Episode 4 - Bottoms Up! [2/2]

Episode Theme :
All My Friends // Snakehips

KANNAGI

Habang palapit ako nang palapit sa kinalulugaran ni Beast Mond, panay ang panginginig ng mga kamay ko at pinagpawisan din ako nang malagkit. Tila may nakadagan sa dibdib ko; ’yong tipong pinatatawag ako ng school director dahil may nagawa akong ’di maganda sa eskuwelahan.

Pagkahinto na pagkahinto ko sa harapan niya, eksakto namang tumindig siya. Nasindak tuloy ako sa laki ng kanyang katawan at sa height niya. Para siyang si Incredible Hulk at ako naman si Loki na handa niyang hambalusin at ibalibag sa damuhan.

Dahil mas matangkad siya kaysa sa ’kin, kinailangan kong tumingala sa kanya. “B-Beast Mond, puwede bang”—mariin akong napalunok—“puwede ba kitang makausap kahit saglit?”

Kinunutan niya ako ng noo sa sinabi ko. Bigla na lang niyang inihagis ang yosi at saka tinapak-tapakan para mapuksa. ’Tapos, muling dumapo ang mga mata niya sa ’kin habang ipinagkrus niya ang mga braso sa harapan ng kanyang dibdib. “Ang lakas naman ng loob mong kausapin ako sa kalagitnaan ng party. Sino ka ba, ha? Ano’ng kailangan mo sa ’kin?”

Sinalakay ng matinding kaba ang puso ko. Kung nakailang lunok na ’ko ng laway ay hindi ko na mabilang pa habang nakatingala sa lalaking hihingan ko ng tulong. Nakatatakot siya; titig pa lang niya, parang gusto na niya ’kong balatan nang buhay o isilid sa trash bag para itapon sa malayong lugar.

Pero nandito ka na, Kannagi! Ito na ang pagkakataon mo. Tatagan mo ang loob mo. Hindi ka na maaaring umurong!

Inatake sa puso si Tita Pamila noong nakaraan kaya siya nasa ospital at kasalukuyang inoobserbahan ng doktor. Ang sabi niya sa ’kin, nahihiya na siyang bumale kay Mrs. Gulmatico kasi may utang pa siya sa kanya. Kaya, ako na ang gagawa ng paraan. ’Di bale, ’yong sweldong makukuha ko mula sa mga Gulmatico, ’yon na lang ang iipunin ko at ipambayad kay Beast Mond sa susunod, at saka maghahanap na rin ako ng kahit anong raket.

Basta ang importante ay ang ngayon; kailangan ko nang mabayaran ’yong bills dahil ang sabi ng doktor, ’pag ayos na raw talaga si Tita, maaari na siyang umuwi sa bahay. Saka ko na lang poproblemahin kung paano ko mababayaran si Beast Mond pagkatapos n’on.

“Ang sabi ko, ano’ng kailangan mo?!” bulyaw ni Beast Mond, dahilan para mapapitlag ako. Nanlaki ang butas ng ilong niya, na animo’y gusto na niya ’kong patikimin ng nagbabagang suntok ano mang oras.

Umugong ang bulong-bulungan sa paligid namin. Gusto ko sanang humiling na sana’y bumuka ang lupa at lamunin na lang ako, pero hindi puwede. Kaharap ko na si Beast Mond ngayon at hindi ito ang tamang panahon para maging bahag ang buntot. Para ito kay Tita kaya kakapalan ko na ang mukha ko. Magkukunwari na lang ako na walang mga tao sa eksenang ’to. Hinga, buga.

Muli kong sinalubong ang matalim na tingin ni Beast Mond at sinabing, “B-Beast Mond, p-puwede ba ’kong umutang sa ’yo?”

Sinuklian niya lang ako ng isang ngisi ’tapos umiling-iling siya. ’Yong timpla ng mukha niya ay parang humihiyaw ng “Seryoso? Dito talaga sa party?”

