Episode 5 - The Pitchfork Effect

Episode Theme :
Can This Be Love // Smokey Mountain

KANNAGI

“Hypothetically, what sort of boy do you wanna go out with?” Iyan ang katanungang isinaboy ni Tori sa mukha ni Charlie. Kasalukuyan kasi akong nanonood ng Netflix series na ‘Heartstopper.’ Pagkatapos, ang sagot naman ni Charlie: “I don’t know. Just someone I can have a laugh with.”

Napaisip tuloy ako. Ako kaya, ano naman ang dream guy ko? Kung ako ang tatanungin, siguro, ’yong makaiintindi sa ’kin, kaya akong pakisamahan, at idagdag ko na rin ’yong sagot ni Charlie Spring.

Siyempre, ekis na si Luke doon. Uncrush ko na ’yong tukmol na ’yon.

Ang alam ko noon, bully si Luke. Parati niyang pinagti-trip-an ’yong isang nerd na nasa Grade 10. Pero wala, e, ’pag gusto mo ang tao, magkakaroon talaga ng halo effect. Nagiging biased ako; ang pangkalahatang impresyon ko sa kanya, naimpluwensyahan ng nararamdaman ko. Tinulungan lang niya ako noon nang isang beses, natapalan na agad ’yong masamang ugali niya. Ininat lang niya ang mga labi niya noon, pakiramdam ko, siya na ulit ang bida sa paborito kong nobela.

Pero dati ’yon. Iba na ngayon. Kasi, nalaman ko nang babaero siya.

“Kannagi . . .”

Parang tuluyang bumagsak sa ilong ko ang bayabas na kanina ko pa tinitingala nang rumehistro sa pandinig ko ang boses ni Clyve na sinamahan pa ng kanyang mga yabag.

Karaka-raka kong p-in-ause ang pinanonood kong series para lumingon sa direksyon niya. Dahan-dahan siyang pumanaog sa hagdan, kinukusot niya ang kanyang mga mata at nakahawak sa batok ang isa niyang kamay. Akala ko talaga, malakas ang alcohol tolerance niya, pero knock out siya kagabi, e.

Sa ’di maipaliwanag na dahilan, tila naging tamad ang oras at unti-unting uminat ang mga labi ko habang pinagmamasdan ko siya. Nakapambahay lang siya—oversized pink shirt at sweat shorts. Pero kahit gano’n, ’di pa rin maitatanggi na ang lakas ng dating niya; matangkad siya at angat ang hitsura.

Nang magtama ang aming mga mata, bigla na lang tumahip-tahip ang puso ko; parang ’yong tunog ng drums sa Jumanji. At saka, parang may kung anong hindi mapakali sa ’king tiyan na hindi ko maipaliwanag. Pinupog din ang paligid namin ng mga bulaklak ng Malabulak na nalalagas kahit wala namang puno sa itaas. ’Di ko alam kung ilang minuto kaming napreso sa titig ng isa’t isa.

“Good morning, Kann.” Nang ngumiti siya, parang inabutan niya ako ng isang baso ng tubig na may kasamang yelo matapos kong magkulong sa isang silid na sobrang init at walang bentilador.

Nga lang, ang totoo talaga niyang sinabi: “Ang aga-aga, pinagnanasaan mo na agad ako.”

Tila salamin na nabasag ang imahinasyon ko pagkatapos niyang sambitin ’yon. Sa isang iglap ay bigla na lang nagpanting ang tainga ko; lumaki ang butas ng aking ilong, nagngangalit ang mga ngipin, at nag-igting ang panga ko.

Isa na namang kabanata ng Paano Siya Maging Putragis.

Sa loob-loob ko, nagsusumigaw na ako ng, Ang aga-aga talagang maging taena! Nirolyo ko ang mga mata ko dahil sa kahambugan niyang taglay. ’Yan! ’Yan ang ’di ko gusto sa kanya—kung pa’no siya magsalita, kung pa’no niya sirain ang araw ko sa isang kisap-mata. Titino lang siguro ang pananalita niya sa ’kin ’pag nakalipad na ang mga baboy.

Gusto ko rin sana siyang sagutin ng, Sarap mong gripuhan sa tagiliran, ’no? pero ’di ko ginawa. Sa halip ay itinikom ko na lang ang bibig ko, dinispatsa ’yong naisip ko, at saka pinakalma ang sarili. Bakit ko ba kasi na-imagine ’yong kanina?

