Chapter 16: It's All About the Money

5:37 AM. MONDAY.

Hindi pa man sumisikat ang araw ay bumangon na si Cora sa kanyang inuupahang apartment sa may Sampaloc, Manila. Sa kakaisip sa mga bagay-bagay ay madaling-araw na siya nakatulog at ilang oras lamang. Nanaginip siya—at sa panaginip siya'y masayang-masaya at naliligo sa pera. Umuulan ng limpak-limpak na perang papel mula sa kalangitan. Mismong kanyang hinihigaan ay pera na halos matabunan na siya. Milyon-milyong pera. Nguni't, biglang napahid ang ngiti sa kanyang mukha nang matanto niya kung saan siya nakahiga.

Sa loob ng ataol.

Sumigaw si Cora.

At siya'y nagising.

Saglit siyang hindi makagalaw, iniisip ang bangungot, ang kahulugan nito.

Pera't ataol.

Natawa siya't bumangon. Sa lublob niya'y napapraning lang siya. Siguro'y pressure sa mangyayari sa araw na ito pagka't nakatakda siyang tumawag sa matapang na inspector at ibigay ang hinihiling nitong "proof of life." Isa pa 'yan. Ang bwisit na proof of life na 'yan. Kahapon ay tinawagan niya si Noel at sinabi na kailangan nitong kunan ng litrato ang mga bata kasama ng bagong petsa na diyaryo. At iniisip niya kung nagawa ba ito ni Noel nang hindi nahuhuli ng mga kasamahan sa Tahanan.

Nagtimpla ng kape si Cora at naupo sa may kusina. Maliit lamang ang apartment, halos kuwarto lang na may maliit na banyo. Lumang building na may kalapitan sa estero at amoy niya ang tubig kanal kapag binuksan niya'ng bintana. Ito lang ang afford ng binaong pera sa kanya ni Ama para maisakatuparan nila ang pagkuha sa mga bata. Bagay na matagal na nilang pinagplanuhan. Si Cora ang namili sa Holy Good Shepherd Montessori at gamit ang pekeng mga references, pinag-apply niya si Sarah doon at matapos makuha ng dalaga ang tiwala ng school ay nagawa naman niyang maipasok si Noel bilang driver. Gumugol pa sila ng maraming buwan sa pagpaplano sa kidnapping.

Lahat ayon sa utos ni Ama.

At heto, nagawa na nila ang plano. Nakuha na nila ang mga bata. Na kay Ama na, kasama na sa plano niya sa tinagurian niyang Araw ng Paghahatol. Na sinabi raw sa kanya ng Diyos na mamili ng mga taong isasama, iyong matibay ang pananampalataya. Na ayon daw sa Diyos, maghanap sila ng mga batang inosente na isasama nila sa bagong paraiso. Na sinabi raw ng Diyos kay Ama kung kailan magugunaw ang mundo. Na kasama raw sila sa mga maliligtas.

Natawang muli si Cora sa pag-iisip nito.

"Tindi rin ng imahinasyon ng ulol..." aniya.

Sumilip ang liwanag ng araw sa bintana. Maya-maya'y nag-ring ang cellphone niya at dalian niyang sinagot. Maaga niyang pinapatawag si Noel.

"Hello, Cora..."

"O, nagawa mo ba?" agad niyang tanong.

"Oo."

"Ano pang hinihintay mo? Isend mo na!"

Sinend ni Noel ang litrato at nang makita ito ni Cora'y natuwa siya. Sa litrato, magkakasama ang walong mga bata at hawak ng isa ang diyaryo na pinapakita nito sa camera.

"Ayos..." ngiti ni Cora. Tumawag siya pabalik kay Noel.

***

Pasikat na ang araw sa likuran ng mga bundok, guhit ng liwanag sa bughaw na kalangitan, liwanag na gumapang sa mga bahay sa Tahanan. Tilaok ng manok.

Nasa malayo si Noel, sa labas ng bakod, sa loob ng gubat na tinuro niya sa mga bata bilang panakot, ay pugad ng mga mabangis na hayop. Dito, tanaw niya ang loob ng Tahanan at kung saan siya'y kubli ng mga puno't makakapal na halaman.

