Episode 7 - Detention Room [2/2]
KANNAGI
“There should be repercussions for MH learners who transgressed the academic code of conduct. Kung hindi namin kayo paparusahan, wala kayong makukuhang rason para magbago.” Iyan ang sabi sa ’min ng detention supervisor kani-kanina lamang.
Sa kasamaang-palad, kasalukuyan kaming nakatambay rito sa detention room habang binabantayan ng isang babaeng instructor—ang nagsisilbing detention supervisor.
Pagdating kasi ni Clyve kanina, nagpatuloy kami sa pakikipagsuntukan sa mga sinuhulan ni Prim. Kaya lang, biglang pumasok sa eksena si Cerri na may kasamang guro. Kaya heto kami ngayon, nagsusulat ng “I will not do it again” sa isang yellow paper, back to back, at saka kailangan naming manatili rito sa silid sa loob ng isa’t kalahating oras. Punyemas!
Hindi kami puwedeng gumawa ng ingay o makipag-usap sa katabi, hindi maaaring lumabas, bawal ang paggamit ng cell phone, ang pagkain at pag-inom ng kung ano-ano ay ipinagbabawal din, at hindi rin puwedeng matulog o kahit magtulog-tulugan sa loob.
Kung lalabag kami sa patakaran, ang mga oras na ginugol namin sa loob ay hindi bibilangin at kailangan ulit naming bumalik sa susunod na araw. At ayaw kong mangyari ’yon!
“Nagsumbong pa kasi si Cerri, e,” hinaing ni Soichi sa mahinang tinig. “’Yan tuloy, na-detention tayo.”
“’Langyang buhay ’to, o. Parang want ko na lang tuloy maging pinaka-powerful na student sa isang academy na napalilibutan ng kagutaban, huhuness,” gatong naman ni Aneeza at umaktong naiiyak.
Magkatabi kami ngayon nina Soichi, Aneeza, at Clyvedon. Sa likuran naman namin nakapuwesto si Prim saka ang kanyang dalawang alipores, at pati na rin ’yong miyembro ng Martial Arts Club. Sigurado ako, dahil sa nangyari, dahil ginamit nila sa pakikipag-away ang mga natutuhan nila sa kanilang org, matatanggal ang dalawang ’yan.
Hindi pa rin kami tapos sa pagsusulat ng “I will not do it again” sa isang dilaw na papel. Ch-in-eck ko ang mga katabi ko at nasaksihang may kanya-kanya silang trip para makatapos: nilakihan ni Clyve ang sulat niya para madaling mapuno ang kanyang papel; ipinagdikit naman ni Aneeza ang tatlong ballpen saka nagsulat kaya tig-tatatlong sentences ang naisusulat niya; at si Soichi naman ay parang dinaanan ng buhawi ang kanyang sulat-kamay dahil sa pagmamadali.
Ako naman, hindi ko binilisan ang pagsulat at hindi rin naman ako masyadong mabagal. Sakto lang. Ika nga, write at your own pace. Hindi mo kailangang makipagkumpetensya sa iba. Hindi mo kailangang i-pressure ang sarili mo. Dapat mag-focus ka lang sa progress mo, at enjoy-in lang ang proseso. Pasasaan pa’t matatapos ka rin—magtatagumpay ka rin.
Teka, ano ba’ng ipinaglalaban ko rito?
Nang matapos kami, isa-isa kaming lumapit sa detention supervisor at pinasa namin ang aming papel. Nga lang, hindi pa rin kami maaaring umuwi kasi ’di pa tapos ang oras namin sa loob. Kailangan pa naming tumambay rito ng isang oras.
Kung nag-e-exist talaga ’yang doppelganger na ’yan, palitan niya na lang ako rito! Yawa!
“Jumbo hotdog, dehins ko na kaya magtagal dito,” ungot ni Aneeza saka inis na isinubsob ang mukha sa armchair.
“Ikaw ang puno’t dulo nito, e,” ani Soichi, gamit ang mahinang boses.
“Sorry na,” paghingi ni Aneeza ng dispensa. “Na-boogie wonderland tuloy kayo. Sorry talaga, ha.”
“Guys, tama na,” sumalingkitkit na ’ko, bumubulong. “Baka mabungangaan pa tayo ng detention supervisor.”
“Galang-gala na ’ko sa Morlon Night Bazaar,” rinig naming sabi ng nasa likuran namin. At nasundan pa ’yon ng, “Oo nga,” “Ngayon pala magbubukas,” at “December na pala, ’no?”
“Shh! Keep your voice down!” anang detention supervisor, dahilan para mapapitlag kami. “Gusto n’yo bang i-extend ko ang time? O gusto n’yong bumalik bukas? You choose.”
Karaka-raka naming sinarado ang aming bibig at dali-daling umiling bilang tugon. Pagkatapos n’on ay namayani ang nakabibinging katahimikan sa apat na sulok ng detention room.
Hanggang sa may ibinigay sa ’kin si Soichi na isang piraso ng dilaw na papel, ’tapos may nakasulat: Bukod sa kutsilyo, magbigay ng bagay na matulis.
