Episode 3 - Enemyship [1/2]

KANNAGI

“Kami na kasi, e . . .”

Pagkasabi n’on ni Clyve, namilog ang aking mga mata at halos sumayad na ang panga ko sa armchair. May naramdaman akong kakaiba sa ’king tiyan; tila may nagwawalang mga paruparo dito. At saka, parang may kung anong hukbong nagmamartsa sa dibdib ko.

“’Oy, ’wag kang kiligin. Naneto.” Tumuloy sa dalawang tainga ko ang isang mahabang preno ng sasakyan nang sambitin ’yon ni Clyve. “Ayaw, ’kol,” patutsada niya, ’tsaka siya bumungisngis.

Nakatatawa ’yon? Nagpakawala ako ng marahas na hangin at nirolyo ko ang aking mga mata. Muling umusbong ang galit ko para sa kanya; parang isang pitsel na puno ng tubig at ang huling isang patak ang dahilan kung bakit ito tuluyang umapaw.

Hindi pala ’yon ‘butterflies in my stomach,’ natatae lang siguro ako. ’Ge, ’ge. Ayos, ayos.

• • • • •

No’ng dismissal, nakipagkita agad ako sa mga kaibigan ko sa event center. Sa aming tatlo, ako lang ang naiiba—Humanities and Social Sciences o HUMSS kasi ang strand ko, samantalang ang kanila naman ay Information and Communication Technology o ICT. Pero kahit gano’n ay may pagkakapareho naman kaming tatlo: pare-parehas na lumuluwag na ang turnilyo namin.

“Ready na ba kayong maghasik ng lagim sa Grossi?” tanong sa ’min ni Soichi. Naka-clean cut siya, ang mga mata niya’y singkit, at ang kanyang labi naman ay kulay-dalandan.

Ngumiwi ako. “Nag-aalinlangan na ’ko ngayon. Base kasi sa hitsura’t pananalita mo, parang may masama kang balak sa ’min ni Aneeza. At saka pangalan pa lang ng kainan, ’di na mapagkatitiwalaan.”

Pabiro niyang sinuntok ang balikat ko. “Okay ro’n, Kann. Man up! ’No ka ba? Siguradong mag-e-enjoy tayo ro’n. ’Di ba, Aneeza?”

Sabay kaming bumaling sa isa pa naming kaibigan na abala sa pakikinig sa ibang estudyante rito. Teka, ’pansin ko lang, parami na nang parami ang mga mag-aaral na tumatambay rito. Kadalasan kasi, diretso uwi na ang mga ’yan pagkatapos ng klase. May event ba rito o ano?

“Aneeza, ano’ng meron?” pagsaboy ko ng kuwestiyon sa kanya nang tuluyan na siyang humarap sa direksyon namin ni Soichi.

“Base sa source ko, may ia-announce daw ’yong bagong lipat na estudyante. Clyde daw ang name,” sagot ni Aneeza sabay subo ng lollipop. Kulot ang buhok niya, hugis-bigas ang mukha, at ang labi niya’y kakulay ng hawak niyang lollipop—dark blue.

Clyve,” pagtatama ko.

“Ahh. HUMSS din? Kaklase mo?”

Tanging pagtango lang ang isinagot ko.

Pumagitna sa ’min si Soichi at sinabit niya ang bisig niya sa leeg namin ni Aneeza. “Bagong transfer siya rito sa Merryfield High at nag-e-echo na agad ang pangalan niya sa buong campus. Siguro, anak siya ng”—napahimas siya sa kanyang baba—“ng mafia boss? O baka naman isa siyang gangster?”

Umiling ako. “Hindi”—Anak siya ng nanay at tatay niya! ’Di dahil sikat siya ay anak na agad siya ng mafia boss o gangster!—“mali ka. Stepson siya ni Ma’am Gulmatico. Magiging amo ko na rin siya.”

Nagpalitan ng tingin ang dalawa kong kaibigan bago ibinalik ang titig sa ’kin. “A-ano?”

“OMG! Nandiyan na si Clyve!”

“Ano kaya ang ia-announce niya?”

“Sana, ’di niya ipaaalam sa lahat na girlfriend niya ’ko. Baka kuyugin ako ng mga fans niya sa rooftop—Eme!”

Napukaw ang atensyon namin ng mga schoolmate namin nang magkagulo sila. Dali-dali silang nagsumiksik na parang sardinas sa lata at dinagsa ang ibaba ng entablado nang umakyat doon si Clyve, na may dala-dalang megaphone. Hindi pa man siya nagsasalita, nakaangat na ang kanto ng kanyang mga labi, halatang nasisiyahan na sinasamba siya ng kababaihan. Kulang na lang, mag-alay sila rito ng bulaklak.

May namataan pa ’kong dalawang lalaking nakatayo sa likuran ni Clyve—si Luke at ’yong isa ay ’di ko kilala pero pamilyar ang hitsura. Parang binabantayan nila ang bawat galaw niya.

Tumikhim muna si Clyve bago magsalita, “I just want to inform you guys that I’m holding a party tonight at our mansion. Wala ang papa at stepmom ko ro’n. Lahat ng senior high students ay welcome para makisaya. Kung gusto n’yong pumunta, we’ll commence at exactly eight in the evening. Asahan ko kayo, a?”

Dumagundong ang boses niya sa buong event center dahil sa gamit niyang megaphone. Mas lalong lumapad ang ngiti niya nang mapa-“whoa” ang lahat, halatang excited nang dumalo sa party.

