Kabanata 2
KABANATA 2
By: @iamdreamer28
Hindi na itinuloy nina Celes at ng matandang guro ang balak nilang pagsuyod sa buong lugar. Sapat na ang mga nakita nila kaya bumalik na sila sa paaralan. Pinagpayuhan ng mga guro at ng iba pang nangangasiwa ng paaralan ang mga mag-aaral na iwasan munang dumako sa naturang lugar upang makaiwas sa sakit na maaaring maidulot ng mga patay na hayop sa kalusugan.
'Di nagtagal, maaga ring pinauwi ang mga estudyante dahil kailangang pag-usapan ng mga nangangasiwa ang misteryo sa ilog at sa kalapit na taniman. Pagkatapos ng pagpupulong, maging sina Celes at mga kasamahang guro ay pinauwi na rin nang maaga.
Kinabukasan, pagkatapos ng flag ceremony, napansin na ni Celes na tila may kakaiba sa iilang mga estudyante sa plasa. Sa classroom niya, matamlay ang ilan. Dati naman ay medyo maingay kapag hindi pa nagsisimula ang klase. Nakapatong ang ulo ng iba sa ibabaw ng desk na inuupuan, habang may iba naman na panay labas-masok ng silid.
Habang naghahanda sa unang aralin sa kanyang klase, nahagip ng bilugang mga mata niya ang isang batang babae na nakaupo sa harapan ng flagpole. Hawak nito ang bandang tiyan.
"Class, ilabas ang libro. Basahin ang page thirty. Huwag maingay dahil may pagsusulit pa sa kabilang silid," aniya bago tuluyang lumabas.
Medyo mahangin ang umagang iyon kaya naman napahawak si Celes sa maalon at mahaba niyang buhok na kulay brown, habang naglalakad papalapit sa flagpole.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" bungad ni Celes.
Umangat ang ulo ng bata nang marinig siya. "Sakit tana busong ko, ma'am," anito sa wikang Ilonggo.
Hindi man gaanong nakapagsasalita si Celes ng ganoong wika, sa loob ng mahigit tatlong buwan niyang pananatili roon, nakaiintindi na rin siya nito kahit papaano.
Agad niyang tinabihan ang namumutlang bata. "Ano ba'ng nakain mo at sumakit 'yang tiyan mo?" Sinlaki rin ng mga butil ng mais ang pawis ng bata sa mukha. "May lagnat ka pa," dagdag niya nang dinama ang noo nito.
Pinauwi ang bata pagkatapos ipagbigay-alam sa mga magulang ang kalagayan nito. Hindi pa man nakaaalis, may isa na namang magulang ang dumating upang ibalita na hindi makapapasok ang anak nito dahil may lagnat, nahihilo, at nagtatae raw. Wala pang trenta minuto, dalawa pang mga magulang ang nagsidatingan na may pareho ring kaso at sitwasyon sa mga anak. At halos mag-panic sa buong paaralan nang ilan sa mga mag-aaral na kinakitaan ng katamlayan kanina ay nakaranas ng pagkahilo, sakit ng ulo, at pagsusuka! Ang ilan na panay pasok sa CR ay nagtatae na pala.
Mabilis na kumalat ang balita sa buong baranggay.
Iyon pala, pati ilang magsasaka at miyembro ng pamilya ay nakaranas din ng ganoong sakit.
Nabahala ang lahat. Mukhang kumakalat ang ganoong uri ng sakit.
Unang pagkakataon ding nangyari 'yon doon. Malusog ang mga mamamayan ng naturang lugar dahil sa mga preskong gulay at prutas na kinakain. Kaya malaking palaisipan ang biglaang pagkakasakit ng ilan.
"Sana, Panginoon, hindi 'to isang epidemya," dasal ni Celes sa isipan.
Kinagabihan, pagkatapos niyang kumain ng hapunan, tinawagan niya ang kapatid na doktor na naroroon din sa Koronadal City. Gusto niyang magtanong at humingi na rin ng opinyon ukol sa pangyayari sa kanilang baranggay. Habang hinihintay na may sumagot sa kabilang linya, lumabas siya sa balkonahe ng kanyang bahay.
