Chapter 22: The Drop-Off Part 2

12: 25 PM. TUESDAY.

"General!"

Tawag ni Mr. Albalde na suot ang headphones na nakakabit sa laptop at receiver kung saan niya pinapakinggan ang boses ni David sa suot nitong wire. Nagulat siya nang marinig na may kausap si David, lalo na ang tema ng kanilang pag-uusap.

"Bakit?" paglapit ni General Batac.

Tinuro ni Mr. Albalde and isa pang headphones at ito'y sinuot ng heneral at narinig niyang boses ni David na binanggit ang Megamall. Tumingin si Mr. Albalde na nagtataka. Sa isip ng surveillance expert, kausap ni David ang kidnapper at pinag-uusapan nila ang direksyong pupuntahan. Pero, bakit niya kausap ang kidnapper? Sa cellphone? Bakit alam niya ang numero ni David?

"Paliwanag ko sa 'yo mamaya," tapik sa balikat ni General Batac kay Mr. Albalde.

Nabuhay ang walkie-talkie sa mesa.

"General, come in..." boses ni Tiglao.

"Batac ito," sagot ng heneral sa walkie-talkie.

"Lumihis sila ng daan!"

"Yes, I know," sabi ni Batac. "Papunta sila ng Megamall."

"Megamall?"

"Magkausap sila," sabi ng general, nag-iingat na hindi banggitin na magkakilala sina David at Cora. "Buntutan n'yo and don't lose him!"

Lumapit sina Joanna, Inez at iba pa.

"General, anong nangyayari?" tanong ng maybahay. Concerned din ang iba. Obvious sa reaksyon kasi ng heneral na may hindi tama.

"Anong problema?" tanong ni Inez.

"'Wag kayong mag-alala, may konting kumplikasyon lang," sabi ni General Batac at itinaas pang mga kamay. "We're handling it."

Sinabi ng heneral na nag-detour si David sa bandang Ortigas. Inassure niya na under control nila ang sitwasyon at na huwag mag-aalala dahil nakabuntot lang sina Tiglao at Andy kay David. Pero, ang tutoo'y hindi munting kumplikasyon ito kundi'y malaki pagka't dineploy ng heneral ang maraming mga pulis sa maling lokasyon, ngayon kailangan nilang i-recall ang mga ito. Ang Coast Guard nga'y nagaabang na sa Manila Bay.

***

Nang sabihin ni General Batac kay Andy na "magkausap sila" ay alam na ng public investigator ang nangyayari: kausap ni David si Cora sa cellphone. Dahilan rin kung bakit hindi nila makontak si David sa walkie-talkie pagka't malamang na in-off niya ito para hindi malaman ni Cora. Umiikot na sa isipan ng P.I. kung ano'ng pinaplano ni Cora. Bakit Megamall? Anong meron doon? Delaying tactics lang ba ito? Malamang na alam ni Cora na nakabuntot sila kaya't pinag-reroute niya si David para iligaw sila.

Sinundan ng pick-up ni Andy ang kotse ni Inspector Tiglao paakyat ng flyover sa Ortigas at pagbaba'y kumanan sila sa direksyon ng Megamall.

***

"Anong gagawin natin sa Megamall?" tanong ni David kay Cora sa cellphone, mine-make-sure niyang rinig siya sa speaker na naka-tape sa kanyang dibdib.

"Basta sabihin mo sa akin kung nasa Megamall ka na," sabi lang ni Cora sa kabilang linya.

Mula Meralco Avenue galing Ortigas ay kumanan si David sa Julia Vargas Avenue. Sa rear-view mirror, kita niyang nakasunod ang kotse ni Inspector Tiglao mga dalawang sasakyan ang layo. May konting traffic dito, mga sasakyan na papunta rin ng mall o kaya'y sa mga office building sa paligid. Nagkalat ang pedestrians sa daan. Hindi alam ni David ang binabalak ni Cora, ito ang pilit niyang inaalam pero wala namang sinasabi sa kanya.

"Nasaan ang pera?" tanong ni Cora sa cellphone.

"Nasa likod ng kotse, sa back compartment," sabi ni David at inulit, "anong meron sa Megamall? Akala ko ba sa may Guadalupe tayo?"

Hindi sinagot ni Cora ang tanong, kundi'y:

"Nasaan ka na?"

"Nakatawid na ko ng San Miguel Avenue."

Tanaw na ni David ang building ng Megamall.

"Ikanan mo papasok ng mall," utos ni Cora.

Marami ang nagtatawirang mga tao papasok ng mall. May grupo pa ng mga Koreanong turista na may suot na I.D. ang palingon-lingon sa paligid.

"Nandito na ko, nasa mall na ko," malakas na sabi ni David sa cellphone. Sumilip siya sa rear-view mirror at natanaw ang sasakyan ni Inspector Tiglao na sumusunod. May ilang sasakyan ang nakasingit kaya't mga apat na kotse na ang layo nito.

"Pumasok ka ng parking," sabi ni Cora.