Tuluyan na siyang nakababa at naglakad patungo sa kinalulugaran ko. “Ba’t nandito ka pa?” walang kaemo-emosyon niyang sabi habang sapo-sapo ang kanyang ulo. May masakit ’ata (pero ’yong sa itaas na bahagi ang tinutukoy kong ulo, ha).

Nailang ako kaya umayos ako sa pagkakaupo at saka kinandong ang kulay maroon na throw pillow. “Nandito ako dahil—” Hinihintay kitang magising? Gusto kitang pagsilbihan? “—naglinis ako ng mga kalat ng schoolmates natin.”

Rewind time: Pagkatapos bumagsak ni Clyve sa sahig, inilipat ko siya sa kama at doon lang din ako natulog sa ibaba. Kalaunan, biglang kumatok si Beast Mond at inabot niya sa ’kin ang isang brown envelope na naglalaman ng pera. Kinabukasan, araw ng Sabado, pumunta ako sa ospital, binayaran ko na agad ’yong bills, at pagkatapos, ch-in-eck ko si Tita. Sa awa ng Diyos, mabuti naman ang kalagayan niya, pero ’di pa nga lang siya makauuwi kasi kasalukuyan pa siyang ineeksamin ng doktor. ’Tapos, bumalik na ’ko rito para linisin ang kalat ng mga schoolmate namin kagabi. Sobrang dami kasing basura na animo’y dinaanan ng delubyo. Ultimo banyo, ’di nila pinalampas, maraming nakakalat na upos ng sigarilyo. The end.

Ngayon, ang problema ko na lang ay kung pa’no ko mababayaran si Beast Mond lalo na’t kaunting panahon lang ang ibinigay niya. Pero kuwento na ’yan para sa ibang araw.

“You know what? Gusto kita”—nanigas siya nang mapagtantong para siyang pumulot ng batong ipinukpok sa ulo—“kasi ano . . . tumupad ka sa usapan natin. Natalo ka kaya ikaw ang naglinis. ’Yon ang ibig kong sabihin.” Hinandugan niya ’ko ng tipid na ngiti habang kamot-kamot niya ang kanyang batok. Kapagkuwa’y lumikot ang kanyang mga mata.

Pati ako kinabahan sa una niyang sinabi. Parang may bumara sa lalamunan ko.

Umupo siya sa pang-isahang sofa at saka dumekuwatro. “By the way, bakit mo ba nilapitan si Beast Mond? Hibang ka ba? ’Pag nabayaran mo na ang utang mo sa kanya, ’wag na ’wag ka na ulit makipag-ugnayan do’n.”

“Daming say. Bakit, miyembro ka ba ng F4?”

Tila umurong ang dila niya sa sinabi ko. Tinitigan lang niya ako nang ilang segundo, nagsalubong ang dalawang kilay, at parang nilamukos ang mukha. ’Tapos, may sumabat pang background music na umiiyak na uwak.

“Sige na, sige na. Explain ko na.” Bumuntonghininga ako. “Daming say equals Dao Ming Si. Leader ng F4. Hirap talaga mag-joke sa ’di ka-humor. Kailangan pang i-explain,” sikmat ko.

Itinago niya ang mga kamay niya sa magkabilang kilikili. “Bawal bumoses ’yong ang lakas ng loob na humarap kay Beast Mond pero hindi naman pala kaya ang ipinagawa niya.”

Ngumisi ako, ’di nagpatinag. “Bawal bumoses ’yong bida-bidang umubos n’ong isang pitsel ng alak na akala mo’y high tolerance sa alcohol ’tapos knock out naman pala,” paghihimutok ko. “Kaya ka siguro dumiretso sa kuwarto kasi takot kang mapahiya. Kahit si Sadness ng Inside Out, matutuwa kung nasaksihan niya ’yong nangyari kagabi.”

“Ikaw naman pala ang totoong Dao Ming Si, e,” mapanuyang sabi ni Clyve. “Daming say.”

Kinagat ko ang ibabang labi ko sa kunsumisyon.

Translation sa sinabi niya: Daming sinabi. Hindi naman nakamamatay ang magpasalamat, Kannagi.

Pero nang konyatan ako ng realisasyon, dali-dali kong pinindot ang red button sa remote, dahilan para tuluyan nang pumikit ang TV. Gagi ka, Kannagi! Ba’t ’di mo ’yon pinatay kanina?