"Katakot-takot na pahirap 'yan ha, pero kita mo naman, nagawa ko," pagmamalaki ni Noel sa cellphone.

"Alam ko," sabi ni Cora sa kabilang linya.

Kinuwento ni Noel kung paanong inutusan pa niya si Meong na bumaba ng bayan para maghagilap ng diyaryo. Na kung paano nagimbento pa ito ng dahilan para lamang makaalis. Hindi nakakarating ang anumang pahayagan sa bundok, ayon kay Ama, walang hatid ang balita kundi masamang impluwensiya. Pagabi na noon pero nakabili pa si Meong ng diyaryo na Sunday edition. Kinuwento ni Noel kung paano habang abala ang lahat, ay nagawa niyang kunan ang mga bata sa loob ng kuwarto ng mga ito habang nakabantay si Meong sa labas ng bahay.

"Ayos ba? Kaso kahapon pa 'yang dyaryo eh Lunes na ngayon," sabi ni Noel sa cellphone.

"Ok na 'to," sabi ni Cora. "Papasa na 'to sa mga hinayupak na mga pulis."

"O 'di ba! Naamoy ko na ang milyon ko!" masayang tugon ni Noel. Proud lang sa sarili.

Natanaw ni Noel na lumabas ng bahay sina Maritess at Elza hawak ang mga timba. Mag-iigib ng tubig sa deep well.

"Kailan ka tatawag uli?" nagmamadaling niyang tanong.

"Malapit na," sagot ni Cora. "Pagnakuha ko na ang pera, lumuwas na kayo ni Meong."

"Okay, sige," tango ni Noel.

Pagkatapos ng tawag ay binura ni Noel ang call info sa kanyang cellphone, tapos ay naghagilap siya ng kahoy sa paligid para dalhin pabalik ng Tahanan.

***

Naupo si Cora para ubusin ang kanyang kape. Nang banggitin ni Noel ang tungkol sa milyong pera'y muntik na siyang madulas at sabihing itinaas niya ang ransom sa walong milyon. Nasa isipan na kasi niya na sa tatlong milyon karagdagan ay isang milyon ay sa dalawang chop-chop gang members at ang dalawa'y kanyang kakamkamin. Napangiti siya.

May liwanag ng araw ang pumasok sa bintana na para sa kanya'y nagsilbing senyales na tama ang kanyang ginagawa. Na ito'y biyaya ng Diyos. Hawak ang cellphone ay tinitigan niya ang litratong pinadala ni Noel—ang proof of life. Ang litrato ng walong mga bata. At siya'y nakaramdam bigla ng kunsyensya.

Tinitigan niyang litrato pagka't alam niyang ito na ang huling sandali na makikita niyang mukha ng mga bata. Ang mga tupa. Ang sacrifical lambs. Na ayon sa bibliya ay iyong mga walang malay, walang kasalanan na siyang alay sa Diyos para hugasan ang kasalanan ng makasalanan. Tulad ni Hesukristo na siyang Lamb of God na inalay ang kanyang sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan. At natanto ni Cora kung bakit inutos ni Ama na magsama ng mga bata sa kanilang plano: ito'y para hugasan ang kanilang mga kasalanan. Ang sariling mga kasalanan ni Ama.

Una'y buong-loob na pumapayag si Cora sa plano ni Ama sa kanila sa Araw ng Paghahatol. Nguni't, siya't sina Noel at Meong ay may iba ng plano. At ang plano'y pera. Pinili nila ang pera. Pero, nakukunsiyensya naman siya pagka't siyang namili sa mga bata. Pero, anong magagawa niya? Mas matimbang ang pera.

"Bahala na kayo," muni ni Cora. "Patawarin sana kayo ng Diyos."

Nagkurus si Cora pagkatapos ay tumayo para maligo't magbihis.

***

Doorbell.

Binuksan ng maybahay ni Inspector Tiglao ang pintuan at nagulat nang makita si Andy sa labas. Sa harap ng bungalow, nakaparada ang pick-up ng private investigator.

"Andy!" bati ng asawa ng Tiglao.

"Mare, gising na ba si pare?" tanong ng P.I.

"Halika, pasok ka," aya ng asawa ng inspector. "Gising na si Conrado. Naliligo lang."

