Episode 18 - Out of the Blue

KANNAGI

Totoo bang mahal niya ’ko o niloloko lang niya ’ko? Totoo bang attracted siya sa lalaki o niloloko lang niya ang kanyang sarili? Ilan lang ’yan sa mga tumatakbo sa isip ko habang isinusugod namin si Luke sa ospital. Ang daming gumugulo sa isip ko; parang mabibiyak na nga ang aking ulo.

Idiniretso siya sa emergency room. Pagkatapos n’on, nagpaalam na sa ’kin sina Gemini at Wayo. C-in-ontact ko si Rich at tinawagan naman niya agad ang mommy ni Luke kaya halos sabay lang din silang dumating dito.

Gumuhit ang pag-aalala sa mga mata ng mommy niya habang ’di mapirmi sa isang tabi. Naihagis pa nito ang isang kamay patungo sa kanyang bibig.

“A-alam mo namang allergic ka sa alcohol. P-pero bakit ang tigas ng ulo mo at tumikim ka pa rin?” ang paulit-ulit niyang sinasambit (nagkandautal pa nga siya sa kaba) habang palakad-lakad sa harapan ng E.R.

Nanlalata akong napaupo sa isang sulok, ’tapos mariin akong napapikit. Sobrang bilis ng mga pangyayari at ang hirap iproseso. Ang daming sumalpok sa utak ko at parang gusto ko na lang itulog ang lahat, umaasang sa paggising ko, tatantanan na ’ko ng mga ito.

Ramdam kong may yabag na papalapit sa kinalulugaran ko kaya dagli kong iminulat ang aking mga mata.

Bumungad sa paningin ko si Rich. Ipinuwesto niya ang mga kamay niya sa magkabilang bulsa ng kanyang pantalon bago magtanong, “Si Clyve?”

Umiwas ako ng tingin. Nag-init ang sulok ng mga mata ko nang banggitin niya ang pangalang ’yon. Sa mga sumunod na minuto, nanatiling nakatikom ang bibig ko; ’di ko sinagot ang tanong na isinaboy niya sa ’kin.

Halos trenta minutos ang lumipas, naging maayos naman na ang lahat kaya kaagad kaming pumasok sa loob para i-check si Luke na nakahiga sa hospital bed.

Kagyat na hinuli ng mommy niya ang isa niyang kamay habang umiiyak ito at manaka-nakang sumisinghot. “Ang tigas talaga ng ulo mo,” panimula nito, hindi pasigaw, walang ngitngit, kun’di puno ng pag-aalala. “Kung may nangyaring masama sa ’yo due to shortness of breath, pa’no na ’ko? Luke, hindi ko kayang mabuhay nang wala ka. Ikaw na lang ang meron ako ngayon, son.”

Dumausdos na rin ang mga luha ni Luke sabay sabing, “I-I’m sorry, Mom. S-sorry.”

“’Wag na ’wag mo na ulit gagawin ’yon, okay?” mangiyak-ngiyak nitong saad.

Tumango-tango si Luke. Doon na siya ikinulong ng mommy niya gamit ang mga bisig nito, ’tapos hikbi na nilang dalawa ang pumuno sa apat na sulok ng silid na ito.

Pagkatapos masaksihan ang eksenang ’yon, pasimple na ’kong naglakad palabas, hindi na nagawang magpaalam sa kanila. Ayaw kong sirain ang moment nilang mag-ina. Ayaw kong maging pa-relevant. Hindi naman ako ang bida sa kuwentong ’to. Isa lang akong hamak na supporting character. Kumbaga, pang-character development lang ako ng ibang tao.

• • • • •

Dumaan ang ilang araw nang hindi ko kinakausap o pinapansin si Clyve. Hindi na rin ako nagpupunta sa mansyon para linisin ’yong swimming pool at bakuran. Nitong nagdaang mga araw, parang tinakasan ako ng gana at lakas. Gusto ko na lang magmukmok sa kuwarto ko pagkatapos ng eskuwela. Kailangan ko munang tiisin sa ngayon ang pagtatagpo namin sa iisang classroom. Ilang araw na lang din naman, Christmas break na namin.

