Chapter 11: Hide & Seek

2:12 PM WEDNESDAY. 8 DAYS BEFORE THE KIDNAPPING.

"Where are you, little girl?"

Dinig ni Macy ang boses ng kanyang mommy mula sa kanyang pinagtataguan sa loob ng kabinet ng kanyang kuwarto—ang closet ng mga damit na paborito niyang pagtaguan tuwing naglalaro sila ng hide and seek. Madalas silang maglaro ni Joanna pagkarating niya ng eskuwela, pagkahatid sa kanya ng school bus. Paborito niya ang kabinet bukod sa madilim sa loob ay siya'y natatakluban ng mga naka-hanger na mga damit, feeling niya'y hindi siya nahahanap agad doon.

"Where could she be?"

Isa pa'y nasisilip n'ya ang pagdating ni Joanna mula sa grills ng closet door.

"Is she in this room?"

Kita ni Macy na hinahanap siya ni Joanna sa kuwarto.

"Maybe she's hiding...in the bed!"

Kita niyang tinanggal ni Joanna ang kumot sa double-deck na kama at nakita lamang ay unan. Napa-giggle si Macy.

"Or maybe...she's under the table!"

Kita ni Macy na sumilip si Joanna sa ilalim ng study table.

"Where could she be?"

Napa-giggle uli sa tuwa si Macy. Tinakpan niyang bibig nang makitang papalapit si Joanna sa kabinet na kanyang pinagtataguan.

"Hmm. Maybe...she's..."

Biglang binuksan ni Joanna ang kabinet.

"In the closet!" bulaga ni Joanna.

Napatili si Macy at siya'y pinagkikiliti ni Joanna.

"Gotcha!"

"One more, Mommy..." hiling ni Macy, namumula sa pagtawa.

"Mommy's tired," sabi ni Joanna at nagpamewang.

"Pleeaasssee!"

"Okay," ngiti ni Joanna. "Pero last na ha?"

"Okay!"

"Promise?"

"Promise!"

Tatakpan na sana ni Joanna ang kanyang mga mata para magbilang ng one to ten nang marinig ang doorbell. Napatingin si Joanna. Sino ang tao sa labas? Kumakahol si Ruffles mula sa baba.

Ding-dong.

Napaisip si Joanna. Baka parents ni David. Baka isa na namang surprise visit. At ngayon pang hindi maganda ang ayos niya, dahilan para medyo mag-panic siya.

"Who is it, mommy?" tanong ni Macy na nasa loob pa rin ng kabinet.

"Wait here, okay?" turo ni Joanna sa anak. "Mommy will be right back."

Tumango si Macy.

***

Nagmamadaling bumaba ng hagdan tungo sa ground floor si Joanna habang inaayos ang kanyang suot na sando at capri pants. Hinawi niya ng ayos ang kanyang buhok. Sinasabi sa sarili na sana hindi parents ni David ang nagdo-doorbell. Natatandaan niya na ganitong oras din sila bumisita noon.

Sa garahe, patuloy ang kahol ni Ruffles. Nakita ni Joanna na nakadumi na ang aso, at saglit siyang nahimok na linisin agad ito kung hindi lang may tao sa labas ng townhouse. Nang buksan niya ang maliit na gate ay nakita niyang hindi parents ni David kundi:

Isang babae na naka-shades, naka-cap at vest na blue kung saan nakasabit ang I.D. at hawak ang isang clipboard. Nakahinga nang maluwag si Joanna.

"Yes?" tanong niya.

"Censor po," sabi ng babae.

"You mean census?" pagkorek ni Joanna. "Isa kang census-taker?"

"Ah...opo, opo," mabilis na sagot ng babae. "Census."

Napangiti si Joanna, mabait siya sa mga ganito, hindi tulad ni David. Para kay David, isa itong inconvenience tuwing nasa bahay sila: kung hindi taga-asosasyon na nanghihingi ng pera ay mga charismatic na nanghihingi ng ilang minuto ng buhay mo na nauuwi sa pagiiwan ng pamphlets.

