Episode 14 - Forced Proximity

KANNAGI

Gemini:

Kann, nag-resign ka na pala sa WPBS?

You:

Oo, e.

Gemini:

Why?

You:

Nabayaran ko na kasi ang utang ko kay Beast Mond.

Gemini:

Oh, I see.

Dumalaw ka pa rin sa bookstore.

Nakagawian ko na kasing tumambay roon.

You:

’Ge, ’ge. Susubukan ko.

Pagkatapos kong i-send ang message na ’yon, in-off ko na ang cell phone ko at nakipagtitigan na lang sa kisame ng aking kuwarto. Kasalukuyan akong nakahilata. Mag-aalas-dose na ngunit ’di pa rin ako dinadalaw ng antok, dahil na rin siguro sa natuklasan ko kanina na hanggang ngayon ay ’di pa rin nawawala sa isip ko.

Dinako ko ang tingin ko sa picture na hawak-hawak ng kaliwa kong kamay. Pagkatapos, samot-saring kuwestiyon ang dumumog sa ’king isipan: Ano’ng meron sa kanilang dalawa? Jowa niya ba ’to dati? Ex-girlfriend niya at may tsansang magkakamabutihan ulit sila? Crush? O baka naman ay kababata lang?

Mariin akong pumikit saka nagpakawala ng buntonghininga. Sa puntong buksan ko ang aking mga mata, ipinilig ko ang aking ulo, umaasang maiwawaksi ko ang mga tumatakbo sa ’king isipan.

Subukan mong magpokus sa kung ano lang ang lalabas sa bibig ng mga tao, ’wag kang mag-isip ng kung ano-ano, isip-isip ko, patuloy na kumakapit sa ’king mantra.

Pagkuwa’y sinungkit ko sa pamamagitan ng aking paa ang hawakan ng drawer na nasa paanan. Nanatili lang akong nakahiga sa kama ko. Ayaw kong bumangon, nakatatamad, parang tinakasan ako ng lakas. Nang mabuksan ko ito, inipit ko naman ang picture sa pagitan ng mga daliri ko sa paa saka inilagay sa drawer. ’Tapos, muli ko itong isinara sa tulong ng aking talampakan.

Muli, umiling-iling ako ’tsaka napatalukbong ng kumot.

• • • • •

Kinabukasan, katamtaman na ang sikat ng haring-araw nang marating ng mga paa ko ang Merryfield High. Sa labas pa lang, ramdam ko na ang nag-uumapaw na saya ng mga estudyante, at pati na rin ang mga inimbita nilang kaibigan. Breather na rin nila ’to; time-out muna sa mga schoolwork.

Pagkapasok na pagkapasok ko sa loob ng aming eskuwelahan ay siya namang pagbilis ng tibok ng aking puso. Namamasa na rin sa pawis ang mga kamay ko. Hindi na ’ko makatingin nang diretso sa mga nakasasalubong ko; hindi mapirmi sa isang bagay ang buo kong atensyon kasi maraming tao sa paligid at pumailanlang ang ingay sa buong lugar.

Tuloy, parang gusto ko nang umurong, umuwi sa ’min, at magmukmok sa loob ng kuwarto. Pero nanumpa na ’ko sa mga classmate ko at kay Clyve. ’Di na ’ko maaaring umatras.

Subukan mong magpokus sa kung ano lang ang lalabas sa bibig ng mga tao, ’wag kang mag-isip ng kung ano-ano, pag-ulit ko sa ’king mantra.

Nang mapagtanto kong marami akong ginagawang di-kinakailangang mga galaw, sinubukan kong ayusin ang aking sarili, bumuga ng hangin, at pagkatapos ay bumulong ng, “Kaya mo ’to, Kannagi.”

T-in-ry kong inikot ang paningin ko sa buong paligid. Ang school ground ay napapalamutian ng banderitas. Nakapuwesto na rin sa mga tent ang mga estudyanteng nakatoka sa iba’t ibang booths. May stalls din na may samot-saring drinks at foods. Rumehistro naman sa ’king pandinig ang malakas na tugtog habang may nagmamartsa.  Sa kaliwang side naman, may cooking show pang nagaganap. Energetic ang lahat ng nanonood at lumahok; kung ano-ano na lang ang gimik, dahilan para mapabitiw ang madla ng “Whoa!” at “Galing!”