Sinundan paloob ng bahay ni Andy si Mrs. Tiglao at siya'y pinaupo sa sala.

"Anong gusto mo, kape? Nag-agahan ka na ba?"

"Kahit kape lang," sabi ni Andy. "'Saka shot ng whiskey."

Natawa si Mrs. Tiglao, "Ikaw talaga. Walang kakupas-kupas."

Nakangiting nagtungo sa kusina ang maybahay habang naiwan si Andy. Matagal na rin siyang hindi nakakabalik dito. Dati'y madalas silang nagiinuman nina Tiglao, Tony na partner niya sa opisina at dating PNP at iba pang mga pulis. Kanyang pinagmasdan ang loob ng bahay, at wari niya'y walang masyadong nagbago sa loob. Bagong bintilador, bagong TV, that's it, bukod doon ay wala na. Tumayo siya at tinignan ang malaking aquarium na naninilaw na ang salamin, animo'y isda ay mukhang luma na rin.

Maya-maya'y bumalik si Mrs. Tiglao dala ang tasa ng kape.

"Coffee with cream..."

"Salamat."

Naupo sila.

"Kumusta ka na?" may siglang tanong ng maybahay, sabik lang pagka't matagal na niyang hindi nakikita si Andy. "Kumusta ang ginagawa mo? Private investigator. Para ka palang detective sa pelikula. Parang si Humphrey Bogart."

Natawa si Andy at tumango.

"Kulang na lang fedora?"

"Mismo!" mulat ni Mrs. Tiglao.

"Maniwala ka't sa hindi," sabi ni Andy. "Mas hindi ito nakaka-stress 'di tulad ng ginagawa ni pare."

"Oo naman," sang-ayon ni Mrs. Tiglao tapos ay umiling. "Hay nako, ito ngang si pare mo, ganon pa rin, puyatan pa rin. Mabuti na lang at malapit nang magretiro."

Sinabi ng maybahay na ito ngang kaso ng kinidnap na mga bata ay mukhang siyang pinakamahirap na kaso ng kanyang asawa. Sunod-sunod na araw na raw itong hindi gaanong nakakatulog. Mabuti na lang daw na naririyan si Andy na tumutulong at siya'y nagpasalamat. Maya-maya'y dumating si Inspector Tiglao na bihis na. Nagulat siya na naroon si Andy at hindi sa townhouse ng mga Ruiz dumiretso.

"May kailangan akong sabihin sa 'yo, pare," sabi ni Andy.

Sa harap ni Mrs. Tiglao, inulat ni Andy ang nangyari sa kanyang pagbahay-bahay kahapon. Sinabi niya ang ukol sa hinala niya, kasama ni Inez, ukol kina David at Carol. Ang posibleng affair ng dalawa. Ang maaaring koneksyon nila sa ikalawang babae.

"Anong teorya mo?"

Saglit na napaisip ang P.I., bago sinabi sa kanila:

"Tingin ko maaaring blackmail."

Lumawak ang mga mata ng inspector.

"Blackmail?"

Tumango si Andy. Sinabi niya na sa kanyang pagaanalisa kagabi sa mga nakalap na impormasyon ay may lumabas siyang iba't-ibang teorya pero itong blackmail ang pinaka may posibilidad.

"Sabihin nating may relasyon itong si David at 'yung Carol," panimula ni Andy. "I mean, pare, pag nakita mo 'yung Carol kahit ikaw eh..."

Napahinto siya pagka't nakatingin si Mrs. Tiglao na may reaksyon na hmm. Kaya't diniretsa niya.

"Maganda 'yung babae, mare. Kahit sino magkakasala. Iyon ay bukod sa aming dalawa ni pare na malakas ang self-control," kanyang dipensa.

Panay ang tango ng pagsang-ayon ng inspector. Nakangiting tumango lang ang maybahay.

"Anyway," patuloy ni Andy. "Hula ko eh may nakaalam sa relasyon nila..."

"Sino?" tanong ni Tiglao.

"Posibleng nalaman ng mga kidnappers."

Napatingin sila nang lumabas ng kanyang kuwarto si Aaron, ang bunsong anak ni Tiglao. Nakapambihis ang 26-anyos na lalaki at paalis.

