E. Rodriguez. Pumasok sina David at Cora sa Mayon St. kung saan sila liliko ng P.Florentino Street patungo ng Blumentritt. Dahil panatag si Cora na malulusutan niya ang mga pulis ay simple lang ang balak niya: bumalik sa apartment, doon itago muna ang pera at makipagkita kina Noel at Meong matapos na mabigay din niya ang parte ng mga chop-chop gang. Nahati na niya ang ransom money at nakahanda na ang dalawang bag. Ang nilabas na mga pera mula sa isang bag na parte ni David ay nakakalat sa likod.

"P. Florentino," ulit ni David at yumuko para lumapit ang bibig niya sa dibdib.

Napansin ito ni Cora. At ngayon lang din niya na-realize. Na inuulit-ulit ni David ang lugar kung nasaan sila. Na tila may kakaibang ikinikilos si David. Kita niyang pinagpapawisan ito't kabado. Inisip ni Cora na marahil ay kinakabahan lang ito. At bakit hindi? Ikaw ba naman ang sangkot sa kidnapping ng sarili mong anak. Ikaw ba naman ang nangangaliwa na sa asawa'y kumikimkim pa sa ransom money. Sinong matinong tao ang gagawa noon? Naisip ni Cora na well, kasalanan din naman niya kung bakit napunta sa ganoon. Tama rin sina David at Carol na nilagay niya ang mga ito sa alanganin. Ginipit. Kung kaya't wala silang choice. Sa radyo, patuloy ang tugtog sa love radio.

"O, anong plano mo sa pera mo?" tanong ni Cora.

"Ano 'yon?" balik ni David.

"Saan mo itatago 'yang pera mo?"

"Hindi kita marinig," sabi ni David. Dinig naman niya pero nagkuwari siyang nabibingi sa tugtog at tawanan ng mga DJ sa radyo.

Hininaan ni Cora ang volume.

"'Yung pera mo," ulit ni Cora. "Paano mo itatago 'yan?"

"Ah eh..." nabigla si David sa tanong at mabilis na nagisip ng tamang isasagot. "K-kay..."

Hindi niya mabanggit ang pangalan ni Carol. Pero, gets naman ni Cora.

"Ah, sa kabit muna pala," ngiti niya.

"O-oo," tango ni David. "'Y-yung mga bata, si Macy..."

"Oo oo, masyado kang praning," iling ni Cora. "Bibigay ko sa 'yo address kung saan sila mahahanap bago tayo maghiwalay. Iiwan ko na rin sa 'yo cellphone ko. Ikaw na magbura ng video."

Sa dami ng pangyayari ay nakalimutan na ni David ang tungkol sa sex video. Ni parang wala na nga siyang pakialam sa scandal na iyon. Ang tanging concern niya'y si Macy.

"Paano ako makakasiguro na nandoon sila?" tanong ni David.

Napatingin si Cora. Parang nainsulto.

"Tingin mo ba'y lolokohin kita sa bagay na 'yon?" maaangas niyang sabi. "Ang usapan ay usapan 'di ba? Saka hindi ako ganung kasamang tao! May takot din ako sa Diyos!"

"N-naniniguro lang ako..." sabi ni David.

Nagtaas ng balikat si Cora. Tanggap niya iyon.

"Okay okay," aniya.

Para kay David, kung maibabalik si Macy at mga bata ng ligtas ay marahil maging okay na ang lahat. Wala siyang pakialam kung matangay ni Cora ang pera. Pero, iniisip din niya ang mangyayari pagkatapos ng lahat. Kaya ba niya talagang harapin sina Joanna at ang lahat kapag nalaman nila ang katotohanan? At paano si Carol? Paano ang anak niyang si Polly? Ang kahihiyan din nila'y kasalanan niya. Kaya ba niyang harapin ang kahihiyang ito? Ang makasuhan? Ang makulong? On the way sa drop-off ay napapaisip din siya. Kung tumakas kaya siya? At tangayin ang parte niya sa ransom? Kung magtago na lang kaya siya? Apat na milyon ay sapat na para itakas sina Carol at Polly.

