Episode 17 - Hugs and Could'ves

KANNAGI

’Di tulad sa movies na napanonood ko noon na kapag nauulanan ang mga bida o may romantic scenes sa gitna ng ulan, parang wala lang pagkatapos. Pero ang isa sa ’min, si Clyve, matapos magpaulan, nilagnat kinabukasan.

“Bakit naman kasi nagpaulan ang mosh ko na ’yan?” Bagama’t alalang-alala na ’ko sa kalagayan niya, nagawa ko pang magbiro. Nilapat ko ang isa kong kamay sa kanyang noo, samantalang idinikit ko naman ang kabila sa noo ko. Mas mainit talaga siya kaysa sa ’kin!

Kaya ang sunod kong ginawa, aligaga akong nagtungo sa kusina para kumuha ng maliit at malinis na palangganang may lamang maligamgam na tubig. Pagkabalik ko sa ikalawang palapag, sa kuwarto ni Clyve, dumukot na rin ako ng bimpo mula sa isang tokador dito. ’Tapos n’on, pinunasan ko ang buo niyang katawan at saka sa huli’y inilagay ko ang nakatuping bimpo sa kanyang noo.

Dito na ako natulog sa mansyon kasi wala siyang kasama. Ipinaalam ko naman na kay Tita Pamila na masama ang pakiramdam ni Clyve at kailangan niya ng kasama kaya naintindihan naman niya agad. Nawala na rin sa isip ko kung ano man ang mga ganap sa eskuwelahan namin. Ang mahalaga sa ngayon ay gumaling si Clyve.

Kinabukasan, dumalaw rito si Tita at nagdala ng mainit na congee. ’Di naman siya nagtagal; nagpaalam kaagad siya pagkatapos niyang ilagay sa mangkok ang kanyang dala.

Hinatid ko siya patungo sa labas. “Mag-ingat po kayo, Tita. ’Wag n’yo pong kalimutan: umiwas po muna kayo sa mabibigat na gawaing-bahay. Okay?”

“Sige po, ’Tay,” biro pa niya.

Pagkasara ko ng gate, tumalikod ako para bumalik sana sa loob, kaso, may biglang nag-doorbell kaya dali-dali akong pumihit at muling lumapit dito.

“Sino ’yan?” kapagkuwa’y tanong ko.

“Kann, ako ’to si Gemini,” agarang sagot nito.

Kaagad kong binuksan ang gate at tumambad sa paningin ko ang nakangiting si Gemini at may kasama pa siyang isang lalaki—halos ka-height ko lang din, payat, at saka nakasuot ng salamin sa mata. Sa tantya ko, kaedaran lang niya ’tong si Gemini.

“Tuloy ka, Gemini,” ang sinabi ko sa kanya, suot-suot ang malapad na ngiti. At sa kasama naman niya: “At ikaw rin . . .”

Pinagdaop niya ang kanyang mga palad at saka bahagyang yumuko. “Hello po! I’m”—napalunok siya ng laway—“I’m Joaquin Yulores Agcaoli. Wayo na lang po.”

“Ahh. Pasok ka, Wayo.”

Iginiya ko sila patungo sa loob at pinaupo sa sofa. Nagpaalam muna ako sa kanila saglit kasi may kailangan pa talaga akong gawin sa itaas: kailangan ko pang pakainin at painumin ng gamot si Clyve.

Pumanhik ako sa ikalawang palapag at dumiretso sa kuwarto ni Clyve. Maingat ko siyang isinandig sa headboard ’tapos sinubuan ng mainit-init pang congee. Hindi na maipinta ang kanyang mukha, manaka-nakang napaungol sa init ng katawan, at saka napabuntonghininga.

Pagkalipas ng ilang sandali, pinainom ko siya ng gamot. Napagpasyahan ko ring palitan ang pang-itaas na damit niya nang mapansin kong basa na ito sa pawis. ’Tapos, pinahiga ko na siya ulit.

At sa awa ng Diyos, nang i-check ko ulit ang temperature niya, bahagya naman itong bumaba kaya kahit papa’no ay nakahinga na rin ako nang maluwag.