Hindi mapirmi ang pulutong ng mga estudyanteng malapit sa ’min. Nag-uusap na agad sila kung ano ang susuotin nila. Ipinagpaliban din ng iba ang practice nila sa soccer, pagsasaulo ng script para bukas sa roleplay, at saka group study para lang sa gaganaping party ngayong gabi.

Tae! Plano-plano pa tayo, e, grade seven pa lang naman tayo,” sambit ng isa nang tamaan ng realisasyon.

Namilog naman ang mga mata no’ng kausap niya. “Oo nga, ’no? Seniors lang pala ang invited. Tara, uwi!” ’Tapos, bumuwag na sila sa kumpol ng tao, humagalpak sa katatawa.

“Shall we go there?” biglaang tanong ni Aneeza.

“Pag-iisipan ko,” sagot naman ni Soichi. Makaraan ng ilang segundo, nagpatuloy siya: “’Ayan, nakapag-isip na ’ko. We’re going to the party!”

Nang mapansin kong bumaba na si Clyve sa stage kasama si Luke at ’yong isang ’di ko kilala, karaka-raka akong humakbang patungo sa kinaroroonan niya. Tinawag ako nina Soichi at Aneeza, pero ’di ko sila nilingon, nagpatuloy lang ako sa paglalakad.

“Clyve,” pagtawag ko sa kanya.

Dali-dali niyang pinihit ang ulo niya, nagpukol ng masamang tingin. “O, bakit?”

Hinigit ko ang palapulsuhan niya ’tapos hinila patungo sa likurang bahagi ng event center. Puros reklamo na lang ang natatanggap ko galing sa bibig niya, pero ’di ko ’yon pinansin.

Tuluyan akong huminto, ’tsaka ko siya binitiwan. Nang makasigurong walang taong nakasunod at nakamasid sa ’min, agad ko siyang pinanlakihan ng mata—pero ’di siya nasindak—at saka ko sinabing, “Baliw ka na ba, Clyve? ’Di ka puwedeng magpa-party sa mansyon. Tiyak na magagalit si Ma’am Gulmatico sa binabalak mo!”

Ngumisi siya habang nakasilid ang dalawang kamay sa bulsa. “Kannagi,” saad niya, “hindi naman siya magagalit kung hindi ka magsusumbong, ’di ba? If I were you, I would just keep my trap shut.”

Yawa! Pa’no ko ba siya pipigilan? ’Pag matuloy ang house party mamaya, baka may mangyaring ’di maganda roon. ’Pag magkaaberya at malaman ni ma’am, tiyak na masasabon ako n’on. Isusumbong ko ba talaga siya kay Mrs. Gulmatico ngayon? Pa’no kung: “Ganito na lang, ’di ba may short quiz tayo kanina sa 21st Century? ’Pag mataas ang score ko, kailangan mong magpaalam sa stepmother mo na magto-throw ka ng party sa mansyon. At kapag ’di siya pumayag, siyempre, hindi mo itutuloy. Deal?”

Mas lumapad ang ngiti niya. “Deal,” pagsang-ayon niya. “Pero kapag mas mataas ang score ko kaysa sa ’yo, ikaw ang maglilinis sa kalat namin.”

Bigla na lang lumukob ang kaba sa ’king sistema. Nagpadalos-dalos na naman ako. Karaka-raka kong binuksan ang bag ko at kinuha ang papel ko na may iskor na . . . “13/15 ang score ko.”

Bumunghalit ng tawa ang ungas nang iabot ko sa kanya ang papel ko.

Nakao-offend ’yon, ha! Pero bakit siya humalakhak? Ibig sabihin mas mataas ang nakuha niya kaysa sa ’kin? Lagot!

Kinuha rin niya ang kanyang papel at ibinigay sa ’kin. “Pa’no ba ’yan . . . 14/15 ang sa ’kin,” pagmamayabang niya. “Don’t worry, Kannagi. Ako na ang bahala sa mga palamuti at gamit para sa gaganaping party mamaya. Pero kailangan mo pa ring um-attend. Dahil after ng house party, lilinisin mo ang kalat namin,” untag niya, suot ang nakalolokong ngiti.

Nagtapos sa inis ang usapan namin ni Clyve. Nang mawala siya sa ’king paningin, naihilamos ko ang palad ko sa labis na iritasyon. Ba’t ba kasi ’di ko na lang p-in-erfect ’yong quiz? O ang mas angkop na kuwestiyon: Ba’t ko pa kasi siya hinamon ng pataasan ng score? ’Yan tuloy. Nakaiinis!

Inaamin ko, hinusgahan at minaliit ko siya. Akala ko, siya ’yong tipo ng estudyante na pasang-awa o walang pakialam sa klase. Mali pala ako.

Napapitlag ako nang biglang sumulpot na parang kabute ang aking mga kaibigan sa gilid ko.

“Ano’ng pinag-usapan n’yo at kailangan n’yo pang magtungo rito?” si Soichi, naguguluhan.

“’Oy! ’Oy! May bago na siyang friendship,” si Aneeza, nanunukso.

Ngumiwi ako. Ano’ng pinagsasabi nito? “Baka kabaliktaran? Baka enemyship!”

“’Sus. O siya, tara na sa Grossi!” pag-iiba ni Soichi ng usapan . . .

E, ano pa ba’ng sagot ko? “’Ge, ’ge.”

. . . at saka kinaladkad niya kami ni Aneeza palabas sa ’ming eskuwelahan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top