Kabanata 3
KABANATA 3
By: @miniemhAe
Kaagad nagpasya si Brent na bumalik sa pinapasukan niyang pampublikong ospital sa Koronadal City. Hindi siya mapakali sa ilang araw na niyang iniisip na may kinalaman o koneksiyon talaga ang pagkamatay ng mga hayop sa pagkakasakit ng mga taga-Esperanza.
Ayon sa datos na nakalap ng team, aabot sa mahigit na dalawampung katao na ang bilang ng mga taga-Esperanza na naka-confine roon. Karamihan ay mga magsasaka at mga bata.
Nagpasya siyang puntahan isa-isa ang mga pasyente.
"Ano'ng update?" ani Brent sa kasamang doktor.
"Sa initial findings, na-dehydrate ang mga ito nang dahil sa pagtatae at pagsusuka; bukod sa kinakitaan ng pagkahilo, sobrang pagpapawis, lagnat, at pagliit ng pupil ng mga mata."
Napansin din ni Brent ang mga daliri at ilalim ng mga mata ng mga pasyente. Nangingitim ang mga ito. May dalawa pa sa mga pasyente ay nagkaroon ng skin irritation.
Sabi ng kasamang doktor, "Sa mga sintomas na 'yan, malaki ang posibilidad na nalason ang mga pasyente. Ngunit hindi pa tayo makapagbibigay ng conclusion hangga't wala pa ang reports mula sa laboratoryo."
"Ito rin ang inisyal kong suspetsa," tugon ni Brent. "Sa ganito kabilis na pagdami ng mga nagkasakit sa iilang araw lang, mataas ang posibilidad na nagmumula ito sa tubig. Ayon sa mga pasyente, galing sa mga poso ang tubig na kanilang iniinom, ginagamit sa pagluluto, sa pananim, at gamit sa pang-araw-araw na gawain. Simula't sapul, ang mga poso nila ang source ng kanilang tubig. Kaya kung kontaminado ang mga poso, tugma nga na gano'n kabilis at karami ang naapektohan."
Nagsisikap silang tingnan ang lahat ng anggulo. Maaari kasing nasa kinakain ang sanhi ng pagkalason o sa hangin sa paligid. Puwede ring viral infection 'yon.
Kung kaya muling bumalik ang ilan sa team ni Brent sa Esperanza. Pumunta sa sakahan at ilang pananim ang ilan sa mga eksperto sa pagsusuri ng lupa. Ganoon din sa tubig-poso, ilog, at sapa. Meron ding mga veterinary experts na nag-eksamen sa mga patay na hayop. Lahat iyon ay kinunan nila ng samples at ipinadala sa bayan upang ipasuri sa laboratoryo.
Siya naman ay nagpaiwan muna sa bayan. Mayroon siyang iskedyul na meeting sa opisina ng local DRRM council kasama ng pinuno at mga opisyales nito, at ilang opisyales din ng LGU.
Sa loob, nabungaran niya si Miss Zamora, ang kakilala niyang chief officer.
Nagbigay ng thorough briefing si Brent sa mga naroroong opisyales tungkol sa sitwasyon sa Esperanza. Tinalakay rin niya ang mga findings nila sa mga pasyente. Ganoon din sa suspetya ng pagkakasakit. Ibinalita niyang nakakalap na sila ng sapat na samples. Tanging laboratory results na lang ang kailangan nilang hintayin.
"Sa ngayon, kailangang maasikaso ng ibang government agencies na eksperto sa ganitong sakuna at kalamidad ang pagkain at inumin ng mga tao roon. Lalo na kapag dumating ang resulta ng tests at makumpirmang positibong kontaminado nga ang tubig at pagkain doon."
Puro tango ang tanging naisagot ng mga opisyales. Ang isang councilor ng siyudad ay napamasahe sa noo. Mukhang nakikita na nito kung gaano kalawak ang magiging problema nila.
"Oras na makuha natin ang mga resulta," ani Miss Zamora, "ang team mo ay kailangang magsagawa ng maliit na pagpupulong sa Esperanza, nang sa gayon ay mabawasan ang kanilang isipin. Panigurado ang lahat ng mamamayan doon ay nababahala na sa mga nangyayari. Sa karatig-baranggay ay may mga kaso na rin ng isinusugod sa ospital na may parehong sintomas. Pagkatapos nitong meeting natin, agad kong isasangguni ang report mo, Dr. Brent, sa Mayor upang mabigyan agad ng agarang tulong ang mga apektado sa ilang baranggay."
