Episode 2 - Cupid's Squalling
KANNAGI
“So . . . ano’ng ginagawa mo rito?” Humalukipkip ako. Para akong miyembro ng Organisasyon ng mga Pilipinong Tsismosong May Care, na kasalukuyang kinikilatis ang bagong salta sa aming barangay.
Nakapagbihis na ako at nakaupo na ngayon sa pang-isahang sofa. Siya naman sa kabila, prenteng nakaupo saka kinandong niya pa ang kulay maroon na throw pillow. Base sa suot niya, napagtanto kong ’di naman siya magna. Agad na dumalaw ang ideya sa isip ko: Baka kamag-anak siya nila Ma’am Gulmatico. Pero kailangan ko munang makasiguro. ’Di dapat ako umastang kampante sa harap niya.
“Ako ang unang nagtanong kanina kaya sagutin mo ’ko ngayon. Bakit dito ka naligo? Sino ka ba? Ano ka ba rito?” sunod-sunod na paghagis niya ng kuwestiyon, gumagamit ng sagutin-mo-agad-ang-tanong-ko! na tono. ’Tapos, diskumpyado pa ang klase ng titig na ipinupukol niya sa ’kin.
“Ako si Kannagi Lacanlali, ang bagong caretaker sa mansyong ’to. Ikaw, sino ka?” Siyempre, hindi ako nagpatalo.
Ipinagkrus niya ang kanyang mga braso sa harapan ng dibdib. “My name’s Clyvedon Escarchia. Stepmom ko ang amo mo.” Bigla na lang tumaas ang gilid ng kanyang mga labi. “Pa’no ba ’yan? Ibig sabihin, isa na rin ako sa mga pagsisilbihan mo,” pasaring niya.
Nagpanting ang tainga ko dahil sa tonong ginamit niya—nang-aasar at siguradong may masamang pinaplano.
Translation sa sinabi niya: Pa’no ba ’yan? Isa na rin ako sa mga magpapahirap sa ’yo.
“Weh? ’Di nga? Pa’no naman ako maniniwala sa ’yo? May pruweba ka ba riyan?” Ako naman ang nagbato ng maraming tanong. Siyempre, kailangang may patunay gaya ng picture o ’di kaya’y may contact number siya ni Ma’am Gulmatico sa cell phone niya.
’Ika nga, “To see is to believe.”
“Wala kaming pictures. Wala rin akong number niya kasi ’di naman kami close. Pero pinilit ako nina Tita at Papa na tumira dito. Ngayon kung ayaw mong maniwala, tawagan mo siya at nang magkaalaman na,” sambit niya, nanghahamon.
Ba’t parang nababasa niya ang nasa isip ko?
Bumuntonghininga na lang ako. “Oo na! Oo na!” pagsuko ko.
Kinuha ko ang cell phone ko sa mini table ’tapos tuluyan na akong tumayo at naglakad para lumabas ng mansyon. Pero ’di pa man ako nakatatapak sa welcome mat nang magsalita ulit si Clyvedon: “About earlier . . . okay, ha. Nice body.”
Nagngangalit ang ngipin ko. ’Di ko siya nilingon, bagkus itinaas ko ang aking hinlalato sabay sigaw ng, “Pakyu ka!”
’Tapos, nagpatuloy na ako sa paglalakad palabas, mabibigat ang bawat hakbang, at saka lumabi.
• • • • •
Dumiretso ako sa ospital para dalawin si Tita Pamila at kumustahin ang kalagayan niya. Nadatnan ko siyang natutulog. Sa kabutihang-palad, ayon sa nurse na naabutan ko, ayos naman daw si Tita. Pero kailangan pa rin niyang manatili sa ospital para ma-monitor ng doktor ang kundisyon niya. At saka, kailangan din daw niya ng sapat na pahinga.
Hinayaan ko lang na natutulog si Tita. Binantayan ko siya nang ilang oras. Pero kalaunan ay lumabas na rin ako sa ospital. Dinadalaw na rin kasi ako ng antok, e; parang hinihila na ako ng kama para humilata.
Habang naglalakad pauwi sa ’min ay bigla na lang tumawag si Ma’am Gulmatico. Isa lang ang ibig sabihin nito: totoo ang sinabi n’ong Clyvedon na ’yon.
