Chapter 21: The Drop-Off Part 1
6:01 AM. TUESDAY.
"Philip! PHILIP!"
Ito ang sigaw ni Beth mula sa pintuan ng Bahay Kainan. Hinahanap niya ang binatilyo pagka't pinapakuha niya ito ng mga itlog na kanyang ipiprito para sa kanilang agahan. Umaga sa Tahanan at abala ang marami. Tanaw na sa may taniman na namimili ng pipitasing mga gulay si Tano habang sa gild ng Bahay Imbakan ay nagtatabas ng kahoy panggatong si Meong gamit ang palakol, at ang mga piraso'y dadamputin naman ni Noel para dalhin sa Bahay Kainan.
"Nakita n'yo ba si Philip?" tanong ni Beth kina Maritess at Elza na dumadaan dalang mga timba para mag-igib ng tubig sa deepwell. Umiling ang dalawang babae.
"Inutusan kong maghanap ng mga kabute sa gubat," paglapit ni Noel dalang mga panggatong.
"Ha? Eh nasaan na 'yung mga itlog?"
"'Yung pinakamalaking itlog syempre tulog pa," biro ni Maritess at tumawa si Elza. Ang tinutukoy nila'y si Carding na late na kung bumangon. Bukod sa ito'y hindi talaga tumutulong sa gawaing-Tahanan kundi'y nagyayabang pa na siya'ng kanang-kamay ni Ama, ay pagod din kagabi dahil sa pagsiping sa kanya. Ani ni Maritess, ginising pa siya sa kalaliman ng gabi para sumegunda pa ng isa.
"Ang hayok lang," tawa ni Elza, at inaming humihirit naman kagabi sa kanya si Tano mabuti na lamang ay may period siya.
Pumasok sa Bahay Kainan si Noel at nagsimulang magsiga ng kahoy. Dinig niya ang usapan ng mga dalaga at itinago ang kanyang pagkainggit na hindi man lang niya natitikman ang mga ito, lalo na si Beth na kanyang kursunada. At sa nalalapit na Araw ng Paghahatol, mukhang wala na siyang pagkakataon pa.
"Ang aga-aga 'yan ang pinaguusapan natin," simangot ni Beth.
Tumatawang nagpatuloy sa paglalakad sina Maritess at Elza. Sa Bahay Tulugan, naglabasan sina Sarah at ang mga bata na bagong gising at kanyang pinila ang mga ito para magdasal. Ikaw ang ilaw. Ikaw ang pag-asa. Ikaw ang huling hantungan.
"Gising na ang mga bata wala pa ang itlog," nakukunsuming sabi ni Beth at pumasok sa loob para ihanda ang mga plato't kubyertos.
Hinihipan ni Noel ang apoy na kanyang sinisiga habang sumusulyap kay Beth, malalagkit na tingin sa maganda nitong katawan, mahabang buhok at makinis na kutis. Dinaanan siya ng libog at matinding paghihinayang. Sayang ka. Sayang kaaa, sabi niya sa isipan. Hindi na siya nakapagpigil, at kinuhang pagkakataon.
"Beth..."
Naghahain sa mesa si Beth. Nilalagyan ng tinapay ang bawat pinggan.
"Beth..." ulit ni Noel.
"Ano 'yon?"
Hindi alam ni Noel kung paano sasabihin kay Beth na paano kung may pera siya, maraming pera, na paano kung yayain niya itong lisanin ang Tahanan? Na mamuhay sa ibang lugar ng sagana. Na bibilhan niya ito ng bahay, ng magagandang mga damit, ng mga alahas, ng kahit anong gusto niya. Sasama ba ito? Kagabi sa kanyang pagtulog ay in-imagine ni Noel na sumama sa kanya si Beth at matapos niyang makuha ang bahagi niya sa ransom, sila'y nagtungo sa malayong lugar. Doon sila nagsama. Magkatipan. Magasawa. Na gabi-gabi niyang katalik ang dalaga. Na kanyang pag-aari ang katawan nito.
"May sinasabi ka, Noel?" tanong ni Beth, natapos siya sa paghahain.
"Beth," sabi ni Noel at tinigil ang kanyang ginagawa at hinarap ang dalaga. "Kung sabihin ko sa iyo na..."
"Na ano?" pagtataka ni Beth.
Nguni't biglang nagpasukan sina Sarah at ang mga bata at hindi natuloy ni Noel ang gustong sabihin. Bumalik si Noel sa kanyang pagsisiga.
"Handa na ba ang almusal?" tanong ni Sarah.
