Episode 8 - Lit Candle in the Rain
KANNAGI
Naranasan n’yo na bang magkaroon ng patong-patong na mga problema? ’Yong tipong nagsabay-sabay ang mga ito kaya ’di n’yo na alam kung pa’no harapin, pa’no solusyunan, at kung bakit ’yon nangyari sa buhay n’yo? Hanggang sa mapatatanong na lang kayo sa itaas ng: “Bakit ako?”
Kung ako ang kukuwestiyunin, oo, naranasan ko rin ’yan. Ngayon.
Kadi-discharge lang kahapon ni Tita Pamila, ang kumupkop sa ’kin, galing sa ospital. Pumunta ako kanina sa eskuwelahan dahil may exam kami, ngunit ’di ako pinapasok ng guard kasi wala sa ’kin ang ID card ko. Kinumpiska iyon ni Beast Mond. Hindi ako umuwi sa amin; para akong lantang gulay na palakad-lakad sa daan at ’di alam ang pupuntahan.
Hanggang sa natagpuan nila ako. Agad na tumahip-tahip ang puso ko dahil sa kaba.
Yawa! napamura ako sa isip ko. Lupa, buka at lamunin mo sila!
Walang kagatol-gatol akong kumilos. ’Di ko alam pero sa isang iglap ay bigla akong lumakas, na para bang lumagok ako ng energy drink. Sinalakay ng pawis ang sentido ko, pero ’di ko ’yon inalintana at patuloy lang ako sa pagtakbo, malalaki ang hakbang, na para bang kaya ko talagang matakasan ang mga problema ko.
Matulin ang aking pagtakbo; ano mang harang na nadaraanan ay pilit kong nilalampasan at sino mang nababangga ay hindi nakatatanggap ng “Pasensiya na po!” galing sa bibig ko. Hindi ko na lang pinansin ang malulutong na murang dumaan sa paligid ng magkabila kong tainga. Kailangan kong makalayo mula sa mga barumbadong humahabol sa ’kin, dahil kung hindi, bugbog ang aabutin ko sa kanila.
Utang ang rason kung bakit nila ako hinahabol. Kaya lang, wala pa akong pambayad kay Beast Mond kaya nanganganib ang buhay ko ngayon. ’Di ko ’to ginusto, sadyang ’di lang talaga pabor sa ’kin ang tadhana.
“Kannagi Lacanlali, tigil!” Malinaw sa pandinig ko ang palahaw ni Beast Mond. Para siyang isang tigreng lalapa sa walang kalaban-labang usa. Bagama’t medyo malayo na ako sa kanya, ramdam na ramdam ko ang poot sa bawat salitang binitiwan niya.
Binilisan ko pa ang pagtakbo. Isang tanong ang bumagabag sa ’kin sa mga oras na ’to: Saan ko ba nakukuha ’tong lakas ko? Umiling-iling na lang ako ’tapos dinispatsa ko ang kuwestiyon na ’yon sa ’king isipan. Liko roon, liko rito—’yan ang paulit-ulit kong ginagawa upang takasan ang grupong kinatatakutan ng mga estudyante sa Merryfield High.
Kapagkuwa’y umusbong ang katiting na saya sa ’king sistema at dali-dali akong umusal ng pasasalamat nang mahagip ng mga mata ko ang ilang taong tumatawid sa pedestrian lane. Kaya, karaka-raka akong nagsumiksik, dahilan para magmukha akong sardinas na kalalagay lang sa lata. May mga nagreklamo sa biglaan kong paglitaw, at ang ilan naman ay nagpukol ng matatalim na titig kaya napaiwas ako ng tingin. Pero ’di ko sila masisisi. Kung sakaling tumaob ang lamesa, ganiyan din siguro ang magiging reaksyon ko.
Nang makatawid ako, sumabay sa agos nila, bumungad sa ’kin ang dagat ng mga tao na abalang-abala sa pamimili ng mga gamit, kasuotan, at iba’t ibang klase ng pagkain na nakahilera sa gilid ng kalsada. May malalaki at makukulay na payong pang nakaprotekta sa mga bilihin kung sakaling bumuhos ang ulan. Tinambangan naman ng pula, berde, asul, at kulay-ubeng liwanag ang paligid na nagmumula sa mga bukas na tindahan.
Tama. May night bazaar pala sa kalyeng ’to tuwing December.
Samot-saring tinig ang rumehistro sa ’king pandinig: naghalo-halo ang mga pinag-uusapan ng mga nandito, may nagtatalo sa gilid ko kung ano ang bibilhin nila, at meron namang nagtatawanan sa kabilang banda. Naririndi kaagad ang tainga ko sa ingay.