Klinaro ko ang aking lalamunan, pinagpag ang natitirang takot sa katawan. “Alam ko”—luminga-linga ako—“alam ko ang iniisip mo, pero desperado na kasi ako, e. Kailangan ko na talaga ng pera para sa Tita ko. Please, Beast Mond, please.”

Kung kinakailangan kong lumuhod, gagawin ko. Basta’t para kay Tita Pamila. Siya ang pumuno sa pagkukulang ng mga magulang ko. Bilang ganti, gagawin ko ang lahat para sa kanya, dahil mahal na mahal ko siya.

Inilipat niya ang mga kamay niya sa kanyang bulsa. “May pera naman ako—marami,” puno ng kumpiyansa niyang saad. “Pero, may ipagagawa muna ako sa ’yo. Handa ka ba? Gagawin mo ba kung ano man ang iuutos ko?”

Muli akong dinalaw ng kaba, gayunpaman, nagtapang-tapangan ako. At ang lumabas sa bibig ko: “O-oo . . . gagawin ko.”

Ngumisi si Beast Mond. Walang ano-ano’y bigla na lang niyang hinigit ang palapulsuhan ko at kinaladkad papalapit sa isang mesa kung saan nakatambay ang mga inumin. Meron doong nakatayong mga bote, maraming pulang basong nakalagay sa kulay-abong tray, at saka isang pitsel.

Teka . . . pitsel? D’yos ko. ’Wag naman sana.

Napasinghap ang karamihan at halos matutop nila ang kanilang bibig nang huminto kami ni Beast Mond sa harap ng mesa. Bagama’t hindi komportable sa kinatatayuan, sinubukan kong ilibot ang aking paningin subalit wala akong nakitang Soichi o Aneeza. Nasa’n na kaya ang dalawang ’yon?

Pagkatapos, maraming bulong-bulungan ang rumehistro sa ’king pandinig tulad ng, “May bago na naman ’atang mangungutang kay Beast Mond,” “Wala ba siyang magulang?” at “Ba’t ba umiikot sa pera ang buhay ng mga kagaya niya?”

Hanep. Galing talaga sa mga mukhang privileged naman?

Binitiwan ako ni Beast Mond ’tapos kumuha siya ng iilang bote ng alak para punuin ang isang pitsel.

Mariin akong napalunok habang hinihintay itong mapuno. Pa’no na ngayon ’to? Kaya ko ba ’to? Ni hindi pa nga ako nakatikim at nakaubos ng isang baso o isang bote ng alak. Isang pitsel pa kaya?

“T-teka lang!” bulalas ko. Medyo napalakas ang pagkasabi ko n’on kaya dagli kong kinalma ang sarili ko at inapuhap ang angkop na mga salitang dapat na lumabas sa ’king bibig. “Pa’no ’pag nalasing ako? Baka iwanan mo lang ako at hindi na pauutangin.”

Kinumpas niya ang isa niyang kamay. “Bukas na natin pag-usapan ang tungkol sa pera,” mahinahong wika niya sabay abot sa ’kin ng isang pitsel ng alak. “Basta kailangan mo muna ’tong inumin lahat.”

“E ’di, bukas na lang tayo mag-usap.” Akmang aalis na ako ngunit kaagad na humarang sa ’kin ang hubad na katawan ni Luke (wala siyang saplot pang-itaas).

“’Wag kang KJ, Kann. ’Di ba, guys?” sabi ni Luke. ’Tapos, pumailanlang ang hiyawan ng mga tao sa paligid bilang pagsang-ayon.

“Bottoms up! Bottoms up!” pag-uudyok nilang lahat sabay taas ng kani-kanilang baso.