Nang makasigurong maaari ko nang iwan si Clyve para magpahinga, pumanaog na ’ko sa ibaba ’tsaka dumiretso sa kusina. Nadaanan ko sina Gemini at Wayo; nginitian ko lang sila. Nakahihiya kasi pinaghintay ko silang dalawa rito.

Pagkatapos kong ilagay sa lababo ang palanggana at basong may natirang kaunting tubig, sinulyapan ko ang mga bisita. Natanaw kong tumayo ’yong Wayo at pinasadahan ng tingin ang mga larawan ng pamilya Gulmatico. Kapagkuwa’y gumuhit ang lungkot sa kanyang mga mata.

Kumunot bigla ang noo ko. ’Tapos, may ilang tanong na dumaan sa isip ko: May pakay siya sa mga Gulmatico? Akala ko, kay Clyve. Ano kaya ang ugnayan niya sa stepbrother ni Clyve?

Sa isang iglap, pumihit ang leeg niya sa direksyon ko, dahilan upang magtama ang mga mata namin. Banat nang bahagya ang labi niya kaya ginantihan ko siya ng isang maliit na ngiti. Dahil na rin siguro’y ginapangan siya ng hiya, umupo ulit siya sa tabi ni Gemini.

Habang pinapahid ang basa kong kamay sa laylayan ng damit ko, sumunod na rin ako sa sala at inilapat ang puwet ko sa pang-isahang sofa.

Upang tuluyang basagin ang katahimikang bumabalot sa sala, si Gemini na ang nangahas na nagsalita: “Um . . . nagkita nga pala kami ni Wayo sa Walang Pangalan Bookstore. Tinanong niya ’ko if kilala ko raw ba ang mga Gulmatico. I said yes, that’s why I bring him here. Alam ko kasing nagtatrabaho ka rin dito—nakuwento mo sa ’kin one time.”

Tumango-tango ako at saka bumaling sa kasama niya. Nag-rehearse muna ako sa isip ko, Ba’t ka nandito? Ano’ng ginagawa mo rito? Ano’ng kailangan mo sa pamilya Gulmatico? Para hindi maging tunog mataray, sabi ko na lang, “Ano pala ang pakay mo sa mga Gulmatico, Wayo?”

Inayos ni Wayo ang sarili nang mapagtantong hindi mapakali ang mga kamay niya, klinaro ang lalamunan, at saka siya sumagot, “May balita na po ba kayo kay Satang? May na-mention po ba sa inyo si Tita kung kailan sila uuwi rito sa Pilipinas?”

Ikiniling ko nang bahagya ang ulo ko. Muntikan ko nang masabing, Sino si Satang? pero naisip kong si Sander siguro ang tinutukoy niya, anak ni Ma’am Gulmatico. Kaya imbes na Sino si Satang? binato ko siya ng angkop na kuwestiyon: “Kaibigan ka niya?”

Subalit bago pa man siya makasagot, sumingit itong si Gemini, ginatungan ang tanong ko ng, “If you two are friends, ba’t ’di mo na lang siya i-text o i-chat?”

Awkward na ngumiti si Wayo. “’Yan na nga po ang problema, e. ’Di ko na siya ma-contact. ’Di kasi siya active sa social media at saka mukhang nagpalit na rin siya ng number. Kaya po ako nandito ay dahil nagbabakasakali akong may nasabi sa inyo ang mommy ni Satang,” ang isinagot niya bago itinungo ang ulo, may bahid na pag-aalala sa bawat salitang binitiwan niya.

Ginapangan na rin tuloy ako ng lungkot habang nakikinig. Nang hindi tinatanggal ang tingin sa kanya, sinabi ko, “Hindi ko alam ang buo n’yong istorya, Wayo. Pero tatagan mo lang ang loob mo. ’Wag kang susuko. ’Di bale, ’pag nakausap ko ulit si Ma’am Gulmatico, isisingit ko ang tanong kung kailan sila uuwi rito sa Pilipinas.”

Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin sa akin at unti-unting uminat ang kanyang mga labi. “T-talaga po? Thank you po.”

“Hindi ako mangangako. Pero susubukan ko.”

“Salamat po.”

Tumayo si Gemini. “O siya, tara na, Wayo. Mukhang may gagawin pa kasi si Kannagi, e,” proklama niya at agad naman siyang sinang-ayunan ng kanyang kasama.