Nang matapos ang meeting na iyon, nagpasalamat si Brent para dito.
~~~
Lumipas ang ilang araw, kasalukuyang nasa loob ng opisina si Brent sa health center ng Esperanza. Binabasa niya ang ilan pang nakalap nilang impormasyon tungkol sa hinahawakan niyang kaso. Natigil siya nang marinig ang pagkatok sa pinto.
"Pasok," aniya.
"Dr. Brent, nandito na po ang autopsy report sa mga namatay na hayop. Nandito na rin ang resulta ng tests sa tubig at lupa. Pati na rin po ang laboratory test sa mga taga-Esperanza at sa mga pasyente sa ospital," bungad ng isang nars.
Ngiti lamang ang itinugon ni Brent.
"Guwapo gid man gali ning isa nga ni," pabulong na banggit ng nars sa salitang Bisaya, sabay abot ng laboratory reports. Natulala pa nga ito sa kaguwapuhan ng doktor. Umalis agad ang nars sa loob ng opisina na dama ang kilig.
Sino ba naman ang hindi mahuhumaling dito? Malayo sa edad na treynta y tres ang itsura nito. May halos perpektong mukha ito gaya ng sa mga hollywood actors. Dagdag pa sa kaguwapuhan nito ang pagsuot ng mahaba at kulay puting doctor's gown.
Nang matapos niyang basahin ang mga resulta ay tinawagan niya ang kanyang kapatid sa telepono. Inaya niya ito na pumunta sa barangay hall, dahil magkakaroon ng maliit na assembly o pagpupulong doon. Handa na niyang ipaliwanag sa mga taga-Esperanza ang naging resulta ng mga pagsusuri.
Kinahapunan nga ay naganap ang pagpupulong. Sa dami ng dumalo, hindi magkasya ang lahat sa barangay hall kaya ang iba ay sa labas na lamang nakinig.
Nagsimula na si Brent. "Magandang hapon po sa inyong lahat. Nandito ako sa harapan ninyo upang magbigay linaw kung bakit nagkasakit ang ilan sa atin... Ito ay dahil sa lason. Lason na nagmula sa iniinom nating tubig at pagkain. Ang pangunahing sintomas ay pagkahilo, pagkakalagnat, pagtatae at pagsusuka. Ito po ang resulta ng ilang laboratory tests na isinagawa namin sa mga pasyente." Sabay angat ng hawak niyang malaki at kulay brown na envelope. "Sa autopsy naman ng nangamatay na mga hayop, may natagpuang parehong trace ng lason na katulad sa mga pasyente. Lumakas ang posibilidad na may koneksiyon itong dalawang pangyayari. Kung kaya kumuha rin tayo ng samples ng kinakain at iniinom ng mga hayop..." Muling itinaas ni Brent ang papel na puro mga reports ang laman. "Naririto ang kumpirmasyon na kontaminado ng lason ang tubig sa ilang poso at ilog. Ganoon din ang lupang inyong sinasaka at tinataniman. Ang ilang damo at pananim na gulay ay nakitaan din ng trace ng lason...."
"Dok... ibig bang sabihin ay sasapitin din ng mga tao ang nangyari sa mga hayop?"
Medyo nagkagulo ang mga naroroon sa tanong na 'yon.
Itinaas ni Brent ang kamay upang patahimikin at pakalmahin ang ilan.
"Posibleng oo, kung ito ay hindi maagapan kaagad. At posibleng hindi naman, dahil sigurado akong magkaiba ang proseso ng metabolismo ng tao kaysa sa hayop."
"E, dok, ano itong lason na sinasabi n'yo?" tanong naman ng isang guro.
"Ang lason na na-trace ayon sa laboratory results ay isang uri ng kontaminadong kemikal na naging toxic waste. Natagpuan namin ito sa isang sintetikong fertilizer na ginagamit ng mga magsasaka rito sa Koronadal City."
Umugong ang bulungan at komento sa paligid. Halos lahat kasi roon ay mga magsasaka na gumagamit ng fertilizer.
