Episode 13 - Grumpy x Sunshine
KANNAGI
“Clyvedon, wala kaming ginagawang masama!” paliwanag ko, ang noo’t mga labi’y ’di mapakali, ang mga kamay ay tapon doon at tapon dito.
Rumehistro ang pagkadisgusto sa mukha ni Clyvedon. Kinuyom niya ang kanyang mga palad at halos bumaon na talaga ang mga kuko niya roon. Mariin niyang isinara ang dalawa niyang mata. Makaraan ang ilang segundo, binuksan niya ang mga ito, nagpukol ng matalim na tingin, ’tapos nagpakawala siya ng hangin sa pamamagitan ng ilong. “Akala n’yo lang wala akong nakita. Pero meron! Meron!”
Dagling dumapo ang palad ko sa kanyang pisngi kaya isang malutong na sampal ang kanyang natanggap mula sa ’kin.
“Kann . . . Kann!” Bigla na lang nabasag na parang salamin ang senaryong binuo ng aking isip saka ang mga bubog nito’y unti-unting nabubura nang magsalita si Clyve. Lumilipad na naman ang isip ko, nag-i-imagine ng kung ano-ano. “Ano’ng nangyari sa ’yo? Is there something wrong? A penny for your thoughts.”
Gusto kong bigwasan ang sarili ko nang paulit-ulit. Ano ba naman ’yan, Kannagi! Pilit ko na lang ininat ang aking mga labi sabay sabi ng, “W-wala. A-ano nga ulit ’yong sinabi mo kanina?”
“I just want to know kung bakit umiiyak si Rich.” Bigla na lamang umimpis ang tensyon sa paligid dahil sa pagkakataong ’to, pabulong na niya ’yong sinabi, malambing.
Bago pa man kumalat ang maling ideya sa isip niya, ibinuka ko na agad ang bibig ko’t nagsabi ng, “May sh-in-are siya tungkol sa buhay niya kaya siya naiyak.”
“Ah . . . oo, Clyve,” segunda ni Beast Mond—Rich. “’Di na rin ako magtatagal. May ibinigay lang sa ’kin si Kannagi. Aalis na rin ako. Bye!” Kumaway siya sa ’min habang nakainat ang mga labi at nakabalandra ang mapuputing ngipin. ’Tapos, tuluyan na rin niya kaming tinalikuran saka nilisan na niya ang mansyon, dahilan para maiwan kaming dalawa ni Clyve dito.
“Parang . . . parang may gusto kang sabihin sa ’kin.” Ako na ang nangahas na bumasag sa katahimikan sa pagitan namin.
“Ah, nag-message sa ’kin si Ma’am Rannos. Late na raw niyang na-realize na ’di raw niya tayo nasabihan na ang section natin ang mag-o-organize ng Photo Booth para sa Foundation Week na magsisimula ngayong Lunes.”
“P-photo booth?”
“Oo. Last year kasi, HUMSS din ang nag-handle.”
Foundation Week: magsasaya ang mga estudyante sa school ground. Photo Booth: maraming lalapit sa ’min para magpa-picture.
Bumuntonghininga si Clyve at kaagad akong nilapitan nang mapagtanto niyang marami nang sumalakay sa ’king isipan kahit ilang segundo pa lamang niyang binitiwan ang mga katagang ’yon. Hinawakan niya ang balikat ko ’tapos iniharap ang mukha ko sa kanya. “Clear away those clouds, Kann. It’s okay. It’ll be fine. Nandito naman ako palagi sa tabi mo, e. ’Di kita iiwan, promise . . .”
Sa isang kisapmata’y bigla na lamang akong iniwan ng mga gumambala sa ’kin kanina ’tsaka napangiti na lang ako sa kanya. Agad ding uminit ang gilid ng mga mata ko sa tuwa.
“I know it’s hard,” pagpapatuloy niya, “but you try . . . try to socialize. Puwede kang magtanong sa mga lalapit sa booth ng random question like ‘What time is it?’ or something—consider that socialization. And that’s enough. Subukan mong mag-focus sa kung ano lang ang sasabihin ng mga tao, instead of assuming the worst. Alright?”
