Episode 11 - Fake Dating
A/N: Pagkarinig na pagkarinig ko sa intro 0:07, bigla na lang nag-flashback ang samot-saring quarantine memories: nagpapa-load tuwing Friday para lang makanood kasi wala pa kaming WiFi noon (mga April 2020 ’ata), nilalagay ang cell phone malapit sa bintana para makahanap ng signal, isang linggong paghihintay para sa next episode ’tapos kadalasan pa n’on may pa-cliffhanger, at nagse-search ng soundtracks—’yong Scrubb songs sksksks.
2:49 onwards is fxxking nostalgic!! Naiyak akooo. ’Di madali ’yong quarantine period, nakaka-culture shock, pero nakatulong talaga sa ’kin ang 2gether: The Series. Haaays, nakaka-miss ang SarawaTine. 2gether is my comfort series 💚💚💚
P.S. You don’t need to understand the music, you just have to feel it.
KANNAGI
Nag-i-skateboarding si Clyve kasama ang mga kaibigan niya na sina Rich at Luke dito sa plaza. Samantalang ako naman ay nakaupo lang sa plant circle habang pinanonood sila. ’Di ko alam kung ano-ano ang tawag sa tricks na pinaggagagawa nilang tatlo.
May mga nakinood, naki-cheer, at ang iba’y namangha sa mga ipinakita nila. Hanggang sa bigla na lang tumigil si Clyve at unti-unting lumalapit sa kinalulugaran ko, sakay-sakay pa rin sa kanyang skateboard.
Napalunok ako ng laway habang papalapit siya. Kahit butil-butil na pawis ang dumadaloy sa kanyang mukha, ’di pa rin maitatanggi na ang lakas ng dating niya. May mga babae ngang humiyaw nang hubarin niya ang suot niyang puting T-shirt.
Tuluyan siyang huminto sa ’king harapan. ’Yon nga lang, nagtiim-bagang siya (at hindi ko alam kung bakit). Hanggang sa bigla na lang gumalaw ang nguso ni Clyve sabay sabi ng, “Someone’s shadowing you kasi alam niyang wala ka pang boyfriend.”
Sinipat ng mga mata ko ang direksyong inginuso niya. Doon ay nahagip ng paningin ko ang isang lalaking nakaitim at may nakapatong pang sombrero sa kanyang ulo. Karaka-raka itong nag-iwas ng tingin saka umupo sa kabilang plant circle.
Stalker ba ’yon? Secret admirer? ’Di naman siguro.
Ibinalik ko ang titig kay Clyvedon, at saka ako sumagot, “Ano naman ngayon kung wala akong boyfriend, Don Clyve?”
Pinutol niya ang distansya sa pagitan namin at walang pasabing inilagay ang kanyang kamay sa magkabila kong balikat. “Para tantanan ka na ng mga taong may gusto sa ’yo, humanap ka ng isang lalaki to be your fake date,” matiim na wika niya sa ’kin.
“S-sino naman?”
“Kung gusto mo . . . ako na lang.”
Bigla na lang kumabog ang dibdib ko, sobrang bilis, na animo’y ano mang oras ay lalagutan na ’ko ng hininga. Tama ba . . . ’yong narinig ko? Pakiusap, sabihin n’yong ’di ’to totoo!
“Kann . . . Kann! What do you think?”
Nabasag na parang salamin ang imahinasyon ko at ang mga bubog nito ay unti-unting nabubura sa ’king harapan hanggang sa tuluyan akong nabalik sa tamang huwisyo nang tawagin ni Gemini ang pangalan ko nang paulit-ulit.
’Di nga totoo.
“H-ha? A-ano ’yon?”
Dali-dali kong isinara ang librong binabasa ko kanina na pinamagatang Because We Belong Together ni JittiRain. Meron na nga ’tong TV adaptation na 2gether: The Series. Ito’y kuwento ng dalawang binata sa kolehiyo na nagsimula sa isang fake romantic relationship, at kalaunan, naging real couple.
“Ano’ng tingin mo sa fake dating trope? Ano ba’ng nangyari sa ’yo, ha? May sakit ka ba? Pinoproblema mo pa rin ba ’yong ’di ka naka-take ng exam?” sunod-sunod na pagsaboy ni Gemini ng kuwestiyon.
Umiling ako sabay sabi ng, “Wala akong sakit, Nayi. At saka, ayos na ’yong tungkol sa examination. Kahapon, ibinigay na sa ’kin ni Beast Mond ang ID card ko, ’tapos naka-take na rin ako ng special exam.”
Tumango-tango siya, senyales na naniniwala naman siya sa sinabi ko sa kanya. “Ano ngang tingin mo sa fake dating trope?” ulit niya. Sa pagkakataong ’to, may diin na, tila nababanas na siya.