Napadpad bigla ang mga mata ko kay Beast Mond o Rich na nakipagtawanan sa ibang estudyante sa di-kalayuan. Kapansin-pansin ang suot niyang kulay-rosas na T-shirt na may nakaimprintang ‘Anyone Can Wear Pink.’ Masaya ako para sa kanya. Hindi na siya ’yong dating kinatatakutan ng karamihan. Ang natatanaw ko ngayon ay isang binatang palakaibigan.

Hanggang sa napadako naman ang tingin ko sa ’king mga kaklase na nakasilong na sa malaking tent (pero lumulusot pa rin ang init ng araw do’n). Akmang maglalakad na ’ko papunta sa kanila nang pumukaw sa ’king atensyon ang mga kaibigan ko: sina Soichi at Aneeza. Karaka-raka akong humakbang papalapit sa kinaroroonan nila.

“Yari ka talaga sa ’kin ngayon, Soitchy!” bulalas ni Aneeza. ’Yong paraan ng pagsigaw niya ay parang may ngitngit o hinanakit.

“’Ge lang. After nito, humanda ka sa ’kin!” banta naman ni Soichi. May nakahawak ’ata sa kanya roon sa likod kaya ’di siya makatakbo.

Ganito kasi ’yan, ipinasok ni Soichi ang kanyang ulo sa butas na kasya ang mukha niya, samantalang si Aneeza naman ay may hawak na kulay pulang balloon na may lamang tubig.

“Go, Aningza!” pagtsi-cheer ko rito nang makalapit ako. “Dito mo ilabas lahat ng galit mo kay Soitchy. Ha-ha-ha!”

Nahawa na rin si Aneeza sa halakhak ko. Kapagkuwa’y bumaling siya kay Soichi, at sa isang kisapmata’y nagbago ang timpla ng kanyang mukha.

“Tama ka na, Kannkong!” sigaw ni Soichi. “Ang dami ko nang problema, nagawa n’yo pang dagdagan! Hayo—” Hindi na niya natapos ang kanyang sasabihin nang itapon ni Aneeza ang balloon na may lamang tubig sa direksyon niya, dahilan upang mabasa ang kanyang buong mukha at mapasigaw ng, “Pesteng yawa!”

Humagalpak kami ng tawa at pati na rin ang mga mag-aaral na naka-assign dito. Kaso, ’yong iba ay napasinghap.

Ngunit biglang napawi ang tawa ko nang hampasin ako ni Aneeza. “Aningza, tawa lang. Walang karahasan,” saway ko rito.

Bahagyang bumuka ang kanyang bibig at nabanat nang kaunti ang isang panig ng labi nang tumingin siya sa ’kin. Pagkatapos n’on, nagpatuloy na siya sa pagbato kay Soichi na basang-basa na.

Kalaunan ay tumunog ang cell phone ko. Agad ko itong ch-in-eck. Nag-chat sa ’kin si Don Clyve.

Clyvedon:

’Wag mong kalimutang kumain bago pumunta sa school, mosh. :)

You:

Nasa Merryfield High na nga ako.

’Tsaka, anong ‘mosh’?

Clyvedon:

My only sweetheart <3

Ayieee hahaha!

Dinalaw ng pandidiri ang katawan ko kaya ni-reply-an ko siya ng: Tumigil ka nga. Pektusan kita sa eyeball ’pag nagkita tayo. Stomoyorn?

Pero tinraydor ako ng labi ko at unti-unti itong kumurba nang balikan ko ang meaning ng ‘mosh.’ Parang tanga ’tong si Don Clyve.

“Pinoy Henyo tayo, Kannkong. And then ige-guess ko kung sino ang nagpapasaya sa ’yo for today’s episode,” anas ni Aneeza, dahilan para itago ko agad ang cell phone ko sa ’king bulsa.

“H-ha?” maang na tanong ko sa kanya. ’Tapos, nagdagdag ako ng, “Wala ’to.”

Ngumisi siya. “Siyempre, wala ’yan. Ikaw na ’yan, e. Pero seryoso, si Clyve ’yan, ’no?” Parang may kung anong bumara sa lalamunan ko nang sambitin niya ’yon. ’Tapos, ginatungan pa niya ng, “Kayo na ba ni Clyve?”

Napalunok ako ng laway saka dali-daling nag-iwas ng tingin. “A-ano . . . w-wala. Walang kami. Basta masaya lang kami.”

“Grabe! ’Apaka-showbiz naman nitong sumagot. ’Apakayabang mo!”

