Chapter 13: Proof of Life

6:03 AM. SATURDAY.

Ito ang araw na nakatakdang tatawag na muli ang kidnapper. Maaga pa lang ay nakaantabay na sina Inspector Tiglao at ang grupo ng PNP-AKG. Sa pagkakataong ito, sinabi ng inspector na siya na ang makikipagusap sa kidnapper, since ito'y officially isang kidnap-for-ransom case, may mga batayan, pamantayan at panuntunan na dapat sundin sa pakikipagnegosasyon.

"As much as possible, dapat may kontrol tayo sa sitwasyon," sabi ni Inspector Tiglao. "Hindi lahat ng hihilingin ng kidnapper ay ibibigay natin, lalo na kung imposible."

Nang may mag-comment na kung para rin daw ba itong hostage negotiation ay um-oo ang inspector. Ang kaibahan lang daw ay walang ganoong time pressure tulad ng isang hostage situation kaya't mahaba ang oras nila. Ang concern naman ni Joanna'y kung hahaba pa ang oras sa pakikipag-usap ay paano ang kaligtasan nina Macy at ng ibang bata. Sabi ng inspector na nasa isipan niya iyon at na iyon ang pinakamahalaga sa lahat.

Mag-aalas nuebe na'y wala pang tawag. Maya-maya'y may nagdoorbell at nang buksan ang gate ay naroon ang ina at kapatid na lalaki ni Joanna. Lumuwas sila galing ng probinsiya.

"Ma..." bati ni Joanna, at sa kanyang mas nakatatandang kapatid, "Kuya Jason..."

Ulila na sa ama si Joanna. 8 years na itong yumao dahil sa heart attack. Nang mamatay ang padre de pamilya'y bumalik muli sa probinsiya ang ina at nag-iisang kapatid.

"Kumustang biyahe n'yo?" tanong ni David.

"Okay naman. Walang trapik papunta," sabi ni Jason. May hawig siya kay Joanna at matanda ng apat na taon. May asawa't dalawang anak na babae na naiwan sa probinsiya.

Kasamang mga magulang ni David, Inez at Marco ay nagtipon sila sa living room para mag-usap habang inaantay ng lahat ang pagtawag ng kidnapper. Nguni't lumipas na ang tanghali ay wala pa rin. Napagpasyahan ng mga magulang ni David na umuwi na muna sa kanilang bahay para maipaubaya ang guest room sa ina at kapatid ni Joanna. Si Inez nama'y nag-decide na maiwan.

"Inez, kung kailangan mong umalis, okay lang," sabi ni David sa kapatid.

Sinabi ni Inez na okay lang at nagpaalam na siya sa art gallery na kanyang pinagtratrabauhan. Inatasan ni Inspector Tiglao si P01 Laperna na i-drive ang mga magulang ni David sa bahay ng mga ito. Nagpaalam sila't umalis. Pasado-alas-kuwatro na, wala pa ring tawag.

***

Namumurublema si Cora noong hapon na iyon.

Heto't planado na niya ang lahat ay nagkaprublema pa siya sa dalawang chop-chop gang. Isang milyon. Habang nagt-text ay sumakit ang ulo niya't uminom siya ng dalawang Advil bago sumakay ng jeep papuntang Taft Avenue. Alam niyang paliligiran na ang Quiapo at nang dumaan nga ang dyip doon ay nakita niyang maraming pulis sa lugar. Hindi siya sumaliwa pagka'tgusto rin niyang makita kung paano gumalaw ang mga pulis.

Mula sa dyip ay napangiti siya habang dumaan sa Quiapo. Wala ko d'yan, mga ulol! sabi niya sa isipan.

Bumaba siya ng Buendia Avenue, at mula roon ay sumakay ng dyip papasok ng Makati tungo ng MRT station sa Buendia-EDSA kung saan siya bumaba. Doon sa area na 'yon naghanap muna si Cora ng makakainan habang malalim na nag-iisip. Matapos kumain ay tumawid siya sa kabila ng EDSA at naglakad sa mahabang bangketa na walang ibang taong dumaraan. Pinili ni Cora ang oras na ito pagka't alam niyang nagkaka-traffic. Sabado-traffic ng mga umuuwi ng South.

Kinuha ni Cora ang kanyang cellphone at nag-dial.

***

4:41 PM.

Lumabas ng townhouse si Inez para magsigarilyo at padumihin si Ruffles sa bakanteng lote sa tapat. Nakita niya na may babae, isang katulong ang nagpapadumi rin ng aso sa damuhan. Nagalangan si Inez na lumapit pero wala naman ng ibang lugar, mabuti na lang at umalis din ang babae kasamang aso. Inamoy-amoy ni Ruffles ang lugar naghahanap ng puwesto habang nagsindi si Inez ng yosi.