Kahit si Tita Pamila, nababahala na rin sa ikinikilos ko. Sa tuwing kumakatok at pumapasok siya sa kuwarto ko, pupunasan ko agad ang mga luhang naglakbay sa pisngi ko, magtaas-baba ng Adam’s apple, at aastang parang walang nangyari. Nahihiya at natatakot akong i-share sa kanya ’tong problema ko. Ayaw kong ipakitang lugmok na lugmok ako.

Tinadtad ako ni Clyve ng text messages, chats, at missed calls pero ’di ko pinansin. ’Pag nakikita ko ang pangalan niya, naaalala ko na naman ’yong video na ipinakita ni Luke sa ’kin, ’yong video na kung saan nagkatagpo ang mga labi nina Clyve at Cerri. Sa tuwing nagpa-flash ’yon sa isip ko, bumabalik ang pamilyar na sakit.

Mabilis na lumipad ang panahon. Pagkatapos ng klase no’ng Huwebes, ang huling araw bago magbakasyon, napagpasyahan kong bumisita sa Walang Pangalan Bookstore at nakipagkita kina Soichi, Aneeza, at Gemini. Nag-chat din sa ’kin si Rich na gusto niyang makipagkita sa ’kin kasi may sasabihin daw siya.

“Kumusta naman ang beshie ko na ’yan?” ang pambungad na tanong sa ’kin ni Aneeza, tina-try akong patawanin at pagaanin ang atmosphere pero waepek.

Kasalukuyan kaming nakaupo sa isang table habang may kanya-kanyang libro sa kamay. Si Gemini ang katabi ko, samantalang sina Soichi at Aneeza naman ay kaharap namin.

Parang may nakadagan sa dibdib ko. “M-magsisinungaling ako kung sasabihin kong ayos lang ako.” Bumuntonghininga ako pagkatapos kong sambitin ’yon.

Tumikhim naman si Soichi bago maghagis ng kuwestiyon: “Nag-usap na ba kayong dalawa ni Clyve?”

Umiling ako, mabagal, walang gana.

May kamay na biglang dumapo sa kaliwang balikat ko kaya dali-dali kong nilingon ang nagmamay-ari nito—si Gemini. “Kann, alam naming nasaktan ka no’ng napanood mo ’yong video clip na ’yon. Hindi namin ini-invalidate ang feelings mo. Pero, baka puwede n’yo ’yang pag-usapan ni Clyve? Alamin mo ang side niya o ang buong story.”

“Hanggang dito ba naman, Aningza, K-drama pa rin ang inaatupag mo?” puna ni Soichi sa katabi. Pa’no ba naman kasi, may libro nga siyang kinuha pero may cell phone namang nakapatong do’n.

Tinaasan siya ng kilay ni Aneeza. “Ano ba’ng pakialam mo, ha? ’Tsaka, C-drama ’to, ’no, hindi K-drama.”

“Ano ba talaga ang gusto mo, K-drama o C-drama?”

Nagkasalikop ang mga bisig sa harap ng dibdib niya. “Ba’t ako mamimili if puwede namang pagpuyatan pareho?” sabi niya kay Soichi. At sa ’kin: “Anyway, tama naman si Gemini, Kannagi. Puwede n’yo namang pag-usapan ’yan ni Clyve. Pero ’di naman namin sinasabing now na agad. Take your time. Naiintindihan ka rin naman namin.” Isang tipid na ngiti ang kumurba sa labi niya.

“Oo nga,” segunda ni Soichi.

Bahagya kong itinungo ang ulo ko. Wala akong maapuhap na angkop na sagot kaya sa huli, tumango-tango na lang ako.

Sa mga sumunod na minuto, bumalot sa ’min ang nakaiilang na katahimikan. Parang natatakot ang lahat na umimik pang muli. Pagkatapos ng ilang sandali, biglang tumunog ang chime, dahilan upang mapalingon kami sa pinto ng bookstore. Tumambad sa paningin namin si Rich na naka-tuck in, ang isang kamay ay nakatago sa kanyang bulsa, at matiim ang titig na ipinukol niya sa ’min.

Nang makalapit siya sa amin, umusog si Gemini sa kabilang upuan saka niya iminuwestra ang kanyang kamay sa upuang inokupahan niya kanina kaya sa tabi ko pumuwesto si Rich.

“Kann, kailangan n’yong mag-usap ni Clyve,” giit niya. “I know him. Hindi niya magagawang lokohin ka. He loves you so much.”