’Di talaga ako sanay sa lugar na tulad nito—maraming tao, maingay, at medyo magulo.
Gusto kong kumilos, pero parang napako ang mga paa ko sa kalsada. Hanggang sa may mga bumangga sa ’kin, dahilan upang halos mawalan ako ng balanse at muntikan pang matumba. Umayos ulit ako ng tayo, nanatiling malikot ang aking mga mata. May mga nagmamaktol at nagsabing, “Umalis ka nga riyan,” “’Wag kang paharang-harang diyan, bata,” at “May estatwa pala rito sa gitna ng daan?”
Tila pinahiran ng asin ang sariwang sugat ko nang may muling bumunghalit ng tawa sa di-kalayuan, na siyang naging rason kung bakit mas lalo akong hindi mapalagay. Pakiramdam ko kasi, ako ang pinagtatawanan nila. Mariin akong napahawak sa suot kong khaki pants. Kating-kati na akong umalis sa lugar na ’to, kaya lang, ayaw makisabay ang mga paa ko.
Di-kaginsa-ginsa, bigla na lang pumatak ang nagsama-samang tubig na nanggagaling sa langit, dahilan para magkagulo ang mga tao. Kanya-kanya silang sumilong sa malalaking payong na may iba’t ibang kulay, habang ang iba naman ay kumaripas ng takbo papunta sa dalawang tent sa magkabilang gilid ng kalye.
Ang galing mo, ulan. Alam na alam mo talaga kung kailan ang perpektong oras para bumuhos, isip-isip ko, puno ng sarkasmo.
Tatakbo na sana ako patungo roon, ngunit sa kasamaang-palad, naunahan ako ng iba. Pinaramdam na naman nila na wala akong lugar dito, na hindi ako nababagay rito.
Nanlalata akong napaupo sa basang daan. Ramdam kong nakatutok sa ’kin ang mga mata ng mga tao. Binugbog ko ang aking sarili sa isip ko kasi wala man lang akong ginawang hakbang kahit sinalakay na ako ng ulan. Kannagi, kumilos ka! Ano ba’ng nangyayari sa ’yo? Ba’t ka ba ganito?
Laking gulat ko nang may mga paang papalapit sa kinalulugaran ko, dahan-dahan, maliliit ang hakbang, hanggang sa huminto ang mga ito sa ’king harapan at pakiramdam ko’y tuluyan na akong tinantanan ng ulan. Tiningala ko siya. Doon ay nakumpirma kong tama ang hinala ko: may bitbit siyang payong.
Pinasadahan ko siya ng tingin. Nakasuot siya ng baggy pants na kulay-kape, itim na loose shirt na may mukha ni XXXTentacion, at may bonnet pang nakapatong sa kanyang ulo. Nakakapit ang kanang kamay niya sa hawakan ng asul na payong na pumoprotekta sa ’min, samantalang ang kaliwa naman ay may bitbit na skateboard.
Ito’y walang iba kun’di si Clyvedon Escarchia, isa sa mga kasama ni Beast Mond.
Nagmistula akong kandilang may sindi na dinumog ng mga butil ng ulan, muntikan nang mapuksa. Pero sa kabutihang-palad, dumating siya—ang payong na nagsisilbi kong tagapagtanggol. Nabuhayan ako ng loob; ang pangamba ay inanod ng mga tubig na dumadausdos sa ’king katawan pababa sa sementadong daan.
• • • • •
“P-pasok ka, Kann,” mando sa ’kin ni Clyve.
Tinamaan ako ng hiya at nagdalawang-isip kung papasok ba ’ko sa mansyon o hindi. Basang-basa kasi ako, e. Natuod lang ako mula sa kinatatayuan ko.
Maya-maya pa, bigla na lang umatake ang malakas na simoy ng hangin. Karaka-raka kong niyakap ang sarili ko dahil gumapang ang matinding ginaw sa buo kong katawan.
Dahil do’n, napilitan na ’kong pumasok sa loob at tumalon sa welcome mat. Kaagad namang pumanhik si Clyve sa ikalawang palapag ’tapos pagbaba niya, inabutan niya ’ko ng puting tuwalya at saka mga damit pambahay. Mariin akong napalunok. Damit ni Clyve, isusuot ko?
“Sige na. Malinis naman ’yan, e,” giit niya nang mapansing nag-aatubili ako. “Mag-shower ka na. Sorry, ha. Wala kasing lutong pagkain dito. Labas na lang tayo mamaya. May alam akong kainan. Mag-shower ka muna, Kann.”
Ba’t ang bait niya ngayon? Pilit kong ininat ang mga labi ko, at ang tangi kong naisagot ay: “S-sige.”
