Episode 4 - Bottoms Up! [1/2]

A/N: There are inappropriate behaviors of the characters in this episode. Please do not imitate.

KANNAGI

Parang nanuyo ang lalamunan ko habang naglalakad papasok sa mansyon. Bagama’t nakatungo lang ako, naramdaman kong isa-isang dumadapo ang tingin nila sa ’kin kaya mariin akong napahawak sa laylayan ng suot kong damit. Bakit ba ako ganito ’pag humaharap o humahalo sa maraming tao? Bakit ba parati kong nararamdaman na hinuhusgahan nila ako kahit wala naman silang sinasabi?

Nag-umpisa ang party nang 8 PM. Medyo late ako nang kaunti kaya marami nang nandito sa loob. Dumiretso ako sa kusina, nagtatago mula sa mga schoolmate kong nagsasayaw sa sala habang may hawak na red cups.

“Bottoms up! Bottoms up!”

Nakabibingi ang lakas ng tugtog sa paligid. Samahan pa ng papalit-palit na mga ilaw: pula, asul, at kulay-ube. At saka, dagdagan pa ng hiyawan ng mga nandirito.

Kumuha na rin ako ng red cup at nilagyan ko ito ng apple juice na natagpuan ko lang sa ref. Juice-juice lang muna ako ngayon kasi parang ’di ko talaga kayang lumagok ng alak. ’Tapos, tumabi ako sa standee ni Melanie Martinez—halos kasingtaas ko lang—at saka ako bumulong sa ’king sarili: “Ang random. Sino’ng nagdala nito rito?”

Ilang minuto akong nakatambay rito, hinihintay kong makita si Beast Mond, pero ni anino niya ay ’di ko mahagilap. Baka nasa pool area siya? O baka naman ay may ka-chukchakan siya sa isang kuwarto sa ikalawang palapag?

Dumating sina Soichi at Aneeza siyam na minuto bago mag-alas-nuwebe. Nakasuot si Aneeza ng yellow green na T-shirt at pedal pusher na sinamahan ng sandals; para lang siyang inutusang bumili ng toyo sa kabilang kanto. Samantalang black Metallica shirt na pinaibabawan ng itim na leather jacket naman ang suot ni Soichi; parang vocalist ng isang banda naman ang atake niya.

Namilog ang mga mata nila nang makita ang katabi kong standee.

“O, pak! Kabog! Imported! ’Di n’yo keri ang special guest namin tonight! Ang nag-iisang Melai Can—” Hindi na natapos ni Aneeza ang kanyang sinasabi dahil kaagad ko itong pinutol.

“Si Melanie Martinez kasi ’yan,” pagtatama ko.

Ngumiwi si Aneeza. “Ay, ’di uso sarcasm sa kanto n’yo? Serious Osmeña ang peg?”

Humagikhik naman si Soichi. “Boploks ka talaga, Aningza!” bulalas niya sabay hampas sa balikat ni Aneeza.

“Aray!” daing nito, may ngitngit pang nakapinta sa hitsura. “Do you want me to rearrange your ribs, Soitchy? Magsabi ka lang, ha!”

“Ano ’yang iniinom mo, Kannkong?” paglilihis ni Soichi ng usapan. Kinumpiska niya ang red cup at saka bumungisngis. “Tae! Juice? Alak, Kann, alak ang inumin mo ngayong gabi, okay?”

Itinulak ko ang pang-ibabang labi ko pasulong. “Hindi dapat kayo umiinom ng alcohol kasi hindi pa tayo eighteen,” giit ko. “’Tsaka, parang ayaw ko talagang i-try, e. Amoy pa lang, ’di ko na gusto.”

Nirolyo ni Soichi ang mga mata niya. “You should try everything in this world at least once, Kannkong,” pagdidiin niya.

“Truelala,” pakantang pagsang-ayon ni Aneeza. Sa isang kisapmata’y may subo-subo na siyang lollipop.

Pinanood ko silang dalawa na dumukot ng beer sa ref. Lumagok ulit ako ng juice. “Ano ba’ng mali rito?” anas ko.

Nagdaldalan sina Soichi at Aneeza, pero ’di ako nakasunod sa pinag-uusapan nila. Hindi kasi talaga mapirmi sa isang bagay ang buong atensyon ko lalo na’t maingay ang lugar at maraming tao sa paligid. Dinako ko ang tingin ko sa labas ng glass wall, may iilang taong nakatambay roon.

Hanggang sa bumungisngis ang dalawa kong kaibigan ’tapos nagtungo sila sa sala para makiisa sa mga schoolmate naming sumasayaw roon. Napa-lip-synch at napa-headbang pa silang lahat nang mag-play ang kanta ng Nirvana na Smells Like Teen Spirit habang itinataas ang hawak nilang pulang baso.

Nagpasalit-salit ang tingin ko sa dalawang kaibigan kong humalo sa sayawan sa sala. Siguro, kung wala lang akong pinoproblema ngayon, baka sinubukan ko nang makisabay sa kanila. Pero hindi puwede, e. Kailangan kong unahin ’tong misyon ko.

Nagsalin na naman ako ng apple juice sa cup at saka muling sumimsim.

Pagkaraan ng ilang segundo, agad na namilog ang mga mata ko, nasamid, ’tapos napatigalgal nang makitang papalapit sa kinaroroonan ko si Luke! Akala ko, namamalikmata lang ako, pero hindi! At may kasama pa siyang dalawang babaeng nakalingkis ang mga kamay sa magkabilang bisig niya!

Parang may makalawang na balisong na tumarak sa puso ko habang pinanonood ko kung pa’no sila magharutan sa harapan ko.