"Wala pa ang mga itlog!" bulalas ni Beth at sinabing dahil nasa gubat si Philip at nangunguha ng kabute. Nagsipagupuan ang mga bata sa hapag-kainan.
"Ako na nga ang kukuha," umiiling na sabi ni Beth habang palabas ng bahay.
Nakita ni Sarah si Noel at nagbago ang expresyon nito sa mukha. Dalian siyang sumunod kay Beth.
"Samahan na kita para mabilis, baka bumangon na rin si Ama at si Ruth," sabi ni Sarah at lumingon pabalik at tinurong mga bata, "Noel, bantayan mo muna sila."
"O-okay," tango ni Noel.
Lumabas ng bahay sina Sarah at Beth.
Nang makitang naiwan siyang mag-isa kasamang mga bata'y agad na kinuha ni Noel ang kanyang cellphone sa bulsa at in-access ang voice recorder. Sumilip siya sa labas ng pintuan at nakitang naglalakad palayo sina Sarah at Beth tapos ay lumapit siya sa mga bata at tinutok ang cellphone sa kanila.
"Ire-record ko mga boses n'yo," sabi ni Noel.
Nagtatakang nagkatinginan ang mga bata.
"Papadala ko sa mga daddy at mommy n'yo, ayaw n'yo ba?" tanong ni Noel.
Nagtanguan ang mga bata.
"Pero, 'wag na 'wag n'yong sasabihin na ginawa natin ito ha," pinandilatan ni Noel ang mga bata. "Kundi papakain ko kayo sa mga tigre sa gubat."
Takot na nagtanguan ang mga bata. Pinindot ni Noel ang record button at inisa-isa ang mga bata na sabihin ang kanilang mga pangalan.
"Christopher"
"Stephen"
"Anna"
"Joy"
"Louella"
"Elly"
"Apple"
"Macy..."
Patungo ng Bahay Imbakan sina Sarah at Beth kung saan naroon ang tangkal ng mga manok, kulungan na gawa sa kawayan. Pero imbes na dumiretso na agad doon ay nilayo ni Sarah ang lakad nila sa pagtataka ni Beth. Tinanong niya kung bakit.
"May sasabihin ako sa 'yo," bulong ni Sarah. "May kinuwento sa akin si Philip..."
"Ha? Ano 'yon?"
"Tungkol kay Noel..."
***
YESTERDAY. 5:15 AM. MONDAY.
Kahapon ay nagising si Philip ng madaling araw. Sumasakit ang tiyan ng 13-anyos pagka't siya'y dumaranas ng matinding LBM. Hawak ang kumikirot na tiyan ay nagtungo siya sa banyo na nasa likuran ng Bahay Tulugan—ito'y dumihan na hiwalay sa bahay, gawa sa kahoy at yero at naglalaman ng isang toilet bowl. Hindi pa sumisikat ang araw at muntik pang matisod si Philip sa dilim. Nguni't naka-lock ang pintuan ng banyo at narinig niyang may umuungol sa loob. Kumatok siya at may galit na sumigaw mula sa loob—si Meong na tinaboy siya.
Naisip ni Philip na dumumi na lamang sa tabi nguni't alam niyang tiyak na pagagalitan siya. Naghanap siya ng papel, ng basahan, ng bagay na magagamit pamunas. Inangat niyang takip ng basurahan at nakita ang diyaryo sa loob na kanyang dinampot. Nagmamadaling siyang tumakbo patungo ng gubat, isang kamay sa diyaryo, isang kamay sa puwitan.
Sa likod ng makapal na halamanan pumuwesto si Philip. Hinubad kanyang shorts at nagsimulang dumumi, napapangiwi sa kirot ng tiyan, iniisip kung ano bang nakain niya't siya'y nagkakaganoon. Ire pa. Binuklat niyang diyaryo at nagbasa. Sunday Edition. Nagtaka siya na ang petsa ng diyaryo'y kahapon lamang. Saan galing ito? Sinong bumili? At biglang nagulat siya nang may marinig na kaluskos.
Asong ligaw?
Natakot si Philip na baka kagatin siya sa kalagitnaan ng pagdumi, na masakmal sa puwitan o sa ari kung kaya't binilisan niyang pag-ire. Patayo na siya nang marinig ang boses ng lalaki.
Si Noel.
"Hello, Cora..." sabi ni Noel, may kausap sa cellphone.
Naupo muli si Philip at kumubli sa halamanan.
"Katakot-takot na pahirap 'yan ha, pero kita mo naman, nagawa ko," rinig niyang sabi ni Noel. "Gumawa pa ng dahilan si Meong para makababa ng bayan para bilhin 'yang diyaryo..."