"Hindi ba kaka-census n'yo lang last, last week?" pagtataka ni Joanna.

Nakita niyang nagulat ang babae at saglit na hindi nakapagsalita. Hindi niya makita ang reaksyon ng mga mata dahil natatakpan ng shades. Ipinagpalagay niya na ang shades at cap ay para sa araw. Mataas ang sikat ng araw ng araw na iyon.

"Ah..eh..."

Pero, mabait nga si Joanna sa mga ganitong bagay.

"Kung may itatanong ka, itanong mo na," sabi ni Joanna.

Hawak ng babae ang bolpen at clipboard at may binasa.

"Ilan po kayo sa bahay?"

Binigay ni Joanna ang mga necessary na sagot sa usual na mga katanungan: sinong head ng family, ilan ang mga anak at antas ng mga ito, edad ng mga nakatira, gaano katagal na sila sa bahay, kung inuupahan ba ito, kung gumagamit ba ng gaas sa pagluluto, etc. etc. Medyo nailang lang siya nang tanungin kung magkano ang kinikita ng pamilya, partikular ang suweldo ni David sa banko. Sinabi niyang private info iyon.

"Ah, ok ok," sabi ng babae. "Ok lang."

Nakatingin si Joanna, hinihintay kung may katanungan pa.

"Okay na ba?" tanong niya.

"Ah, oo, oo," binaba ng babae ang bolpen at clipboard at akmang magpapaalam.

"Hindi ba dapat papipirmahin mo ko d'yan sa papel?" paalala ni Joanna.

"Ah, okay na, okay na," kumakaway na sabi ng babae at naglakad paalis.

Nagtaka si Joanna. Parang may hindi tama sa asal ng babaeng census taker. Pinagmasdan niya ito habang naglakad palayo at tumitingin-tingin sa kanyang clipboard at sa iba pang townhouse na para bang may hinahanap. Napailing si Joanna. Sa sumunod na mga araw ay makakalimutan na niya ang tagpuang iyon sa census taker at maaalala na lamang matapos mangyari ang kidnapping.

***

Ramdam ni Cora na nakamasid pa rin si Joanna sa kanya kung kaya't nagkunwari siyang tumitingin sa clipboard at sa bahay-bahay. Lumapit siya sa gate ng katabing townhouse at kunwa'y magdo-doorbell. Inayos pa niyang kanyang cap at vest na blue, at ang peke niyang ID na naka-pin dito. Nang makita niyang pumasok na si Joanna sa townhouse nito'y lumakad na rin siya paalis—at pinuntahan ang townhouse na dalawang unit ang layo.

Pinindot niya ang doorbell ng townhouse na iyon.

Maya-maya'y bumukas ang pinto.

At bumungad sa kanya si Carol.

Nakita ni Carol ang uniporme. Pamilyar ito sa kanya pagka't tulad ng sinabi ni Joanna, naglibot na ang mga nagse-census last last week. Nguni't hindi iyon ang bungad niya sa babeng nag-doorbell, sa naka-uniporme di-umano ng isang census taker. Hindi Yes, can I help you? ang nasabi niya tulad ng nakaugalian niya. Hindi Sino pong hanap n'yo? Not even Sino kayo?

Ang nasabi niya kasama ang paglaki ng kanyang mga mata ay:

"Anong ginagawa mo dito?!"

Ngumiti si Cora. Alam niyang iyon ang magiging reaksyon ni Carol kapag nakita siya.

Sumilip si Cora sa loob ng bahay at natanaw si Polly sa loob ng garahe.

"Iyon ba 'yung anak mo?"

Agad na hinarang ni Carol ang sarili para maitago si Polly.

"Anong kailangan mo?!" mulat si Carol. Gulat pa rin.

"Relax," ngiti ni Cora. "Napadaan lang ako."