***

Nasa Timog Avenue ang convoy nila Tiglao at palabas na ng Quezon Avenue.

"P. Florentino pa-Blumentritt," inform ng heneral sa walkie-talkie. Narinig nila ni Mr. Albalde ang usapan nina David at Cora sa headphones. Mabuti't hindi naka-speaker kundi'y tiyak na magugulat sina Joanna at iba pa sa pagbanggit sa umano'y "kabit." Lalo na sa sex video. Ganoon na lang ang gulat muli ni Mr. Albalde na malaman ang mga bagay na ito.

"Paliwanag ko sa 'yo mamaya," tapik muli ng heneral sa kanya.

***

Sa kanyang pick-up truck, lunod sa pag-iisip si Andy, sa pag-aanticipate sa patutunguhan nina David at Cora. Katabi niya si P01 Laperna.

"Baka tuloy nila niyan sa Tondo, sir," muni ng babaeng pulis. "O baka sa Dagat-dagatan..."

Tumingin sa kanya ang private investigator.

"Parang pinapalagay mo na taga-squatter 'yung kidnapper a."

"Malay lang natin, sir," sabi ni P01 Laperna. "'Di ba sa may riles may mga squatters din? Ay teka, parang wala na ata..."

Riles. Napaisip si Andy at kinuha niyang walkie-talkie.

"Mag-roadbock tayo sa Governor Forbes, Dapitan at Maceda," pagtawag niya. "Ikahon natin sila. Concentrate tayo sa may riles. Tauhan natin ang mga istasyon."

Naisip ni Andy ang posibilidad na sumakay ng tren si Cora.

"Roger," sabi ni Tiglao sa walkie-talkie.

"Sir, Lacson na 'yon hindi na Governor Forbes," pag-korek ni P01 Laperna.

"Alam na nila 'yon," sabi ni Andy.

***

Tama rin naman ang hula ni Andy pagka't malapit sa riles ang inuupahang apartment ni Cora. Doon kung saan amoy niya ang tubig ng estero. Ang balak niya'y bumaba sa may riles at lakarin na lamang patungo ng apartment. Tumawid sila ni David ng Blumentriit, Maceda at malapit sa E. Quintos ay natanaw nila ang riles ng tren.

"Itabi mo doon," turo ni Cora sa kanto.

"Sa riles?" ulit ni David. Hindi na niya kailangang lakasan ang boses pagka't hindi na ganoon kalakas ang radyo.

Napatingin si Cora. Ayan at inulit na naman ni David ang lugar kung nasaan sila.

"Oo, bago tumawid," nakatinging sabi ni Cora, napapaisip, nagkakahinala. "Doon na ko bababa."

Nagminor si David at itinabi ang kotse kung saan tinuro ni Cora. Hindi ganoon karami ang mga sasakyang nagdaraan sa kasalukuyan, bagama't may karamihan ang tao sa paligid. May matandang tulak ang kariton, may dumadaang bisikleta ng vendor ng hilaw na mangga at may mga tambay. Lalabas si Cora ng kotse pero naka-lock ang pintuan.

"O buksan mo'ng lock," sabi niya.

"Baka gusto mong bilangin muna ang pera," sabi ni David. "Baka kulang 'yung paghati mo."

"Okay na 'yan," sabi ni Cora. "Baka 'di ko na mabuhat sa bigat."

"San ba punta mo?" tanong ni David. "Gusto mo dalhin na kita doon? Para 'di ka mahirapan sa pagbubuhat."

Napatingin uli si Cora.

"Kaya ko na 'to," aniya.

"Sigurado ka? Mabigat 'yang mga bag."

"Kaya ko 'to," diin ni Cora.

"O-okay," sabi ni David.

"O buksan mo na!"

Pinindot ni David ang power lock. Lumabas ng kotse si Cora at nagtungo sa likurang pintuan at binuksan iyon. Lumingon siya sa paligid para alamin kung may tumitingin. Nang kukunin na niya ang dalawang bag sa likurang upuan ay pinigilan siya ni David.

