Kabanata 6
KABANATA 6
By: @LovelyOga
Tumatakbong mga paa. Hindi lang isang pares. Pagkatapos ay may sumigaw ng, "Doon!"
Nagtagpo ang mga mata nilang tatlo.
"Nariyan na sila!" natatarantang sambit ni Francis. Walang duda na ang putok ng baril ang nagpaalerto sa mga kalaban. "Kailangan nating magtago," patuloy nito habang tumitingin sa paligid.
"Saan?" tanong ni Celes.
Biglang may naisip si Francis. "Sa bangin."
Napatingin sa kanya ang magkapatid, nasa mukha rin ang pagmamadali. "Saan kamo?" magkasabay na ulit ng dalawa.
"Sa bangin kung saan ko nahulog ang video cam. P'wede tayong bumaba roon. Hindi na siguro nila 'yon maiisip. Kaya halina kayo bago pa nila tayo mapatay!" Nauna nang tumakbo ito palayo. Hindi nito pinahalata ang sumasakit na binti.
Mabilis namang sumunod ang dalawa.
~~~
Magbubukang-liwayway na nang marating nila ang bangin. Matarik iyon, mataas, at sa ibaba ay batuhan. May mga malalaking ugat doon na puwede nilang kapitan pababa.
"Mauna akong bababa. Sumunod agad kayo," saad ni Francis. Sinubukan nitong hilahin ang isang ugat para malaman kung matibay ba iyon. Nang hindi bumigay, kumapit ito at nagsimulang bumaba kahit hirap sa binti.
Sumunod naman si Celes habang si Brent ay palinga-linga pa sa paligid.
"Ayy!" sigaw ni Celes nang maputol ang ugat na kinapitan niya. Mabuti na lang at maagap si Francis. Nahawakan nito ang kamay niya kaya 'di siya tuluyang nahulog.
"Kumapit ka nang mabuti," utos nito sa kanya, na sinunod niya.
Mabilis namang bumaba si Brent. Tiyak na narinig ng mga humahabol ang sigaw ng kapatid.
Umingay ang gubat. May mga sigaw at tunog ng mga tuyong dahon na naaapakan. Bago tuluyang makababa ay nakita pa ni Brent ang tatlong lalaki. May mga dalang armalite samantalang shotgun naman sa isa.
Nakababa na si Brent nang lumingon sa gawi nila ang isang lalaki. "Muntik na," bulong niya. Tumingin siya sa dalawang kasama at sumenyas na 'wag gumawa ng kahit na anong ingay.
"Bangin na rito! Wala nang puwedeng matakbuhan. Sigurado ka bang dito mo banda narinig ang sigaw?" narinig nilang sambit ng isa.
"Oo, sigurado ako," sagot naman ng isa pa.
Muling maririnig ang mga yabag. Palapit nang palapit sa gawi nila. Kinilabutan sila. Mas humigpit ang kapit nila sa ugat. Pigil din ang kanilang paghinga. Nagsisikap silang 'wag makagawa ng kahit isang maling galaw dahil patay sila. Tahimik din silang nanalangin na huwag sanang tumingin ang mga ito sa ibaba ng bangin dahil siguradong katapusan na nila.
"Halina nga kayo! Ro'n tayo pumunta. Kapag wala pa rin, balik na tayo sa hideout."
Narinig nila ang tumatakbo at lumalayong mga yabag. Nang tuluyang tumahimik ang paligid, nakahinga sila nang maluwag.
Itinuloy na nila ang pagbaba sa bangin. Wala mang mga experience, nakarating naman sila sa ibaba nang maayos. Hinanap agad nila ang video cam.
Si Celes ang unang nakakita rito. Lalapitan na sana niya iyon nang makita ang isang rattlesnake na kasinlaki ng kanyang braso. Mga dalawang talampakan lamang ang distansiya nito mula sa video cam.
Ingat na ingat siyang humakbang paatras. Tatlong hakbang pa lang nang tumalikod siya upang tumakbo sana ngunit bumangga siya sa katawan ng kapatid. Mabilis siyang napayakap dito. Nanginginig siya sa takot.
"Wala na ang ahas," saad ni Brent habang hinahaplos ang buhok ng kapatid.
Kumalas naman ng yakap si Celes saka lumingon. Nakita niyang pinagpapalo ni Francis ang ulo ng ahas gamit ang may kalakihang sanga ng kahoy na 'di niya alam kung saan nito napulot. Matapos pagpapaluin ay dumampot pa ito ng malaking bato at inihulog iyon sa katawan ng ahas.
Nasa kamay na nila ang video cam. Ngunit basag ito at nagkahiwa-hiwalay na ang ibang bahagi. Hindi na iyon mapapakinabangan. Mabuti na lang at maayos pa ang miniSD card nito. Agad nila iyong inilagay sa tab upang maipadala na ni Francis ang video ngunit may isa pang problema. Walang signal!
Nagpalibut-libot na sa paligid ang tatlo upang maghanap ng signal. Lumipas na ang mahigit sampung minuto ay wala pa rin silang mahagilap kahit isang bar.
"Kuya, ano'ng binabalak mo?" tanong ni Celes nang makita niyang lumapit ang kapatid sa puno ng niyog.
"Naalala n'yo ba 'yong patalastas sa TV noon na umakyat sa puno ng niyog ang lalaki para tawagan ang anak niya?" tanong ni Brent sa dalawa. Nakalapit na rin kasi si Francis at nakatayo na ito sa bandang likuran ni Celes.
Tumango ang dalaga bilang sagot samantalang umiling naman si Francis.
"Susubukan ko rin baka kasi effective. Kaya akin na 'yang tab at 4G stick at aakyat na ako."