Sabay naglakad din paalis si Cora, hawak-hawak ang clipboard. Naiwan na nakanganga si Carol. Habang naglalakad palabas ng subdivision ay tumatawa si Cora. Kanyang hinubad ang blue na cap at vest at tumawid ng kalsada at sa ikalawang kanto ay nakita niyang nagtatago sa likod ng poste walang iba kundi si Noel. Nilapitan niya ito at sabay silang naglakad palayo. Isang major street, maraming sasakyan sa paligid at mga business establishments.

"Nakita mo?" tanong ni Noel habang naglalakad ang dalawa. "Anlalaki ng bahay ano? Anyayaman."

Agree si Cora. Mayayaman nga. Gusto niyang makita mismo ang nabanggit sa kanyang townhouse at makita rin ng personal at ma-meet si Joanna. Gusto niyang masukat ang pagkatao nito.

"So, ano na?" tanong ni Noel. "Tuloy tayo? Sa susunod na Miyerkules?"

Tumango si Cora, "Tuloy."

"Paano si Sarah?"

Huminto si Cora at tumabi ang dalawa sa bangketa.

"Nasa plano pa rin naman ang gagawin natin," punto ni Cora kay Noel. "Ang hindi lang alam ni Sarah ay ang tungkol sa pera."

"Paano kung malaman ni Ama?" ani ni Noel. "Paano kung makarating sa bundok—sa Tahanan ang balita?"

"Hindi malalaman 'yon," diin ni Cora. "Wala namang nakakaakyat na balita doon."

"Sigurado ka?"

"Oo."

"Pero, 'di maglalaon, malalaman din nila," sabi ni Noel. "Tiyak papahanap tayo kay Carding."

Sa mention ni Carding, may nginig sa boses ni Noel.

"Malaman man ni Ama, ni Carding o nilang lahat, wala na tayo, mayaman na tayo, kaya na nating maglaho," sabi ni Cora. "At 'di mangangahas na lumabas ng bundok 'yang si Carding. Wanted kaya 'yan. Mamamatay tao eh."

Natahimik si Noel. Nag-iisip. May kaba siya sa gagawin nila, pero alam din naman niya ang naghihintay na biyaya.

"Basta 'yung hatian natin ha," aniya. "At ni Meong."

"Akong bahala," tango ni Cora. "Basta tayo yayaman. Sila, bahala sila sa kalokohang kulto nila."

Nagsimula muli silang maglakad.

***

Pagbalik ni Joanna sa townhouse ay agad siyang pumanhik tungo ng third floor.

"Where are you, little girl?" tawag niya.

Huminto siya sa tapat ng kuwarto nina Macy at Marco.

"Is she in this room?" parinig niya.

Pumasok siya sa loob at kunwa'y may hinahanap.

"Maybe she's hiding in the bed!"

Bigla niyang hinugot ang kumot sa double-deck na kama at nakita lamang ay unan, tapos ay lumapit siya sa study table.

"Or maybe...she's under the table!"

Bigla siyang sumilip sa ilalim ng study table at nakitang walang tao roon. Umarte siya na kuwari'y nag-iisip.

"Where could she be?"

Pagkasabi'y humarap siya sa closet. Alam niyang nasa loob si Macy, sa paborito nitong taguan. Parang narinig nga niya ang mahinang tawa nito.

"Hmm. Maybe...she's..."

Biglang binuksan ni Joanna ang pintuan ng closet.

"In the closet!" bulaga niya.

Nagdikit kilay ni Joanna, pagka't walang tao sa loob ng kabinet. Wala roon si Macy. Nagtaka siya. Iyon ang huling tinataguan ni Macy. Pero, bakit wala siya? Alam niya'y doon niya siya huling nakita. Doon niya siya huling iniwan.

"Macy?" hinalughog niya ang loob ng kabinet, pinagpaparte ang naka-hanger na mga damit, pero wala roon si Macy.

