Epilogue - Social Butterfly Challenge
KANNAGI
Naranasan ko nang magkaroon ng patong-patong na mga problema. ’Yong tipong nagsabay-sabay ang mga ito kaya ’di ko na alam kung pa’no harapin, pa’no solusyunan, at kung bakit ’yon nangyari sa buhay ko. Umabot pa sa puntong kinuwestiyon ko ang nasa itaas ng, “Bakit ako?”
Pero ngayon, kinonyatan na ’ko ng realisasyon: binigyan tayo ng Diyos ng mga pagsubok hindi para pahirapan, kun’di para turuan tayong maging madiskarte at matatag sa buhay. Sabi nga nila, ang karanasan ang pinakamainam na guro.
Mabilis na lumipad ang panahon. Ikatatlumpu’t isa na ngayon ng Disyembre, ang huling araw bago mag-New Year, ang huling gabi ng Night Bazaar sa Morlon Street. At sa mga nagdaang araw, sobrang daming nangyari.
Nalaman ng lahat na ’di nagpakamatay si Hasna dahil ang totoo, aksidente ang nangyari. Habang si Cerri naman—dahil sa ginawa niya—ay napasailalim ng juvenile detention center sa karatig-bayan. Lumipat na rin doon sa kabilang bayan sina Prim at ang mama nila dahil sa kahihiyan.
Si Luke naman, nag-sorry na siya sa ’ming dalawa ni Clyve dahil sa iskandalong ginawa niya sa mansyon. In-explain din niya ang buong kuwento sa likod n’ong video; pinakinggan ko siya kahit alam ko naman na ang totoo. Dagdag pa niya, tama raw ’yong sinabi ko sa kanya na kailangan niyang tanggapin na wala na si Hasna.
Samantala, si Richmond, hindi na siya binansagang “Beast Mond” ng lahat. “Rich” na lang ang tawag namin sa kanya. Kung noon, kinatatakutan siya ng karamihan dahil sa imahen niyang maangas, ngayon naman ay kaibigan na siya ng lahat, magaang kasama, madaling malapitan, at tila paruparo na lumilipad mula sa isang tao patungo sa isa pa.
Hindi na namin mahagilap si Gemini sa buong bakasyon. No’ng nag-chat ako sa kanya, sabi niya, may inasikaso raw siyang manuscript. Ine-edit daw niya ang story niya kasi ’yong dream niyang publishing house ay nagpa-call for submission. Kailangan daw niya ’yong i-polish bago ipasa para mataas ang tsansa na matanggap ang manuscript niya. Suportado naman namin siya. Sabi ko pa sa kanya, ’pag na-publish na ang book niya, ako mismo ang unang mag-o-order.
Tungkol naman kay Wayo, ’yong bumisita sa mansyon noon, ’di ko alam kung ano ang meron sa kanila ng anak ni Ma’am Gulmatico na si Sander o Satang—ang tawag niya sa kanya. Ang hiling ko na lang sa kanila: sana, pagbalik ni Sander ay makapag-usap sila.
Kahapon, tumambay kami ng mga kaibigan ko sa isang kainan, habang sila Clyve naman ay nag-i-skateboarding sa plaza. Bumalik kami roon sa Grossi—kainan na may kakaibang twist sa menu nila. ’Tapos, napunta ang usapan namin sa love life.
“’Buti pa ’tong si Kannkong, sinurething,” sabi ni Aneeza sa ’kin. At kay Soichi: “Ikaw, Soitchy, ginano’n-gano’n lang ni Nadine. Payag ka n’on?”
Natawa ako.
Umingos si Soichi. “Kaysa naman sa ’yo, Aningza! Choice daw maging single, e, wala ka lang talagang manliligaw! ’Wag kami!” Umirap pa siya pagkatapos niyang sabihin ’yon.
“’Oy, may nagpaparamdam kaya sa ’kin. Choice ko lang maging single,” apela agad ni Aneeza. “Ikaw, isinumpa ka na talaga. Palibhasa, ’di mo pinasa sa sampung katao ’yong chain message na natanggap mo dati. ’Yan tuloy. Dasurv so much!”