"Ha?" pagtataka ni David.

"Sa parking building, iakyat mo."

"Bakit?"

"Ang dami mong tanong," inis na sabi ni Cora. "Basta pumasok ka sa parking!"

"O-okay," sabi ni David at nilapit ang bibig sa dibdib. "Paakyat na ko ng parking building."

Sa townhouse, dinig nina General Batac at Mr. Albalde sa headphones iyon. At agad na itinawag ito. Umalingawngaw sa walkie-talkie nina Tiglao, Andy at sa isa pang kotse na lulan ang dalawa pang PNP-AKG, ang boses ng heneral. Papasok sila ng parking.

Dalawang kotse ang layo ng Nissan pick-up truck ni Andy kay Tiglao. Ang isa pang kotse ng PNP-AKG ay nasa likuran lang ni Andy. Nakapila sila papasok ng parking.

"Sir, ba't dito tayo?" tanong ni P01 Laperna kay Andy. "Anong balak nung kidnapper?"

"Hindi ko pa masabi," iling ni Andy, nag-iisip habang nagmamaneho.

Sa kanilang harapan, maneho ni SP01 Suratos ang kotse nila ni Inspector Tiglao.

Pumasok ng toll gate ang kotse si David at kumuha siya ng parking card, sumilip siya sa likuran sinisugurong kasunod niya ang mga pulis. Paikot ang ramp paakyat ng parking building.

"Nasa loob nako ng parking," sabi niya sa cellphone.

"Umakyat ka hanggang sa rooftop," sabi ni Cora.

"Okay, rooftop," ulit ni David.

Nakapasok na rin ng parking building ang kotse nina Tiglao at SP01 Suratos.

"Rooftop," sabi ng boses ni General Batac sa walkie-talkie.

"Roger," pagpindot ni Tiglao sa walkie-talkie.

Kakapasok naman ng parking building ang pick-up truck ni Andy kasama si P01 Laperna, kasunod ang kotse ng dalawa pang tauhan ng PNP-AKG. May limang palapag ang parking ng Megamall na nagsisimula sa second floor at nagtatapos sa rooftop. Paikot-ikot sila sa ramp.

"Rooftop na ko," sabi ni David sa cellphone.

"Okay, bumaba ka uli," sabi ni Cora.

"Ha? Bababa ako?" malakas na sabi ni David.

"Oo! Baba ka uli!" bulalas ni Cora.

Nasa may 3rd level si Andy nang makuha ang impormasyong ito at agad niyang binaling ng liko ang pick-up palayo ng paakyat na ramp at patungo ng pababang ramp. Sumunod sa kanya ang kotse ng dalawa pang PNP-AKG.

"Lintik!" bulalas ni Andy.

"Bakit, sir?" tanong ni Laperna.

"Nililinlang tayo!" sigaw ni Andy. "Iipitin tayo dito sa parking!"

Bumisina siya, pagka't maraming sasakyan sa harapan. May mga kotse pa na naka-hazard at nag-aantay ng mapaparkingan. May mga kotse pa na papalabas ng parking slot nila. Bukod doon, may mga tao pang dumaraan tulak ang grocery cart.

Kinuha ni Andy ang walkie-talkie na hawak ni P01 Laperna at sumigaw doon:

"Lalabas sila ng parking!"

Nang marinig ito'y nag-panic si Tiglao, kakaakyat lang ng kotse nila ni SP01 Suratos sa rooftop.

"Shit!" bulalas ni Tiglao, at sinabi kay Suratos, "Go! GO! BABA!"

By this time bumababa na ng ramp ang kotse ni David.

"Pababa na ko ng ramp," malakas niyang sabi, making sure na rinig siya sa mikropono sa kanyang dibdib.

Sa townhouse, napapamura na rin si General Batac pagka't alam niyang nanganganib na mawala nila ang kotse ni David.

Panay ang busina ni Andy. Panay na rin ang mura niya. Tanaw na niya ang pababang ramp. Todo busina rin ang kotse ng dalawang PNP-AKG sa likuran.

"Tangina! Tumabi kayo!" sigaw ng P.I.

Nasa harapan nila ang maroon na Pajero na ayaw tumabi pagka't inaantay ang paglabas ng isang kotse mula sa parking slot nito. Walang pakialam ang lalaking driver ng Pajero kahit bumusina pa sina Andy. In fact, lumingon pa nga ito at tumingin ng masama sa kanila.

At iyon, natanaw ni Andy ang kotse ni David na bumababa ng ramp, kaya't lalo pa niyang diniinan ang busina. Sa inis ng driver ng Pajero ay bumaba ito at minura si Andy.

"Tangina mo, tanda! Kita mo nang magpapark ako eh!" sigaw ng driver kay Andy.

Bababa na si Andy, pero sinabi ni P01 Laperna.

"Ako na, sir."

Bumaba si P01 Laperna at sinugod ang driver ng Pajero. Nang makita ng driver ang naka-unipormadong babaeng pulis na may sidearm ay napaindak ito.