Akma silang hahakbang pero agad din silang natigil nang marahas na bumukas ang malaking pinto at iniluwa niyon si Luke. Pasuray-suray na siya kung maglakad, namumula ang magkabilang pisngi, at tila sumisirko-sirko ang paningin. Ano’ng problema niya? Tirik na tirik pa ang araw sa labas, may amats na siya!

“C-Clyve! Clyve, l-lumabas ka riyan!” ang pinaghirapan niyang ibigkas habang ang mga kamay ay tapon doon at tapon dito.

Dali-dali naman siyang nilapitan nina Gemini at Wayo. Isinampay nila sa kanilang leeg ang magkabilang braso ni Luke at saka inalalayan ang huli papunta sa sofa.

Sa halip na umalis ang dalawa, nanatili muna sila rito sa loob.

Agad akong lumapit. “Luke”—Pa’no ’to? ’Di ko alam kung pa’no mag-handle ng taong lasing!—“ba’t ka nandito? Ba’t mo hinahanap si Clyve? M-may problema ba?”

“W-wala na si . . .” Bumagsak sa sahig ang kanyang mga mata. “. . . wala na si Hasna, Kann. At kasalanan ’yon ni Clyve!”

“Shh!” Hinagod ko ang kanyang likod. “Walang kasalanan si Clyve, Luke. At saka isa pa, matagal nang wala si . . . matagal nang wala si Hasna, ’di ba? Siguro”—panandalian kong kinagat ang pang-ibaba kong labi—“siguro, panahon na para mag-move on.”

Doon ay tuluyan siyang humagulgol; nagtaas-baba ang kanyang mga balikat. Niyakap ko siya habang patuloy na inaalo.

Kinakabahan ako. Lasing siya at sinisisi niya pa si Clyve sa pagkawala ni Hasna. Panigurado, may gagawin siyang hindi maganda. Hindi siya puwedeng mag-eskandalo rito, lalo na’t hindi maayos ang pakiramdam ni Clyve ngayon.

“K-kung nasabi ko lang noon na gusto ko siya, siguro, nandito pa sana siya ngayon,” si Luke, nanghihinayang. “K-kung niligawan ko siya agad, kung hindi ako naging duwag na iparamdam sa kanya na may nagmamahal sa kanya, siguro, kasama pa namin siya ngayon.” Iyon ang mga sinabi niya sa gitna ng paghagulgol at pagsinghot.

Kailangan kong dagdagan ’yong sinabi ko para tuluyan siyang kumalma. Kailangan kong sabuyan ng tubig ang apoy. “Walang kasalanan si Clyve, at wala ka ring kasalanan, Luke. Walang may gusto sa nangyari. Matagal na ’yon. Siguro, panahon na para mag-move on—maghilom. ’Di mo naman kailangang kalimutan si Hasna, ang babaeng minahal mo noon, at ang mga alaalang binuo n’yo. Ang sa ’kin lang, tanggapin na lang natin ang nangyari, na wala na siya, at wala na rin tayong magagawa ro’n.”

“A-ano ’yong ingay kanina? Ano’ng nangyayari dito?”

Naputol ang aming usapan at saka mabilis akong kumalas mula sa pagkakayakap kay Luke nang rumehistro sa pandinig ko ang boses ni Clyve. Bakas sa kilos at hitsura niya na hindi pa niya kaya. Kaya ang sunod na ginawa ko: hindi ako nagdalawang-isip na iwanan si Luke para lapitan siya at alalayan pababa ng hagdan.

“’Di ka na sana lumabas ng kuwarto mo,” saway ko sa kanya. “Halata namang ’di ka pa magaling at ’di mo pa kayang tumayo nang matagal. Kailangan mong mag—”

“Kakausapin ko lang siya,” putol niya sa ’kin. ’Tapos, bumaling siya sa kanyang kaibigan. “Luke, ikaw ba ’yong nagwala kanina? Ano ba’ng . . . ano ba’ng problema mo, ha?”

“Ikaw! Ikaw ang problema ko!” sikmat nito agad. Dali-dali itong tumayo at padaskol na lumapit kay Clyve para suntukin siya.