Dinako ko ang tingin ko kay Clyve. ’Yong timpla ng mukha niya ay parang humihiyaw na ng “Nakita ko na ’yon! Kanina pa!”

“Ikaw, Kannagi,” seryosong saad ni Clyve, “what kind of guy do you wanna go out with?”

’Eto na naman. Para na namang may bumara sa lalamunan ko saglit. Nang maka-recover na ’ko sa gulat, muntikan ko pang masabing, Ano ba’ng pakialam mo? Ba’t gusto mong malaman? ’Di naman tayo gano’n ka-close para mag-usap tungkol sa bagay na tulad niyan! Pero sa huli, initsipwera ko ’yon. Imbes na sabihin ’yon, nilihis ko na lang ang usapan: “May hangover ka, ’di ba? Punta ka ro’n sa dining table, inumin mo ’yong isang baso ng tubig na nilagyan ko ng hangover pill, at saka kainin mo rin ’yong binili kong congee. Mainit pa ’yon.”

At ’yon ang nagsilbing pasasalamat ko dahil sa ginawa niya kagabi.

“Okay po, ’Tay,” kapagkuwa’y pang-aalaska niya. Bago ko pa siya masikmuraan, dali-dali siyang tumayo at kumaripas ng takbo patungo sa lamesa.

Tatay ka riyan? Pakyu ka!

• • • • •

“Kannagi, ’di mo naman kailangang gawin ’yon,” ang sinabi sa ’kin ni Tita Pamila nang ikuwento ko sa kanya kung paano ako nakakuha ng pera pang-advance payment.

Kasalukuyan akong nakaupo ako sa pang-isahang sofa ’tapos si Tita naman ay nakahiga sa kama, suot-suot ang hospital gown.

Dahil gising naman na si Clyve, umeskapo agad ako at bumalik dito sa ospital para kumustahin si Tita. Medyo malapit lang naman ’to sa mansyon ng mga Gulmatico kaya nilakad ko na lang. Sayang ang pera. Nakarating ako rito pasado alas-diyes na ng umaga.

“Tita, kaya ko na ’to. Ako na ’to,” giit ko. “Magdasal na lang tayo na sana’y maging maayos ang lahat para makauwi ka na sa bahay.”

“Siya nga pala, ’musta pag-aaral mo?” pag-iiba ni Tita ng usapan. “Magkaklase ba kayo n’ong stepson ni Ma’am Gulmatico?”

Sa loob-loob ko, humihiyaw na ’ko ng, Teka lang, Tita! Mahina po ang kalaban! “Okay naman po ang pag-aaral ko,” ang aktwal na isinagot ko. “No’ng junior high, parati akong kabilang sa top achievers. Ang yabang ko pa nga no’n, e; ginagawa kong kalasag laban sa init ang certificate ko ’pag lumalabas ako ng classroom. Kaso, ngayong senior high . . . basta ayos lang kasi may payong naman na ako.”

Bumungisngis si Tita Pamila. “Sira ka talagang bata ka. Pero seryoso, grades are just numbers, Kannagi. Ang importante, pasado ka, malusog ka, at okay ka.” Isang matipid na ngiti ang iginawad niya sa ’kin.

“Sang-ayon talaga ako sa ’yo, Tita,” sabi ko at napainat na rin ng labi, “lalo na’t masama talaga ang kutob ko ngayong Grade 11. Uunahan ko na.”

“E, ’yong stepson ni ma’am?” Ibinalik na naman ni Tita ang iniiwasan kong tanong. “Maayos naman ba kayo tuwing nagkikita kayo sa mansyon at eskuwelahan? Magkaklase kayo?”

“Okay naman po kami,” pagsisinungaling ko. “At oo, classmate kami. Pero sa tingin ko, ’di naman niya kailangan ng tulong kasi matalino naman siya.”

Gusto ko sanang idugtong, Nanalo nga siya sa pataasan ng score. Hindi ko naman sukat akalaing matalino siya. Inaamin ko, minaliit ko siya.

“Kaya lang, marami siyang kailangang habulin na activities kasi kalilipat lang niya. Pero ’di ko naman po responsibilidad ’yon. Ang class president na namin ang bahala sa kanya,” dagdag ko.