Ngunit sa halip na mainsulto, umangat ang kanto ng kanyang mga labi habang nakatingin nang diretso kay Aneeza. “Pa’no kung tayo talaga, Aneeza? Pa’no kung It-was-right-in-front-of-you-all-along ang trope ng story natin?”
“Pa’no kung”—nagkorteng parang puso ang mga mata ni Aneeza pero napalitan din agad ng panlilisik—“pa’no kung bigwasan kita? Kadiri ka, Soitchy! Mas kadiri ka pa sa mga pagkain dito!”
Nanlalaki ang mga mata, agad kong sinita si Aneeza: “Hinaan mo boses mo, Aningza. Baka mapalabas tayo rito nang wala sa oras.”
Bumungisngis kami pagkatapos. Sobrang saya ko sa mga kaibigan ko. Sana, mahanap nila ang para sa kanila. Pero, hindi naman trend ang pagkakaroon ng love life na kailangang may entry ka ngayon at makipagsabayan sa iba. Mahahanap at mahahanap mo rin talaga ang para sa ’yo sa tamang panahon.
Noong Christmas, pumunta si Clyve sa bahay namin at doon kami nag-celebrate kasama siyempre si Tita Pamila. ’Tapos ngayon naman, balak naming salubungin ang New Year dito sa Morlon Night Bazaar.
“Are you ready, mosh?” Hinandugan ako ni Clyve ng isang matamis na ngiti. Nakasuot siya ngayon ng itim na oversized shirt, baggy pants, at may itim na bonnet pang nakapatong sa kanyang ulo. ’Tapos, agaw-pansin naman ang bitbit niyang skateboard na pininturahan niya ng rainbow.
Sinuklian ko siya ng ngiti, mas malapad sa ibinigay niya, ’tsaka ako tumango. Ako naman, nakasuot ako ng simpleng puting T-shirt, na pinaibabawan ko ng rainbow flannel, ’tapos pinaresan ng brown na shorts.
Ganito kasi ’yan, may challenge kasi ako sa sarili ko. Ngayon, bago mag-Bagong Taon, susubukan kong harapin ang kinatatakutan ko. Mag-ala-paruparo ako ngayong gabi, ibig sabihin ay lilipad ako sa isang tao papunta sa isa pa. At tatawagin ko itong “Social Butterfly Challenge.”
Ilang beses na rin kaming nag-role-play ni Clyve, na siya rin ang nag-suggest, ng mga scenario na maaari kong ma-encounter. Sabi pa niya, makatutulong daw ’yon para maging handa ako at para alam ko na kung pa’no i-handle ’pag nangyari na sa ’kin.
Wala nang atrasan ’to, untag ko sa ’king sarili sa isip ko. Subukan mong mag-focus sa kung ano lang ang lalabas sa bibig ng mga tao, Kann. ’Wag mo silang pangunahan at mag-isip ng kung ano-ano.
Iginala ko ang mga mata ko sa paligid. Nakahilera sa bangketa ang iba’t ibang stalls na may samot-saring pagkain at inumin. Meron din namang ibang nagtitinda ng mga damit na ukay-ukay sa di-kalayuan. Sobrang saya ng mga tao habang kumakain, umiinom, at naglalakad sa gitna ng kalsada. Napalamutian pa ang mukha nila ng kulay pink, purple, at blue na liwanag na nanggagaling sa iba’t ibang tindahan.
Pagtingala ko, napailaliman kami ng nakasampay na mga payong sa itaas na iba-iba ang kulay. Ibinalik ko saglit ang titig kay Clyve bago ako sumulyap ulit sa maraming tao at unti-unting inihakbang ang mga paa pasulong.
Kumalabog bigla ang dibdib ko kaya sinubukan ko ’yong tinatawag na “4-7-8 breathing technique.” Una, dahan-dahan akong huminga sa pamamagitan ng ilong sa loob ng apat na segundo. Pangalawa, pinigil ko ang hininga sa loob ng pitong segundo. ’Tapos, bumuga ako ng hangin sa loob ng walong segundo.
Isinilid ko sa ’king bulsa ang cell phone ko. Tumikhim muna ako, bumuntonghininga, ’tsaka ko nilapitan ang isang lalaking parang kaedaran ko lang din. “Puwede pong . . . magtanong kung anong oras na po?”
