Episode 12 - Love Triangle
KANNAGI
“’Musta ka na, Kann?” tanong sa ’kin ni Tita Pamila gamit ang malambing na boses.
Bumuntonghininga ako ’tapos sumagot ng, “’Eto po, palabo nang palabo ang mga mata.” Pabagsak kong iniupo ang aking sarili sa upuang katabi ng habilog na lamesa para mag-agahan. “Ito pa lang ang improvement ko ngayong taon.”
“Kase-cell phone mo ’yan, Kannagi Lacanlali!” untag niya sa ’kin.
Nakipagtitigan muna ako sa ulam kong sunny-side-up na itlog at saka hotdog bago ko ilihis ang usapan, “Siya nga pala, Tita, umiwas po muna kayo sa mabibigat na gawaing-bahay, a. ’Yon ang bilin ng doktor. Kailangan mo pa raw magpahinga bago bumalik sa normal mong ginagawa. ’Wag po matigas ang ulo. Para po ’yan sa ikabubuti n’yo.”
“Opo, Sir Kann.” Idinaan na lang ni Tita sa biro. Lumapit siya sa puwesto ko nang dahan-dahan. ’Tapos, hinawakan niya ang magkabila kong balikat at marahan pang hinagod. “Maiba tayo, kumusta na ang stepson ni Mrs. Gulmatico? Araw-araw naman kayong nagkikita sa mansyon at sa eskuwelahan, ’di ba? Ayos lang ba siya?”
Napalunok ako ng laway saka nabitiwan ko ang kubyertos. Pagkatapos, unti-unting nag-iba ang buong lugar kung nasaan ako; mula sa bahay namin ay naging bookstore ito. Napalilibutan ako nina Clyve, Luke, Soichi, Aneeza, at Gemini. Doon ay namalayan ko na lang na dinalaw na pala ako ng alaalang nangyari isang araw na ang nakararaan.
Naningkit ang mga mata ni Aneeza habang palipat-lipat ang tingin sa ’min ni Clyvedon. “Wait lang. Maiba tayo, you two have been unusually close lately. Nasa’n na ’yong enemyship-enemyship?”
Napalunok ako dahil sa isinaboy niyang kuwestiyon. Pasimple kong tinabig ang kamay ni Clyve na nakadapo kanina sa ’king balikat.
“Oo nga,” pakikisali ni Soichi, nakapaskil sa mukha ang nakalolokong ngiti. “May dapat ba kaming malaman tungkol sa inyong dalawa?”
Dali-dali kaming tumayo ni Clyve ’tapos sabay naming sinampal ang mesa at lumikha iyon ng di-kaaya-ayang ingay. “Hindi, a! Ano ba’ng pinagsasabi n’yo?” eksaherada naming sabi, sabay na sabay, pero pumiyok ang isa sa ’min. Jusko!
Dahil do’n, nagkatinginan kami ni Clyve saka rumehistro sa ’ming pandinig ang tawa ng mga kasama namin sa loob ng bookstore. Gusto kong gulpihin ang sarili ko dahil sa inakto ko—namin. Tuloy, nahahalata na talaga nila na may something sa pagitan namin.
Bigla na lang sumalingkitkit si Gemini at nagsabing, “Relax lang kayong dalawa. Oo na, naniniwala na kami na walang ‘something’ sa inyo.” Humagikhik siya at saka tinalikuran niya ulit kami sabay anas: “Pero parang familiar ’yon. Parang nasulat ko na ang scene na ’yon sa isa sa mga story ko sa Wattpad. Must be ‘something like that’ going on between them. Hays, deny pa more.”
“Kann! Kann, kinakausap kita!” Tila may nabasag na mga pinggan nang magsalita si Tita Pamila, dahilan upang mabalik ako sa realidad. “’Wag kang mag-iskursyon sa kabilang dimensyon!”
“A-ano po ’yon?”
“Kumusta na si Clyve? Ayos lang ba siya?”