"'Yung mga bata. Nasaan sila?" tanong niya.

Nagulat si Cora. Hinahatak niya ang dalawang bag ng pera, isang puno at isang nangangalahati na kanyang binawasan, pero siya'y pinipigilan ni David na hawak ang mga sukbitan.

"Bitawan mo," sabi ni Cora.

"Nasaan 'yung mga bata? 'Yung address?" sabi ni David.

"Putangina! Bitawan mo!" galit na sabi ni Cora.

"Yung addess!" sigaw pabalik ni David.

"Itetext ko na lang sa iyo!"

"Ibigay mo na ngayon!"

"Tangina! Bitawan mo!"

Sa lakas ng boses nila'y napatingin ang mga istambay. Pati ang matandang nagkakariton, maging ang vendor ng hilaw na mangga na nagbibisikleta. Kita nila si Cora na para bang may hinihila, o hinihila paloob ng kotse? Ano yon? Kidnapping ata? Tingin ng anim na mga lalaking tambay na suot ay sando at shorts. Uy! Kinikidnap 'yung babae o! sabi nila. Nagsilapitan sila.

"Bitawan mo!" sigaw ni Cora.

"'Yung address muna!"

May napansin si Cora sa sahig sa likuran ng upuan.

Nakita niya ang walkie-talkie at dinampot.

"Ano ito?"

Hindi makapagsalita si David. Pinihit ni Cora ang pindutan at umalingawngaw mula sa walkie-talkie:

All units proceed to Sampaloc area. Suspect in a silver Toyota Altis.

Nanlaki mata ni Cora.

"Tangina! Kausap mo ang mga pulis! Sabi ko na nga ba!"

Dalawang kanto sa likuran ay natanaw ni Cora ang paparating na kotse ng pulis at nanlaking kanyang mga mata. Tama ang hinala niya. Tunog ng sirena. Napatingin din si David. Biglang dinampot ni Cora ang bag ng pera na puno at buong lakas na hinablot. Hindi siya napigilan ni David. Nagmamadaling tumakas si Cora bagama't hirap na buhatin ang bag.

"CORA!" sigaw ni David.

Bumaba ng kotse si David para habulin si Cora nguni't nagdatingan ang anim na mga kalalakihang tambay at hinarang siya.

Hoy! Inaano mo 'yung babae?
Kidnapper ka, 'no?

Nagmamadaling lumalakad si Cora papalayo, lumingon siya sa likuran at nakita si David na pinaliligiran ng mga tambay. Nguni't sa kanyang tinutunguhan naman ay natanaw niyang may isa pang kotse ng pulis ang paparating. Lumingon siya sa paligid. Saan siya tatakbo?

Nakita niya ang riles ng tren at doon kumanan.

"Hindi ako ang kidnapper!" sigaw ni David at tinuro ang direksyon na pinuntahan ni Cora. "'Yung babae ang kidnapper!"

"Kita ka namin, hinihila mo 'yung babae paloob!" sabi ng isang tambay.

May isang tambay ang sumilip sa bukas na pintuan ng kotse at nakita ang malalaking bag at ang mga pera na nakakalat sa upuan. Nanlaki mata niya.

"Chong! Chong! Tignan n'yo 'to!" tawag niya.

Nagpuntahan ang iba doon habang nakabantay ang dalawa kay David. Hawak ng tambay ang bundle ng mga pera at pinapakita ito sa iba.

"Pera! PERA!" sigaw niya.

"Hoy! Bitawan n'yo 'yan!" sigaw ni David.

Nag-agawan ang mga tambay sa pera at nang makapa ang mga bag ay binuksan ang mga ito't nagulat na makitang puno pa ito ng pera. PERA! PERA! Nagsipagdamputan sila ng mga bundle ng pera at pinaglalagay sa loob ng shorts, inipit sa garter pagka't wala naman silang mga bulsa.

"Bitawan n'yo 'yan!" sigaw ni David.

