Kabanata 1
Self-published under PNY 18 (Ngayon at Bukas)
Top 4 #PNYNovelette
Copyright © Novelette Collaboration by @iamdreamer28, @cairdeyara, @JaycDeLente, @LovelyOga, @miniemhAe
All rights reserved. This book or any portion thereof may not be reproduced or used in any manner whatsoever without the express written permission of the author/publisher except for the use of brief quotations in a book review.
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
Linlang (Novelette)
KABANATA 1
By: @JaycDeLente
"Sa quiz paper lang ang tingin," mahinahong sabi ni Celes. Ngunit para sa mga estudyante nito—lalo sa mahihilig kumopya—isa iyong mariin na babala. Muli itong naglibot sa silid-aralan.
Nang masigurong nasa maikling pagsusulit ang atensiyon ng lahat ng mga mag-aaral niya sa umagang 'yon, huminto si Celes sa tabi ng bintana at minasdan ang plasa sa labas. Malawak iyon at madalas na gamiting palaruan ng mga estudyante kapag recess o wala nang ginagawa. Wala ni isang tao roon dahil kanina pa nag-umpisa ang mga klase sa Mababang Paaralan ng Esperanza.
Ang nasabing paaralan ay matatagpuan sa Barangay Esperanza rin, isa sa mga malalayong baranggay sa Koronadal City. Bukod sa napaliligiran ang baranggay ng nagtatayugang mga puno at masusukal na damuhan, marami ring mga burol at ilog. Dahilan ng medyo liku-liko at hindi patag na daanan. Katunayan, ang paaralan ay napaliligiran ng dalawang maliliit na burol. Madadaanan ng habal-habal—isang uri ng motorsiklo at pampublikong sasakyan—ang isa sa mga burol papunta sa gate ng kampus. Gayunpaman, sementado ang mga kalsada at may maliliit na tulay sa mga ilog. Hindi nalalayo ang naturang baranggay sa modernisasyong natatamasa ng Koronadal City.
"Magandang tanawin." Iyon ang naisaloob noon ni Celes habang nakamasid sa ibaba at unang pagkakataong masilayan ang paaralan. Nasa tuktok siya noon ng burol habang nakasakay sa habal-habal. Madali lamang mapansin ang paaralan dahil sa kulay puting mga dingding at berdeng bubungan ng tatlong parihabang mga gusali. Magkahalong kaba at excitement ang naramdaman niya nang mga panahong 'yon.
Iginala ni Celes ang tingin sa kabuuan ng sariling silid-aralan. Ang ayos nito ay komon na makikita sa iba pang mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Bawat dingding ay may mga makukulay na disenyo at letra.
"Halos tatlong buwan na rin pala ang nakalilipas," bulong ng isipan ng dalaga nang maalala ang unang araw nito roon. Naalala nitong naging maluwag ang pagtanggap dito ng principal at mga kapwa guro. Bilang grade five class adviser, mabilis na nakuha nito ang loob ng mga mag-aaral. Nakagaanan ito agad ng loob at madaling nakakausap sakaling may nararanasang suliranin ang isang estudyante. Subalit pagdating sa leksiyon at pag-aaral, medyo istrikta ito. Alam ng mga estudyante nito na kailangang tahimik ang klase. Kailangang makinig at mag-aral nang mabuti.
"Sigurado ka ba sa desisyon mong 'yan, anak?" Nag-aalangan ang mama ni Celes noon nang ipinaalam ng dalaga na kinuha nito ang bakanteng posisyon sa pagtuturo sa elementarya. Iyon nga lang ay sa napakalayong lugar. Sa Koronadal City. Laking Cebu ito at hindi ito pamilyar sa bagong lugar na tatahakin. Hindi rin ito pamilyar sa mga tao at kultura.
"Nandoon naman si Kuya Brent," kompiyansang sabi ni Celes.