Pumasok ako sa bathroom. Dali-dali ko itong ni-lock at nilagay sa sabitan ang T-shirt, short, at tuwalya. Naihilamos ko sa mukha ko ang nanlalamig kong mga palad. ’Tapos, napatingin ako sa sarili kong repleksyon sa parisukat na salamin.
Ikiniling ko ang ulo ko. “Ba’t ang bait mo sa ’kin ngayon, Clyve? Alam mo, ang hirap mong ispelingin. ’Di ba mapang-asar ka naman simula no’ng nagkita tayo? Bumalik ka na lang sa pang-iinis at pambabara mo sa ’kin!” pag-iisteriko ko, ang mga kamay ay tapon doon, tapon dito. “’Wag mong gawin ’to, Clyve! Itigil mo na ’to! Mas lalo akong mahuhu—Hindi!” Pinanlakihan ko ng mata ang aking sarili sa salamin. “Pinagsasabi mo, Kannagi? Kilabutan ka nga riyan!”
“Kann? Ano’ng nangyari sa ’yo?” Halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ang boses ni Clyvedon.
“H-ha? A-ano kasi”—Mag-isip ka ng palusot, Kann!—“wala ’to. May nakita lang akong mga buhok sa sahig. Sa ’yo ’to, ’no? Kulot buhok mo?”
“Hoy, hindi!” sumigaw siya nang pagkalakas-lakas. “Naneto. Malinis ’yan. ’Wag mo nga akong pinaglololoko. Dalian mo na riyan. Kakain pa tayo.”
Napahinga ako nang maluwag nang marinig na palayo nang palayo ang mga yabag ng paa niya. ’Buti hindi niya narinig ’yong pinagsasabi ko kanina. Sinunod ko siya at nag-umpisa na ’kong mag-shower. Pagkatapos kong maligo ay agad akong nagbihis. Laking gulat ko nang makita ang mukha ni Billie Eilish na nakaimprinta sa T-shirt na ipinahiram niya sa ’kin.
Pagkaraan ng ilang minuto, tuluyan na kaming lumabas ng mansyon. Hindi pa rin tumitila ang ulan kaya kailangan ulit naming mag-share sa isang payong. Naglakad lang kami nang naglakad. Sabi niya, dadalhin daw niya ’ko sa isang kainan kesyo wala raw lutong pagkain sa mansyon. Hanggang sa . . .
“Ayusin mo naman, Don Clyve,” reklamo ko. Nagparamdam na naman kasi ang iilang patak ng ulan sa kanang balikat ko. “Baka mabasa na naman ako ng ulan.”
“Ang angas mo naman, Kannagi,” pakli niya. “Pinayungan na nga kita, parang gusto mo pang angkinin ang payong na napulot ko lang kanina.”
Humagikhik ako. “Sabi ko na, e. Nakaw lang ’to. Pero seryoso, mababasa na naman ako nito, Clyve, kaya umayos ka.”
Ngunit sa di-inaasahang pagkakataon, bigla na lang siyang umatras nang kaunti at saka mula sa likod, ikinulong niya ang baywang ko gamit ng kanyang mga bisig ’tapos inilapit niya ang kanyang baba sa kaliwang balikat ko. “E, ito? Okay ba?” sabi niya, gamit ang mahinang boses pero nakapapawi ng inis.
Bigla akong napatigalgal at mariing napalunok ng laway. May kakaibang sensasyong mabilis na dumaloy sa buo kong katawan at huminto ito sa magkabila kong pisngi. ’Di ko sukat akalaing magagawa sa ’kin ’to ni Clyve.
“Kann, ba’t ’di ka na makagalaw riyan? Tara na. ’Wag ka nang kiligin. Ako lang ’to.”
Nanlaki ang mga mata ko. “Hindi, ’no!” gulat na bulalas ko. Sinapak ko ang sarili ko sa ’king isip. Halata tuloy na nagsisinungaling ako kasi napataas ang tono ng pananalita ko. ’Nimal.
Matapos ang ilang minutong lakaran, nakarating na kami sa open na kainan at agad na pumila para um-order. ’Buti na lang at tumigil na ang ulan at ’di na namin pang kailangang magdikit. Malapit lang pala ang kainang ’to sa school namin. Kaunti lang din ang mga nandirito. ’Kala ko talaga, dadalhin niya ’ko sa Morlon St. ’Buti na lang at dito niya ’ko dinala.
“Can we have two bowls of noodle soup with three wontons, please?” wika ni Clyve sa may-ari ng kainan. Sinuklian naman siya ng huli ng pagtango at isang tipid na ngiti.