Nagpukol sa ’kin ng kakaibang tingin si Luke bago sila lumapit sa ref; ’yong tipo ng tingin na parang ’di ako nararapat na dumalo sa party na ’to—sila, sosyal, samantalang ako, pucho-pucho. Kumuha sila ng beer sa ref ’tapos dumiretso na agad sila sa labas at tumambay malapit sa swimming pool. Doon nila itinuloy ang harutan at nagpasalit-salit ng halik si Luke sa dalawang babaeng nakadikit sa kanya. Habang ginagawa ’yon, pasimple niyang itinapon ang laman n’ong dala niyang red cup (wala akong ideya kung bakit).

Lumaki ang butas ng ilong ko habang pinagmamasdan sila. ’Naknampucha! Ia-uncrush na talaga kita!

May pakpak ang balita kaya alam ko na ang tungkol sa grupo nila: Si Richmond Fautiso ay ang kinatatakutan at kilala sa tawag na Beast Mond; si Clyvedon Escarchia naman ang bago ’ata nilang miyembro; at saka si Luke Condez ay isa palang babaero at kilala sa bansag na Lukecifer.

Sa halip na magwala o ano, idinaan ko na lamang sa pag-inom ng juice ang sakit na dinamayan pa ng kaunting galit.

Lumingon-lingon ulit ako sa paligid, nagbabakasakaling magtatagumpay ang mga mata ko sa pagkakataong ito na mahanap sina Beast Mond at Clyve. Oo, si Clyve. Hinahanap ko rin siya. Pa’no, bahay nila ’to, siya ang nag-organisa ng party, pero bakit parang wala naman siya rito ngayon? Hibang ba siya?

Napapitlag ako nang bigla na lang maghiyawan ang lahat at nagkukumahog na lumipat patungo sa swimming pool kaya sumunod na rin ako. ’Tapos, natanaw kong nagsitanggalan na agad sila ng mga damit pang-itaas at nagsitalunan para lumangoy.

May nakalutang doon na maliliit na bolang may samot-saring kulay. Meron ding iba’t ibang klase ng salbabida roon: unicorn, ostrich, may parang upuan, at saka may ordinaryo ring salbabida. Sa bandang itaas naman, may nakasampay na maraming ilaw na nagpo-produce ng dilaw na liwanag.

Ang iba’y nagbabad lang ng paa sa tubig sa bandang gilid, samantalang ang iilan naman ay sumampa sa salbabida habang may hawak pa ring red cups. Meron din namang nananatiling nakatayo at sumasayaw, sumasabay sa makabasag-eardrums na tugtugan.

“Not enjoying the party?”

Nagulat ako nang may tumabi sa ’kin—si Cerri Libres. Nakasuot siya ng damit na kinulang sa tela. (Pero wala akong problema sa suot niya. D-in-escribe ko lang.) ’Tsaka, may hawak din siyang pulang cup na may lamang alcohol.

Pilit kong ininat ang mga labi ko bago magsalita, “Parang gano’n na nga. ’Di rin kasi talaga ako sanay sa mga ganito, e.”

“I see.”

“Iba kasi ang ipinunta ko rito.”

“Ahh. Same.”

Kumunot ang noo ko. “A-anong ‘same’?”

“Kannagi, you know me,” sabi niya. “Nandito ako para mang-recruit ng members para sa org namin. What do you expect?”

“Volunteer Club, tama?” pangunguwestiyon ko kahit alam ko naman na. Tumango naman siya agad. “Ang ironic lang kasi parang ginagamit mo ang ganda mo para pilitin silang sumali sa club n’yo.”

Hala! ’Yong bibig mo, Kannagi! sigaw agad ng utak ko.

Gamit ang libreng kamay, napahawak siya sa kanyang dibdib at umarteng nasusugatan iyon. “Ouch. Ang harsh mo naman, Kannagi. Actually, iilan lang naman kasi ang gustong mag-join. Kaya need kong gumawa ng ibang way, at ito lang ang naisip ko.”

Tumango-tango lang ako pagkatapos niyang sabihin ’yon.

“Anyway”—sinampay niya ang kanyang libreng kamay sa balikat ko—“nakita mo ba si Clyve? Kanina ko pa kasi siya hinahanap.”

Umiling ako. “Hindi, e.” Gusto ko sanang idugtong, Hinahanap ko nga rin siya, e. Subalit may kuwestiyong nabuo sa utak ko kaya napatanong ako pabalik: “Nakita mo ba si Beast Mond?” Nagbabakasakali lang naman na baka alam niya.

“I think I saw him . . . there.” May itinuro siya sa kabilang dulo ng swimming pool, kaso, ’di ko makita kasi may mga nakaharang.

Ginawaran ko siya ng pasasalamat bago iniwang mag-isa. Huminga ako nang malalim, napalunok ng laway, at mariing napakapit sa laylayan ng damit ko nang maglakad ako sa gilid ng swimming pool at nakipagsiksikan sa ibang nandirito. Ramdam kong sinusundan pa rin ako ng tingin ng mga nalalampasan ko, parami nang parami, patalim nang patalim.

Nahagip ng paningin ko sina Soichi at Luke na nag-espadahan gamit ang payat na mga sangang napulot nila sa kung saan. May namataan pa ’kong lalaki at babae na nakasampa sa unicorn na salbabida habang naghahalikan. Familiar. Parang nakita ko na ’yan sa bahay ni Big Brother.

Muli akong nagpakawala ng malalim na buntonghininga nang tuluyan kong matagpuan si Beast Mond. Nakasuot siya ng kulay-uling na hooded jacket, itim na jeans, at saka black chucks. Meron pang sigarilyong nakaipit sa pagitan ng kanyang mga labi.

Wala nang atrasan ’to. Kaya mo ’to, Kannagi. Hinga, buga, isip-isip ko, nanatiling kumakapit sa ’king mantra.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top