Tanging pagtaas-baba lang ng aking ulo ang isinagot ko sa kanya.
• • • • •
Kinabukasan, habang naghihintay kay Clyve na pumanaog dito sa ibaba, nagbasa na lang muna ako ng bagong libro—Battle Royal by Lucy Parker. Habang naka-de-kuwatro at nakakandong ang kulay maroon na throw pillow sa ’king hita, mabilisan kong pinasada ang aking mga mata sa bawat pahina ng libro. Rason kung bakit interesting ang grumpy x sunshine trope: ang main characters ay may magkasalungat na personalidad, pero sa huli ay matututuhan nilang mahalin ang isa’t isa.
Makalipas ang ilang minuto, tuluyan nang bumaba si Clyve kaya dagli kong isinara ang dala kong libro at saka isinilid sa ’king tote bag na may iconic na art—The Scream ni Edvard Munch. Suot niya ngayon ang kulay-rosas niyang T-shirt na may mukha ni Lil Peep na pinaresan niya ng maong na shorts. Ako naman, naka-puting T-shirt lang na pinaibabawan ng forest green jacket ’tapos tinernuhan ng kulay-abong shorts.
“Katatawag lang ni Luke sa ’kin,” kapagkuwa’y imporma niya habang nakatutok ang mga mata sa kanyang cell phone. “Nando’n na raw si Ma’am Rannos, si Cerri, at ang iba pa nating mga kaklase.”
“Okay. Tara na.”
Mukhang kami na lang ang hinihintay ng mga kasama namin kaya ’di na kami nagpatumpik-tumpik pa at kaagad na naming nilisan ang mansyon ’tapos pumara ng tricycle. Dahil sa pangakong binitiwan niya noon, pumayag na ’kong makiisa sa paghahanda at pagha-handle ng photo booth.
Feeling ko naman, ’di ako aatakihin ng social anxiety kasi kami-kami lang naman; magre-ready pa lang naman kami para bukas hanggang Huwebes. Habang nasa tricycle kami, nakahawak lang sa kamay ko si Clyve, manaka-nakang nagtatapon ng tingin sabay inat ng mga labi.
Makaraan ang halos kinse minutos, tuluyan nang huminto ang sinasakyan naming tricycle sa harapan mismo ng aming eskuwelahan. Bumaba kami ’tapos si Clyve na ang nagbayad sa mama.
Natiklop ko ang labi ko at saka napalunok ako ng laway nang makasalubong ng aking mga mata si Cerri na kumakaway at ang mga ka-orgmates niya na nagtatawanan sa di-kalayuan. Sinalakay na naman ako ng t*nginang pakiramdam na ako ang rason ng paghalakhak nila. Tuloy, parang gusto kong sitsitan ’yong mamang tricycle driver upang sumakay ulit ako sa loob. Kapagkuwa’y dinukot ko ang cell phone ko mula sa ’king bulsa at napatingin ako sa patay na screen nito para i-check ang aking hitsura. Sa huli, ibinaon ko na lang ang ngipin ko sa ’king ibabang labi, ’di na muling nagpukol ng tingin sa direksyon nila, at gamit ang nanginginig kong kamay ay kumapit ako sa manggas ni Clyvedon.
Kannagi, ano ba? ’Di pa nga opisyal na nagsimula ang Foundation Week, gan’to ka na? Pa’no pa kaya sa susunod na mga araw?
Hinandugan ako ni Clyve ng isang tipid na ngiti. “Pasensiya ka na, Kann, a. ’Di ko na-mention na tutulong sa ’tin ang mga ka-orgmates ni Cerri sa Volunteer Club,” aniya at saka hinawakan ang kamay ko. “But do not fret. I’m here.”
Tumango na lang ako at sinuklian ko siya ng maliit na ngiti.
“I-shake mo lang ang mga kamay mo”—d-in-emonstrate pa niya kahit alam ko naman kung pa’no gawin—“huminga ka nang malalim”—ginawa rin niya agad ang kanyang sinabi—“o ’di kaya’y sumigaw ka nang malakas para iwanan ka na ng gumagambala sa isip mo, Kann.”
