Chapter 12: Blackmail

Halos kasabay ng paggising ni Joanna mula sa bangungot ay nagising din si Inspector Tiglao mula sa pagkakatulog sa kuwarto ng kanyang bahay. Pero ang paggising niya'y hindi dahil sa masamang panaginip kundi dahil sa tuwing mga alas-tres ng madaling araw siya'y naiihi. Araw-araw ito. Like clockwork, ikanga. Nakaugalian na ng kanyang katawan. Body clock, isa pang ikanga. Tanda ng pagkatanda.

Bumangon ang inspector, suot niya'y sando at shorts. Patay ang ilaw ng kuwarto at kinapa ng kanyang mga paa ang pares ng tsinelas sa sahig.

"Conrado?"

Nagising na rin ang kanyang asawa. Nagigising na rin ito tuwing siya'y magigising. Ang body clock niya'y nakakahawa.

"CR...," sabi lang ng inspector. Gets na ito ng kanyang asawa. Tumayo ang inspector matapos maisilid ang mga paa sa tsinelas at naglakad palabas ng kuwarto.

Ang bahay ng beteranong pulis ay isang bungalow sa gawi ng QC, sa Project area. Halos 20 years na silang nakatira rito ng kanyang asawa, dati'y taga-Pasay sila kung saan siya lumaki. 20 years, halos kasintagal na ng kanyang paninilbihan bilang pulis. Sa bahay na ito lumaki ang tatlo nilang mga anak, puro lalaki. Dalawa'y may pamilya na't may sarili ng mga bahay, isang Engineer at isang Architect. Ang pinakabata'y 26 at walang trabaho na kasama nila sa bahay. Out-of-work, pansamantala lang naman daw. Walang sumunod sa mga yapak ng inspector at nagpulis.

Bukas ang ilaw sa kusina. Iniiwan nilang bukas ang ilaw dito tuwing gabi. Katabi nito ang CR.

Pagkagaling sa CR ay nagtungo ang inspector sa kusina para maghanap ng makakain sa ref. Kasama ng kanyang paggising sa disoras ng gabi ay ang pagkagutom. Nakakita siya ng tirang fried chicken leg at kanya itong dinampot. Kumuha rin siya ng pitsel ng tubig at baso at naupo sa hapag-kainan.

Mula pagtulog hanggang paggising hanggang sa pagnguya ng paa ng manok, ang laman ng isipan ng inspector ay ang kasalukuyang kaso—ang kidnapping ng mga mag-aaral ng Holy Good Shepherd Montessori. So far, isa ito sa mabibigat niyang kaso ng kidnapping. Mahalaga pagka't ang mga kinidnap ay mula sa may kayang mga pamilya. Inuukulan ng nararapat na atensyon. Ng oras. Ng resources. Of course, ibang usapan kapag ang mga kinidnap ay mahihirap. Less pressure. Alam naman ng inspector ito. Tanggap niya ito bagama't lagi niyang kinukuwestiyon.

Kahapon ay nagusap silang mga kawani ng PNP-AKG sa pamumuno ni Chief Superintendent Brigadier General Batac, Chief ng PNP Anti-Kidnapping group sa Luzon at iba pang mga case officers ukol sa mga susunod na hakbang na gagawin ngayong isinaad na ng kidnapper ang halaga ng ransom money. Para kay Inspector Tiglao, batay sa karanasan niya, simula pa lang ito ng mahabang proseso ng pagnenegosasyon.

Malamig na ang manok. Pero, malasa pa rin.

Uminom siya ng tubig, hinugasan ang baso't naglakad pabalik ng kuwarto. Natanaw niya na may mahinang ilaw na nagmumula sa ilalim ng pintuan ng kuwarto ni Aaron, ang bunso niyang anak. Malamang nagi-internet, wari niya. Baka naghahanap ng trabaho sa internet.

Nang humiga muli siya sa kama'y tulog na uli ang kanyang maybahay.