Napapitlag ako nang biglang sumigaw si Soichi. Sa sumunod na minuto, naghabulan na ang dalawa na parang sina Tom at Jerry, manaka-nakang nakabunggo ng mga estudyante kaya puros mura ang natanggap nila sa mga ito.

Natampal ko na lang ang noo ko. Makaraan ang ilang segundo, napagdesisyunan ko nang pumunta sa booth namin. Binati ako ng mga kaklase ko habang may ngiti sa mga labi. ’Buti na lang at hindi ito inamag. Ayon sa isa, marami-rami na raw ang dumalaw rito at nagpa-picture.

Umupo ako sa gilid kasi ’di naman ako ang isa sa mga nakatoka sa araw na ’to. Napag-usapan na namin na bawat araw, iba-iba ang magha-handle. Nagtungo lang ako rito kasi kumportable ako sa ilalim ng tent na ’to kasama ang classmates ko. Isa pa, hinihintay ko rin si Clyve.

Habang naka-de-kuwatro, pumukaw sa atensyon ko ang dalawang lalaking kasalukuyang nagpapa-picture. Sinuotan ng isang binata ’yong kasama niya ng kulay pink na wig, matulis na tainga, at malaking ilong. Naalala ko tuloy sina Tine at Sarawat sa 2gether: The Series.

Samantala, nagtatalon naman sa kilig ang mga kaklase kong babae habang nakatingin sa kanila, lalo na nang akbayan n’ong isang lalaki ang kanyang katabi. Sumigaw nang malakas ang mga nanonood sa kanila at parang mga bulateng sinabuyan ng asin.

Umiling na lang ako habang banat nang kaunti ang mga labi. ’Tapos, dinukot ko sa ’king tote bag ang dala kong libro: The Unhoneymooners by Christina Lauren. Nasimulan ko na ’to kagabi kasi ’di ako makatulog; imbes na tumunganga at mag-isip ng kung ano-ano, nagbasa na lang ako.

Kaya siguro ako nahilig sa pagbabasa kasi no’ng bata pa lang ako, takot na ’kong makisalamuha sa iba. Ito lang ang naging kakampi ko: mga libro. Sa halip na humalo sa usapan o makihalubilo, sinusubsob ko na lang ang sarili ko sa pagbabasa at napadpad sa ibang mundo.

Akmang ililipat ko na sa kabilang pahina nang may humawak sa braso ko, dahilan upang mapasinghap ang ilang nandirito. Nanlaki ang mga mata ko nang dali-dali niyang ikinabit ang dala niyang posas sa palapulsuhan ko. Ano’ng ginawa ko?

Kaagad kong inangat ang tingin sa lalaki at doon ay tuluyan nang umawang ang labi ko sa labis na sorpresa. Si Soichi!

Kinaladkad niya ’ko, na naging mitsa kung bakit kami pinagtitinginan ng mga mag-aaral. “Ikaw, Kannagi Lacanlali, ay inaaresto namin sa salang pag—Char lang!” Bumungisngis ang loko. Pero agad din niyang klinaro ang kanyang lalamunan, senyales na kailangang seryoso ang karakter niya sa araw na ’to. “Arestado ka, Kannagi. Foundation day ngayon at hinihikayat ang lahat na makilahok sa kung ano man ang kaganapan dito sa ’ting paaralan! Bawal ang mag-cell phone at magbasa ng libro! Bawal bumuo ng sariling mundo!”

’Di ko mahagilap si Aneeza sa paligid. Nagpumiglas ako at nagpukol ng matalim na tingin. “Soichi, ’di naman ako ang nagbato sa ’yo ng balloon na may lamang tubig, a. Ba’t sa ’kin ka gumaganti?”

Itinapon niya ang kanyang libreng kamay patungo sa kanyang ulo, ’tsaka niya ito kinamot. “Basta, ’yon ang rules namin,” mahina niyang sabi. “Kailangan mong manatili sa jail booth. Makalalaya ka naman ’pag may magpiyansa sa ’yo, e.”

“E, pa’no kung wala?”

“Hindi puwedeng wala, Kann. Kuwento mo ’to, e.”

“Buang.”