Sa langit, kumukulimlim na. Matatapos na naman ang isang araw. Napatingin si Inez sa gawi ng townhouse ni Carol at naalala ang pagpunta ni David doon noong Huwebes. Ipinagtaka niya iyon at may mga ideya na umiikot sa kanyang isipan. Baka mali lang ako ng akala, pilit niyang sinasabi sa sarili.

Maya-maya'y lumabas si Marco ng gate at naglakad papunta sa kanya.

"Tita Inez..."

"Hi, Marco."

"Sabi ng classmate ko may pasok na daw sa Monday."

Tuloy ang pasukan sa Holy Good Shepherd Montessori habang ongoing pa rin ang imbestigasyon. May mga pulis na nagbabantay na sa school at nagpapatrol sa paligid. Ang buong staff ng school ay mahigpit na minomonitor lalo na ang mga school bus drivers at helpers nila.

"Sabi naman ni Mommy, ako daw hindi pa papasok," patuloy ni Marco.

Alam ni Inez ito at in-explain sa bata na para iyon sa safety niya. Kung gaano katagal ay hindi pa nila masabi, siguro hanggang sa hindi pa nare-recover si Macy.

"Mahahanap ba ng mga pulis si Macy?" malungkot na tugon ng bata. Itong palaging tanong niya.

"Yes, I'm sure mahahanap nila, Marco," ang positive na sagot ni Inez.

May pumasok sa isipan ni Inez. Gustong niyang itanong kay Marco kung may napapansin ba itong kakaiba sa kanyang mga magulang, partikular sa daddy niya. Kung okay ba sa bahay, na kung okay ba ang kanyang mommy at daddy. Nguni't, naantala ito nang narinig nila ang ring sa loob ng townhouse at nagmamadali silang pumasok sa loob. Hindi na ito maitatanong ni Inez kay Marco after, pero ito'y mababanggit niya sa iba.

***

Naglalakad si Cora sa kahabaan ng EDSA, sa tabing kalye, sa gilid ng mataas na simentong bakod ng Forbes Park. Maraming sasakyan ang nagdaraan, bumibigat na ang traffic. Hawak niyang cellphone at nagri-ring ito.

"Hello?"

Na-alarma si Cora na boses ng lalaki ang sumagot.

"Sino ito?" tanong niya.

"Si Chief Inspector Tiglao ito ng PNP-AKG..."

Inaantay na ni Cora ang pagpasok ng mga pulis sa usapan. Kaya't handa na siya.

"Hindi ikaw ang gusto kong makausap. Ibigay mo dun sa babae," aniya.

"Simula ngayon ako nang kakausapin mo," matigas ang sagot ng nagpakilalang inspector na ikinagulat ni Cora.

"Sabi kong hindi ikaw..."

"Kung tungkol ito sa ransom money," interrupt ng inspector. "Ako na ang kausap mo."

Napahinto sa paglalakad si Cora. Nabigla siya sa dating ng inspector at saglit na nawalan ng sasabihin. Mukhang hindi niya kayang makipagmatigasan sa inspector na ito na palagay niya'y sanay na sanay na sa ganitong pakikipagusap.

"Hello? Hello?" tawag ng inspector.

"N-nasaan na ang pera?" medyo nautal si Cora.

"Nakahanda na ang pera, kailan at saan mo gustong makipagkita?" tanong ng inspector sa kabilang linya.

"Tatawagan kita bukas kung saan at kailan," sabi ni Cora at nagsimulang maglakad na muli.

"Areglado," sabi ng inspector. "Pero may kailangan ako sa iyo."

Napahinto uli si Cora.

"A-ano iyon?"

"Kailangan ko ng proof of life," ani ng inspector.

"Proof of ano?" gulat na bigkas ni Cora.

"Proof of Life. Pruweba na ligtas ang mga bata. Kailangan ko ng litrato ng mga bata."

"O-okay sige," sagot ni Cora. Alam na rin niyang hihingi ang mga pulis nito kaya niya kinunan ng litrato ang mga bata noong sinakay nila sa van. Ang hindi niya inaasahan ay:

"Litrato ng mga bata katabi ang bagong labas na diyaryo," sabi ng inspector.

Ayos sa pulis, kailangan ang patunay na buhay ang mga bata sa pamamagitan ng diyaryo na may kasalukuyang petsa. Umangal si Cora pero mahigpit ang inspector. Kung wala raw noon ay walang negosasyon. Kailangang malaman ng mga magulang na buhay ang kanilang mga anak, diin niya. Iyon daw ay non-negotiable, anuman ang ibig sabihin noon. Walang magawa si Cora.

"Okay, okay," aniya. "Bigyan mo ko ng isang araw."

"Areglado."

"May kailangan din ako," sabi ni Cora. "May pagbabago."