Lumabas siya ng kuwarto at sumilip sa CR, sa likod ng shower curtain. Pagkatapos sa Master's Bedroom, sa ilalim ng kama, sa closet at sa CR doon. Wala si Macy sa third floor. Macy! Tawag niya. Bumaba si Joanna ng second floor habang tinatawag ang pangalan ng bunso. Macy! Nilibot niya ang kusina, ang dining area, ang living room, pinagbubuksan ang mga aparador, pinagbabaligtad ang mga kutson. Macy! Wala ang bata sa second floor. Agad na bumaba si Joanna ng ground floor at naghanap sa garahe, sa utility area, sa laundry area. Macy! Pinagpapawisan na si Joanna. Bumibilis na ang pintig ng kanyang puso. Nagpa-panic na siya.

"MACY!" sigaw niya.

Nagmamadali siyang lumabas ng gate.

"MACY!"

Lumingon siya sa magkabila ng kalye.

At nakita niya si Macy.

Sa kalayuan, hawak-hawak ang bata sa kamay ng isang di-nakikilalang babae at sila'y nagmamadaling naglalakad palayo.

"MACYYYY!" sigaw ni Joanna.

Lumingon si Macy.

"MOMMY!"

"MACYYYY!" habol ni Joanna.

At nakita niya si Macy na isinakay sa isang van ng babae. O school bus? Parang school bus. Hindi siya sure.

"MOMMMYYY!"

"MACYYYY!"

Sa paligid ay may mga tao—mga residente ng ibang townhouse at sila'y nakatingin lamang.

"Tulungan n'yo ko!" sigaw ni Joanna habang tumatakbo tungo sa van. "'Yung anak ko! Kinuha nila ang anak ko!"

Pero, nakatingin lamang ang mga tao at walang ginagawa. Walang pake.

"KINUHA NILA ANG ANAK KO!" habol ni Joanna. "MAAACYYY!"

At tumatakbo nang paalis ang van.

"MAAACYYYY!"

"MAAACYYYY!"

"Joanna..."

"Joanna!"

Dumilat si Joanna at nakita niyang nasa Master's Bedroom siya. Katabi niya si David sa kama na binuksan ang table lamp.

"Dear, are you alright?"

Hinihingal si Joanna.

"I'll get your meds," bumangon si David ng kama at nagtungo sa CR ng Master's Bedroom. Paglabas niya'y dala niya ang gamot ng asawa. Nagsalin siya ng tubig sa baso mula sa pitsel na nasa side table. 3:18 AM ang nakasaad sa digital clock sa tabi.

3:18 AM Friday.

Naupo si Joanna sa kama, shaken pa siya, at uminom ng gamot.

Katok sa pintuan. Si Inez.

Binuksan ni David ang pintuan.

"Anong nangyari?" concerned na tanong ni Inez, na naka-t-shirt at sweat pants na pantulog.

Maya-maya'y nagsulputan na rin ang parents ni David at si Marco na pupungay-pungay ang mga mata at tinanong kung okay ang kanyang mommy. Sila'y mga nakapantulog din. Sinabi naman ni David sa kanila na okay si Joanna at mukhang nanaginip lang.

"Go back to sleep, Marco, mommy's okay," sabi ni David.

Nagbalikan sila para matulog.

Nahiga muli si Joanna. At habang kinumutan siya ni David ay may naalala siya.

"Census..." aniya.

"Ha? What?" pagtataka ni David.

"'Yung babaeng kumidnap kay Macy," may alarmang sabi ni Joanna. "Nagpanggap siyang census-taker. Nakausap ko siya sa labas ng bahay..."

"Kailan?"

"Last week!" alala ni Joanna.

Napaisip si David.

"Sure ka?"

Tumango si Joanna at sinabi sa asawa na kailangang ipaalam nila iyon kay Inspector Tiglao. Nag-agree si David. Bukas na bukas raw, iyon ang gagawin nila. Bumalik sila sa kama pero hindi agad nakatulog si Joanna sa kakaisip.

NEXT CHAPTER: "Blackmail"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top