Episode 3 - Enemyship [2/2]
KANNAGI
“Maganda rito, ’no?” bulalas ni Soichi. “Sabi sa inyo, e.” Ikiniskis pa niya ang dalawa niyang palad, kating-kati nang matikman ang mga in-order namin kani-kanina lamang.
Kasalukuyan kaming nakapuwesto sa isang habilog na mesa na malapit sa labas. Dahil bagong bukas itong Grossi, dinagsa ito ng maraming estudyante; karamihan ay na-curious sa pangalan ng kainan kaya sumugod dito (kabilang na ro’n si Soichi).
“Pagoda na ang katawang lupa ko today. Matagal pa ba ’yong order natin? Anong petsa na?” nakapangalumbabang wika ni Aneeza habang may nginunguyang bubble gum, halatang nabuburyo na.
Bumuntonghininga si Soichi. “Alam mo, Aneeza . . .” At dinaldal niya nang dinaldal ang kaibigan namin hanggang sa unti-unting naglalaho ang inip at pagod sa hitsura nito.
Hindi ako humalo sa kanilang usapan. Habang nagdadaldal sila, kinuha ko na lang ang dala kong libro: Claws in the Closet. ’Di ako pamilyar sa author, pero ang penname niya ay L. J. Ramos. Binuklat ko ang libro at nag-umpisang magbasa. Umiikot ang kuwento sa dalawang lalaking nagkaibigan: ang isa’y bampira, samantalang mortal naman ’yong isa.
Makaraan ang ilang minuto, dumating na rin ang order na pinakahihintay nina Soichi at Aneeza: chiffon cake, banana milkshake, at saka vanilla ice cream. Nagkorteng parang puso ang kanilang mga mata sabay kiskis ng kanilang mga palad. Subalit nagulat kami kasi may pahabol pa si ateng nag-serve. Inilahad niya sa ’min ang maliliit na lalagyang may takip—na ikinakunot ng aming noo—at saka niya sinabing, “Pumili kayong tatlo. Ito ang twist na sinabi namin sa inyo kanina.”
Hindi nagpatumpik-tumpik si Soichi at agad niyang itinuro ang kulay berdeng lalagyan. Binuksan ito ni ate, at natutop ni Soichi ang bibig niya nang makita ang laman.
“Chiffon cake with . . . bagoong,” nakangiting saad ni ate. Agad niyang ipinatong sa cake ang laman at gamit ang dala niyang spatula, kinalat niya ang bagoong sa paligid ng cake.
Natanaw kong nagtaas-baba ang Adam’s apple ni Soichi. ’Tapos, hilaw siyang ngumiti; ’yong ngiting may halong pagsisisi.
Sabi na, e. Pangalan pa lang ng kainan, Grossi, hindi ko na gusto.
Sunod na pumili si Aneeza. Nanginginig pa ang kamay niya habang itinuturo ang asul na lalagyan. Pinihit niya ang ulo niya sa direksyon namin. “Guys, lipat na lang kaya tayo sa iba? Tomjones na ’ko, pero ’di ko ’ata keri ’to,” bulong niya, nagmamakaawa.
“Banana milkshake with . . . toyo,” pagpapatuloy ng nag-serve sa ’min habang ’di pa rin napapawi ang ngiti niya sa labi. Binuhos niya ang toyo sa milkshake, at pagkatapos, inutusan niya si Aneeza na haluin ito nang maigi gamit ang matabang straw.
Nginitian niya si ate ’tapos muli niyang dinako ang tingin niya sa ’min. “Soitchy, Kannkong, tama ba ’tong pinasok natin?” anas niya, bakas na bakas ang disgusto sa kanyang hitsura. Kasalukuyan niyang hinahalo ang toyo sa banana milkshake.
Marahan kong tinapik ang balikat niya. “’Wag kang mag-alala, Aningza. Ipatumba mo na lang si Soitchy sa eskinita mamaya.”
Hindi ko na kailangang pumili kasi isa na lang ang natirang misteryosong lalagyan na kulay pula. Mariin akong napalunok nang buksan ’yon ni ate. Kasinglakas ng tambol ang pagkabog ng dibdib ko habang dahan-dahan niyang ipinakita sa ’kin ang laman n’on.
“Vanilla ice cream with . . . ketchup.” Isinaboy ni ate ang laman n’on sa in-order kong ice cream.
Nangangati ang mga kamay ko na pigilan siya, pero huli na ang lahat, wala na akong magagawa pa. Ang kailangan ko na lang gawin ngayon ay makipagdebate sa sarili ko nang ilang minuto kung kakainin ko pa ba ito o hindi.
Nang tuluyan nang umalis ang nag-serve sa ’min ay mabilis pa sa alas-kuwatro na ipinagdikit ni Soichi ang dalawa niyang palad at isa-isa niya kaming tiningnan ni Aneeza. “Sorry na, guys. ’Di talaga ako nag-research sa place na ’to. Na-curious lang din ako gaya ng iba. Narinig ko kasi seatmate ko kaninang umaga na maganda raw dito.”
“Tama ka na, Soitchy,” pambabara ni Aneeza.
Pabiro ko namang tinampal ang balikat niya. “Ayos lang, Soichi”—ininat ko ang aking mga labi—“ayos lang. Libre mo naman, e.”
“Pero ’di ba sabi nila, dapat nating subukan o maranasan ang lahat ng bagay sa mundong ito kahit isang beses?” pampalubag-loob niya kay Aneeza.
“Postpone mo na ang honest review mo, ha. Baka magmura pa ’ko rito. Sinasabi ko sa ’yo,” untag ni Aneeza. Pagkatapos niyang tikman ang banana milkshake na may halong toyo, halos ’di na talaga maipinta ang kanyang mukha.