"Ano 'yon?"

Nagsimula muling maglakad si Cora. May siryosong tingin kanyang mukha.

"Hindi na limang milyon ang ransom," sabi ni Cora. "Walong milyon na."

Pagkasabi noo'y pinatay niya ang cellphone. Binuksan ang takip sa likuran at tinanggal ang sim card at ito'y binali at pasimpleng tinapon sa kalsada—na ginulungan ng mga nagdaraang mga bus. Napangiti si Cora na nagawa niyang taasan ang ransom, na siya ang last say. Kung umangal sila'y sasabihin din niyang "non-negotiable." Ang plano niya'y isang milyon lang ang idadagdag sa ransom nguni't kung pahirapan din lang naman ay sinagad na niya—isang milyon kada pamilya ng kinidnap na bata. Gusto niyang tumawa pero naisip ang problemang hinaharap—ang litrato ng mga bata na may diyaryong bago. Paano niya magagawa ito?

Patuloy ang lakad ni Cora hanggang sa makarating sa Guadalupe kung saan siya sumakay ng bus.

***

Na-trace ni Mr. Albalde ang tawag sa area ng EDSA-Buendia tungo ng Guadalupe at inalerto ang mga pulis na malapit doon. Nagdispatch ng mga operatives ng AKG mula sa Camp Crame pero sinalubong sila ng traffic kaya't natagalan bago nakarating. By then, nakalampas na si Cora ng Cubao sa bus na patungo ng Monumento. Pero, hindi iyon ang concern nila kundi ang:

"Walong milyon?!"

Ito ang umalingawngaw na bulalas sa loob ng townhouse. Umalma sila, ganoon din ang ibang pamilya na sinabihan nila. P625,000 ang hatian noong una, ngayo'y tig-1 million na. Ganoon na lang ang angal nina David, Inez at ama at kapatid ni Joanna. Nagalit si Joanna.

"Makikipagtawaran pa ba kayo sa buhay ni Macy?!" malakas niyang sabi. "Noong una kahit dalawang milyon payag kayong bayaran!"

Natahimik sila at napahiya. Huminahon naman agad si Joanna, alam din naman niya na ang pag-alma ng lahat ay hindi dahil tumaas ang presyo kundi'y gulat sa pagbabago ng isip ng kidnapper. Pangitain na bumagabag sa isipan ni Inspector Tiglao. Bakit tinaasan ang ransom? Ano o sino ang nagimpluwensiya sa kidnapper? May nangyari ba na nagdulot nito? Sa kanyang experyensya ay nangyayari naman ito at ito ang nagiging malaking challenge: ang paganalisa sa psychology ng kidnapper.

Sinabi ng inspector na ihanda na nila ang pera, in coordination with the other families. Kapag nakuha na nila ang proof of life ay mapapabilis na ang negosasyon at ang pagrecover sa mga bata.

"Hindi naman nila sasaktan ang mga biktima," aniya ng inspector. "Ang mga ganitong kidnapper ang layunin lang nila ay pera."

Pero, hindi ito nangangahulugang walang ginagawa ang mga pulis na operasyon para matunton ang mga kidnapper. Layunin din nila ang mahuli ang mga ito. Deterrence ito para mabawasan ang kaso ng mga kidnapping at ma-discourage ang mga would-be kidnappers. May mga operation din sila na nahuli ang mga salarin bago maibigay ang ransom, saving the victim's family's money at ganoon na rin ang taxpayer's money. Ang kailangan lang ay masinsinang imbestigasyon and with that, saktong nag-ring ang doorbell.

"Nandito na siya," sabi ni Tiglao.

Bumaba si P01 Laperna para buksan ang gate at nang bumalik siya'y kasama niya ang lalaki na naka-black leather jacket, maong at rubber shoes. Ka-edaran ni Inspector Tiglao, manipis na'ng buhok na puti na sa tagiliran at may pagkahaba sa likuran. Heavy ang built at may pagkabrusko kung lumakad. Siya ang private investigator, ang P.I. na tutulong sa kanila ayon sa inspector. Binati siya nina SP01 Suratos at Mr. Albalde na may paggalang at paghanga.

Ipinakilala ng inspector ang pamilyang Ruiz at kinamayan ng lalaki ang bawat isa sa kanila. Nang makita ni Joanna ang private investigator ay nakaramdam siya ng pag-asa, at sa mabigat at magaspang na palad ng lalaki ay pagkakalma. Frusrated si Joanna sa mga huling nangyari at sa lalaking ito, nabuhayan siya ng loob at ramdam niyang matutulungan sila nito.

"It's good to meet you, sir," sabi ni Joanna.

Ngumiti ang lalaki at sinabi:

"Call me Andy."

NEXT CHAPTER: "Sunday Edition"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top