Episode 16 - Fear Is a Liar [1/2]

KANNAGI

Saan ka ba natatakot?

Meron tayong iba’t ibang kinatatakutan tulad ng takot sa mga hayop o insekto, sa multo, sa dilim, sa lalim ng dagat, sa maliit na espasyo, sa matataas na lugar, takot na mabigo, takot na maiwan mag-isa, takot na mawalan ng mahal sa buhay, at takot na humarap sa maraming tao.

Hindi tayo natatakot sa mga bagay-bagay nang wala lang, meron itong pinagmulan. Ang sa akin, nagsimula ito no’ng elementary pa lang ako. Na-bully ako no’n kasi nalaman ng mga kaklase ko na wala akong mama’t papa. Marami silang ibinatong masasakit na salita sa ’kin—kesyo ’di raw ako mahal ng mga magulang ko, pangit daw ako kaya nila ako iniwan, at marami pang iba.

Idagdag pa na namumutiktik ng tigyawat ang mukha ko at saka malusog din ako no’ng mga panahong ’yon. Kaya naman ay lumaki ako sa panlalait at panghuhusga ng mga nasa paligid ko. Tanging libro lang talaga ang kakampi ko noon.

Napatanong ako sa sarili ko: Bakit may mga ganoong klase ng tao? Bakit masaya sila na may inaapakan sila? Bakit sobrang dali lang sa kanilang ipahiya ang kapuwa nila sa harap ng maraming tao? Hindi ba nila naisip na baka ang taong pinagtatawanan nila ay nag-iipon pa lang ng kumpiyansa? Ano’ng nakukuha nila roon? Hindi ba sila tinatablan ng konsensiya?

Tuloy, hanggang ngayon ay ’di na talaga ako komportableng humalo sa maraming tao. Pakiramdam ko, ’pag may mga matang dumapo sa ’kin, hinuhusgahan na nila ang pagkatao ko kahit wala naman silang sinasabi. At ’yon ang naging epekto ng karanasan ko no’ng bata pa lang ako, na ang hirap nang iwaksi sa totoo lang.

Napagpasyahan kong tumayo, ’tsaka ako bumuntonghininga. Ano ba’ng iniisip mo, Kannagi? May mas importanteng bagay ka pang dapat gawin! untag ko sa sarili ko.

Subalit sa kaso ngayon, siguro, takot akong hindi matanggap.

Napalakad ako sa kaliwa’t kanan sa tapat ng pinto ng aking kuwarto habang nakapuwesto ang mga kuko sa pagitan ng mga ngipin ko. May kailangan akong sabihin kay Tita Pamila, pero pinangungunahan ako ng takot. Deserve niyang malaman ’to, pero ’di ko alam kung pa’no mag-umpisa.

Pa’no kung tutol siya sa ’min ni Clyve? Pa’no kung ’di niya ’ko matanggap?

Binalikan ko ang cell phone ko sa ’king kama at saka muling p-in-lay ang pinanonood ko kanina: Heartstopper. Paulit-ulit kong pini-play ang confession ni Nick Nelson sa mama niya, na kung saan kaagad naman siya nitong tinanggap. Kung nasa YouTube pa ’to, siguradong na-label-an na ang scene na ’to ng “most replayed” dahil sa ’kin.

Kumapit ang iilang sana sa isip ko: Sana’y hindi magalit si Tita sa ’kin; sana’y ganito rin ang magiging reaksyon niya; at sana’y matanggap niya ako—kami.

Ngunit umapela agad ang takot: Pero pa’no kung kabaliktaran nito ang mangyayari? Pa’no kung pagsasabihan niya ’kong sa babae lang dapat ako magkagusto? Pa’no kung papalayasin niya ’ko?

P-in-ause ko ang pinanonood ko at saka napaisip, Kung nandito si Clyve, ano kayang sasabihin niya sa ’kin?

Di-kaginsa-ginsa, may mga kamay na dumapo sa magkabila kong pisngi, dahilan upang mapapitlag ako. Ang may-ari ng mga kamay ay walang iba kun’di si Clyvedon. Nakangisi siya at mabilisang nagsabi ng, “’Wag kang matakot, Kannagi. Imagination mo lang ako. Nandito ako para sabihing kaya mo ’yan. Bear in mind that fear is a liar; nagsisinungaling lang siya kasi ayaw niyang manalo ka.”

Unti-unti iyong rumehistro sa utak ko, ’tsaka ako tumango-tango. Sa puntong ’to, bigla na lang siyang naglaho na parang bula.

Muli akong tumindig, sinusubukang ipagpag ang takot na nakadagan sa ’kin. Kaya mo ’to, Kannagi. Ikaw pa ba? pampalubag-loob ko sa sarili.