Sa labas, milagrong tahimik ang mga kapitbahay. Marahil ay apektado sa nangyayari sa kanilang komunidad. Noong una, buong akala niya, hindi siya makatatagal sa uri ng pamumuhay ng mga tagaroon. Malayong-malayo iyon sa buhay na kinagisnan niya. Ngunit sa pagdaan ng mga araw, unti-unti niyang minahal ang simpleng buhay na mayroon ang naturang komunidad.
"Kuya, kumusta?" Naupo si Celes sa isang mahaba at kahoy na upuan sa labas.
"Nitawag man lagi ka?" sagot ni Brent sa wikang Bisaya. Alas otso na rin kasi ng gabi at hindi normal pagdating sa binata ang makatanggap ng tawag mula sa kapatid sa gano'ng oras.
"Bakit? Bawal na akong tumawag sa 'yo?" biro ni Celes.
"Hindi naman. Nagtataka lang kung bakit ka napatawag." Hindi naiwasan ni Brent ang hindi mapangiti habang abala ito sa pag-aayos ng gamit dahil sa balak na pagbisita sa kapatid.
Nang malaman kasi ng binata ang balitang maraming hayop ang namatay at mga mamamayan nitong naisugod sa iba't ibang ospital kabilang na sa pinagtatrabahuan niya, agad siyang nagprisinta sa kakilalang chief officer ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council na tumulong at mag-imbestiga. Isa itong konseho o grupo ng iba't ibang organisasyon at ahensiya ng gobyerno, non-government, civil, at private sector. Layunin at responsibilidad kasi nitong opisina—at inatasan ng LGU—na tiyakin ang seguridad, proteksiyon, at kapakanan ng mga tao; tumugon at gumawa ng aksiyon sa mga natural na kalamidad, sakunang kagagawan ng mga tao, at iba pang emergencies.
Isa pa, nandoon ang kapatid. Gusto niyang makasiguro na ligtas ito.
~~~
Kinabukasan ng hapon, dumating si Brent sa Barangay Esperanza. Pagbaba ng habal-habal, isang simple ngunit malinis at maayos na bahay ang tumambad sa kanya. Ang mga haligi, hagdanan, at pintuan ay gawa sa kahoy. Ang bubungan ay yari sa dahon ng nipa. Ang mga dingding naman ay yari sa kawayan, maging ng mga bintana kung saan tinukuran ng patpat para manatiling nakabukas.
"Mabuti naman at nakatiis ang isang Celeste Calajati sa mabundok na lugar," bulong ni Brent sa sarili.
Agad napansin ni Celes ang kapatid na nakatayo sa labas kaya medyo nagulat siya. "Kuya?"
Lumingon si Brent sa pinanggalingan ng boses at nang makita niya ang kapatid, sinalubungan niya ito ng isang ngiti. Lumapit siya, "Kumusta? Wala ka bang pasok? Alas tres pa lang ng hapon."
Nagpaliwanag si Celes. Halata sa mukha niya ang hiya pero sinabi niya kay Brent na apat na beses na siyang nagpabalik-balik sa kubeta magdamag. Mukhang pati siya, apektado na ng kumakalat na sakit.
Nang sumapit ang gabi, medyo bumuti na ang pakiramdam niya. Siguro nagka-LBM lang siya at hindi katulad ng inaakala nila. At dahil oras na ng hapunan, naghanda siya ng makakain.
Napangiti naman si Brent nang makita ang putaheng hinahanda ng dalaga. Hindi niya akalain na makakaya itong lunukin ng kapatid dahil maarte ito pagdating sa pagkain. Pero simula nang tumira doon, mukhang nasanay na ito.
"Adobong latoy ang tawag nila rito na may halong giniling na karne ng baboy." Umupo si Celes sa harap ni Brent at inilapag ang niluto sa lamesa.
Agad na binawasan iyon ni Brent para tumikim. Kumunot ang noo niya habang ngumunguya. At nang matapos namnamin ang nasa bibig, ngumiti siya. Akalain mo nga naman! Marunong nang magluto ang kapatid.
Maliban sa adobong latoy o sitaw sa wikang Filipino, meron ding ginataang monggo, pinakbet, inihaw na tilapya at hito na ibinigay naman ng mga kapitbahay nang nabalitaan ang pagdating ni Brent. Bagama't galing naman sa fishpond ang naturang mga isda, ipinagpaliban pa rin ng magkapatid na kainin ang mga ito dahil sa mga natagpuang patay na mga isda sa ilog. Mayroon ding nilagang mais, kamoteng kahoy, at saging na may bagoong pa! Dagdag pa roon ang langka saka manggang hinog at hilaw.