Isang doktor si Brent sa lungsod ng Koronadal sa isang pampublikong ospital. Bukod pa roon, nangunguna ito sa mga libreng pagamutan at iba pang outreach programs na ipinamamahagi ng lokal na gobyerno. Tulad ni Celes, nagdesisyon si Brent na kunin ang bakanteng posisyon nang nangangailangan noon ng mga doktor ang nabanggit na lungsod.
"E, hindi ka naman maaasikaso nang husto ng kuya mo roon dahil abala 'yon sa trabaho niya," pagdadahilan ng mama ni Celes noon.
Pero alam niyang mabigat lang talaga ang loob ng ina dahil unti-unti nang umaalis ng pugad ang mga inakay nito.
"Mama, twenty-eight na itong dalaga n'yo," natatawang pang-aalo niya sa mama niya. Gusto niya sanang idagdag din na malapit na siyang lumampas sa edad ng mga nagsisiasawa na. Kumbaga malapit na siyang mapag-iwanan ng panahon. Pero sinabi niyang, "Gusto kong subukang mamuhay mag-isa at maka-experience ng bago at ibang lugar."
"E, papaano 'yong eskuwelahang pinagtuturuan mo ngayon? Ilang taon ka ring nagturo do'n."
"Matagal na po akong nagpaalam do'n, Ma. Alam nilang tinanggap ko na ang slot sa Esperanza. Isa pa, substitute teacher lang ako. Tumatanda na ako at kailangan ko na ng regular na tinuturuan."
"E, 'di ba magulo raw do'n?" pilit pa rin ng ina.
"Hindi naman daw, Ma. Kagagawan lang 'yan ng mga midya. Nadadamay lang sa gulo ng karatig-probinsiya." Niyakap nito ang ina at sinabing, "'Wag kayong mag-alala sa 'kin."
At tama nga ito. Dahil nang 'di kalaunan at tumira na ito sa Esperanza, hospitable ang mga tao lalung-lalo na ang mga kapitbahay—
"Ma'am Calajati," basag ng mag-aaral sa iniisip ni Celes.
"Ilang beses ko nang sinabi, Mark, na Ma'am Celes ang itawag mo sa 'kin." Ayaw kasi niyang tinatawag sa apelyido. Tampulan siya ng mga tukso noong nag-aaral dahil sa apelyido. Lalo noong nalaman ang buo at makaluma niyang pangalan na Celeste.
"Opo, Ma'am Celes," pagtatama ng mag-aaral. "Tapos na po kasi ako."
Tumango si Celes. "Review-hin mo muna ang mga sagot mo bago mo ipasa sa 'kin 'yang papel."
"Yes, ma'am."
Muling nilingon ni Celes ang plasa sa labas at bumalik ang alaala sa kapatid. Ayaw rin ni Brent na tinatawag na Dr. Roberto Calajati. Gusto nitong Dr. Brent lang. Simple at maigsi.
Nangiti siya. Pareho sila ng palusot ni Brent.
Subalit natigil na naman ito sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan nang ilang mga mag-aaral ang nakita nitong humahangos pabalik ng paaralan. Normal nang nagtatakbuhan ang mga estudyante roon pero alam nito at halata naman sa ekspresyon at takot sa mga mukha ng mga mag-aaral na may nangyari. At dahil kilala nito ang ilan sa mga humahangos, alam nitong nanggaling ang mga ito sa ibaba ng burol kung saan may ilog. Naroroon ang malawak na hardin ng paaralan na may iba't ibang mga pananim na gulay at bungang-kahoy. Nasa araling Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan o EPP ang pagtatanim, na pinangungunahan ni Willy, isang matandang gurong lalaki.
"Class, dito lang kayo," baling ni Celes sa klase na nagsiangatan na ng mga ulo sa narinig na komosyon sa plasa, "at tapusin n'yo ang quiz. Babalik ako agad. Ang mahuli kong kumokopya, alam na."
Hindi na nito hinintay pa ang sagot ng mga estudyante. Agad itong lumabas ng klase at tinahak ang plasa. Sinalubong nito ang ilan sa mga humahangos.