Inayos ko muna ang mga salita sa utak ko bago sumagot, “Ano, ’di talaga ako fan ng fake relationship trope, sa totoo lang. Pero . . . sigurado naman akong marami pa ring magbabasa sa story na isusulat mo. Cliche, oo, pero kung mae-execute mo naman nang maayos, mas mainam. Wala ’yan sa plot o trope, nasa execution ’yan, sa humor ng author para ’di magiging boring ang story, flawed characters pero relatable, at siyempre ’di mawawala ang puso.”
Naks! Bawing-bawi, a. Kung ano-ano kasi ang iniisip ko, e. ’Di ko alam kung ilang minuto akong nakatulala kanina habang nag-i-imagine tungkol sa ’ming dalawa ni Clyvedon.
Pumalakpak nang mabagal si Gemini. “You never failed to impress me, Kannagi,” namamanghang sabi niya. “Dami mo talagang alam. Genuine question: Ba’t ’di ka mag-writer?”
Umangat ang kanto ng labi ko. “Book lover kasi ako. ’Wag mong i-underestimate ang mga reader na tulad ko. Tungkol naman sa pagiging writer, ’di na, uy. Sinubukan ko noon, pero sa tingin ko, ’di talaga para sa ’kin ang pagsusulat. Masaya na ’ko bilang taga-suporta sa mga gawa n’yo.”
“Thank you sa support, Kann, a. Kahit wala pa akong published book, ramdam na ramdam ko ang suporta mo. Alam kong ’pag nagkaroon na ’ko ng published book, ikaw ang unang bibili n’on.”
Ngumuso ako. “’Di rin,” pagkontra ko. “’Di ba sabi mo, ibibigay mo sa ’kin ang isa sa mga complimentary copy ng book mo ’pag nakapag-publish ka na?”
Marahan siyang tumawa. “Gago! ’Di ko sinabi ’yon! ’Wag kang paladesisyon!”
Nahawa ako sa tawa niya, pero agad ding humupa nang may tumikhim sa likuran ko. Karaka-raka ko itong tiningala at napatigalgal ako nang masilayan si Clyve, ’tsaka kasama rin niya si Luke.
“Nakaabala ba kami?” sabi niya, gamit ang seryosong tono.
Sigaw ng utak ko, Ano’ng gagawin ko?
Option #1. Tumakbo nang mabilis.
Ang problema, ’di ko puwedeng iwan ulit itong WPBS kay Gemini. May tiwala naman ako sa kanya, pero kasi, nandito siya para maghanap ng inspirasyon sa susunod na kuwentong isusulat niya.
Option #2. Magpanggap na may Alzheimer’s disease.
Pero ’di naman uto-uto si Clyve para maniwala sa ’kin na hindi ko na siya naaalala. Ano, kahapon, naghalikan. ’Tapos ngayon, magkakalimutan?
Option #3. Hahawakan ang palapulsuhan niya, papakinggan ang tibok ng kanyang puso, at pagkatapos ay mamanduan siya na lumabas dito sa bookstore.
Kaya lang, wala naman kami sa The Gifted Series! At hindi ako si Pang! Yawa! Ano’ng gagawin ko?
Biglang tumayo si Gemini na ikinagulat ko. Nagkatinginan kami kaya agad ko siyang kinausap sa pamamagitan ng mata na ’wag niya ’kong iwan sa dalawang ’to. ’Yon nga lang, mukhang ’di niya ’ko naiintindihan at tumungo siya sa bookshelf para humanap ng panibagong libro.
Umupo sa tabi ko si Clyve, ’tapos sa harapan naman namin pumuwesto si Luke. Sana, may dumating na customer o ’di kaya’y biglang mapadpad dito sina Soichi at Aneeza. Dahil kung hindi . . . kailangan kong i-entertain ang dalawang ’to (wala akong choice).
Kaso, ang awkward para sa ’ming dalawa ni Clyvedon!
Ganito kasi ’yan . . .
Rewind time: Pagkatapos ng halikan namin ni Clyve, agad akong tumakbo nang tamaan ng realisasyon at tubuan ng kaunting hiya. Pagkarating na pagkarating ko naman sa bahay, nag-message ako sa kanya na gusto ko rin siya pero kailangan muna naming maghinay-hinay; masyadong mabilis ang mga pangyayari. Nag-reply naman siya agad na ayos lang daw, nauunawaan naman daw niya ang pasya ko. Nga lang, medyo awkward ’pag nagkita kami. The end.
“You okay?” mahinahong tanong sa ’kin ni Clyve. “Kumain ka naman ba sa tamang oras?”