" HOY! ITABI MO "YAN!" sigaw ni P01 Laperna sa kanya.

Nakita pa ng driver ng Pajero na sa likuran ay nagbabaan na rin ng kotse ang dalawang unipormadong PNP-AKG sa likuran ng pick-up ni Andy.

"O-o-okay, okay," nanginginig na sabi ng driver ng Pajero—may katabaang lalaki na naka-polo shirt, walking shorts at may nakasukbit na shades sa uluhan na nalaglag pa sa kanyang pagkataranta.

"ITABI MO!" pandilat ni P01 Laperna.

Hindi na napulot ng matabang driver ang kanyang shades kundi'y nagmamadaling sumakay ng kanyang Pajero at mabilis na itinabi ito. Bumulusok ng alis ang pick-up ni Andy at kotse ng dalawa pang pulis. Pababa ng ramp, kasabayan na nilang bumababa ang kotse ni Inspector Tiglao. Pero, by this time, mukhang nakalayo na ang Toyota Altis ni David.

"Nasa labas na ko ng parking building," sabi ni David sa cellphone. Sumisilip siya sa likuran, nguni't ang mga nakasunod sa kanya'y ibang mga sasakyan. Hindi naman niya mahinto ang kotse.

"Diretso lang!" sabi ni Cora sa cellphone.

Kumaliwa si David, lumilingon-lingon sa kanyang likuran, pero wala pa sina Tiglao o Andy. Pakanan ng Don Julia Vargas na palabas na ng EDSA ay laking gulat niya na sa gilid ng kalye ay naghihintay walang-iba kundi si Cora.

"Shit!"

Pinapara siya ni Cora.

Gumilid ng hinto si David. Hindi siya makapaniwala na naroon si Cora right there and then. Sumenyas si Cora na buksan ni David ang pintuan. Pinindot ni David ang power lock at nakita niya sa passenger seat ang walkie-talkie. Agad niyang dinampot ito't itinago sa likurang ilalim ng upuan.

Sumakay ng kotse si Cora.

"Bilis! Andar mo!" sabi ni Cora na lumilingon sa likuran. "BILIS!"

Kinambyo ng alis ni David ang kotse at lumabas sila ng EDSA, patungo sa direksyon pabalik ng Ortigas.

"Saan tayo pupunta?" tanong ni David.

Imbes na sagutin ay binuksan ni Cora ang FM radio ng kotse at nilakasan ang volume, pagkatapos ay kinuhang cellphone ni David at in-off ito. Sumenyas siya kay David na huwag magsasalita.

"Baka nakikinig sila," sabi ni Cora at tumingin-tingin sa loob ng kotse na parang may hinahanap. "Baka nilagyan ng mga pulis ng speaker itong kotse mo."

Napalunok si David. Huwag sana siyang kapkapan ni Cora kundi'y makikita nito ang wire sa ilalim ng kanyang polo. Kung sisilip naman sa likuran ay baka makita naman ang walkie-talkie. Binuksan ni Cora ang glove compartment at naghalughog. Napailing siya at nag-give-up. Alam naman din niya na kung nagplant ng speaker ang pulis ay hindi ito basta-basta mahahanap. Nilakasan na lamang niya ang radyo at namili pa ng istasyon. Palapit na sila sa fly-over ng Ortigas at imbes na magsalita ay tinuro lang ni Cora ang direksyon—sa pakaliwang daan na papuntang Greenhills.

"Doon," kanyang senyas.

Nag-left signal si David at binitawan ang silinyador para bumagal ang kotse.

"Anong ginagawa mo?" taas-kilay ni Cora. "Apakan mo ang gas!"

Inapakan ni David ang gas. Umakyat ang kotse ng flyover papunta ng Greenhills. Lumingon siya ng rear-view mirror. Wala sina Tiglao o Andy.

"Anong tinitignan mo?" pansin ni Cora. "'Wag ka mag-alala, naiwan na natin ang mga 'yon."

Tama siya, pagka't kalalabas pa lamang ng Megamall parking building ang kotse ni Inspector Tiglao, kasunod si Andy at ang kotse ng dalawa pang pulis na natagalan pa sa pagbabayad ng toll. Paglabas ay hindi na nila makita ang kotse ni David. Sinubukan nilang kontakin ito pero patay ang walkie-talkie nito, patay rin ang cellphone. Tumawag sila kay General Batac. Problema'y ang naririnig lang ng heneral at ni Mr. Albalde sa receiver ay ang malakas na tunog ng FM radyo at ang paulit-ulit na Love Radio Love Radio Kailangan pa bang i-memorize 'yan?

Napamura si General Batac.

Paglabas ng EDSA ng mga sasakyan ng pulis ay hindi na nila alam kung saang direksyon nagpunta ang kotse ni David.

Panay rin ang mura nina Inspector Tiglao, Andy at iba pang mga pulis.

Sa kotse ni David, panay naman tawa ni Cora.

NEXT CHAPTER: "Silence"



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top