’Di ko maitago ang kurba sa ’king labi. Sobra kong naa-appreciate ang mga ginagawa ni Clyve para tulungan akong ma-overcome ’tong social anxiety disorder. ’Di nga lang gano’n kadali ’yon. Gayumpaman, susubukan ko.
Biglang dumalaw sa ’king isipan ang sinabi niya sa ’kin kahapon: Subukan mong mag-focus sa kung ano lang ang sasabihin ng mga tao, instead of assuming the worst. Kaya, nagpakawala ako ng hangin at pagkuwa’y nagsabi ng, “L-let’s go?” ’Tapos, nag-umpisa na kaming humakbang papunta sa kinatatayuan nila Cerri.
Pagkalapit namin kina Cerri ay sumabay na rin sila sa paglalakad; doon daw kami tutungo sa clubroom ng Volunteer Club. Nagpatiuna ang mga ka-orgmates ni Cerri na may sariling topic, ’tapos kaming tatlo naman ay nakasunod lang sa kanila.
Nang mapansing may kakaiba sa ikinikilos ko, nagsaboy sa ’kin ng kuwestiyon si Cerri: “Kann, are you okay?”
“Ah, o-okay lang naman ako,” agaran kong sagot.
Karaka-rakang sumingit si Clyvedon nang maramdaman niyang ’di ako kumportableng pag-usapan ang sarili ko. “Nasa clubroom n’yo na ba si Ma’am Rannos?”
“Actually, kanina pa kami ro’n. But lumabas din si ma’am kasi may kukunin daw siyang old pictures sa faculty room—’yong kuha raw ng mga estudyante niya last year.” Nginitian niya ang kasama ko. “We don’t mind if late kayo nang kaunti. Mahaba pa naman ang oras natin para maghanda. Kaya natin ’to. Fighting!”
Naalala ko bigla si Prim—’yong kapatid niya—dahil sa ‘fighting.’
Tumango-tango na lang si Clyve habang nakangiti (gano’n din ang ginawa ko) at nagpatuloy lang kami sa pagtahak sa pasilyo papunta sa clubroom kung saan namin ire-ready ang lahat. Makalipas ang ilang minutong lakaran ay narating na rin namin ito. Bumungad sa ’min ang aming mga kaklase na abala sa pagka-cut ng mga p-in-rint nilang pictures na idinikit naman sa makakapal na cardboard.
Nakaramdam ako ng kaginhawaan no’ng binati nila ako habang nakangiti; ’di naman pumaskil sa mukha nila na naiinis sila dahil late na kami. Napaisip tuloy ako: Ang kahulugan ng “home” para sa ’kin ay hindi lang tumutukoy sa bahay o tirahan, maaari ding nangangahulugang tao—mga kaklase ko at si Clyvedon.
Kaagad kaming umupo ni Clyve sa tabi nila at tumulong sa pagka-cut ng gagamiting props ng magpapa-picture sa booth namin simula bukas. Samantalang ang iba naman ay nag-iisip ng disensyo para mismo sa ’ming booth.
“Guys,” pag-agaw atensyon sa ’min ng president ng Volunteer Club, “we need to buy shades or wig pa pala.” Siya si Zeek Saycon; kilala siya rito sa buong Merryfield High dahil na rin active na active siya sa kahit ano mang events sa paaralan.
“Sige, sige,” mabilisang tugon ni Luke. “Ambagan na lang tayo,” suhestiyon pa niya na agad namang sinang-ayunan ng lahat.
Nag-ambagan kaming lahat kahit maliit na halaga lang kasi marami-rami naman kaming nandirito. Pagkatapos mangolekta ni Luke ng pera, siya na ang nagboluntaryo na bumili ng shades at wig. Dali-dali naman niyang hinila si Clyve palabas ng room. Nagpatianod lang ang huli.
Eksaktong nakaalis ang dalawa ay siya namang pagdating ng aming adviser na si Ma’am Rannos. May dala-dala siyang maliit na kahon na namumutiktik ng mumunting duming nagsama-sama. Nakakurba na agad ang kanyang labi habang papalapit nang papalapit sa ’min, mukhang excited na siyang i-share sa ’min kung ano man ang laman n’on.