“Ah . . . opo, ayos lang naman siya. Nililinis ko pa rin naman ’yong swimming pool at ang mansyon ng mga Gulmatico kaya parati po kaming nagkikita. Isa pa, magkaklase kami. Nga lang, ’di ko siya nilulutuan tuwing umaga kasi wala naman akong talent do’n. Naging honest naman ako sa kanya at mabuti na lang at naiintindihan niya ’ko. Kaya naman daw niya ang sarili niya. O-order na lang daw siya o ’di kaya ay kakain na lang daw siya roon sa paborito niyang kainan.” Dinala niya nga ako ro’n isang beses, e, dugtong ko sa isipan.
“Mabuti naman kung gano’n. Basta, Kann, ha, ’pag maayos na talaga ako, ’pag puwede na ’kong bumalik sa normal kong ginagawa, ako na ulit sa mansyon. Magpokus ka na lang sa eskuwela. Iwan mo na rin ang part-time jobs mo. Ako na ulit ang bahala sa lahat,” pag-iba niya ng usapan.
“Opo.”
“Basta mag-aral ka nang mabuti, ha. Hindi naman kita pine-pressure na mapasama sa top achievers na ’yan. Ang sa ’kin lang, pasado ka sa lahat ng subjects. Makapagtapos ka lang, sobrang ayos na ’yon, Kann. Ang importante, malusog ka. Okay?”
Ayaw ko sanang umiyak, kaso, tinraydor ako ng sarili kong mga mata. “O-opo, Tita.”
Pagkatapos kong kumain ay nagpaalam na ’ko kay Tita Pamila kasi may pupuntahan pa ’ko. ’Di na ’ko nag-aksaya ng oras at kinuha ko na ang ipinadala sa ’kin ni Ma’am Gulmatico. ’Tapos, dumiretso na rin ako sa Woli para kunin ’yong binale ko sa may-ari ng restobar. At ang huli kong binisita ay ang Walang Pangalan Bookstore o WPBS. Pero hindi rin ako nagtagal do’n, kaagad akong lumabas matapos kong magpasalamat kay Kuya Nastor.
Kipkip ang kulay brown na envelope sa ’king kilikili, agad kong d-in-ial ang number ni Beast Mond. Sa wakas, mababayaran ko na rin siya. Gusto kong makipagkita sa kanya para personal na makapagpasalamat. Kung ’di dahil sa kanya, ’di ko mababayaran ’yong pang-ospital ni Tita Pamila noon.
“Hello, Kann? Napatawag ka?” pambungad na tanong ni Beast Mond sa kabilang linya.
Ininat ko ang aking mga labi kahit hindi naman ako nakikita ng kausap ko. “Ano kasi . . . babayaran na kita sa hiniram ko sa ’yo noon. ’Kita tayo sa bahay nila Clyve. Tutal, magkaibigan naman kayo at puwede ka namang makapasok do’n anytime. Cool?”
“Cool,” agarang tugon ni Beast Mond.
Pagkatapos n’on ay nag-abang na ’ko ng tricycle sa may bangketa. Nang makasakay na ’ko, tiyempo namang tumunog ang cell phone ko. Nag-chat sa ’kin si Don Clyve: Maliligo lang ako, Kann. Kung pupunta ka rito sa mansyon, pasok ka lang.
S-in-een ko lang ang message niya; wala akong balak mag-reply. Napailing-iling ako habang nakatutok pa rin ang mga mata sa screen ng cell phone ko. Ibang klase talaga ’tong taong ’to, isip-isip ko. Ina-update ba naman ako. E, hindi naman ako app, ’di ba?
Nang makarating ako sa mansyon, karaka-raka akong dumiretso sa swimming pool na dinagsa na naman ng samot-saring dahon na nagmumula sa mga punong nakapaligid dito. Sinungkit ko ang mga ito gamit ang leaf skimmer.
Habang patuloy sa pagsungkit ng mga dahon, bigla na lang may sumalpok sa ’king isipan: Kumain na kaya siya? Ipinilig ko ang aking ulo. Ba’t ko ba iniisip ’yon? E, kaya naman na niya ang sarili niya. ’Tsaka, sabi niya kanina, maliligo raw siya. Baka aalis ang isang ’yon. Baka kakain sa paborito niyang kainan. ’Tapos, yayayain niya ’ko?
Breaking News: Kannagi Lacanlali, natagpuang assuming!