Sa komusyong ito'y nagdatingan ang iba pang mga tao para makiusyoso—dalawang dumadaang magkasintahan, isang ale na kasamang dalawa niyang mga anak. Nakita nila ang pera. Iniwan ng matanda ang kariton niya. Iniwan ng vendor ng hilaw na mangga ang bisikleta niya. Nagkaroon ng pagaagawan. Nagkatulukan. Nagkasuntukan pa. Hindi sila mapigilan ni David.

Mabuti na lamang at nagdatingan ang dalawang kotse ng pulis. Itatakas sana ng mga tambay at ng iba pang mga tao ang mga bag at bundles ng pera pero sinalubong sila ng mga pulis na armado ng armalite.

"Atras! ATRAS!" sigaw ng mga pulis. Anim silang lahat. Tigatlo mula sa bawat kotse.

"Ibaba n'yo 'yang mga pera!" pagtutok nila ng mga armalite.

Takot na ibinaba ng mga tao ang mga bag at pera na hawak nila. Muntik nang makalusot ang dalawang maliliit na mga bata hawak ang apat na bundles ng tig-iisang libo na binigay ng kanilang nanay pero naharang sila ng mga pulis. Kinuha ng mga pulis ang mga pera.

"Pinuprotektahan lang namin 'yung pera," sabi ng isang tambay sa pulis. "Baka kasi may magnakaw."

Binatukan siya ng pulis, "GAGO!"

Lumapit ang isang pulis na may ranggo kay David.

"Kayo 'yung David?"

Tumango si David at tinuro ang riles ng tren.

"'Yung kidnapper tumakbo doon."

***

Sukbit ni Cora ang bag ng pera sa kanyang balikat at hirap siya sa bigat nito. Tinatahak niya ang riles at kapansin-pansin na parang dumami ang mga tao. Parang nagkakagulo, at kanyang narinig:

May mga pulis doon sa kanto!
May mga pera daw!
Tara! Bilisan n'yo!

Tanaw ni Cora ang kalye palabas ng riles. Mula roon ay dalawang kanto na lang ay mararating na niya ang kanyang apartment. Nguni't nang malapit na siya sa kalye'y nakita niyang huminto roon ang kotse ng pulis at isang kulay asul na pick-up truck. At mula sa mga sasakyang iyon ay nagbabaan ang dalawang unipormadong mga pulis, isang lalaki at isang babae at dalawang lalaking naka-sibilyan. Unang tingin niya sa matangkad na may edarang lalaki'y nagka-ideya siya kung sino iyon.

"Tiglao..." ani ni Cora.

Natanaw siya ng mga pulis.

"Hayun!" sigaw ni SP01 Suratos.

Napaatras si Cora at sa kanyang pagatras siya'y natapilok at tumama ang kanyang tuhod sa bakal na riles ng tren. Namilipit siya sa sakit habang hawak ang kanyang tuhod. Hirap siyang tumayo at binuhat ang bag ng pera. Umiika siyang nakisabay sa daloy ng mga tao na papunta sa kalyeng pinanggagalingan ng komusyon. Lumingon siya sa likuran at nakita sina Tiglao, kasama sina Andy, SP01 Suratos at P01 Laperna na sumusunod. At napahinto si Cora, pagka't sa unahan naman niya'y papalapit sina David kasama ang ibang mga pulis na tinataboy ang nagkakagulong mga tao.

Maya-maya'y narinig ang malakas na ugong.

Paparating ang PNR tren.

Gumilid ang mga pulis, nagsitabihan ang mga tao sa paligid para padaanin ang tren. Biyaheng Tutuban. Pumasok sa isipan ni Cora na kung kaya lang niyang sumampa sa tren ay gagawin niya. Kundi lang ito tiyak na kamatayan. Nang makadaan ang tren ay ayan na muli ang mga pulis. Nakita ni Cora na may lusutan sa gilid sa likuran ng isang bahay at doon nagtungo. Sa bawat hakbang niya'y lalong sumasakit ang dumudugong tuhod. Pakiramdam niya'y may nabaling buto.

