Prologue

KANNAGI

Naranasan n’yo na bang magkaroon ng patong-patong na mga problema? ’Yong tipong nagsabay-sabay ang mga ito kaya ’di n’yo na alam kung pa’no harapin, pa’no solusyunan, at kung bakit ’yon nangyari sa buhay n’yo? Hanggang sa mapatatanong na lang kayo sa itaas ng: “Bakit ako?”

Kung ako ang kukuwestiyunin, oo, naranasan ko rin ’yan. Ngayon.

Kadi-discharge lang kahapon ni Tita Pamila, ang kumupkop sa ’kin, galing sa ospital. Pumunta ako kanina sa eskuwelahan dahil may exam kami, ngunit ’di ako pinapasok ng guard kasi wala sa ’kin ang ID card ko. Kinumpiska iyon ni Beast Mond. Hindi ako umuwi sa amin; para akong lantang gulay na palakad-lakad sa daan at ’di alam ang pupuntahan.

Hanggang sa natagpuan nila ako. Agad na tumahip-tahip ang puso ko dahil sa kaba.

Yawa! napamura ako sa isip ko. Lupa, buka at lamunin mo sila!

Walang kagatol-gatol akong kumilos. ’Di ko alam pero sa isang iglap ay bigla akong lumakas, na para bang lumagok ako ng energy drink. Sinalakay ng pawis ang sentido ko, pero ’di ko ’yon inalintana at patuloy lang ako sa pagtakbo, malalaki ang hakbang, na para bang kaya ko talagang matakasan ang mga problema ko.

Matulin ang aking pagtakbo; ano mang harang na nadaraanan ay pilit kong nilalampasan at sino mang nababangga ay hindi nakatatanggap ng “Pasensiya na po!” galing sa bibig ko. Hindi ko na lang pinansin ang malulutong na murang dumaan sa paligid ng magkabila kong tainga. Kailangan kong makalayo mula sa mga barumbadong humahabol sa ’kin, dahil kung hindi, bugbog ang aabutin ko sa kanila.

Utang ang rason kung bakit nila ako hinahabol. Kaya lang, wala pa akong pambayad kay Beast Mond kaya nanganganib ang buhay ko ngayon. ’Di ko ’to ginusto, sadyang ’di lang talaga pabor sa ’kin ang tadhana.

“Kannagi Lacanlali, tigil!” Malinaw sa pandinig ko ang palahaw ni Beast Mond. Para siyang isang tigreng lalapa sa walang kalaban-labang usa. Bagama’t medyo malayo na ako sa kanya, ramdam na ramdam ko ang poot sa bawat salitang binitiwan niya.

Binilisan ko pa ang pagtakbo. Isang tanong ang bumagabag sa ’kin sa mga oras na ’to: Saan ko ba nakukuha ’tong lakas ko? Umiling-iling na lang ako ’tapos dinispatsa ko ang kuwestiyon na ’yon sa ’king isipan. Liko roon, liko rito—’yan ang paulit-ulit kong ginagawa upang takasan ang grupong kinatatakutan ng mga estudyante sa Merryfield High.

Kapagkuwa’y umusbong ang katiting na saya sa ’king sistema at dali-dali akong umusal ng pasasalamat nang mahagip ng mga mata ko ang ilang taong tumatawid sa pedestrian lane. Kaya, karaka-raka akong nagsumiksik, dahilan para magmukha akong sardinas na kalalagay lang sa lata. May mga nagreklamo sa biglaan kong paglitaw, at ang ilan naman ay nagpukol ng matatalim na titig kaya napaiwas ako ng tingin. Pero ’di ko sila masisisi. Kung sakaling tumaob ang lamesa, ganiyan din siguro ang magiging reaksyon ko.

Nang makatawid ako, sumabay sa agos nila, bumungad sa ’kin ang dagat ng mga tao na abalang-abala sa pamimili ng mga gamit, kasuotan, at iba’t ibang klase ng pagkain na nakahilera sa gilid ng kalsada. May malalaki at makukulay na payong pang nakaprotekta sa mga bilihin kung sakaling bumuhos ang ulan. Tinambangan naman ng pula, berde, asul, at kulay-ubeng liwanag ang paligid na nagmumula sa mga bukas na tindahan.

Tama. May night bazaar pala sa kalyeng ’to tuwing December.