"Kuya, matagal na panahon na ang ginugugol ng mga magsasaka rito. Madalas na silang gumamit ng fertilizer. Pero bakit ngayon lang ito nangyari?" sambit ni Celes.
"Gumagamit ng Urea fertilizer ang mga magsasaka sa buong Koronadal City. Isa na ang Barangay Esperanza. Ang pangunahing sangkap ng Urea ay nitrogen. Ang nitrogen ay tumutulong sa growth process ng isang halaman. Kapag ang Urea particle ay natunaw sa lupa, tumataas ang ammonia concentration. Ibig sabihin, ilang oras na toxic ang lupang ito na ikinamamatay ng mga pananim. Subalit nanu-neutralize naman ito dahil nagiging ammonium ang ammonia. Ang ammonium ay isang molecule na matatagpuan sa nitrogen na siyang kailangan ng halaman. Subalit ang natural na chemical conversion na ito ay hindi nangyayari sa kaso ng Urea fertilizers na naeksamin namin. Hindi nagiging ammonium ang ammonia. Ang dahilan ay dahil may nakita kaming isang toxic chemical na nakahalo sa Urea. Hinahadlangan nito ang natural na chemical changes. Sa ngayon, hindi pa namin ma-determine kung ano ito. Pero malakas ang posibilidad na isa itong bagong imbentong sintetikong kemikal, na ayon sa aming pananaliksik ay napakamura at binebenta na sa black market. Dahil dito, isa nang toxic waste ang fertilizer."
"Papaanong naging kontaminado ng lason ang mga tubig, lupa, at pananim?"dagdag na tanong ni Celes.
"Sa ngayon, hindi pa natin masasabi kung paanong nag-umpisa ang lason o kung saan talaga nai-manufacture ang mga fertilizers na may halong kontaminadong kemikal. Kailangan pa natin ng karagdagang ebidensiya. Pero, maraming posibilidad kung paano naging kontaminado ng lason ang tubig, lupa, at pananim natin. Malimit ang pagbuhos ng ulan nitong nakaraang linggo. Kaya mabilis ang pagkalat ng lason. Kung itong kontaminadong fertilizer ay mula sa kabundukan, ito ay mabilis na nahalo sa ating ilog at lupa. Napabilis ang pagkalat nito sa ilog at poso; at mabilis na nasipsip ng ating lupain. Ang resulta, hindi lamang tubig ang kontaminado, kundi mga isda sa ilog na kinakain ng mga tao. Damay na rin ang mga tumubong gulay, nahinog na mga prutas, mga bagong aning palay, mga damong kinakain ng mga hayop. Ngunit isa ang sigurado. Na ilang mga fertilizers na naeksamen namin na mayroong trace ng toxic chemical ay nanggaling sa ilang magsasaka rito sa Esperanza. Kaya kailangan natin ng ibayong pag-iingat. Iwas muna tayo sa paggamit ng tubig na galing sa poso, sa pagkain ng bagong aning gulay at palay, lalo na sa paggamit ng fertilizers."
"Pero saan kami kukuha ng maiinom at makakain kung hindi na mapakikinabangan pa ang poso at pananim namin?" saad ng isa pa. "Alam na ba ito ni Mayor?"
Pumagitna ang kapitan sa diskusyon. Sinabi ng kapitan ang isang magandang balita. Na ang lokal na pamahalaan ay magbibigay ng libreng supply ng malinis na tubig at ilang mga relief goods para sa kanilang lahat. Dahil dito, nagpasalamat ang lahat kay Brent at sa mga opisyales.
~~~
Matapos ang assembly sa barangay hall, umuwi na ang magkapatid. Kahit pagod at maraming iniisip dahil sa sitwasyon sa Esperanza, nagawa pa rin nilang magbiruan noong sabay na naghapunan.
Naghuhugas ng pinagkainang plato si Celes nang biglang may sunud-sunod na pagkatok siyang narinig sa pinto.
"Tulong!" Boses-lalaki iyon. Mapapansin agad na hirap na hirap ang tono ng boses nito at halos hindi na nga marinig.
Dali-dali nilang binuksang magkapatid ang pinto.
Isang duguang lalaki ang nakahandusay sa paanan ng pintuan nila!
Dahil sa gulat at takot, napayakap nang wala sa oras si Celes sa kapatid.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top