"Sigurado ka bang walang fiesta rito, ha?" nagbibirong komento ni Brent. "Paano natin uubusin ang mga 'to?"
"Hayaan mo na, Kuya. Ganito talaga rito. Mahilig mang-welcome ang mga tao," tugon ni Celes na hindi naiwasan ang pagtawa.
~~~
Sumunod na araw, walang pasok sa eskuwelahan. Nagbigay ng anunsiyo ang principal na suspendido muna ang klase nang ilang araw hangga't hindi nabibigyan ng linaw ang mga umuugong na balita tungkol sa kumakalat na sakit. Isa pa, halos wala na ring estudyanteng pumapasok sa takot ng mga magulang na baka mahawa ang mga anak.
Kung kaya, maaga pa lang, nasa barangay hall na ang magkapatid. Marami nang mga tao roon. Naghihintay na magbukas ang katabing health center upang makakuha ng sagot sa nangyayari.
"Dok, ano po kaya sa tingin ninyo ang dahilan ng pagkamatay ng mga hayop? Ng mga nagkakasakit na residente? Nagtataka po kaming lahat. Karamihan ay natatakot dahil marami na ang naisugod sa ospital," saad ng isang lalaking nakatayo sa pintuang kahoy ng health center.
"Malalaman po natin sa mga susunod na araw, sir. Sa ngayon, kailangan ko po ang tulong ninyong lahat sa gagawin naming pagkalap ng mga impormasyon."
Dumating ang kapitan at ilang opisyales ng baranggay. Agad silang nakipag-usap kina Brent sa loob ng maliit na tanggapan ng kapitan.
"Kagagaling ko lamang sa ospital sa bayan," anito. "Tumaas lalo ang bilang ng mga apektado. Hindi man kami namumuhay nang marangya, malulusog naman ang mga tagarito. Pero ngayon, nababahala ako sa mga nasasakupan ko, lalo na sa mga kabataan."
"'Yan din, Kap, ang natanggap kong report mula sa team ko na nagmo-monitor doon sa bayan kahapon pa." Mariing tiningnan ni Brent ang may-edad na kapitan. "Gagawin po namin ang lahat ng aming makakaya para matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng mga hayop at pagkakasakit ng mga tao rito. Sa ngayon po, nais ko sanang ipaalam ninyo sa lahat na tumungo rito sa health center. Darating po maya-maya lang ang ilan sa mga kasamahan kong doktor. Magsasagawa po kami ng pagsusuri ng mga dugo, ihi, at dumi ng mga tao. Gagamitin din po naming headquarters ang health center upang mas mapadali ang komunikasyon at proseso ng aming gagawin."
Walang sinayang na panahon ang team ni Brent. Sa tulong ng mga opisyales ng baranggay at mga kasamahang guro ni Celes, naging maayos ang unang araw ng imbestigasyon at koleksiyon ng samples ng body fluids at dumi ng mga tao sa area.
"Kuya, sana agad n'yong matukoy ang dahilan ng lahat ng mga ito. Nag-aalala ako na baka mas marami pa ang magkakasakit sa darating na mga araw. Kawawa 'yong mga bata," malungkot na saad ni Celes habang nakaupo sa balkonahe ng bahay kaharap ang kapatid.
"Maaagapan din natin ito pero mas mapapaganda kung magpapahinga na rin tayo para bukas. Ikaw, kumusta na nga pala ang pakiramdam mo? Pabalik-balik ka pa rin ba sa CR?"
Bahid ang pag-aalala sa mukha ni Brent kaya marahang umiling si Celes at tipid na ngumiti. "Okay na ako pagkatapos kong uminom ng gamot na ibinigay mo." Huminga nang malalim si Celes, bakas na rin ngayon ang lungkot sa mukha niya. "Sana Kuya, matapos na ito agad para naman makapamasyal tayo bago ka bumalik sa trabaho sa bayan."
Subalit kinabukasan, bago pa man sumikat ang araw, nagkagulo na ang mga tao sa baranggay. Ilang mga baka at kalabaw ang nakitang nakahandusay sa mga pananim sa ilang pook at gilid ng ilog. Naglalaway at nangingisay ang mga ito bago namatay. Ngayon, pati malalaking hayop ay apektado na.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top