“Hello, ma’am? Good evening po.” Patuloy lang ako sa paglalakad. Tumingala ako sa langit; bumati sa ’kin ang maliwanag na buwan kasama ang kumukutitap na mga bituin.
“Kann, I’m sorry kasi ’di ko agad nasabi sa ’yo na darating diyan sa Merryfield ang stepson ko na si Clyve. It’s just that I’m busy the whole day,” paliwanag ni Ma’am Gulmatico sa ’kin mula sa kabilang linya.
Ngumiti ako nang pilit kahit ’di naman niya ako nakikita. Muntikan ko pang masabing, Naging mala-horror movie nga ’yong eksena kanina, ma’am, e, dahil sa buwisit n’yong stepson. ’Tapos, sinalo pa niya ’ko gamit ang sapatos niya! pero napagdesisyunan kong ’wag ’yon bitiwan. Sa halip na sabihin ’yon, iba ang isinagot ko: “Naku, ma’am, ayos lang po ’yon. Medyo nagulat lang ako kanina sa biglaang pagdating niya, pero naayos naman po. Okay naman po kami.”
Ano ba naman ’yan, Kannagi! Pambihira.
“I’m glad to hear that,” ani Ma’am Gulmatico. “Anyway, may pakiusap lang sana ako sa ’yo, Kann.”
Mariin akong napalunok ng laway. Bagama’t ’di pa niya nasasabi, may ideya na ako kung kanino papunta ang usapang ’to. “A-ano po ’yon, ma’am?”
“Pakibantayan naman si Clyve sa mansion at sa school. Mailap sa ’kin ang batang ’yon, pero itinuturing ko pa rin siyang tunay kong anak. I’m pretty certain na magkakasundo kayo n’on. Maaasahan ba kita, Kannagi?”
“Ahh”—Ma’am, kung alam n’yo lang kung pa’no siya naglagablab at nagdilim ang paligid ko no’ng nagkatagpo ang landas namin—“opo, ma’am. Makaaasa po kayo.”
“Thanks so much, Kannagi! See you soon. Ikumusta mo na lang ako sa tita mo, okay? Bye!” In-end na niya ang tawag pagkatapos niyang sambitin ’yon.
Isinilid ko ang cell phone ko sa ’king bulsa ’tapos napapadyak ako sa kalsada na parang isang tsikiting na nagta-tantrums. Pa’no na ngayon ’to? Napilitan akong mangako kay ma’am na babantayan ko ang kilos n’ong lalaking ’yon. ’Di pa man din maganda ang timpla namin sa isa’t isa.
• • • • •
Kinabukasan, maaga akong pumasok sa school namin. Pagpasok ko sa room, kaunti pa lang ang mga kaklase kong nandito. Umupo agad ako sa puwesto ko, second to the last row at malapit sa bintana.
Lord, sana, bigyan n’yo po ako ng peace of mind sa araw na ’to.
Tutal, wala naman akong assignment na kailangang kopyahin mula sa kaklase ko, naisipan kong i-check muna ang cell phone ko. Pagkabukas ko ng Messenger, nangunguna agad sa listahan ang group chat naming magkakaibigan.
Coterie of the Awake
6:42 AM
Aneeza:
Good morning, Dabarkads!
Mataas na score sa quiz cutie!
You:
What’s up, Madlang People! :)
Soichi:
Cutie nang cutie, ’di naman nag-review. Sana, okay ka lang.
You:
HAHAHAHAHA
Aneeza:
@Kannagi Lacanlali, ay, kapamilya ka pala, ’no?
@Soichi Yamamoto, ano naman kung ’di ako nag-review? Bakit, ikaw ba ang babagsak?
You:
Isulat mo na lang ulit sa kamay mo mga important details.
’Wag mo lang araw-arawin ang pagiging madaya :)
Aneeza:
The last time na sinunod ko tips mo, @Kannagi Lacanlali, ch-in-eck ni ma’am ang kamay namin :)
Hayp ka :)
You:
HAHAHAHAHA! Sorry na!
Soichi:
BWAHAHAHAHAHA! Dasurb!
Aneeza:
KESA NAMAN SA ’YO, SOITCHY, NAG-HONEST REVIEW SA ULAM NA BINIGAY NG KAPITBAHAY!
MUKHA KANG TIMANG!
Soichi:
BWAHAHAHAHAHA!
Speaking of honest review, punta tayo sa Grossi after class.