"Pero, Kuya! Baka mahulog ka. 'Yong puno nga ng santol sa bahay takot kang akyatin, 'yang niyog pa kaya?" protesta niya. Nag-aalala siya para sa kapatid.
"Kaya 'to ni Kuya. Hindi naman puwedeng si Francis ang umakyat dahil may sugat siya." Itinuro pa nito ang binti ng journalist na bumakas muli ang dugo sa suot nitong pantalon. "At mas lalong 'di ka puwede dahil babae ka," litanya nito at kinuha ang tab at 4G stick kay Francis.
Hindi na lang umimik si Celes.
Lumapit naman si Brent sa puno ng niyog. Inilagay niya sa bulsa sa loob ng kanyang jacket ang tab at sinigurong nakasara ang zipper upang 'di iyon mahulog. Tiningala niya ang puno. Sobrang tayog niyon. Halos umabot iyon ng siyamnapu't walong talampakan. Bumuntong-hininga muna siya nang malalim bago hinubad ang sapatos at inumpisahang akyatin ang puno.
Tahimik na nagdasal si Celes para sa kaligtasan ng kapatid. Wala namang imik si Francis na nakatingala sa niyog. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala para sa doktor.
"May signal!" sigaw ni Brent maya-maya na nasa itaas ng niyog.
Nagtatalon naman sa tuwa sina Celes at Francis. Sa wakas, maipadadala na nila ang video.
Maya-maya, natigil ang pagtalon nila nang sumigaw muli ang doktor.
"Paano bumaba?!"
~~~
Samantala, sa JLM Network, natanggap nila ang video. Agad nila iyong pinanood. Nagpulong-pulong muna silang mga nangangasiwa sa istasyon. Isang maselan na usapin ang laman ng video kaya kailangang pag-isipan nang mabuti. Napagpasyahan nilang huwag agad-agad ito ipalabas sa publiko. Ipakikita muna nila iyon sa kinauukulan at ombudsman para maaresto, makasuhan, at magawan ng subpoena ang lahat ng sangkot. Kapag ipinakita nila agad iyon sa publiko, mabibigyan ng pagkakataon ang iba na makatakas o makapagtago. Sekreto muna para madaling mahuli ang mga sangkot sa anomalya.
Saka pa lang nila inilabas sa publiko ang video kinagabihan sa programa ng istasyon, ang JLM News. Ipinakita rin ang pagkakadakip sa mga tiwaling opisyal at mga nasasakupan. Maging ang hideout ng mga ito at bodega ay na-raid na rin.
Inilabas din nila ang video sa kanilang website, Facebook page, at Twitter, na kung saan umani ito ng ilang milyong views at libu-libong komento mula sa mga mamamayan na nasa loob at labas ng bansa.
~~~
Sa mga sumunod na araw, personal na binisita ng Pangulo ng Pilipinas ang mga apektadong lugar upang manguna sa mga aktibidades: kagaya ng rehabilitasyon at paglilinis sa buong lugar, tree planting at pag-promote ng ecological balance, pagbubungkal ng lupa sa paligid ng mga halaman at puno, at paglalagay ng natural na pataba. Nagtulung-tulong ang mga mamamayan ng Esperanza at ilang mga volunteers. Ang National Irrigation Admistration ang namahala sa daloy ng tubig upang malinis iyon nang sa gano'n ay puwede na ulit magamit ng mga residente. Bukod sa livelihood restoration, may medical mission din upang suriin lahat ng mga nasasakupan at magbigay ng libreng gamot.
Binigyan ng parangal ng Pangulo ang mga mamamayan ng Esperanza dahil sa pagtutulungan. Nakatanggap din ng award ang magkapatid at si Francis ng People of the Year dahil sa kanilang kamangha-manghang tapang, dedikasyon, lakas ng loob, at paninindigan.
"Narinig kong na-promote ka raw? Pero bakit mo tinanggihan ang pagiging anchorman?" tanong ni Celes kay Francis. Nakatayo sila 'di kalayuan sa mga kasamahan. Nagpapahinga sila sandali.
Tumingala si Francis sa maaliwalas na kalangitan. "Kapag mananatili ako sa studio, hindi ko na magagawa ang aking gusto bilang isang journalist. Ang dumayo sa iba't ibang lugar upang maghanap ng balitang dapat malaman ng sambayanan. At saka bata pa lang naman ako. May mga mas karapat-dapat pa sa akin para sa posisyong 'yon. Mas gusto kong nasa field dahil marami akong nakasasalamuhang tao. At hindi lang 'yon, isa rin akong adventurous na tao." Tumingin ito kay Celes. "E, bakit kayo ng kuya mo ay tinanggihan din ang pagpapalipat sa inyo sa mas malaking paaralan at ospital?"
Nangiti si Celes. "Na-realized kasi namin na mas kailangan kami rito. Hindi naman mahalaga kung saan kami ilalagay dahil hindi iyon ang sukatan ng pagiging isang magaling sa larangang pinili namin. Ang mas mahalaga ay 'yong mga pasyente na matutulungan ni Kuya at mga batang matuturuan ko. At saka marami nang doktor at guro sa siyudad. Ayaw namin makipagsiksikan do'n."
"Masaya akong makilala kayong magkapatid." Nilingon nito ang doktor na kinukunan ng blood pressure ang isang matandang babae. "First time kong makakita ng doktor na umakyat sa puno ng niyog," natatawang dugtong nito, pero biglang sumeryoso ang mukha nang maalala kung paano nahirapang bumaba sa naturang puno ang doktor. "Sana lahat kagaya ninyong dalawa."
Ngumiti si Celes. "Sana lahat din ng journalists kagaya mo."
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top