"Aaron!" tawag ni Tiglao sa anak at tinuro si Andy. "O look who's here!"

Binati ni Andy si Aaron na tumango sa kanya.

"Kumusta po?"

"Ayos lang," ngiti ni Andy.

Hindi pa pinapanganak si Aaron ay magkaibigan na sina Andy at Tiglao.

"Saan ka pupunta, anak?" tanong ni Mrs. Tiglao. "Ang aga-aga?"

"Punta lang ako sa bahay ng barkada, Ma," sabi ni Aaron.

Kumaway ng paalam ang anak at naglakad paalis. Napatingin si Andy sa jacket na suot nito—sa simbolo na naka-tinta sa likuran. Simbolo ng krus na may paikot na para bang arrow. Ngayon lang nakita ni Andy ang simbolo pero bakit parang pamilyar na siya.

"Pero, anong koneksyon ng sinasabi mong blackmail sa kidnapping?" pag-isip ni Inspector Tiglao. "'Yun ang hindi ko pa maisip."

"Lalabas 'yan, pare," assure ni Andy. "Mako-corner natin 'yang dalawa."

Minungkahi ni Andy na obserbahan ni Tiglao si David, habang siya'y babalik para kausapin pa si Carol. Nag-agree ang inspector at biglang may naisip.

"Gumawa tayo ng ruse," aniya.

Agad na tumango ang private investigator nang marining iyon, "Dating gawi?"

"Oo," mulat ng inspector, excited.

"Ruse?" pagtataka ni Mrs. Tiglao. "'Yan na namang ruse na 'yan."

Bumaling si Tiglao kay Andy.

"Ano ba sa tagalog yun?"

Umiling si Andy, "Malay ko."

Ruse. Basta ruse. Sa inggles, pwede ring trick or deception. Gamit ito ng mga Heneral sa giyera para linlangin ang kalaban na gumawa ng maling aksyon. Gamit din ito ng mga pulis para palabasin sa kanilang pinagtataguan ang mga kriminal. Paglilinlang, iyon malamang ang pinakamalapit na kahulugan sa Tagalog, at ito nga ang gagawin nina Tiglao at Andy. Plinano nila ang susunod na mga hakbang.

"Abangan mo, pare," sabi ni Andy. "Siguradong gagalaw 'yang si David."

Tumango ang inspector. Naaliw naman si Mrs. Tiglao sa dalawa.

"May ruse pa kayong nalalaman," aniya.

Tumingin ang inspector sa kanyang relo.

"Pare, tara na," aya niya.

Nagpaalam ang dalawa kay Mrs. Tiglao. Sinabi ng inspector sa maybahay na baka gabihin siya pagka't kritikal ang araw na ito. May posibilidad na ngayon na maitakda kung kailan ang drop-off ng ransom money.

***

Nang bumalik si Noel sa Tahanan ay gising na si Tano at naghahanda nang magdilig sa taniman. Si Philip ay tila kakagising lang para magpakain ng mga hayop.

"O, san ka galing?" tanong ni Tano.

Pinakita ni Noel ang bitbit niyang mga sanga.

"Naghagilap lang ako ng mga panggatong," aniya.

"Panggatong? Eh ang dami pa natin doon sa likuran a," senyas ni Tano.

"M-mabuti na 'yung sigurado," sabi ni Noel at agad na naglakad paalis. Binigyan siya ng nagtatakang tingin ni Tano bago pinasan ang pandilig niya ng halaman.

Tumilaok muli ang tandang. Habang nilagay ni Noel ang mga kahoy sa gilid ng Bahay Imbakan ay natanaw niyang naglabasan mula sa bahay ni si Ruth. Mula naman sa Bahay Tulugan ay lumabas si Carding kasunod si Beth. Sa hitsura ni Beth ay halatang ikinama siya ni Carding. Nakaramdam ng matinding inggit si Noel, pagka't kursunada niya si Beth na siyang pinaka may hitsura sa lahat, at isa sa pinakabata.

Ng mga nakaraang linggo ay napansin niyang madalas nang ikinakama nina Carding at Tano sina Maritess at Elza, na ipinaubaya na sa kanila ni Ama. At nakaramdam na naman siya ng hinanakit na heto nga't malapit na ang Araw ng Paghahatol ay hindi man lamang sila pinahihintulutang dalawa ni Meong na matikman ang mga dalaga.