Napatingin si Philip sa hawak na diyaryo. Itong diyaryo na ito? May mga sinabi pa si Noel na hindi niya maipaliwanag kaagad. Kung paano kinunan pa ni Noel ng litrato ang mga bata habang nakabantay daw si Meong sa labas. Pero, ang bagay na lubos na ipinagtaka niya ay ang mga sumunod na sinabi ni Noel.
"Naamoy ko na ang milyon ko!"
Milyon? Pera?
Nagpaalam si Noel sa kausap na alam niyang si Cora. Pagkatapos ay narinig niyang namulot ng mga kahoy si Noel sa paligid. Nanatili si Philip sa puwesto, hindi umiimik, pinipigil ang pag-ire, kung kaya't lalo pang sumakit ang kanyang tiyan. Pinagpawisan siya. Nang maramdaman niyang nakaalis na si Noel ay binuhos niyang lahat ng nilalaman ng sirang tiyan. Nakahinga siya nang maluwag.
Dinampot ni Philip ang diyaryo at nagpunas. Tinira niya ang unang pahina ng diyaryo na kanyang tiniklop at ibinulsa.
***
"Kailan sinabi sa 'yo ni Philip?" tanong ni Beth. Gulat sa nalaman.
"Kahapon ng hapon," sagot ni Sarah.
Hawak ni Beth ang maliit na basket na may laman na mga itlog. Mula sa gilid ng Bahay Imbakan kung nasaan sila, ay tanaw nila si Meong na nagsisibak ng kahoy. Kasabwat daw ito sabi ni Sarah sa kung anumang kalokohan ang ginagawa ni Noel. Bagay na may kinalaman sa pera. Hindi lang basta pera kundi milyon. At naalala ni Beth ang huling tagpuan nila ni Noel. Na para bang may gusto itong sabihin.
"Sasabihin mo ba kay Ama? Kay Carding?" tanong ni Beth.
Tumingin sa kanya si Sarah.
"Oo."
***
6:15 AM nang matanggap ni Cora ang ipinadala ni Noel na voice recording ng mga bata.
Ito ang araw ng drop-off. Ang palitan ng pera't mga bata—ang pinakamahalagang parte sa plano ni Cora. Pinagisipan niyang mabuti ang lahat. Kung paano makukuha ang ransom money. Kung saan. Kailan. Lalong-lalo na ang kanyang pagtakas. Ang pag-iwas na mahuli ng mga pulis. Sinabihan na rin niya sina Noel at Meong na humanap na ng pagkakataon para lisanin ang Tahanan. Ngayon na ang araw.
Determinado si Cora at naniniwala siyang sila'y magtatagumpay, pero matindi rin ang kanyang kaba. Kagabi'y dinapuan na naman siya ng masamang panaginip at nagising siyang balot ng takot. Kinuha niyang bote ng gin na kanyang biniling pampatulog at tumagay. Ang init ay sumuyod sa kanyang lalamunan at siya'y napapikit at tumawag sa Diyos.
Ako'y inyong alipin, o aking Diyos. Ikaw na makatarungan, mapagbigay at maawain. Gabayan mo ako sa oras na ito. Bigyan mo ako ng lakas ng loob, Panginoon.
Pinalipas muna niya ang isang oras bago sinend ang voice recording kay Inspector Tiglao.
***
Sa Townhouse, naging emosyonal ang lahat nang marinig ang boses ni Macy. Akap-akap ni Joanna sina David at Marco habang pinakinggan nila ang voice recording. Naroon na muli ang mga magulang ni David kasama si Inez, emosyonal din tulad ng ina ni Joanna at kapatid niyang si Jason. Tumulo ang mga luha sa saya na sa araw na ito'y sama-sama nilang makikita na muli si Macy. Maging si Ruffles ay masiglang tumahol nang marinig ang recorded na boses ng bata.
Samantala, abala ang task force ng PNP-AKG sa paghahanda.
"Isend n'yo ang recording sa ibang pamilya," utos ni Inspector Tiglao kina SP01 Suratos, P01 Laperna at Mr. Albalde. "And get their confirmation."
"Yes, sir," sagot ng kanyang mga tauhan.
Sa sala, iniinspect nina Andy at mga tauhan ni Chief Superintendent General Batac ang ransom money at sinisecure ito sa loob ng tatlong malalaking gym bags. Maaga ring dumating ang P.I. at ang head ng PNP-AKG Luzon na panay ang tanong tungkol sa operation at pagbibigay ng mga order.
"Magkakalat na ko ng mga operatives," sabi ni General Batac kay Tiglao. "Saan sa tingin mo ang drop-off? Sa labas o loob?"