“Oo na! Oo na!” Itinaas ni Soichi ang kanyang kanang kamay, umarteng nanunumpa. ’Tapos, tinikman na rin niya ang chiffon cake na napalamutian ng bagoong.
Bumuntonghininga ako bago ginalaw ang in-order kong vanilla ice cream na may kasamang ketchup. Ang ginawa ko, itinaboy ko ang ketchup sa gilid ng mangkok at ice cream lang talaga ang kinain ko. Nagpatuloy ako sa pagbabasa ng libro habang kumakain.
Makalipas ang ilang minuto, nagliwanag ang mukha ni Aneeza kasabay ng pagsibol ng ngiti niya. ’Tapos, may itinuro siya sa labas. “’Di ba si Clyve ’yon? ’Yong bago mong friendship—”
“H-ha?”
“—este, enemyship.”
Sinipat ko ang itinuro niyang direksyon. Doon ay natanaw kong nag-i-skateboarding sa gilid ng kalsada sina Clyve, Luke, at ’yong lalaking ’di ko alam ang pangalan. Nakasuot ng itim na T-shirt si Clyve habang may nakapatong sa ulo niya na sombrerong nakabaliktad.
“Akalain n’yo ’yon, nakahanap agad siya ng mga kaibigan,” tila namamanghang wika ni Soichi.
Tinapunan ko ng tingin si Aneeza nang maglaho na sa ’ming paningin sila Clyve. “Sino ’yong isa niyang kasama?” kunot-noong tanong ko.
“Si Luke?”
Umiling ako. “Hindi. Siyempre, kilala ko si Luke kasi . . .” Ang tumatakbo sa isip ko, Crush ko ’yon, e, pero iba ang lumabas sa bibig ko: “. . . classmate ko ’yon, e. ’Yong isa.”
“Si Richmond Fautiso?” pakikisali ni Soichi.
Gaya ng inaasahan ko, bigla na lang gumuhit ng imaginary line si Aneeza sa pagitan nilang dalawa. “’Di ka kasali, uy. Ubusin mo na ’yang cake mo na may bagoong.”
Bumusangot si Soichi na parang bata. “Alam mo, para kang banana milkshake na in-order mo. Parehas kayong may toyo,” pang-uuyam pa nito.
Hindi talaga pumapalya ang dalawang ’to sa pakikipagbangayan.
Pumagitna ako sa kanila sa pamamagitan ng pagsaboy ng tanong: “So, sino nga ’yong Richmond? Parang pamilyar siya sa ’kin na ewan.”
Huminga nang malalim si Aneeza bago magsabi ng, “Si Richmond Fautiso, na mas kilala sa tawag na Beast Mond, ay ang kinatatakutang senior ng ilang estudyante sa Merryfield High. Maangas siya, bayolente, at saka mayaman. ’Di ’ata kompleto ang academic year niya kung hindi nababantaan ng expulsion. Kilala rin siyang nagpapautang sa mga estudyanteng nangangailangan. Sabi nga nila, ang estudyanteng gipit, kay Beast Mond lumalapit. Pero ’wag kang sumubok na mangutang do’n kasi . . . mahal ’yon maningil.”
Awtomatiko akong napangiti nang rumehistro sa magkabila kong tainga ang mga sinabi ni Aneeza tungkol kay Beast Mond. Sigurado akong a-attend siya sa party mamaya sa bahay nila Clyve. Kailangan ko siyang hanapin do’n at malapitan.
• • • • •
Pagkababa ko ng tricycle, nilibot agad ng mga mata ko ang kabuoan ng mansyon ng mga Gulmatico; niligo ito sa kulay puting pintura at malawak ang loob nito. Sa labas pa lang, halatang nag-umpisa na sila dahil sa lakas ng tugtog na umabot hanggang dito. ’Buti na lang at walang ibang bahay na malapit sa mansyon. Bukas ang gate at may namataan pa akong samot-saring kotse at motorsiklo na nakaparada rito sa harap.
Dinako ko ang tingin ko sa hawak kong cell phone. T-in-ap ko ito nang dalawang beses. Kaagad itong umilaw at nakita ko ang clock display na nagsasabing: 8:13 PM. Medyo late na ’ko. May kasabihan pa namang, ‘Ang maagang ibon, unang makadudukot ng bulate.’ Pa’no na ngayon ’to? ’Tapos, binuksan ko ang camera. Bahagya kong inayos ang aking buhok. Hindi naman ako ubod ng guwapo, ngunit hindi rin naman ako sukdulan ng pangit—sakto lang.
Nakasuot ako ngayon ng puting T-shirt na may nakaimprintang “[gay panic]” na pinaibabawan ko ng kulay-rainbow na flannel jacket at saka itim na pantalon.
Nang makuntento na ako sa ayos ng buhok ko, pinatay ko na ang cell phone ko at isinilid sa ’king bulsa sa likurang bahagi ng aking pantalon. ’Tapos, bumuntonghininga ako.
Muling dumapo ang mga mata ko sa mansyon ng mga Gulmatico. Dalawang ibon ang maaari kong matamaan gamit ang isang bato sa gabing ito: Una, meron akong trabaho sa mansyon kaya bayad ako; at pangalawa, gagamitin ko ang pagkakataong ito para hanapin at lapitan ’yong taong uutangan ko para mabayaran ko na ang bills sa ospital.
Kasalukuyang nanginginig ang mga kamay ko at pinagpawisan. Huminga ulit ako nang malalim upang humugot ng lakas ng loob at tapang para humarap sa maraming tao.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top