Huminto siya ’tapos agaran siyang napatingin sa kanyang relo. Nag-angat siya ng tingin sa ’kin sabay sabing, “9:31 p.m. na po.”
Ininat ko ang mga labi ko, ipinagdaop ang aking mga palad, at bahagyang yumuko. “Thank you!”
Nagpakawala ako ng hangin pagkatapos ko siyang lampasan. ’Pansin kong may isang babaeng may hawak na monopod na sumusuporta sa kanyang cell phone, ’tapos umikot-ikot pa siya para mahagip ng camera ang paligid. Vlogger ’ata.
Kinagat ko ang ibabang labi at saka muli akong nagpakawala ng hangin gamit naman ang ilong ko. ’Tapos, napagdesisyunan kong makipagsiksikan sa mga tao sa gitna ng kalsada. Tumahip-tahip ang puso ko sa kaba. Panaka-naka akong humihingi ng pasensiya at saka bumati rin sa iba ng, “Advance Happy New Year!”
“Say hi!” sabi n’ong babaeng vlogger nang mahagip ako ng camera niya.
Awtomatikong kumurba pataas ang mga labi ko. “Hi po!” At saka kumaway rin ako.
Pagkatapos n’on, napabaling naman ako sa gilid. May magbabarkadang nakapuwesto sa isang mesa at nag-tuslob buwa. Sa tabi nila, may sumisimsim ng inumin na kulay blue habang nag-chikahan. ’Tapos, sa unahan naman, umuusok pa ang bagong hain na puto bumbong.
Hindi rin nakatakas sa paningin ko ang dalawang babaeng kumakain ng laman ng sikad (isang uri ng seafood) na tinuhog sa stick. Dali-dali akong lumapit sa kanila.
“Masarap po ba?” tanong ko kahit alam ko namang kakaiba ang lasa n’on.
Pareho silang ngumiti at napatango-tango kaya nakahinga ako nang maluwag. “Try mo,” sabay nilang sabi.
Bumili ako ng dalawa, binabad saglit sa sawsawan, ’tapos tinikman. Pinilit kong ngumiti habang ngumangata. “Masarap nga!” bulalas ko at saka sabay kaming tatlong nagpakawala ng mahihinang tawa.
Ganito pala. Ganito pala makipag-socialize. Ilang taon din akong niyakap ng takot dahil sa karanasan ko. Sa paulit-ulit na pambu-bully ng mga kaklase ko noon, nalimas nila ang kumpiyansa ko sa sarili. Ngayon, gusto kong magbago, paunti-unti. Gusto kong ipagpag ang takot ko. Hindi ko na mabilang pa ang mga na-miss kong opportunity dahil dito.
Nang makaipon ng tapang at kumpiyansa, agad akong kumuha ng isang bakanteng upuan at hinila ito papunta sa gitna ng kalsada. Pumatong ako sa upuan sabay sigaw ng, “Mosh! Sinubukan ko! N-nagawa ko!”
Nahawi ang kumpulan ng mga tao at napabaling sila sa kausap ko. Uminit ang sulok ng mga mata ko pero nanatili pa ring nakainat ang aking mga labi habang kumakaway sa kanya.
Pumatong din siya sa skateboard niya. Hinubad niya ang kanyang bonnet at saka iwinasiwas sa ere. “Baka mosh ko ’yan!” ipinangalandakan niya ’ko sa lahat ng nandito.
Natamaan ng liwanag ang mukha niya kaya naaninag ko ang luha niyang umalpas mula sa kanyang mga mata habang patuloy sa pagwagayway ng kamay. Naiyak siya sa tuwa; masaya siya para sa ’kin dahil sinubukan ko at dahil sa pagpupursigi ko.
Sa tingin ko, kaya ko na ngayon. Parang pakiramdam ko, ngayon na mag-uumpisa ang panibagong kabanata ng buhay ko. Bagong kabanata, bagong pagsubok. Siyempre, kasama ko pa rin si Clyve.
“Are you ready, mosh?” ang tanong niya sa ’kin kanina.
Oo, handa na ’kong . . . humarap sa dagat ng mga tao.
THE END
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top