Hindi pa ibinibigay ni Cora ang lokasyon ng drop-off at saktong oras. Expected naman ng mga pulis na last minute ito—gawain ng mga kidnappers para hindi makapaghanda ang mga pulis. Kaya't wala silang choice kundi i-anticipate lang kung sa labas o loob ba ng Maynila ang drop-off. Karaniwa'y kung sa malayong lugar ay doon kung saan may mga escape routes ang kidnapper at kung sa loob nama'y sa pasikot-sikot na lugar kung saan maliligaw nila ang mga pulis. Tinawag nila si Andy para tanungin ang opinyon nito.
"Ano sa tingin mo, pare?" tanong ni Tiglao.
"Loob o labas, pare?" tanong din ni General Batac. Nakiki-"pare" na rin sa dalawa.
"Dito 'yan sa loob," palagay ni Andy.
Nagka-advantage naman sila dahil sa confessions nina David at Carol, bagay na hindi pa nila ipinapaalam sa pamilyang Ruiz. Sa nakuhang mga impormasyon, ipinagpalagay ni Andy na kakaunti lang ang resources nina Cora at mga kasamahan nito. Na malamang nga na hindi sila armado. Hindi sila mga propesyunal, punto ng P.I. at sa mga bagay na ito'y hindi siya nagkakamali.
Matapos maisuot ang bullet-proof vest ay nilagyan nila si David ng wire sa katawan—maliit na mikropono na naka-tape sa kanyang dibdib at nakakonekta sa maliit na box na siyang transmitter na magsesend ng signal sa receiver na naka-hook up naman sa laptop ni Mr. Albalde. Pinagdrive nila si David sa labas ng subdivision para i-test ang signal. Malinaw naman ang boses niyang lumabas mula sa receiver.
"Patuloy ka lang sa pagsasalita, David, para lagi ka naming ma-monitor," payo ni Andy.
"At buksan mo lang ang cellphone mo," dagdag ni Tiglao.
"Nakabuntot sa 'yo ang mga tauhan ko," pagmamalaki naman ni General Batac.
Simpleng operation lang daw ito at sanay nang ginagawa ng mga pulis, pag-assure nina Tiglao at General Batac sa pamilyang Ruiz. Handa na sila. Ang kulang na lang ay ang tawag ni Cora. Ina-anticipate nilang tatawag ito between 4:00-6:00 PM para gamitin ang traffic bilang tulong sa pagtakas, kaya't ganoon na lang ang gulat nila nang 11:40 AM pa lamang ay tumawag na si Cora.
"Hello?" pagsagot ni Inspector Tiglao.
"Ngayon na," sabi ni Cora. "Game na tayo."
Sinabi ni Cora kung saan ang drop-off point: Mula sa EDSA-Guadalupe, babaybayin ni David ang gilid daan ng Pasig River, sa area ng Hulo, sa Coronado street diretso ng J.P. Rizal patungo ng Sta. Ana. Sa area na iyon, sasabihin niya kung kailan hihinto ang kotse ni David, at doon magpapalitan ng pera at impormasyon kung saan mare-recover ang mga bata. At idiniin niyang si David lamang ang sakay sa kotse at siya lamang ang magdadala ng ransom money. At huwag na huwag susunod ang mga pulis.
Natapos ang tawag. Taranta ang mga pulis, na ang iba'y nasa gitna pa ng panananghalian.
"Sa may Pasig River? Ano, sasakay ng ferry?" sabi ni General Batac.
"O baka may sariling bangka," pag-isip ni Tiglao.
"Shit!" bulalas ng heneral.
Alam nilang kumplikado kung ganoon nga, dahil matapos ang drop-off ay maaaring ilaglag ang pera anywhere sa area ng Mandaluyong, Sta. Ana o Sta. Mesa via Pasig River all the way hanggang sa Escolta palabas ng harbor. Sa mga area na ito'y maliliit ang mga kalye, maraming mga eskenita at dikit-dikit ang mga bahay, not-to-mention na nagkalat ang squatter's area. Dito, malaki ang tiyansang makatakas ang mga kidnappers dahil mahihirapan silang sundan ng mga pulis.
"Kailangan nating mag-dispatch ng mga tao at palibutan ang buong area na iyon," sabi ni Tiglao. "At kausapin na rin ang Coast Guard para bantayan ang Manila Bay."
Tumango ang heneral at binigay ang order, "Lahat ng mai-spare na tao, ikalat sa mga area na nabanggit."
Nagsimula silang mag-alisan.