Naguguluhan ako kung ano ang isasagot ko. Pa’no mo naman nasabi? Baka naman pinagtatanggol mo lang siya kasi kaibigan mo siya? Baka naman nandito ka lang para linisin ang imahe niya at pagtakpan ang kasalanan niya? Paano kung: “Pa’no ka nakasisiguro?”

Pinigilan ko ang sarili kong maiyak kasi naalala ko na naman ’yong video. Itinago ko sa ilalim ng habilog na mesa ang nanginginig kong mga kamay habang naghihintay sa sasabihin ni Rich.

“Of course, I know,” puno ng kumpiyansa niyang sagot. “Sa lahat ng mga naging kaibigan niya, ako ang mas nakaaalam tungkol sa kanya—sa pagkatao niya. Kann, he’s into you, at wala na siyang ibang gusto. Matapang niyang inamin sa ’min na lalaki ang gusto niya, at ikaw ’yon!”

Kinagat ko ang ibabang labi ko. Tinapunan ko ng tingin sina Gemini, Soichi, at Aneeza at wala silang ibang ginawa kun’di ngumiti at tumango.

Pero . . . pero ba’t niya kahalikan si Cerri?

Si Rich na para bang nababasa niya ang iniisip ko, bumuntonghininga siya bago magsalita, “Ie-explain ko ’yong video na ipinakita ni Luke. It’s a dare. D-in-are si Cerri ng ka-orgmates niya na pinangunahan ng hayop na Zeek na ’yon! Correction: hindi sila naghalikan kasi hindi naman tumugon ng halik si Clyve. Alam mo ba kung ano ang ginawa ng kaibigan ko pagkatapos siyang halikan ng babaeng ’yon?”

Bahagyang umawang ang labi ko. Hindi mo kasi siya hinayaang mag-explain, Kannagi! Nagpadala ka kasi sa emosyon mo! Naniwala ka kasi sa mga gumugulo sa isip mo!

Doon ay pumikit ako nang mariin at kasabay n’on ang pagtakas ng mga luha ko.

“Inilayo niya agad ang mukha ni Cerri sa kanya,” pagpapatuloy niya. “Pinagsabihan niya ang babaeng ’yon na mali ’yong ginawa niya kasi may boyfriend na siya. At sinabi niya sa lahat ng nandoon, Kann, na ikaw ang boyfriend niya. Proud siya sa ’yo, Kann, at kailanman ay hindi ka niya lolokohin.

“Alam mo ba, no’ng binanggit ko kay Clyve na na-admit ang tita mo sa ospital, he’s willing to help you. Hihingi raw siya ng pera sa papa niya. Kaya lang, nagka-idea ako: pauutangin kita pero ’di ko papatungan ang isisingil ko sa ’yo. Alam ko kasi no’ng panahon na ’yon na ako ang ’laging nilalapitan ng mga estudyante sa Merryfield High ’pag usapang pera.

“At saka, no’ng paiinumin sana kita ng isang pitsel ng alak, gusto ko lang talaga i-test ang pagmamahal niya sa ’yo. ’Di ba inagaw niya ’yong isang pitsel at siya ang umubos ng laman n’on? ’Di ba iniligtas ka niya at dinala ka niya sa loob kasi alam niyang ’di ka kumportable sa mataong lugar? Gano’n ka niya kamahal. Ayusin n’yo ’tong dalawa. Communication . . . diyan kayo nagkulang noon.”

Habang dumadausdos ang mga luha ko sa ’king pisngi at papunta sa baba ko, walang sabi-sabing tumayo ako, buo na ang desisyon. Kailangan kong makausap si Clyve. Kailangan kong mag-sorry sa kanya. Kailangan kong itama ’to. Ako dapat ang rumesolba nito.

Kaagad ko silang iniwan at nilisan ang bookstore. Kumaripas ako ng takbo habang tuloy pa rin ang pagtulo ng aking luha. Kasalanan ko ’to. Sobrang mali ako. Naniwala agad ako sa video at hindi man lang inalam ang buong kuwento. Nagpadala ako kay Luke na balak talaga kaming paghiwalayin. Hinayaan kong lasunin ng mga masamang bagay ang pag-iisip ko.