"Ano'ng nangyari sa inyo?" malakas niyang tanong sa babaeng mag-aaral habang hawak-hawak ang balikat nito.
"Ma'am Celes—" hinihingal na umpisa ng mag-aaral. "Sa ilog po! M-maraming patay! Nakakatakot!"
"Anong patay?" litong tanong ni Celes. "At nasaan ang guro ninyo?"
"Pagbaba po namin sa ilog para umigib ng tubig pandilig sa mga tanim, nakita po namin..." hindi malinaw na salaysay ng mag-aaral. "Nandoon po si sir sa ilog. Tinitingnan ang mga patay!"
Kunot ang noo ni Celes na inakyat ang burol at bumaba papunta sa hardin at ilog. Mabuti na lang at naka-flat shoes lang ito. Malayo pa lang ay nalalanghap na nito ang kakaibang amoy sa ere. Hindi iyon malakas pero alam nitong galing iyon sa nabubulok na kung ano dahil masangsang ang amoy.
"Sir Willy!" tawag ni Celes nang makita itong nakaupo sa gilid ng ilog 'di kalayuan. Agad siyang lumapit pero nabaling na ang atensiyon niya sa sinusundot ni Sir Willy gamit ang payat ngunit mahabang sanga ng kahoy. "Mga isda?" ani Celes.
"Mga patay na isda," naiiling na pagkukumpirma ni Sir Willy. "Sa tagal ng paninirahan ko rito sa Esperanza, ngayon lang ito nangyari."
Nakaaalarma ang senaryo. Kaya siguro natakot ang mga estudyante. Nakapanlulumong tingnan ang nakakalat at nakatihayang daan-daang maliliit at malalaking isda sa pampang at tubig.
Wala sa sariling humakbang ang mga paa ng dalaga at sinundan ang direksiyon ng ilog sa banda pa roon.
"Sa'n ka pupunta, Celes?" tanong ni Sir Willy na sumusunod na pala sa likod nito.
"Roon... kung saan nagmumula ang daloy ng tubig."
"Mahihirapan ka sa suot mo. Hayaan mo na lang ako ang titingin. Mas maigi kung bumalik ka sa paaralan at ipaalam sa ibang guro at sa principal. Sa gano'n ay masasamahan ako rito ng mga lalaking guro."
"Paniguradong ngayon mismo ay alam na ng ibang mga guro ang nangyari," sagot ni Celes. Mabilis na kumakalat ang isang balita sa isang lugar na halos magkakikilala ang mga naninirahan. Isa na roon ang Esperanza. "Siguradong susundan nila tayo rito."
Kaya mabilis silang nagpatuloy sa paglalakad paitaas. Bahalang mabasa ang flat shoes ng dalaga o marumihan ang suot nilang uniporme. Hindi katulad ni Celes ang ibang mga guro ng paaralang iyon na kilos-mahinhin at matatakutin.
Aniya pa, "Iwasan nating tumapak sa tubig. Baka..."
Subalit nakaiilang hakbang pa lamang sila nang tumambad sa kanila ang kalunus-lunos na tanawin malapit sa isang patag na taniman ng isang magsasaka. Muling umawang ang kani-kanilang bibig. Nakakalat ang mga patay na ibon at mga dagang-bukid! Naabutan pa nila ang iba na nangingisay hanggang sa tumigil sa pagkilos at mamatay!
Napaatras sila.
Ani Celes sa kasamang guro, "Mas grabe 'to, sir. Wala ring ganitong pangyayari dito kahit noon pa?"
Muli't muli, umiling ito. "Wala."
Lalong lumalim ang iniisip ni Celes. "Kung puro first time ang mga ito, ano ang sanhi?" Mas kausap niya ang sarili kaysa ang matanda. Umaandar ang pagiging science teacher niya. "Marahil ay dahil sa global warming..."
"O... pagkalason na kagagawan ng mga tao," suhestiyon ni Sir Willy na naiiling pa rin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top