Niyakap nina Joanna at Marco si David. Nagsabi rin ng good luck sina Inez at iba pa. Alam na ni Inez ang nangyari sa Crame, pinahagingan na siya ni Andy, gayunpaman ay nag-aalala pa rin siya sa kapatid.
"Be careful," sabi ni Joanna sa asawa.
"Y-yes," taimtim na balik ni David. Sa isip niya'y gusto na niyang matapos ang lahat. Maibalik si Macy, marecover man o hindi ang pera, at harapin ang kanyang mga kasalanan.
Naunang umalis ang Toyota Altis na maneho ni David. Kasunod nito'y ang police car ni Inspector Tiglao kasama si SP01 Suratos na driver, at si Andy sa kanyang pick-up kasama si P01 Laperna. Kasunod pa nila ang isang kotse na sakay ang dalawang tauhan ni General Batac. Naiwan sa townhouse si General at si Mr. Laperna kasamang ilang pulis para i-monitor sila't makipag-coordinate sa lokasyon ni David.
Sa magandang kapalaran ay hindi ganoong ka-traffic paglabas nila ng EDSA tungo ng Cubao.
"Konting distansya, Suratos," sabi ni Tiglao at sa walkie-talkie. "David, come in..."
Sa kotse ni David, dinampot niyang walkie-talkie na binigay ng mga pulis at kanyang sinagot ang tawag.
"Inspector," aniya. Tinuruan siya kung paano gamitin ang walkie-talkie.
"Diretso lang, David, nasa likuran mo lang kami."
"Okay."
May konting abala lang sa flyover ng Boni dahil sa tumirik na UV Express van, pero pagbaba'y may kaluwagan na ang daan. Habang nagmamaneho'y hindi mapalagay si David—kinakabahan hindi lang sa mangyayari sa palitan kundi'y after nito. Na ang iniisip na niya'y ang magaganap sa oras na malaman na nina Joanna at iba pa na kasabwat pala siya sa kidnapping. Ngayo'y gabundok na ang pagsisisi ni David na kung bakit napunta pa dito ang lahat.
Biglang nag-ring ang cellphone niya—nagulat siya pagka't kilala niya ang number na nasa screen.
Number ni Cora.
Bakit siya tinatawagan nito? Ring. Ring. Hindi alam ni David kung sasagutin ba o hindi. Sa rear-view mirror kasunod niya ang kotse ng mga pulis, paano kung makita siyang may kausap? Patuloy ang ring. Dinampot ni David ang cellphone.
"Hello?"
"Mr. Ruiz..." sabi ni Cora sa kabilang linya. "May kasama ka ba sa kotse?"
"Ha? W-wala."
"Nasaan ka na?"
"Ha?"
"Saan ka na nagd-drive?"
Natataranta si David.
"Nasaan ka na ngayon?" tanong ni Cora.
"P-palampas na ng Crame..."
"Pagdating ng flyover, kumaliwa ka ng Ortigas," sabi ni Cora.
"Ha? Akala ko ba sa..."
"Basta kumaliwa ka," sabi ni Cora.
"Ha?"
"Kasunod mo ang mga pulis, ano?"
"H-hindi ko alam," pagsinungaling ni David.
"Sigurado nakasunod ang mga 'yan," sabi ni Cora. "Kaya bago mag-flyover pa-Makati, kumaliwa ka ng Ortigas."
Biglang tumunog ang walkie-talkie na nasa tabing upuan.
"David, come in.." garalgal ang dating ng boses ni Tiglao sa walkie-talkie.
Narinig ni Cora ang tunog.
"Ano 'yon?" tanong niya.
Mabilis na in-off ni David ang switch ng walkie-talkie.
"'Yung radio," sabi ni David.
"Patayin mo radyo mo," sabi ni Cora. "Baka hindi tayo magkarinigan."
"Okay."
"Pagdating mong Ortigas, dumiretso ka sa Megamall."
"Megamall?" pagtataka ni David.
"Basta gawin mong sinasabi ko," diin ni Cora.
Natanaw ni David ang flyover sa EDSA-Ortigas.
Sa kotse ni Inspector Tiglao, hawak ng pulis ang walkie-talkie habang nagmamaneho si SP01 Suratos.
"Come in, David..." kinokontak ng inspector si David. "Hello? Hello?"
"Sir!" hudyat ni SP01 Suratos.
"Bakit?"
Tinuro ni SP01 Suratos ang kotse ni David na kumakaliwa ng daan. Hindi makapaniwala si Inspector Tiglao.
"Anak ng! Saan siya pupunta?"
NEXT CHAPTER: "The Drop-Off Part 2"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top