Dinala niya ’ko sa gawa-gawa nilang kulungan. Hawak pa rin ako ni Soichi. Inutusan lang niya ’yong kaklase ’ata niya na buksan iyon. Marahan pa niya akong itinulak sa loob kasi ayaw ko talagang pumasok. Kaya lang, laking gulat ko nang makitang may nauna na pala sa ’kin dito sa loob! Nasa gilid siya, nakayakap sa kanyang mga tuhod habang tipid na ngumingiti. Si Clyve!

Kagyat kong pinutol ang distansya sa pagitan namin, umupo upang pumantay sa kanya, at pagkatapos ay humilig din sa pader. “Kagagawan mo ’to, ’no? Na makulong ako rito sa loob kasama mo?” agad kong paratang.

Umangat ang kanto ng kanyang mga labi. “Hindi,” malumanay niyang pagkasabi. “I think, Aneeza plotted this one.” Nang mapansin niyang palingon-lingon ako, ipinagsiklop niya ang aming mga daliri—na ikinagulat ko—at saka niya sinabing, “Throw away your fears, Kann. Nandito naman ako. Tumingin ka lang sa ’kin.”

Ibinalik ko ulit ang titig sa kanya, at nakita ang ngiting nagpapahupa ng takot ko. Hanggang sa natagpuan ko na lang ang sarili kong nakakurba ang mga labi. Ipinilig ko agad ang ulo ko, tumikhim, at sumeryoso. Hindi ito ang tamang pagkakataon para kiligin o ano. Siguro, ito na ang oportunidad para hukayin ang tanong na ibinaon ko sa ’king lalamunan. “Clyve”—sinubukan kong patatagin ang boses ko sabay dukot ng picture sa ’king bulsa—“sino . . . sino ’tong kasama mong babae? Gusto ko lang malaman. Parang . . . parang familiar kasi siya, e.”

Alam ko naman na ang pangalan, sinabi sa ’kin ni Zeek kahapon, subalit gusto ko lang manggaling mismo sa bibig ni Clyve kung sino siya sa buhay niya. Kung ano-ano na kasi ang naiisip ko kagabi.

Muli akong binundol ng kaba nang lumihis siya ng tingin at sinagasaan ng lungkot ang kanyang mukha na kanina’y nakangiti.

Dapat ba ’di ko na lang b-in-ring up ’to? Dapat ba ’di ko na lang pinairal ang nararamdaman ko?

Bumuntonghininga ako. “Kung ayaw mong sagutin, okay lang—”

“Sasagutin ko,” putol niya habang ’di pa rin ako tinatapunan ng tingin. “’Yang babaeng nasa picture ay si Hasna. Kung naku-curious ka kung bakit malagkit ang tingin niya sa ’kin, it’s because she liked me. Pero kaibigan lang talaga ang turing ko sa kanya . . .” Pagkuwa’y nabasag ang boses niya at bigla na lang dumaan sa paligid ng tainga ko ang pagsinghot niya. “P-pero kasalanan ko kung bakit siya nawala. It’s my fault! P-pinatay ko siya, Kann. P-pinatay ko siya!” Doon ay tuluyan na siyang humagulgol.

Nawala? Patay na si Hasna? Pero ba’t naging kasalanan niya? Ba’t sinisisi niya ang kanyang sarili? Ipinilig ko ang ulo ko, initsipwera ang mga katanungang ’yon.

“Shh!” Mas inilapit ko pa ang sarili ko sa kanya para aluin; nagtaas-baba ang kaliwang kamay ko sa kanyang likod. Patuloy naman sa pag-angat at pagbagsak ang kanyang mga balikat na sinamahan ng hagulgol at manaka-nakang pagsinghot.

Binunggo ako ng pagsisisi kasi sinaboy ko ang tanong na ’yon sa kanya, inungkat ko pa ang nakaraan. Sinuntok ko ang sarili ko sa isip ko. Wala akong maapuhap na angkop na sasabihin, kaya itinikom ko na lang ang bibig ko at nagpatuloy sa pagkokonsuwelo.

Sa isang iglap, bigla na lang bumukas ang gawa-gawa nilang rehas at tumambad sa ’ming paningin ang mukha nina Soichi at Zeek. Namilog ang kanilang mga mata at parehong natutop ang kanilang bibig.

“Ba’t naman kayo nag-iyakan diyan?” gulat na sambit ni Soichi. “Kasiyahan lang naman ’to. Jusko. ’Di naman kayo mabubulok dito nang ilang taon. Sige na nga! Makalalaya na kayo!” deklara niya, walang-kamukta-mukta sa nangyayari.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top