Pareho kaming natumba. Mabilis pa sa alas-kuwatro na iniharang ko ang sarili ko para hindi na siya muling tamaan ng nagngangalit na kamao ng kaibigan niya. “Tama na, Luke! M-masama ang pakiramdam ni Clyve! ’Wag ngayon, please!” pakiusap ko rito.

Samantalang sina Gemini at Wayo naman, karaka-rakang hinawakan nang mahigpit ang magkabilang bisig ni Luke, pinipigilang makalapit sa ’min.

“Kasalanan mo kung ba’t nawala si Hasna!” Nagpumiglas siya, pero sa puntong ’to, mas malakas ang pinagsamang puwersa nina Gemini at Wayo. “Bitiwan n’yo ’ko!” bulyaw niya sa dalawa. At kay Clyve: “Kung ’di ka nakipagkita kay Hasna noon, kung hinayaan mo ’kong umamin sa kanya no’ng gabing ’yon, e ’di sana, buhay pa siya! Ni-reject mo siya kaya siya nagpakamatay!”

“Siya ang lumapit sa ’kin, Luke!” ganting sigaw ni Clyve. “’Tsaka, ikaw na rin mismo ang nagsabi no’ng dinalaw natin siya sa sementeryo na pinatawad na ako ni Hasna kasi matagal na ’yon, ’di ba? Ano’ng pinuputok ng butsi mo ngayon?”

Biglang bumaling sa ’kin si Luke ’tapos umangat ang kanto ng labi niya, dahilan para tubuan ako ng kaba. “Sigurado ka ba riyan sa lalaking ’yan, Kann?”

Kumalabog ang puso ko at mariin akong napalunok. Ano’ng ibig niyang sabihin?

“Niloloko ka lang ng gagong ’yan!” Dinukot niya mula sa kanyang bulsa ang cell phone niya, may pinindot siya roon, at pagkatapos ay iniharap niya ’yon sa ’min.

Nanlaki ang mga mata ko, dahan-dahang napatayo, at saka natutop ko ang aking bibig dahil sa gulat. Nanlumo ako sa nakitang video: naghalikan sina Clyve at Cerri.

Parang may kutsilyong tumarak sa dibdib ko. Doon ay sumalpok sa isipan ko ang ilang mga alaala: No’ng nakita kong nagtatawanan sina Clyve at Cerri sa loob ng infirmary; no’ng parati siyang hinahanap ni Cerri mula sa house party hanggang sa ospital; at itong videong kapapanood ko lang.

Unti-unting bumagsak ang tingin ko kay Clyve, na nanatiling nakaupo. Narumihan na ang pangalan niya sa utak ko. Habang nanlalabo ang aking mga mata dahil sa namumuong luha, nagawa kong maghagis ng tanong: “A-ano’ng ibig sabihin nito, Clyve?”

Nagtiim-bagang siya. “K-Kann . . . Kannagi, let me explain.”

Dadagdagan pa sana niya ang kanyang sinabi, ngunit sa kasamaang-palad, bigla na lang lumupaypay sa sahig ang katawan ni Luke. Napasinghap sa gulat sina Gemini at Wayo. Ilang sandali namin siyang pinagmasdan. Tila naninikip ang kanyang dibdib, hinahabol ang hininga, at pulang-pula na ang buo niyang mukha.

“T-tumawag kayo ng ambulansya! Dali!” pasigaw na utos ni Clyve, na natatarantang nilapitan ang kaibigan. “Kailangan natin siyang dalhin sa ospital! Allergic reaction. Nakuwento sa ’min ng mommy niya after no’ng house party na bawal talaga siyang uminom. He is allergic to alcohol!”

Parang napako na ang mga paa ko sa kinatatayuan ko, hindi alam kung ano ang gagawin o paiiralin. Naghalo-halo na ang emosyon ko—gulat na ginatungan ng galit at sinamahan pa ng sakit. Samantala, ang dalawang bisita ay kasalukuyang may dina-dial sa cell phone. Si Clyve naman ay tsine-check pa rin si Luke; inuuga niya ito at paulit-ulit na binabanggit ang katagang, “Lumaban ka, Luke.”

Hanggang sa narinig naming bumigkas si Luke ng, “H-hindi ako makahinga . . .”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top