Ang may-ari ng kainan ay nasa isang maliit na tindahan, samantalang ang mga customer naman ay naghihintay sa labas—nakaupo sa salumpuwit na kulay-tsokolate at napailaliman ng nagtataasang puno. May fairy lights ding nakapulupot sa katawan ng mga puno rito na siyang nagpapaganda sa buong lugar. Romantic kumbaga.
Hindi ko mapigilang mamangha sa nasaksihan. Iginiya naman ako ni Clyve patungo sa napili niyang puwesto naming dalawa habang naghihintay sa order namin. Naghila siya ng isang upuan na para sa ’kin. Nagpasalamat naman ako sa kanya bago umupo.
Subalit nanlaki ang mga mata ko nang mahagip ng paningin ko si Prim kasama ang isang lalaking ’di ko kilala. Nang magtama ang mga tingin namin ay halos lumuwa na talaga ang kanyang mga mata. Kaagad din siyang naghagis ng isang kamay patungo sa kanyang bibig sa labis na pagkagulat.
Para kaming nagkatagpo sa pampublikong lugar na nakadamit ng parehong kasuotan. Nagkaturuan pa kaming dalawa; parang ’yong dalawang spiderman na meme.
Lumingon din si Clyve sa gawi ni Prim. At nang makita ng huli ang kasama ko ay agad itong ngumisi; ’yong klase ng ngising para kang ibubugaw.
Bumulabog sa isipan ko ang samot-saring tanong: Pero bakit? ’Di siya galit sa ’kin? ’Di ba galit siya sa kaibigan ko?
Magsasalita na sana ako pero umeksena ang assistant ng may-ari ng kainan at inilapag nito ang order namin sa parihabang mesa. Bigla namang nag-ring ang cell phone ni Clyve kaya tumayo siya at nagpaalam sa ’kin na sasagutin lang niya ang tawag.
• • • • •
THIRD PERSON POV
Humakbang ang binatang si Clyvedon palapit sa isang puno at sumandal pagkatapos. “What do you need, Beast Mond?” malamig na wika niya sa kabilang linya, manaka-nakang napatingin sa direksyon ni Kannagi.
“Balita ko, kasama mo siya ngayon, a,” panunukso ni Richmond o mas kilala sa bansag na ‘Beast Mond.’
“Ano? How do you know?”
“Secret!”
“Diretsuhin mo nga ako, Rich. Ano ba’ng kailangan mo, ha?” tila nababanas na sambit ni Clyvedon. Umiwas siya ng tingin kay Kannagi ’tapos kinagat niya ang ibabang labi.
“Bro, chill!” giit ni Beast Mond. “Gusto ko lang humingi ng pasensiya dahil sa nangyari kay Kannagi. ’Di ko naman kasi alam na may social anxiety siya. Gusto ko lang naman sanang makipag-usap nang maayos kanina kaso—”
“E, ba’t n’yo siya hinabol? Have you gone nuts?”
“Tumakbo siya, e. Kaya, ’ayun, hinabol namin siya ni Lukecifer. Sinigawan ko rin siya kanina kasi may nakakita sa ’kin na schoolmate natin. Siyempre, kailangan kong i-maintain ang angas-angasan image ko,” pag-amin ni Beast Mond. “Basta, gusto ko lang talaga makipag-usap sa kanya at isasauli ko rin sana ang ID card niya.” Narinig ni Clyvedon ang pagpapakawala nito ng buntonghininga. “O siya, ituloy n’yo na ’yan. Wala nang makapipigil sa inyo.” At pinatay na nito ang tawag.
Isinilid ni Clyvedon ang kanyang cell phone sa bulsa niya. Pagkatapos, napalinga siya sa paligid, hinahanap ng mga mata niya si Kannagi. Nang matagpuan niya ang binata, unti-unting uminat ang kanyang mga labi at mababakas ang pagguhit ng tuwa sa mga mata niya.
• • • • •
Author’s Note:
“Lit Candle in the Rain” means socially anxious people; the ones who suffer from social anxiety. And I’m one of them :)
Para kaming kandilang may sindi (lit candle) na inatake, sumalubong, o sumugod sa ulan (which represents crowd). Nakapanghihina; takot na mapanood at mahusgahan ng karamihan o magsalita sa public places. Hanggang sa ’pag may nagtatawanan, pakiramdam namin, kami ang tinutukoy. Kapag may kailangan talaga kaming kausapin, need muna naming mag-rehearse ng isang line sa isip namin. Or we’re not eating and talking to our family for hours just because there were other families at our house.
Dahil sa pagwo-worry namin, na sumakop sa ’ming isipan, ang enerhiya namin ay unti-unting mauubos o mapupuksa—katulad na lang ng sindi sa kandila ’pag nababasa.
So, to those who suffer daily from social anxiety, this story is for you.
No, scratch that!
This story is for us.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top