"Ni isang beses lang?" ngitingit ni Noel sa sarili. "Kayo-kayo na lang mga tangina n'yo."

Lalo pa siyang nainis na makitang masayang nagsigarilyo si Carding sa labas ng bahay na parang amo. Na may pagkatutoo naman, pagka't hindi gumagawa ng mabibigat na trabaho si Carding kundi'y nanguutos pa. Napamura muli si Noel at sinundan ng tingin si Beth na papuntang Bahay Kainan, ang hugis ng maganda nitong katawan ay bumabakat sa kanyang damit sa liwanag ng sumisikat na araw.

"Sayang ka," bulong ni Noel, nakatingin kay Beth na pumasok sa Bahay Kainan.

Nakaramdam si Noel ng pagnanais na iligtas ang dalaga sa darating na araw ng wakas. Mabait si Beth, madaling kausap, alam niya ito. Ang hindi siya sigurado'y kung kaya ba niya itong kumbinsihin. Kumbinsihin na sumama sa kanya kung pangangakuan niya ng pera.

Nang bumaling si Noel sa Bahay Tulugan ay nakita niyang nakatingin na pala sa kanya si Carding. Agad siyang umiwas at naglakad paalis. Hindi na siya lumingon pa, kay Carding na hindi inaalis ang mga mata sa kanya.

***

7:20 AM.

Lunes. Araw ng pasukan. Araw ng trabaho. Pero sa pamilyang Ruiz at sa iba pang pamilya ng mga batang nakidnap, patuloy ang kalbaryo nila, ang pagnanais na maresolba ang lahat at ma-recover ang mga mahal nila sa buhay.

Pagdating nina Tiglao at Andy sa townhouse ay nagaantay na sa kanila sina SP01 Suratos at P01 Laperna. Si Mr. Albalde ay ready na ang computer at mga gadgets. May dalawa pang miyembro ng PNP-AKG ang dumating para tumulong sa pagko-coordinate sa ibang mga pamilya.

Gising na sina Joanna, David, Marco, Inez, kanyang kapatid na si Jason at ina. Naghahanda sila ng agahan. Matapos kumain ay pasimpleng niyaya ni Andy si Inez na magyosi sa labas kasabay sa pagpapadumi kay Ruffles. Doon ibinahagi niya kay Inez ang ilang bagay ukol sa plano nila ni Tiglao. Nag-agree si Inez na tumulong. Inabangan nilang dumaan ang school bus ni Polly at nang maisakay ito'y naglakad tungo ng townhouse ni Carol si Andy habang bumalik sa loob si Inez.

Sa loob at labas, may siryosong mood na nananalaytay sa ere. Aware ang lahat sa mangyayari ngayong araw. Ang pagdating ng proof of life, ang pag-schedule ng pagbigay ng ransom money.

Alas-9:10 AM nang tumawag si Cora.

"Meron na 'kong litrato ng mga bata..." aniya.

Binigay ni Inspector Tiglao ang numero ng kanyang cellphone at doon sinend ni Cora ang litrato. Sa laptop ni Mr. Albalde, ininspect nila ang litrato. Naluha ang mga Ruiz na makita si Macy na siyang may hawak ng diyaryo. Nang i-zoom in ay na-confirm nilang ang petsa'y kahapon ng linggo. Ang diyaryo'y Sunday Edition.

Napayakap si Joanna kay David. Lumuluha.

"It's going to be alright, dear, matapos na maibigay ang ransom ay babalik na si Macy," sabi ni David at bumaling kay Tiglao. "Hindi ba, inspector?"

"Pera ang habol ng mga kidnappers," ani ni Tiglao. "Trust me, maibabalik natin si Macy at ang iba pang mga bata."

Sinend ni Mr. Albalde ang proof of life sa iba pang mga kawani ng AKG na nasa ibang bahay ng mga pamilya ng nakidnap. Kinonfirm nila ang identity ng kanilang mga anak, at sinabing okay na sila, na "go" na sila sa pagbabayad ng ransom money.

Ang kulang na lang ay oras at lugar.


NEXT CHAPTER: "The Ruse"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top