Sa isang iglap, nagawa nilang hampasin palayo ang tapang na naipundar ko sa loob ng ilang minuto. Tinanggap ng nanginginig kong mga kamay ang isang pitsel. Amoy pa lang ng alak—na sinamahan ng paulit-ulit na sigaw ng lahat—halos mahilo na ’ko. Nasabi ko na na gagawin ko ang ano mang iuutos ni Beast Mond sa ’kin. ’Di ko na mababawi ’yon. ’Di ko na puwedeng gamitan ng correction tape ang maling desisyon ko sa buhay.

“Bottoms up! Bottoms up!” Walang humpay ang pagsulsol nilang lahat, palakas nang palakas, nakaririndi.

“Dali na,” paghihimok ni Beast Mond, ang kanto ng mga labi niya’y nakaangat. “’Di ba sabi mo, gagawin mo ang utos ko? Ano pa ang hinihintay mo?”

Mariin kong isinara ang mga mata ko at umungot ng paborito kong mantra: Wala nang atrasan ’to. Kaya mo ’to Kannagi. Sa pagdilat ko, tiyempo namang may marahas na umagaw sa hawak kong pitsel. Halos sumayad ang panga ko sa semento. Siya ang panghuli sa listahan ng mga taong tutulong sa ’kin sa gabing ’to—si Clyvedon!

Yawa!

Bakit?

’Langyang buhay ’to, o! Daming plot twist! ang tumatakbo sa isip ko.

Nagulantang at napasinghap ang karamihan nang itaas ni Clyve palapit sa kanyang bibig ang pitsel at walang patumpik-tumpik na tinungga ang laman n’on. Walang pahinga, dire-diretso, paulit-ulit na nagtaas-baba ang kanyang Adam’s apple, ’tapos walang kahirap-hirap na inubos ang isang pitsel ng alak.

Pagkatapos niyang ubusin ’yon, nagpukol siya ng matalim na tingin kay Beast Mond. At dahil masyadong nakahakot ng maraming atensyon ang pangyayari, hinatak ako ni Clyve palayo roon. Nagpatianod lang ako habang tangay niya ’ko, parehong walang kibuan.

Hindi pa rin talaga ako makapaniwalang nagawa niya ’yon. Grabe, halimaw siya.

Pabilisang uminom ng alak ’tapos si Clyvedon ang katunggali mo, umuwi ka na lang!

Rumehistro sa pandinig ko ang hiyawan ng mga tao at umuulan din ng samot-saring papuri dahil tinubos niya ’yong isang pitsel ng alak na para sana sa ’kin.

Habang tangay niya ’ko, namataan ko si Soichi sa di-kalayuan na kasalukuyang tumatawag ng uwak. ’Di naman nakaligtas sa paningin ko si Aneeza na pasuray-suray na kung maglakad at mapula na rin ang kanyang magkabilang pisngi. May dala-dala siyang lipstick (pininturahan niya ang labi niya gamit n’on) at pasikreto niyang hinahalikan ang likod ng mga lalaking nakaputing polo shirts. ’Tapos, bigla na lang siyang humalakhak na pagkalakas-lakas; ’yong tipong ’pag kaharap mo siya, makikita mo ang tonsils niya.

Huhulaan ko, maraming magbe-break bukas dahil sa pinaggagawa niya. Aning talaga ’tong si Aneeza.

Dinala ako ni Clyve sa loob at pumanhik kami patungo sa ikalawang palapag. Nang makapasok kami sa isang silid na walang kagamit-gamit, tuluyang humina ang tugtog. Sa wakas ay nagdiwang na rin ang aking mga tainga.

“D-dito ka lang, Kannagi.” Hinihingal man, nagawa pa rin niyang magmando sa ’kin. Nag-umpisa nang mamula ang magkabila niyang pisngi at unti-unti na ring sumusuko ang mga talukap ng mata niya. Gayunpaman, kapansin-pansing nilalabanan niya ito. “’Wag kang lalabas. Paaalisin ko na silang lahat.”

Tinalikuran niya ako, ngunit ’di pa man niya nahahawakan ang seradura, bigla na lang siyang natumba at sinalo ng sahig ang kanyang katawan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top