For the honest review na naman.
You:
Sige, sige.
Aneeza:
Pilitin mo muna ako.
Sige na nga.
Lezgooo!
Eksaktong natapos ang pag-uusap namin sa chat, nagsidatingan na ang iba ko pang mga kaklase. ’Tapos, sumunod na rin ang homeroom teacher namin na nakangiti, tila may bitbit na mabuting balita.
“Good morning, class. Please take your seats.”
Sabay-sabay kaming tumugon ng inensayong, “Good morning, Mrs. Rannos!” gamit pa rin ang pang-elementaryang tono.
Biglang naglaho ang ngiti ni Ma’am Rannos, ’tsaka siya tumikhim. “Joining our class as of today is”—iminuwestra niya ang kamay niya sa pinto—“Mr. Escarchia!”
Sinipat namin ang itinurong direksyon ng aming guro. At doon ay tuluyan nang pumasok sa silid ang isang lalaking wala sa listahan ng mga gusto kong makita sa araw na ’to. ’Nimal!
Agad na pumasok sa isip ko ang pang-aalaska niya tungkol sa katawan ko. Napatiim-bagang ako saka nagdilim ang paningin ko. Gusto kong magtaas ng kamay at magsabi ng, Ma’am, puwede pong ilipat n’yo na lang siya sa ibang classroom? Pero siyempre, ’di ko maaaring sabihin ’yon, wala akong karapatan. Sa halip na isatinig ’yon, inilibing ko na lang ’yon sa ’king lalamunan.
Naglakad si Clyvedon sa gitna at walang kaemo-emosyong humarap sa ’ming lahat.
Uminat ang mga labi ng aming guro sabay sabi ng, “Please tell us about yourself, Mr. Escarchia.”
Klinaro niya ang kanyang lalamunan bago magpakilala: “My name’s Clyvedon Escarchia. Puwede n’yo akong tawaging Clyve. I love skateboarding. And my motto in life is ‘Walk less, go skateboarding.’”
“That’s all?”
Tumango si Clyve saka naglakad siya patungo sa direksyon namin—ko. Gagi? Bumilis ang kabog ng dibdib ko. ’Di mapakali ang noo at labi ko. ’Di ko maintindihan kung bakit papunta siya sa ’king puwesto. Ibinuka ko ang bibig ko, ang mga salitang ’Wag kang lumapit sa ’kin ay nasa dulo na ng aking dila. Pero siyempre, ’di ko ’yon sinabi.
Lord, order ko po ay peace of mind. Ba’t mo po ako binigyan ng asungot?
“OMG! Makalaglag-panty, bhie,” narinig kong sabi ng isa.
Umugong ang bulong-bulungan ng mga kaklase ko habang humahakbang siya. Parang gusto pang sumigaw ng iba, pero ’di nila magawa kasi nandiyan si ma’am sa harap. Unang araw pa lang ni Clyve dito, nagkandarapa na agad sa kanya ang mga kaklase kong babae at binabae.
Parang tumaas ang presyon ng dugo ko nang umupo siya sa tabi ko. ’Tapos, sabi ng bago kong shitmate, “Maayos ba ang tulog mo?”
Translation sa sinabi niya: Ihanda mo ang sarili mo kasi bubuwisitin kita simula sa araw na ’to!
Subalit sinuklian ko lang siya ng tahimik na pagtrato. Makaraan ang ilang minuto, nag-umpisang mag-lecture ang instructor namin sa 21st Century Literature from the Philippines and the World. Habang nagsasalita ito, nagte-take down notes naman ako, at manaka-nakang nagawi ang tingin sa crush kong nakaupo sa unahan ko—si Luke.
Mula sa gilid ng mga mata ko, nakita kong sinaksak ni Clyve ng earphones ang tainga niya, halatang walang ganang makinig. ’Tapos, lumikot ang ulo niya at napa-lip-sync.
Kalaunan ay nabaling ang atensyon ko sa nahulog na ballpen ni Luke. Dali-dali akong yumuko para kunin ’yon at iabot sa kanya.
Ipinihit niya ang ulo niya sa direksyon ko at ngumiti. “Thank you.”
Nginitian ko rin siya. Parang may nag-play na love song pagkatapos niyang sabihin ’yon. Nalulunod sa kulay-rosas na liwanag ang paligid. ’Tapos, may mga bulaklak ng Malabulak pang dahan-dahang nalalagas kahit wala namang puno sa itaas.