Tumaas ang sulok ng aking labi dahil sa sinabi niya. Tumayo ako habang nakapamaywang. “Ha! Ano bang klaseng tanong ’yan, ha? ‘Kumain ka naman ba sa tamang oras?’ Ano ’yon? Kung umasta ka, parang mag-on tayo, a? Tigilan mo nga ako sa mga paandar mo, Don Clyve!”
“Kann? Kann, ayos ka lang?” Nakarinig ako ng isang mahabang busina ng sasakyan nang sambitin iyon ni Clyve, dahilan para mabura sa isipan ko ang senaryong ’yon.
Binugbog ko ang aking sarili sa isip ko ’tsaka minura nang paulit-ulit. Anong kagaguhan ’yon, Kann?
Pilit kong ininat ang mga labi ko. “A-ayos lang ako.” Salamat, ha. Sobrang okay ako ngayon kasi nandito ka, sarkasmo na nais ko sanang idagdag. ’Buti na lang at pumreno ang bunganga ko.
“You know what, Kann,” umpisa ni Clyve sabay patong ng kaliwang kamay niya sa balikat ko, “’di mo naman kailangang pumunta at maglinis sa mansyon tuwing umaga. Yeah, you need that job to accumulate money, but I want you to take a rest some time. Alam kong marami kang pinasukang raket. ’Wag mong pagurin ang sarili mo, okay? Basta, sasabihan ko na lang ang stepmom ko na ginagawa mo ang trabaho mo sa mansyon para suwelduhan ka pa rin niya.”
Sinipat ng mga mata ko si Luke bago tumugon kay Clyve, “B-ba’t mo naman gagawin ’yon?”
“’Wag ka nang mahiya, Kann. Ako lang ’to,” si Luke. “’Tsaka, alam ko naman na ang tungkol sa inyong dalawa, at sa nangyari last night. Kung nagkatuluyan lang kami n’ong crush ko, e ’di sana, marami na tayong nakangiti ngayon.”
Ngumiti ulit ako nang pilit. Oo nga pala, sila pala ni Beast Mond ang may pakana sa pag-kidnap sa ’kin para paaminin si Clyve sa tunay niyang nararamdaman tungo sa ’kin.
“Kung ayaw mong ipaalam sa iba, ’wag kang mag-alala kasi ititikom ko ang bibig ko,” dagdag pa ni Luke. ’Tapos, pinasada niya ang pinagdikit niyang hintuturo at hinlalaki sa kanyang nakasarang bibig na para bang may pinatakbo siyang zipper doon.
“Siya nga pala, tungkol sa utang mo kay Rich—Beast Mond—puwede mo naman ’yong bayaran anytime. ’Wag kang matakot at ma-pressure. Ako nang bahalang kumausap sa kanya,” gatong naman ni Clyve sa nauna niyang sinabi.
Bumuntonghininga ako ’tapos ngumiti. “Salamat, Clyve, pero ’di na kailangan,” tanggi ko. “Pinadala na sa ’kin ni Ma’am Gulmatico ang suweldo ko sa paglilinis sa mansyon ’tsaka bumale na rin ako sa may-ari ng Woli. ’Tapos bukas, may iaabot na rin sa ’king pera si Kuya Nastor sa pagbabantay ko rito sa WPBS. Naa-appreciate ko naman na gusto mo ’kong tulungan, pero bukas na bukas ay mababayaran ko na si Beast Mond.”
“Glad to hear that,” nakangiting sabi sa ’kin ni Clyve.
“’Wag mo nang bayaran ’yon,” biro pa ni Luke.
Natawa ako. “’Di puwede. Malaking pera din ’yong hiniram ko sa kanya, e.”
Naabala ang pag-uusap naming tatlo at sabay-sabay naming pinihit ang aming leeg sa direksyon ng pintuan nang tumunog ang chime, senyales na may pumasok sa bookstore. At ’yon ay walang iba kun’di sina Soichi at Aneeza.
Kumaripas ng takbo si Aneeza patungo sa mesa namin. Hinihingal man, nagawa niyang magsabi ng, “Guys, help!” ’Tapos, bumaling siya kay Luke at bigla na lang uminat ang labi niya na para bang ang malaki niyang problema ay nahanapan na niya ng solusyon sa wakas. “’Buti na lang at nandito ka, Luke. Help me, puhlease,” pagmamakaawa nito.
Dumapo ang tingin ni Luke sa ’min ni Clyve ’tapos kay Aneeza. “Ano’ng gagawin ko?”