Ang tinutukoy kong president ng section namin ay walang iba kun’di si Cerri Libres. (’Yong vice president ng Volunteer Club na walang ibang ginawa kun’di mangulit at mamilit sa mga estudyante sa Merryfield High.) Kaya siguro siya lapit nang lapit kay Clyve kasi pinaaalahanan niya ang kumag na ’yon tungkol sa mga kailangan niyang habulin.

Tumango-tango si Tita. “Gano’n ba? Pero kung kailangan niya ng tulong, ’wag kang magdalawang-isip na tulungan siya, Kannagi, ha,” kapagkuwa’y untag niya sa ’kin. “Anak siya ng bagong karelasyon ni Ma’am Gulmatico. Kargo natin siya.”

“Alam n’yo po ba kung saan siya nakatira noon?” puno ng kuryusidad kong tanong.

Nag-iwas ng tingin si Tita; dinako niya ang tingin niya sa bintana. “Sa pagkakaalam ko, galing siya sa karatig-bayan. Ang sabi ni ma’am, lola niya ang nagpalaki sa kanya kaso pumanaw na. Naawa si ma’am sa kanya at pinalipat dito sa Merryfield dahil alam niyang may mag-aalaga o titingin sa kanya—tayo ’yon.”

Wala akong maapuhap na angkop na sagot sa sinabi ni Tita kaya tumango-tango na lang ako.

Naalala ko tuloy ang sinabi sa ’kin ni Mrs. Gulmatico: “Pakibantayan naman si Clyve sa mansion at sa school. Mailap sa ’kin ang batang ’yon, pero itinuturing ko pa rin siyang tunay kong anak. I’m pretty certain na magkakasundo kayo n’on.”

Ang tanong: Magkakasundo nga ba kami ni Clyve?

Pagkatapos ng masinsinang usapan namin ni Tita Pamila, nagpaalam na ’ko sa kanya at sinabing may project pa ’kong kailangang gawin. Pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto, nakita ko agad si Cerri Libres na naglalakad sa pasilyo. Nabasa ko ang pag-aalalang nakabalandra sa mukha niya. May dala-dala rin siyang mga papel na medyo makapal.

“Cerri,” tawag ko sa kanya, “ano’ng ginagawa mo rito? ’Wag mong sabihing mangre-recruit ka ulit ng—”

“Hindi,” putol niya sa ’kin. “May kailangan lang akong ibigay kay Clyve na paperworks at activities. Marami kasi siyang kailangang i-catch up.”

Medyo kinutuban ako sa sinabi ni Cerri. “Ba’t ka nandito? ’Di naman dito nakatira si Clyve, a? M-may . . . may nangyari ba?”

“Actually, pumunta ako sa mansyon, pero walang nagbukas ng gate kaya I immediately phoned him. And then nalaman kong naaksidente pala siya dahil sa pag-i-skateboarding. Sabi niya, nothing to worry about. Minor injury lang naman daw.” ’Tapos, lumihis siya ng tingin. “’Ayan na pala siya.”

Agad kong sinipat ang direksyong inginuso ni Cerri at tumambad sa ’king paningin si Clyvedon. Doon ay bigla na lang bumagal ang paligid; ang oras ay tinamaan ng katamaran. Kahit nababalutan ng benda ang kanyang kaliwang kamay, kinawayan niya pa rin kami na parang walang nangyari. Kapagkuwa’y uminat ang mga labi niya, unti-unti, palapad nang palapad.

’Eto na naman ang ngiti niyang para akong hinandugan ng malamig na inumin matapos ang ilang oras na pagbibilad sa ilalim ng araw. May kumikiliti rin sa ’king sikmura; tila may nagliliparang mga alibangbang sa loob nito. Hanggang sa namalayan ko na lang na hinahayaan ko na pala ang sarili ko na mahawa sa ngiti niya. ’Tapos, narinig ko sa di-kalayuan ang isa sa mga paborito kong kanta: Can This Be Love ng Smokey Mountain.

Kung may “halo effect,” meron din namang “pitchfork effect.” Ang negatibong katangian niya ay nakaapekto sa pangkalahatang impresyon ko tungkol sa kanya. ’Di ko gusto kung pa’no siya magsalita, sa pang-iinis sa ’kin, kung pa’no niya ako suklian ng sarkasmo. Gayunpaman, sinalba niya ako mula sa kahihiyan kagabi. Siguro, kung mas makikilala ko siya, makikita ko ang kabutihan sa puso niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top