Subalit parang may sasakyang biglang pumreno nang tumikhim ang asungot kong katabi, at sa isang iglap ay naputol ang magandang musikang naglalaro sa ’king pandinig.
“Tigil n’yo ’yan. Naalibadbaran ako sa inyo. Masyadong cliche ang eksena.” Umarte pang nasusuka si Clyve.
Gago talaga!
Pilit kong ininat ang mga labi ko. Napakahusay naman ng gunggong na ’to, puros kunsumisyon na lang ang ambag sa buhay ko. “Ang aga-aga mo namang maging putragis, Don Clyve.” Binaliktad ko lang ang Clyvedon.
Pagkatapos ng discussion, nag-anunsyo ang guro namin ng, “Okay, class, let’s have a short quiz. Get one-half lengthwise.”
At dahil may tililing ’yong isa kong kaklase, nagbato siya ng tanong: “Lengthwise, ma’am?”
“Yes! Kasasabi ko lang, ’di ba? Nasa harapan ka pa man din.”
Bumungisngis kaming lahat.
“Penge akong papel,” narinig kong sabi ng isa kong kaklase, na nakaupo sa likuran namin ni Clyve.
“Pasensiya na, ha. Nilagyan ko na kasi ng pangalan at grade and section ang lahat, e,” sagot naman n’ong katabi niya.
“Ayusin mo naman ang paghati,” reklamo ng isa, na nasa kabilang row. “Yuck! Laway talaga?”
“Mas madali ’to kaysa hahanap ka pa ng gunting! ’Wag kang magulo, puwede ba?” tugon naman n’ong seatmate niya.
“Nakakadiri! Basang-basa na ang papel! Sa ’yo na ’yan. Nademunyu ka.”
Binuksan ko ang bag ko saka pasimple akong kumuha ng isang pirasong papel. ’Tapos, kinalabit ko si Luke. “Luke, hati tayo,” alok ko sa kanya.
“Sorry, Kann. May kahati na kasi ako, e,” pagtukoy niya sa katabi niyang babae.
Parang may kutsilyong tumarak sa dibdib ko. Gayunpaman, pinilit ko na lang na ngumiti.
Kapagkuwa’y nagpanting ang tainga ko nang bumulong ang katabi ko ng, “Uh-oh! Mukhang umiiyak na ngayon si Cupid, a. Ikaw lang kasi ang”—inilapit niya ang bibig niya sa tainga ko—“tinamaan.”
Gusto ko siyang gripuhan sa tagiliran gamit ang ballpen. Muntik na akong sumigaw ng, Buwisit ka, Clyve! Ba’t ka ba naligaw rito sa section namin? Ba’t ka ba nagpunta rito sa Merryfield? Mamatay ka na! Mamatay ka na! pero ’di ko tinuloy. Badtrip. Sa halip na sabihin ’yon, napagdesisyunan ko na lang na sumagot ng, “Siguro, hari ka.”
Nangungunot ang noo, binato niya ako ng tanong: “Pa’no mo naman nasabi?”
“Kasi . . . kingina mo.”
Kinumpiska niya ang hawak kong papel kaya pinako ko ang matalim na tingin sa kanya. “Lahat tayo’y may papel sa mundong ito. Ba’t wala ka ngayon?”
Pero ’di siya nasindak sa akin. “’Wag kang madamot.”
Makaraan ang ilang sandali’y biglang sumulpot sa gilid ni Clyve si Cerri, ang vice president ng Volunteer Club na mahilig mang-recruit ng members sa pamamagitan ng ganda niya. Blonde ang buhok niyang hanggang balikat, halatang makapal ang ginamit niyang kolorete sa mukha, at ang mga labi naman niya’y napapalamutian ng kulay magenta.
“Clyve, right? Ako nga pala si Cerri Libres,” pagpapakilala nito. “Hati tayo, please?” Kumurap-kurap pa siya, nagpapa-cute sa katabi ko.
Dumako ang tingin ko kay Clyve. Parang waepek. Hindi siya naengkanto—este, nabighani sa kagandahan niya. Alanganin siyang ngumiti. “Pasensiya ka na, Cerri, a,” aniya at itinuro ako. “Kami na kasi, e . . .”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top