Karaka-rakang sumungkit ng bakanteng upuan ang kaibigan ko, umupo sa tabi ni Luke, at nilingkis ang mga kamay niya sa braso nito. “May nag-confess kasi sa ’kin na want niya akong maging ano—alam mo na. His name is Kahel. The problem is . . . ’di ko siya type. Sinabi ko na lang sa kanya na taken na ’ko para tantanan na niya ’ko. Kaso, ayaw maniwala ng kurimaw hangga’t walang proof of legitimacy! Nagsisinungaling daw ako para sumuko siya!”
Unti-unting inaalis ni Luke ang mga kamay ni Aneeza. “At gusto mo ’kong magpanggap na boyfriend mo para tantanan ka na niya?”
“Exactly!” madaliang sagot ng kaibigan ko.
“At papunta na siya rito?” kakamot-kamot na tanong nito.
“Kaya nga kami tumakbo ni Soitchy”—itinuro niya si Soichi na naglalakad patungo sa direksyon ni Gemini—“kasi sunod siya nang sunod sa ’min. Magkasama sila ngayon ni Cerri; bagong recruit ’ata niya ang isang ’yon sa Volunteer Club. Help me, puhlease, puhlease.”
Imbes na sumabat sa kanilang usapan, pinili ko na lang na pumirmi at manahimik.
Umentra na rin sa ’min si Soichi na pabagsak na iniupo ang sarili sa upuang malapit kay Clyve. Itinago niya ang kanyang mga kamay sa magkabila niyang kilikili ’tapos nirolyo niya ang kanyang mga mata.
Teka . . . nagseselos ba siya kina Aneeza at Luke? Gusto ba niyang sa kanya humingi ng tulong si Aneeza? Hmm . . .
“Pero, Aneeza—”
Nabitin ang mga salita ni Luke, bigong maisatinig ang kanyang sasabihin, nang muling tumunog ang chime. Pumasok si Cerri at ang isang lalaking ngayon ko lang nakita. Siya na ’ata ’yong Kahel na may gusto kay Aneeza pero ’di niya type.
Lumingon ulit ako kina Aneeza at Luke at laking gulat ko nang halikan ni Aneeza ang kaibigan ni Clyve. Napasinghap kaming lahat dahil sa ginawa niya. ’Buti na lang at mabilisang naipuwesto ni Luke ang kanyang hinlalaki sa pagitan ng kanilang mga labi.
Nang inilayo ni Aneeza ang mukha niya kay Luke, agad siyang nagsabi ng, “Okay na ba ang feeling mo, babe, ngayong naka-take ka na ng kisspirin?”
Wala ni isang salitang kumawala sa bibig ni Luke sa mga sandaling ’yon dala ng gulat. Sa huli, napilitan na lang siyang tumango at pilit niyang ininat ang kanyang mga labi.
Muli kong pinihit ang leeg ko papunta sa pintuan at nakitang nagmamadaling lumabas si Cerri at ’yong lalaking umamin kay Aneeza. Sa tingin ko, nagtagumpay ang kaibigan ko sa plano niya.
Pero parang ako ’yong nasaktan para sa lalaking ’yon dahil sa ginawa ni Aneeza. Ang sakit kasi na kailangang magpanggap ng taong gusto mo na may boyfriend o girlfriend na siya para lang pasukuin ka.
Klinaro ko ang lalamunan ko bago magsabi ng, “’Di ba masyadong harsh ’yong ginawa mo, Aneeza?”
Ipinatong ulit ni Clyve ang kamay niya sa balikat ko. Base sa hitsura niya, parang gusto niyang sabihin na sana’y ’di na lang ako nagsalita tungkol do’n.
Bumaling ako sa kaibigan ko. Ipinuwesto niya ang kanyang baba sa palad niya. “I know,” umpisa niya. “Pero kasi, ayaw kong may nangungulit sa ’kin sa punto ng buhay ko ngayon. Aware naman talaga ako na harsh ’yong ginawa ko, but ayaw ko rin kasing paasahin ’yong tao. Sana, gets n’yo ’ko.”
Tumango-tango ako. May point naman siya. Masakit ’yon, pero sa kabilang banda, ang “no” ay “no.”
Pero bigla na lang naningkit ang mga mata ni Aneeza habang palipat-lipat ang tingin sa ’min ni Clyvedon. “Wait lang. Maiba tayo, you two have been unusually close lately. Nasa’n na ’yong enemyship-enemyship?”
Napalunok ako dahil sa biglaan niyang tanong saka lumikot ang aking mga mata. ’Tapos, pasimple ko ring tinabig ang kamay ni Clyve na nakapatong kanina sa balikat ko.
“Oo nga,” sumalingkitkit si Soichi, suot-suot ang nakalolokong ngiti. “May dapat ba kaming malaman tungkol sa inyong dalawa?”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top