Napasinghot ako habang patuloy lang sa pagtakbo saka maya’t mayang nagpupunas ng luha. Kailangan kong ituwid ang pagkakamali ko. Kailangan kong ayusin ang relasyon namin ni Clyve.

Subalit hindi pa man ako nakalalayo sa pinanggalingan ko, napagtanto kong naiwan ko pala ang sapatos ko sa daan kaya dali-dali ko itong binalikan. Sa sobrang emosyonal ko, sa sobrang aligaga ko para mapuntahan lang si Clyve, ngayon ko lang napansin na humiwalay na pala sa ’kin ang sapatos ko.

Karaka-raka ko itong isinuot. Nahagip ng paningin ko ang isang itim na van na huminto sa tapat ko pero ’di ko ito pinansin. Ang mahalaga sa ngayon ay makita ko si Clyve para makahingi ako ng tawad.

Di-kaginsa-ginsa, may mabigat na bagay na hinampas sa likod ko ng kung sino, dahilan para mawalan ako ng balanse at tuluyang sinalo ng maalikabok na daan. Mabilisang kumalat ang sakit sa buo kong katawan at unti-unting kinumpiska ang lakas ko. Hanggang sa dahan-dahang sumusuko ang mga talukap ng mata ko, ’tapos sinakop ng kadiliman ang buong paligid.

• • • • •

Nang imulat ko ang aking mga mata, nag-iba na ang kinaroroonan ko. Hindi ko alam kung saang lupalop na ’ko napunta. Madilim dito kaya naman ay sinalakay kaagad ako ng kaba at pangamba. Namamawis na rin ang noo ko. Hanggang ngayon ay hindi pa rin hinihiwalayan ng sakit ang likod ko dahil do’n sa bagay na tumama rito.

Iginala ko ang aking mga mata. Mukhang walang kagamit-gamit ang silid na kinalulugaran ko. Hindi ko rin makita kung saan banda ang pintuan.

Nasaan ako? Sino ang dumukot sa ’kin? Hindi puwede ’to. Kailangan ko pang puntahan si Clyve! Kailangan naming mag-usap!

Biglang rumehistro sa ’king pandinig ang ingay na nagmula sa labas kaya naalarma ako. Gusto kong sumigaw nang malakas, ang problema, may nakatapal na tape sa bibig ko. Gusto kong tumayo o tumakbo, kaso, nakagapos ang mga kamay at paa ko sa isang silya.

Kung sino man ang taong nasa likod ng lahat ng ’to, pihadong may galit siya sa ’ming dalawa ni Clyve. Ayaw niya kaming magkasama o magkatuluyan.

Nanlaki ang mga mata ko nang may ideyang sumalpok sa isip ko: Baka siya ’yong sumusunod sa ’min ni Clyve noon. May naramdaman kasi akong sumusunod sa ’min no’ng dumalaw kami sa puntod ni Hasna. May isang pares ng mga mata ring nakatutok sa ’min no’ng nagpaulan kami sa gitna ng plaza.

Hindi pala ako napa-praning. Ngayon ay sigurado na ’kong itong k-um-idnap sa ’kin ang parating nakabuntot sa amin noon, naghihintay ng tamang oras para sumugod. At sinunggaban na nga niya ang pagkakataon kanina, kung kailan mahina ako. Inaamin ko, mautak ang isang ’to.

Makaraan ang ilang segundo, naglakbay ang makatindig-balahibong paglangitngit ng pinto patungo sa magkabila kong tainga kaya napalunok ako ng laway at muling binundol ng kaba. Kung ’di ako nagkakamali, nasa bandang likuran ko ang pintuan. Nangatog ang mga tuhod ko. Hindi ako makalingon kaya napadasal na lang ako na sana’y wala siyang dalang matulis na bagay o baril. Sana, ’di niya ako aatakihin mula sa likod.

Habang palapit nang palapit ang mga yabag niya sa kinauupuan ko, palakas naman nang palakas ang tibok ng aking puso.

Maya-maya pa’y naramdaman kong huminto siya sa harapan ko. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kanya. Hindi ko maaninag ang mukha niya pero nakasuot siya ng itim at makapal na leather jacket, pantalon, at saka sombrero.

Nais ko sanang isigaw sa kanya, ’Di mo ’ko maloloko, Luke! pero ’di ko magawa dahil sa sitwasyon ko ngayon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top