Pagkatapos kong linisin ang pool ay pumasok na ulit ako sa loob ng bahay. Nilibot ko ang buong salas, tinitingnan ang mamahalin nilang muwebles, at saka pinasada ko rin ang mga daliri ko rito para i-check kung malinis ba ang mga ito o sinalakay na ng mumunting duming nagsama-sama.
Hanggang sa dumapo ang mga mata ko sa isang maliit na librong nakapatong sa kulay-tsokolateng kabinet: Just One Answer ni pilosopotasya. Naiwan ko pala ’to rito. Ito ’yong binabasa ko nitong mga nakaraang araw, at nasa Chapter 26 na ’ko ngayon.
Karaka-raka akong naupo sa sofa, dumekuwatro, at ipinagpatuloy ang pagbabasa habang hinihintay si Beast Mond. Ang librong ’to ay romance, at ang trope naman nito ay love triangle. Ito’y istorya ni Zelle at ng dalawang lalaki sa buhay niya na sina Enzo at John. Ang kuwento ay umiikot sa kung sino nga ba ang dapat niyang piliin: ’yong mahal niya o ’yong mahal siya?
May hula na ’ko kung sino ang pipiliin niya sa dulo, pero parang may nagtutulak sa ’kin na tapusin agad ’to kasi baka mali pala ako. Gano’n ang atake sa ’kin ng librong ’to.
Sobrang na-appreciate ko rin talaga ang mga libro na galing sa Pop Fiction. Nagustuhan ko kasi ang size ng mga book at ang consistency ng font na ginagamit nila—meron silang solid branding. ’Yong tipong ’pag nakakita kayo ng ganitong size ng book at ganito ang font ng title, alam n’yo na agad na Pop Fiction. Isa pa, ang gaganda ng illustrations at book covers nila!
Tuloy, gusto kong ma-publish sa Pop Fiction ang story ni thefakeprotagonist—este, xxtherealvillainxx (si Gemini).
Makaraan ang ilang sandali, bigla na lang tumunog ang doorbell kaya karaka-raka akong tumayo at kumaripas ng takbo para pagbuksan ito—walang iba kun’di si Richmond, a.k.a. Beast Mond. Nakasuot siya ng kulay-gatas na shirt na pinutulan ng manggas at pinaresan niya ng pantalon na kung saan ang bandang tuhod nito ay may estilong butas-butas.
Kaagad ko siyang pinapasok sa loob, pinaupo sa pang-isahang sofa, at saka hinandugan ng isang baso ng malamig na tubig. (Parang may-ari ng mansyon lang ang atake.)
“Thanks,” ani Beast Mond bago siya uminom ng tubig.
’Tapos n’on, binalot kami ng nakaiilang na katahimikan. Pa’no ba naman kasi, parang kailan lang ay galit na galit siya sa ’kin, hinahabol nila ako, at sinisingil. Ngayon, masasabi kong mabait naman pala siya. Siguro, ’di lang ako sanay. O baka ’di rin siya sanay na ipakita ang ganitong side niya.
Muntikan ko nang masabing, Gaya ng sabi ko kanina, ibibigay ko na sa ’yo ngayon ang perang hiniram ko noon. Pero parang umurong ang dila ko; may pumipigil sa ’kin na isatinig ’yon. Sa halip na sabihin ’yon, iba ang ipinambasag ko sa katahimikan: “B-Beast Mond, may problema ba? ’Pansin ko kasing parang malalim ang iniisip mo.”
Klinaro niya ang kanyang lalamunan bago sumagot, “Ahh . . . ano kasi . . . Lately, na-realize ko na parang may mali. ’Di na tama ’tong ginagawa ko—angas-angasan image—para lang k-katakutan ng l-lahat.” Bigla na lang nag-crack ang boses niya. Para bang paiyak na siya pero pinigilan niya kasi may makakakita.
“Alam mo, Rich, nandito lang ako. Makikinig ako sa ’yo.” ’Pansin ko rin kasing mukhang kailangan niyang i-share kung ano man ’yong nararamdaman niya. ’Yong tipong kung ’di niya ’yon gagawin, sasabog siya. “Kung gusto mong umiyak, ’wag mong pigilan. ’Di kita huhusgahan. Wala naman talagang mali riyan, e. Tao ka at tinatablan din ng pagod. Lalaki ka at may karapatan kang maglabas ng luha.”