Pumikit ang inspector, pero hindi agad siya nakatulog. May nararamdaman siya sa sikmura na walang kinalaman sa kinaing manok. Pakiramdam niya'y may malalim pa na pinagmumulan ang kaso ng kidnapping na ito, pero hindi niya masabi kung ano.

Kinabukasan nang magbalik siya sa townhouse at mabanggit ni Joanna ang tungkol sa ikalawang babae na aniya'y nagpanggap na census taker, ay isinawalang bahala lang niya iyon. Hindi niya inaasahan, na sa darating na mga araw, iyon pala'y pagmumulan ng mahalagang lead sa imbestigasyon.

***

8:02 AM. FRIDAY.

"Isang census-taker?"

"Yes, inspector," tango ni Joanna. "One week ago."

Nasa sala sila na nag-uusap. Umaga. May kape na iniinom ang mga pulis.

"'Yun na nga, spotter!" usal ni SP01 Suratos habang hawak ang tasa ng kape, katabi si P01 Laperna.

Sa may kusina, abala si Mr. Albalde sa pagkukumpuni ng kanyang laptop at mga gadgets. Kakuwentuhan niya ang mga magulang ni David. Si Inez at Marco ay nagaalmusal naman.

"Sigurado ka ba, dear?" tanong ni David sa asawa.

"Ayan ka na naman, David," iling ni Joanna. "Nagdududa ka na naman."

"H-hindi naman, dear."

Binalik ni Joanna ang atensyon kay Inspector Tiglao.

"So, anong magandang gawin, sir?" tanong ni Joanna. "I mean, kung ginagawa na niya lagi ang pagpapanggap, siguradong mamumukaan siya ng ibang mga pinuntahan niyang bahay."

May punto naman si Joanna. Sa ganoong paraan ay mas mabibigyan ng mukha, ng profile ang ikalawang babae. Kahapon ay natunton na ng ibang operatives ang mga tinirahan nina Noel at Sarah, na kapuwa nangupahan ng magkahiwalay sa may Tondo. Natagpuan lamang nila'y matubal na mga damit, gamit na toothbrush at simot na toothpaste. Walang makapagtuturo sa identity ng ikalawang babae. Ni hindi pa nga nila masabing direktang konektado ang dalawa sa kidnapping o kung sila'y biktima rin. Sa ngayon, hinahagilap pa nila ang mga kamag-anak nina Noel at Sarah sa probinsiya.

"Puwede naming kausapin ang mga kapit-bahay n'yo," mungkahi ni Inspector Tiglao. "Kunan namin ng mga statements..."

"Okay lang ba 'yon?" may pagtutol sa boses ni David. "I mean, malalaman nila ang nangyayari sa atin."

"David..." tingin ni Joanna, medyo frustrated na sa asawa. "I mean, I'm sure nabalitaan na nila."

Mula sa kusina sumingit si Inez.

"Alam na ni Carol, nakausap na ni David."

"Nakausap mo si Carol?" nagtatakang tingin ni Joanna.

"Y-yes," amin ni David at mabilis na nagdahilan. "Nangungumusta lang siya. Worried lang siya sa anak niya."

Tinanong ng inspector kung sino ang pinaguusapan nila at sinabi sa kanya na si Carol ay malapit nilang kapit-bahay, na ang anak nitong si Polly ay kalaro nina Macy at Marco. If okay naman sa pamilya na kausapin ang mga kapit-bahay nila, wala naman daw mawawala sabi ng mga pulis. In fact, SOP nga ito, so whether or not gusto o ayaw nila'y mangyayari pa rin.

"Sir, gusto mo kami na ni Laperna ang gumawa nito?" sabi ni SP01 Suratos.