Samot-saring tinig ang rumehistro sa ’king pandinig: naghalo-halo ang mga pinag-uusapan ng mga nandito, may nagtatalo sa gilid ko kung ano ang bibilhin nila, at meron namang nagtatawanan sa kabilang banda. Naririndi kaagad ang tainga ko sa ingay.

’Di talaga ako sanay sa lugar na tulad nito—maraming tao, maingay, at medyo magulo.

Gusto kong kumilos, pero parang napako ang mga paa ko sa kalsada. Hanggang sa may mga bumangga sa ’kin, dahilan upang halos mawalan ako ng balanse at muntikan pang matumba. Umayos ulit ako ng tayo, nanatiling malikot ang aking mga mata. May mga nagmamaktol at nagsabing, “Umalis ka nga riyan,” “’Wag kang paharang-harang diyan, bata,” at “May estatwa pala rito sa gitna ng daan?”

Tila pinahiran ng asin ang sariwang sugat ko nang may muling bumunghalit ng tawa sa di-kalayuan, na siyang naging rason kung bakit mas lalo akong hindi mapalagay. Pakiramdam ko kasi, ako ang pinagtatawanan nila. Mariin akong napahawak sa suot kong khaki pants. Kating-kati na akong umalis sa lugar na ’to, kaya lang, ayaw makisabay ang mga paa ko.

Di-kaginsa-ginsa, bigla na lang pumatak ang nagsama-samang tubig na nanggagaling sa langit, dahilan para magkagulo ang mga tao. Kanya-kanya silang sumilong sa malalaking payong na may iba’t ibang kulay, habang ang iba naman ay kumaripas ng takbo papunta sa dalawang tent sa magkabilang gilid ng kalye.

Ang galing mo, ulan. Alam na alam mo talaga kung kailan ang perpektong oras para bumuhos, isip-isip ko, puno ng sarkasmo.

Tatakbo na sana ako patungo roon, ngunit sa kasamaang-palad, naunahan ako ng iba. Pinaramdam na naman nila na wala akong lugar dito, na hindi ako nababagay rito.

Nanlalata akong napaupo sa basang daan. Ramdam kong nakatutok sa ’kin ang mga mata ng mga tao. Binugbog ko ang aking sarili sa isip ko kasi wala man lang akong ginawang hakbang kahit sinalakay na ako ng ulan. Kannagi, kumilos ka! Ano ba’ng nangyayari sa ’yo? Ba’t ka ba ganito?

Laking gulat ko nang may mga paang papalapit sa kinalulugaran ko, dahan-dahan, maliliit ang hakbang, hanggang sa huminto ang mga ito sa ’king harapan at pakiramdam ko’y tuluyan na akong tinantanan ng ulan. Tiningala ko siya. Doon ay nakumpirma kong tama ang hinala ko: may bitbit siyang payong.

Pinasadahan ko siya ng tingin. Nakasuot siya ng baggy pants na kulay-kape, itim na loose shirt na may mukha ni XXXTentacion, at may bonnet pang nakapatong sa kanyang ulo. Nakakapit ang kanang kamay niya sa hawakan ng asul na payong na pumoprotekta sa ’min, samantalang ang kaliwa naman ay may bitbit na skateboard.

Ito’y walang iba kun’di si Clyvedon Escarchia, isa sa mga kasama ni Beast Mond.

Nagmistula akong kandilang may sindi na dinumog ng mga butil ng ulan, muntikan nang mapuksa. Pero sa kabutihang-palad, dumating siya—ang payong na nagsisilbi kong tagapagtanggol. Nabuhayan ako ng loob; ang pangamba ay inanod ng mga tubig na dumadausdos sa ’king katawan pababa sa sementadong daan.

• • • • •

A/N: Hello, hello! Bagong taon na kaya dagdagan ng ongoing ’yan! Matagal ko na talagang kinikimkim ’to, chz hahaha. Akshwali, mahirap talagang magsulat ng romance (for me lang, ha) ’yong walang halong action or fantasy eklabu. Kaya dishir, icha-challenge ko ang sarili kong magsulat ng pure romance, light lang.

05142024: Lakas maka-Kdrama 😭 ’Tsaka naalala ko sa kanya si Clyve (portrayer na ba this? chz).

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top