Kahit kaunting luha pa lang ang tumakas sa kanyang mga mata, kaagad niya ’yong pinunasan bago magsabi ng, “Growing up, parang hinuhulma ako ng daddy ko para maging ganito, para isilang si Beast Mond. No’ng bata pa ’ko, mahina talaga ako, lampa, at iyakin ’pag inaaway ng mga kalaro ko. Dahil do’n, pinagalitan ako ng daddy ko. Paulit-ulit na rumehistro sa pandinig ko ang mga salitang, ‘Lalaki ka, ’wag kang iyakin! Ang tunay na lalaki, hindi lumuluha!’ T-in-rain niya ’kong maging tigasin.
“Hindi rin nila pinalampas pati ang kulay na dapat kong isuot, kulay ng bag, notebook, at iba ko pang mga gamit. Blue raw ’pag lalaki. Aniya, iwasan ko raw na mahumaling sa kulay pink. Siya ang nagturo sa ’kin na maging siga, na dapat katakutan ng mga kaklase ko noon. ’Di dapat ako maagrabyado o ma-bully. To the point na ako na ’yong naging bully. Ang sama ko sa inyo, Kannagi. I’m sorry.
“N-naintindihan ko naman”—suminghot siya—“ang gusto niyang iparating, na ’wag akong magpapaapi. S-sadyang mali lang talaga ang pananaw niya tungkol sa pagiging lalaki. Lately, I realized a lot of things: boys can wear pink or any color, we do cry, and we do need support systems. Minsan nga, naiinggit ako sa ibang lalaki na kayang magtanggal ng kanilang maskara at ipakita ang kahinaan nila sa iba.”
“At nagawa mo na ngayon, Rich.” Habang ’tanaw ang pagdausdos ng kanyang mga luha patungo sa kanyang pisngi at baba, naluha na rin ako at saka awtomatikong uminat ang mga labi ko. Natutuwa ako dahil kaya na niya; nagawa niyang tanggalin ang kanyang maskara at ipakita sa ’kin ang totoong Richmond.
Karaka-raka kong pinutol ang distansya sa pagitan naming dalawa at walang pagdadalawang-isip na ginawaran siya ng mahigpit na yakap. Ipinaramdam ko kay Rich kung ga’no ako ka-proud sa nagawa at ibinahagi niya at kung ga’no ako kasaya sa mga naging realisasyon niya nitong mga nakaraang araw.
“Ano’ng nangyayari dito?” Tila may sasakyang pumreno nang sambitin ’yon ni Clyve, dahilan upang umurong bigla ang luha ko.
Dali-dali akong kumalas sa pagkakayakap kay Rich, tumayo, ’tsaka ko hinarap si Clyve. Nagsagupaan ang mga salita sa utak ko dahil sa sorpresa, at kulang ang isang minuto para maayos ko ang mga ito. Parang nahuli niya ’kong nagloko kahit hindi naman talaga kami opisyal na magkarelasyon.
• • • • •
THIRD PERSON POV
Kanina . . .
Katatapos lang ng binatang si Clyvedon na padalhan ng mensahe si Kannagi na maaari itong pumasok sa mansyon at maliligo lang muna siya.
Habang nakainat ang mga labi, dali-dali niyang sinungkit ang maputlang tuwalya mula sa lalagyan nito at saka ipinatong sa kanyang balikat. Pasipol-sipol pa siya habang patungo sa banyo.
Walang ano-ano’y dumaan sa paligid ng magkabila niyang tainga ang tunog ng kanyang cell phone. Mabilis pa sa alas-kuwatro na binalikan niya ito habang suot-suot ang malapad na ngiti; halos mapunit na nga ang kanyang mga labi.
Ngunit sa kasamaang-palad, hindi iyon galing kay Kannagi, kaya naman ay tuluyang nabura ang ngiting nakapaskil sa mukha niya kani-kanina lamang at napalitan iyon ng pangungunot ng noo. Ang mensaheng kanyang natanggap ay nagmula sa hindi rehistradong numero:
Wala kang karapatang maging masaya, Clyve. After what you did to Hasna?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top