Napatingin si inspector sa pulis niya at nakitang hindi ito papasang mahusay na interviewer. Malamang gumulo pa ang imbestigasyon, bukod sa kailangan niya ang dalawang pulis sa loob ng townhouse sa lahat ng oras. Hindi bale, mayroon na naman siyang taong nasa isipan na siyang gagawa nito—ang kumpare niya na sinuggest ng kanyang asawa na tawagan. Isang dating pulis na ngayon ay isa ng private investigator. After all, aniya, isa rin naman itong missing persons case.

"Ako na bahala," sabi ni Inspector Tiglao sa kanila.

***

Nang bumalik si Cora sa warehouse ang nakita na lamang niya'y ang kalat ng langis at putik sa simentong sahig. Wala ng bakas ng school bus. Naroon na naghihintay ang maliit at matabang lider ng chop-chop gang at kanyang bayaw. Kapuwa sila naninigarilyo.

"Kala namin 'di ka na babalik eh," sabi ng lider.

Lumapit si Cora. Dala niya ang sobre na may lamang pera.

"Ang usapan ay usapan," aniya at inabot ang sobre sa lider.

Nilabas ng lider ang pera't binilang, halo-halo itong tig-1,000, 500 at 100. Nakikitingin ang kanyang bayaw.

"10,000," senyas ni Cora sa pera. "Walang labis, walang kulang."

Humithit ng malalim ang leader, tumatango at inulit pa'ng madalas bigkasin ni Cora. Ang usapan ay usapan. Ngumiti si Cora na makitang solb ang dalawa sa pera.

"S'an ka nakakita ng sa inyo na 'yung mga spare parts may sampung libo pa kayo," pagmamalaki niya sa dalawang lalaki. "O, di ba?"

Pagkasabi'y tumalikod si Cora paalis, pero:

"Baka naman p'wede mong dagdagan," sabi ng lider.

Napahinto si Cora. May tono sa boses ng lider na parang may alam ito. Hindi siya kumibo, alam niyang may kasunod na ang sinabi.

"Kaw naman o," sabi ng lider. "Kala mo 'di namin alam?"

May kabang gumapang sa katawan ni Cora. Lalo na't lumapit ang lider at bayaw niya.

"Kidnapping? Tapos mga bata pa?" sabi ng lider at tinurong bayaw niya. "Kami nga, 'di naman sinubukan 'yan eh. Mainit 'yan. Alam mo bang parusa sa kidnapping?"

"Death penalty," ngiti ng bayaw.

Nang makalapit sila'y nalaman ni Cora na kung bakit hindi palasalita ang bayaw ng lider. Nangangailangan ito ng matinding bisita sa dentista. Nang ibuka niyang bibig ay nangingitim ang bungi-bungi nitong mga ngipin.

"Bayad na kayo," matapang na sabi ni Cora sa kanila. "Aalis na ko."

"Teka lang, teka lang," hinawakan ng lider si Cora sa braso na agad na pumiglas.

"Ano bang gusto n'yo?" galit na sabi ni Cora. "Sabihin n'yo na!"

Nagkatinginan ang dalawang lalaki, nawalang mga ngiti nila at nagsiryoso.

"Isang milyon," sabi ng lider. "Hati na kami ni bayaw."

Napaatras si Cora.

"Kundi...alam mo na..." warning pa ng lider.

"Tang-ina naman o!" 'di napigilang magmura ni Cora.

Sabay na napangiti uli ang dalawang lalaki, ngiti dahil naaliw sila sa reaksyon ni Cora at ngiti dahil alam nilang magkakapera sila. Napatunganga sa kanila si Cora. Hindi niya inaasahang mangyayari ito. Isang milyon. Tang-ina naman ulit niya sa sarili. Malinaw na blackmail ito. Pero, umpisa pa lang ito ng mga problema ni Cora sa kidnapping na ito, pagka't nang tumawag uli siya kinabukasan sa townhouse ng mga Ruiz ay may bago na namang balakid.

***

"Anna...Joy...Louella...Elly...Macy...Apple...Stephen...Christopher..."