“Ano po ’yan, ma’am?” pambungad na kuwestiyon ng pangulo ng Volunteer Club na si Zeek.
“Magic box po ba ’yan?” biro naman ng isa naming kaklase.
“Ano po laman niyan, ma’am? Kalapati o kuneho?” gatong pa ng isa, dahilan upang bumunghalit kami ng tawa.
Itinulak ni Ma’am Rannos ang kanyang ibabang labi pasulong. “Tama na kayo, class. Wala na kayong sinabing tama!”
Muli kaming nagpakawala ng tawa dahil sa sinabi ng aming homeroom teacher.
Tumabi sa ’min si ma’am at pagkuwa’y nagsabi ng, “Ito na ’yong photos last year na naitabi ko. Kung dito rin kayo nag-aral no’ng nakaraang taon, baka nakuhanan kayo ng picture ng aming team.”
“Ma’am, lumipad din ba ang inyong team?” barumbadong wika ni Clyve pagkapasok na pagkapasok niya sa silid, dahilan upang pumailanlang na naman ang tawanan ng lahat ng nandirito. Ang iba’y napapiksi pa sa kanyang biglaang pagdating.
“A-akala namin, sinamahan mo si Luke mamili?” binato ko agad siya ng tanong, nakakunot ang noo.
“Ah, may sinabi lang siya sa ’kin sa labas kaya niya ’ko hinila,” paliwanag nito, nakainat ang kanyang mga labi. “Actually, kay Rich siya nagpasama.”
Itinaas-baba na lang namin ang aming ulo, senyales na naiintindihan namin ang pinagsasabi ng bagong dating. Pagkuwa’y sinimulan na namin ang paghalungkat sa kahon saka tiningnan isa-isa ang mga larawan; meron ngang mga napitikan sa ’min last year no’ng junior high pa lang kami.
Napuno na naman ng tawanan ang apat na sulok ng silid na aming kinaroroonan (na pinangungunahan ni Don Clyve) dahil sa ilang nakatatawang pictures. Meron ding ibang ’di matanggap na gano’n ang hitsura nila noon.
Hanggang sa dumapo ang mga mata ko sa isang larawan: masayang nakataas ang mga kamay nina Clyve, Luke, Beast Mond o Rich, at ng isang babae. Parang nanood sila ng banda o ano. Pero sino ang babaeng ’yon? isip-isip ko. ’Tapos, may na-crop na isang kamay. ’Di ito basta-bastang ibang tao o schoolmate lang kasi nakahawak ito sa balikat no’ng babaeng kasama nila Clyve.
Pero teka lang . . . dito ba nag-aral dati si Clyve? Parang ’di naman niya na-mention sa ’kin. O baka makakalimutin lang talaga ako. Isa lang ang sigurado ako: marami pa ’kong ’di alam tungkol sa kanya.
Hindi na ako nakatiis at kinuha ko na talaga ang picture nila at doon ko napagtanto na malagkit ang tinginan ni Clyve at ng babae. Ano’ng meron sa kanila?
Bumaling ako kay Clyve na masayang nakipagkulitan sa classmates namin. ’Tapos, ibinalik ko ang titig sa litrato. Itinulak ko ang ibabang bahagi ng aking labi pasulong. Nag-init ang sulok ng mga mata ko, hudyat na may namumuong luha. At saka, huli na no’ng namalayan kong nilukot ko na pala ang props na p-in-rint ng aking mga kaklase.
“Kannagi, ayos ka lang?” pagtapon ng tanong ni Ma’am Rannos sa akin nang mapansin niyang nakakuyom ang palad ko.
Dagli kong itinago ang kamao ko na may lamang lukot na papel sa ilalim ng mesa, pinilit ang mga labi na kumurba, at pagkatapos ay tumugon ng, “Ah . . . oo . . . okay lang po ako.”
“Sino’ng tinitingnan mo riyan sa picture?” bulong sa ’kin ni Zeek. “’Yang babae ba?”
Nanuyo ang lalamunan ko ’tapos napalunok ako ng laway. “Kilala mo?”
“Oo,” tugon niya gamit pa rin ang mahinang tinig. “’Yan si Hasna.”
Hasna? Parang narinig ko na ang pangalan niya dati . . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top