Umiling ako at ipinasa kay Aneeza ang papel. Natanaw kong kumunot ang noo niya bago sinulatan ang papel. ’Tapos n’on, ibinalik na niya ang papel kay Soichi na may nakasulat sa ibaba bilang tugon: Ba’t bigla tayong napunta sa Family Feud? Dehins ko alam. Ikaw na magbigay, tutal, ikaw naman nakaisip, e.
Natawa si Soichi saka muling nagsulat bilang sagot. Muli niya itong iniabot kay Aneeza. At ang nakasulat: E ’di, ang kilay ng detention supervisor na nasa harapan natin! Hahaha!
Nagpigil ako ng tawa nang i-check ko ang kilay ng nagbabantay sa ’min. Ayaw kong mapagalitan. Baka pabalikin niya kami bukas! Tama na ’to!
Pero laking gulat naming lahat nang bigla na lang bumunghalit ng tawa si Aneeza. “’Langya ka, Soichi! HAHAHAHAHA!” Umalingawngaw ang boses niya sa loob at sobrang laki talaga ng buka ng bunganga. Ako na katabi niya, nakita ko ang tonsils niya!
Inilapit ko ang aking hintuturo sa labi ko at nagpakawala ng, “Shh!” Samantala, tumatawa rin si Soichi, pero tinatakpan niya ang kanyang bibig. Inuulan naman kami ng pambabatikos mula sa likuran namin—kesyo ang ingay raw namin, ’di raw kami natuto, at ’di raw kami marunong rumespeto sa supervisor.
Wow, ha? Sila nga, parang nasa merkado kanina, e. ’Naknampucha!
“Ms. Aneeza, zip it! Gusto mong—” Hindi na nito natapos ang kanyang sasabihin nang bigla na lang magpatay-sindi ang ilaw sa loob ng silid kaya binundol kami ng takot at kaba.
“G-guys,” sambit ni Soichi, ramdam ko ang panginginig ng boses niya, “g-ganito ’yong napanonood kong slasher-horror series, e!”
Siniko ko siya agad. “’Wag ka ngang magbiro ng ganiyan. Naneto.”
Habang nagpapatay-sindi ang ilaw, bigla na lang sumigaw ang detention supervisor ng, “Umalis na kayo rito! Kung ayaw n’yong isunod ko kayo sa listahan ng mga biktima ko!”
Nagpalitan kaming lahat ng tingin, ’tsaka kami sabay-sabay na napasigaw ng tila inensayong, “AAAAAA!” ’Tapos, aligaga kaming tumakbo palabas ng detention room na parang nagkaroon ng zombie apocalypse o alien invasion sa Merryfield High.
Nang makalayo na kaming lahat sa room, doon na kami tuluyang kumalma. Nag-sorry si Aneeza kay Prim at sinabing hindi niya ginusto ’yong nangyari. Aniya, lasing siya at wala sa tamang huwisyo no’ng gabing ’yon. Kaya lang, nagtataingang-kawali itong si Prim at tinalikuran ang kaibigan ko na tila ba nagdedeklara siya na hindi pa sila tapos.
Pagkatapos n’on, naghiwa-hiwalay na kaming lahat. ’Yong grupo nila Prim, napagpasyahan nilang pumunta sa unang bukas ng Morlon Night Bazaar ngayong taon (kanina pa kasi sila galang-gala). Nagyaya naman si Soichi sa ’min na mag-samgyup, kaso, ayaw ni Aneeza. Si Clyve? ’Di ko na siya mahagilap; nawala na lang na parang bula.
“Kann, punta na lang tayo sa infirmary,” suhestiyon ni Soichi. Kami na lang ang magkasama ngayon. “Gamutin natin ang sugat natin.”
Tumango ako bilang pagsang-ayon. “Mabuti pa nga.”
Liliko na sana kami patungong infirmary nang bigla siyang magwika ng, “Kann, mauna ka na ro’n. May babalikan lang ako sa detention room. Okay?”
Wala akong ibang nagawa kun’di ang tumango. Para akong zombie habang tinatahak ang daan papunta sa infirmary. Ramdam ko pa rin kasi hanggang ngayon ang sakit ng katawan ko ’tapos dumagdag pa ang pananakit ng tiyan ko (naghahanap na ito ng pagkain).
Pero napahinto ako malapit sa pintuan ng infirmary nang rumehistro sa ’king pandinig ang boses ng lalaki at babae. Dali-dali kong ikinubli ang sarili ko sa pader at sumilip ako sa kanila nang kaunti.
“Actually, ako talaga ang rason kung bakit nagpatay-sindi ang ilaw sa detention room,” si Cerri, na kasalukuyang ginagamot ang mga sugat ni Clyve.
Nagpakawala naman ng mahinang tawa si Clyve. “Talaga? Good timing, a. Pagagalitan na kasi sana no’n si Aneeza. ’Buti na lang at naisip mo ’yon.”
’Tapos, humalo na rin ang hagikhik ni Cerri sa halakhak ni Clyve.
Tila may kinakalawang na balisong na tumarak sa dibdib ko nang masilayan silang nagtatawanan. Ano ’tong nararamdaman ko? Bakit? Dali-dali akong lumihis ng tingin; hindi ko maatim na titigan sila nang matagal. Hindi ko alam pero bigla na lang akong napahiling na sana’y ako na lang ang nasa posisyon ni Cerri. Hibang na siguro ako.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top