Inulit-ulit ni Philip ang pangalan ng mga bata para kanyang matandaan. Kaharap niyang mga ito't isa-isang tinuturo. Anna...Joy...Louella...Elly...Macy...Apple...Stephen...Christopher...

Nakaupo sila sa sahig na kahoy ng bahay-dasalan. Maliwanag ang sinag ng araw at may kintab sa kulay ng mga puno't halaman. Tanaw nila ang taniman ng gulay at prutas at nakitang naroon si Tano at nagdidilig gamit ang dalawang lata na nakatali sa magkabilang dulo ng mahabang kahoy na pasan niya sa balikat. Maraming butas ang mga lata kung saan lumalabas ang tubig. Maliit man si Tano ay kaya niyang buhatin ito. Pinapanood siya ng mga bata. Bukod sa bahay kainan, dasalan, tulugan at bahay ni ama ay may isa pang maliit na bahay na sabi ni Philip ay bahay na imbakan. Malapit ito sa taniman.

"O basta tandaan n'yo pangalan ko ha, Philip," sabi ng binatilyo sa kanila. "Sabihin n'yo nga..."

Philip, ulit ng mga bata. Kay Philip ay hindi sila takot. Apat na taon ang tanda ni Philip sa pinakamatanda sa kanila na si Christopher, 9. Isang taon lang tanda sa kuya Marco ni Macy, pero para bang ang layo na ng agwat ni Philip sa kanila. Para bang hindi na siya bata sa asal.

Dumating si Sarah galing sa Bahay-Kainan. Nagpupunas ng basang kamay.

"Sige na, Philip. Ako na bahala dito," aniya.

Tumayo si Philip at nagpaalam sa mga bata at dumiretso sa taniman para tumulong kay Tano.

"Kumusta mga bata?" ngiti ni Sarah sa kanila. "Nagugustuhan n'yo na ba ang lugar na ito? Dito sariwa ang hangin. Walang polusyon!"

"Ate Sarah, kailan ba kami uuwi?" tanong ni Apple ang pinakamatanda sa mga batang babae.

Alam ni Sarah na hindi matatapos ang tanong na ito kaya't pinagisipan na niya ang isasagot tuwing itatanong ito.

"Malapit na," sabi niya.

"Eh sabi mo ito na bago naming tirahan," sabi ni Christopher.

"Tahanan. Oo, pansamantala lang naman," ani ni Sarah. "Ituring n'yo na lang ito na isang mahabang bakasyon. 'Di ba maganda naman dito?"

Walang sumagot.

"Ba't mo kami nikidnap?" sabi ni Macy.

Nagulat si Sarah. Nagtanguan ang mga bata in agreement.

"Sabi mo birthday ni Luis!" sumbat ng batang si Joy. "Sinungaling!"

"H-hindi..." deny ni Sarah.

"Kala namin kaibigan ka namin," dagdag ni Macy.

"Oo, kaibigan n'yo ako," tingin ni Sarah sa lahat sa mapagpaumanhi na boses. "Katunayan, nililigtas ko nga kayo."

"Kanino?" pagtataka ni Christopher.

Hindi agad makasagot si Sarah pagka't pakiramdam niya'y mahirap ipaliwanag sa mga musmos na isipan.

"Kilala n'yo naman si Jesus 'di ba?" aniya at nagtanguan ang mga bata. "Si Ama, para din siyang si Jesus. Nakakausap niya ang Diyos. Nakakausap niya si God."

Nagkatinginan ang mga bata. Hindi naniniwala. Nagsinungaling na si Sarah sa kanila isang beses.

"Tutoo!" mulat ni Sarah. "At alam niya ang mangyayari sa hinaharap. Sa future."

Hindi naiintindihan ng mga bata ang kanyang mga sinasabi.

"Narito kayo dahil napili kayo," paliwanag ni Sarah. "Sa pagdating ng araw ng paghahatol, kasama kayo sa mga maliligtas!"

NEXT CHAPTER: "Proof of Life"






Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top