Ang nilabasan ni Cora ay ang kabilang kalye ng riles. Nariyan na ang mga pulis sa kanyang likuran—sina Tiglao, Andy, David at iba pa na humahabol. Sa harapan ng daan na kanyang tinatakbuhan ay may dumarating ding mga pulis. Napahinto si Cora. Nasa gitna siya ngayon ng maliit na tulay na gawa sa simento at ang ilalim niyon ay creek.

"Cora!" tawag ni David mula sa malayo.

"Tigil!" sigaw ng mga pulis.

Kita ni Cora na papalapit na ang mga pulis. Armado. Kasadong mga baril. Sa paligid, nagsipagtakbuhan ang mga tao.

"Tangina! Tangina talaga!" pagmura ni Cora, wala na siyang tatakbuhan.

Maliban sa creek. Sumilip siya sa ilalim ng tulay. Sa palaga'y niya'y hindi naman ganoon kataas. Kaya niya itong talunin. Mukha namang malalim ang tubig. Ang agos nito'y tatangayin siya papalayo. Makakatakas siya. Ayan na ang mga pulis. Wala na siyang choice.

Sinampa ni Cora ang bag sa simentong railing pagkatapos ay siya naman ang sumampa. Hirap siya pagka't masakit ang kanyang tuhod. Sumigaw ang mga pulis na siya'y huminto. Pero hindi hihinto si Cora. Hindi siya papahuli. Nakasampa siya sa railing, hinawakan niya ang bag, pero nang tatalon na siya'y bumigay ang kanyang tuhod. Sa kasamaang palad ay sumabit pa ang paa niya sa sukbitan ng bag. Nawalan ng balanse si Cora at nahulog mula sa tulay. Una ang ulo.

Nagsigawan ang mga pulis at ang mga tao sa paligid na nakasaksi nito.

Ang unang naramdaman ni Cora ay ang malakas na dagok sa kanyang ulo at ang hampas ng kanyang katawan sa tubig kanal. May matinding kirot sa kanyang leeg at mula sa tagiliran ng kanyang ulo ay para bang may malambot na bagay na umaagos palabas. Pagkatapos noon ay namanhid ang buo niyang katawan. Ang lalamunan niya'y naninigas at hindi siya makahinga. Nagagalaw pa naman niyang kanyang mga mata. Sa katunayan, nakita pa nga niyang nagbabaan ang mga pulis mula sa tulay at lumapit sa kanya. Mga naglalakihan nilang mata, mga nakabuka nilang bibig na para bang may nakitang nakapangingilabot. At nakita niya ang mukha ni Inspector Tiglao na yumuko sa kanya na para bang kinakausap siya. O may tinatanong. Pero hindi niya marinig o mawari ang sinasabi nito pagka't nawala na ang kanyang pandinig. Naramdaman ni Cora na para bang siya'y sinasakal at ang mga mata niya'y nanlalabo, nangungulay pula. Sinubukan niyang magsalita. May gusto siyang sabihin nguni't ang pananalita niya'y nalunod sa sarili niyang dugo. Unti-unting nagdidilim ang kanyang paningin. Gusto niyang magsalita. Tumawag sa Diyos. Itanong kung bakit, bakit Panginoon, bakit n'yo ako pinabayaan?

"Nasaan ang mga bata?!" sigaw ni Inspector Tiglao. "Cora! Nasaan ang mga bata?!"

Kita ng inspector na ibinubuka ni Cora ang kanyang bibig. Nilapit niyang kanyang tenga.

"Nasaan, Cora, nasaan?"

Pero tirik na ang mga mata ni Cora.

"Nasaan sila, Cora? Nasaan ang mga bata?" patuloy ni Inspector Tiglao.

"Wala na, pare," sabi ni Andy.

"Pero, sasabihin na niya kung nasaan ang mga bata!" sigaw ni Tiglao.

Umiiling na hinawakan ni Andy si Tiglao sa balikat.

"Patay na siya."

NEXT CHAPTER: "In Search Of..."


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top