Akmang lalabas na ’ko para kausapin si Tita nang bigla na lang bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Tita Pamila.

Dumaan sa mukha niya ang pag-aalala. “Kann”—ginawaran niya ’ko ng maliit na ngiti—“kanina pa kita hinahanap. Sa’n ka ba galing? Alalang-alala ako sa ’yo. Sino’ng kasama mo kanina? Si Clyve ba?”

Doon ako napalunok nang mariin. Lumikot ang mga mata ko pagkatapos. Nang mapagtantong gising pa ang cell phone ko, dahan-dahan akong umurong para balikan ito. In-off ko ito agad nang mahawakan, dahilan para tuluyang pumikit ang screen.

Binalingan ko si Tita. Tumikhim ako bago sumagot, “S-sorry po kung pinag-alala ko po kayo. M-may dinaanan lang po kami ni Clyve pagkalabas namin sa Merryfield High. ’Tapos, in-invite niya ’ko na kumain sa mansyon.”

“Kann, may problema ba?”

Hindi mapakali ang aking mga kamay kaya agad kong ipinagsiklop ang mga daliri ko. “Tita, m-may”—Kaya mo ’yan, Kann! Sabihin mo na!—“may sasabihin pala ako sa ’yo.”

Nangungunot ang noo, lumapit si Tita at naupo sa paanan ng kama ko. “Ano ’yon?”

“E, kasi, Tita . . .” Lumipat sa laylayan ng damit ko ang nanginginig kong kamay. “. . . tungkol po kay ano . . . kay Clyve.”

Tumaas ang dalawa niyang kilay. ’Di siya nagsalita, hinihintay lang niya kung ano ang susunod na lalabas sa bibig ko.

“’Di ba sabi mo no’n, kailangan natin siyang bantayan?” Tumango siya agad, may ngiti sa labi. “At ginawa ko naman po ’yon. Pero nitong nakaraang mga araw, imbes na bantayan o alagaan siya, si Clyve po ang gumawa n’on sa ’kin. Nagkamali ako ng pagkakakilala sa kanya; mabait at maalaga naman pala siya. Hanggang sa”—mariin akong napalunok—“hanggang sa nahulog ang loob ko sa kanya. T-tita, kami na po . . . kami na po ni Clyve. Sorry po kung ’di ko sinabi agad, pero, lalaki po ang gusto ko.”

Hindi umimik si Tita. Nakatingin lang siya sa ’kin nang diretso. Ibinagsak ko ang tingin ko sa kama. Doon ay nasaksihan kong unti-unti itong nababasa ng likidong nanggagaling sa mga mata ko.

Siguro, na-disappoint si Tita sa ’kin. Siguro, ’di siya makapaniwala na lalaki ang gusto ko, at si Clyve pa na stepson ng amo niya. Kailangan ko na sigurong ihanda ang mga gamit ko at mag-impake.

“Kann . . .”

Nabalik ako sa tamang huwisyo nang sambitin ni Tita Pamila ang pangalan ko. Nag-angat ako ng tingin sa kanya, ’di inalintana ang mga luhang dumadausdos sa ’king pisngi at papunta sa ’king baba.

“Kann, alam ko,” tuluyan niyang binasag ang kanyang pananahimik na siyang ikinagulat ko. Guminhawa ang pakiramdam ko at natunaw ang pag-aalala ko nang makitang lumiwanag ang mukha niya. “Alam ko, Kann. Hinihintay ko lang talaga na sa ’yo mismo manggaling ang mga salitang ’yon. Hindi man ako ang nagluwal sa ’yo, pero kilalang-kilala kita, napapansin ko, nararamdaman ko. Kaya, hinding-hindi magbabago ang pagtingin ko sa ’yo ngayong inamin mo na.”

Sumisinghot man, dali-dali kong itinapon ang mga kamay ko sa likod niya at ikinulong siya sa ’king mga braso. Hindi ko man masabi, pero sapat na siguro ’to para iparamdam sa kanya na mahal na mahal ko siya.

Dagdag pa niya, “Salamat, Kann. Salamat kasi sinabi mo sa ’kin. Kung sino man ang magustuhan mo, wala na ’ko ro’n kasi puso mo ’yan. Mamahalin ko kung sino man ang mamahalin mo. Hangad ko lang na mapabuti ang buhay mo dahil ’yon ang ipinangako ko sa sarili ko nang iwan ka sa ’kin ng magulang mo.”

Hindi ko inasahang ganito ang mangyayari, gaya ng pinanood ko kani-kanina lamang. Akala ko, magagalit siya. Akala ko, ’di niya ’ko matatanggap. Akala ko, tuluyan ko nang iiwan ang bahay na ’to. Nilinlang lang pala talaga ako ng takot.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top