LIGHTS OUT XXIII
[Kabanata 23 - Never]
HABANG pilit kong tinatanggal ang kamay ng taong sumasakal sa akin dahil hindi na ako makahinga ay nagulat ako nang mula sa likod niya ay may dumating. Hinawakan nito ang balikat niya at malakas na hinagis palayo sa akin.
Umihip ang malakas na hangin kung kaya't sumilip ang liwanag ng buwan sa kapaligiran nang hanginin ang dahon ng mga sanga mula sa itaas. Napabagsak ako sa sahig at mabilis na hinabol ang hininga ko.
Napahawak ako sa leeg ko bago nanghihinang tinignan ang taong sumakal sa akin. Natumba ito sa sahig dahil may tumulak sa kaniya palayo sa akin. Dahil nagkaroon ng kaonting liwanag sa kapaligiran ay wala siyang ibang nagawa kung hindi mabilis pa sa hanging maglaho sa paningin ko.
Napatingin naman ako sa taong tumulong sa akin nang lumuhod siya at isandal ako sa kaniya. Napatingin siya sa leeg ko at sa akin bago ako mabilis na yinakap nang mahigpit.
Napapikit ako at nahihirapan man ay yinakap ko pa rin siya pabalik. Hindi ko napigilan ang pamumuo ng luha sa mga mata ko nang maamoy ang pamilyar niyang bango. "K-kiel..." bulong ko sa pangalan niya.
Nagsimula na muling bumalik ang pandinig ko. Nagsimula na ring sumilay ang liwanag sa kalangitan kaya dahan-dahan na ring naging malinaw sa akin ang mukha ni Kiel. Ganito pala kapag hindi nawawalan ng malay tuwing gabi, nakakatakot.
Habang pilit kong hinahabol ang hininga ko ay napatingin ako sa likod ni Kiel nang dumating si Ariadna, nagulat siya matapos kaming makita rito. Lumuhod din siya at nag-aalala akong hinawakan.
"A-anong nangyari sa 'yo?" gulat na tanong niya at sinulyapan si Kiel na ngayo'y napaiwas ng tingin sa amin. Napatitig din ako kay Kiel matapos maisip kung paano niya ako nahabol kahit na madilim kanina.
Napahawak ulit ako sa leeg ko nang maramdaman ang hapdi roon. "May mga kalmot ka sa leeg..." Napatingin ako kay Ariadna nang sabihin niya 'yon bago bumuntong hininga.
Hinawakan niya ang kamay ko bago magtanong, "Are you attempted to get killed? S-sino ang gumawa? Nakilala mo ba?" sunod-sunod na tanong ni Ariadna. Napatulala naman ako bago isipin ang mga nakita ko kanina.
Sa totoo lang ay hindi ko talaga nakita nang malinaw ang taong sumakal sa akin dahil napakadilim at wala akong makita. Noong nagkaroon naman ng kaonting liwanag dahil sa buwan, katawan lang niya ang nakita ko.
Nakasuot siya ng itim, hindi 'yon ang tuxedo na suot namin. May suot din siyang itim na maskara kaya hindi ko nakilala ang mukha niya. Hindi ko nga rin nalaman lang kung lalaki ba siya o babae.
Buo lang ang tiwala ko ngayon na hindi 'yon si Kiel o Ariadna.
"H-hindi ko talaga siya nakita dahil sobrang dilim tapos nakasuot pa siya ng itim," nakatulalang saad ko bago nagbalik ng tingin sa kanila. "Pero sigurado na akong si Sean o Coraleen lang ang gumawa sa akin nito."
Matapos kong sabihin 'yon ay sabay silang napahinga nang malalim ni Ariadna. Napakapit naman ako kay Kiel nang maingat niya akong buhatin pasandal sa puno at ilagay sa likod ang buhok ko na tumatama sa leeg kong may sugat.
May kinuha siyang puting panyo sa bulsa niya at maingat 'yong ilinapat sa leeg kong dumurugo. Napatingin ako sa collar ng polo niya at may dugo rin doon dahil sa pagyakap niya sa akin kanina.
Nilingon niya si Ariadna, "Please take care of Val." Tumango ito. Nagulat ako nang bumitaw si Kiel sa kamay ko at tumayo. Akmang maglalakad na siya paalis pero agad ko siyang pinigilan.
Kumapit ako sa kamay niya. "W-wait, saan ka pupunta?" puno ng pangamba na tanong ko. Nilingon niya ako at pinagmasdan saglit bago hinawakan din ang kamay ko.
"Don't worry, I'll just go somewhere." Nanatili akong nakatingin sa mga mata niya hanggang sa tuluyan na niyang binitawan ang kamay ko at naglakad paalis.
Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa tuluyan na siyang makalayo sa amin. Ganito pala ang nararamdaman niya sa tuwing umaalis ako sa tabi niya. Tapos minsan, biglaan pa. Simula ngayon ay hindi ko na talaga gagawin ang bagay na 'yon, hindi na ako basta aalis sa tabi niya.
Natauhan lang ako nang sinimulang ayusin ni Ariadna ang suot ko, hindi ko namalayang nahatak na pala ang damit ko kanina. Lumingon ako sa likod at mula sa puwesto namin ay hindi ko na matanaw kung nasaan ang campfire.
Ang lakas at ang bilis pala talaga ng humatak sa akin para madala niya ako rito nang ganoong kabilis.
Tinignan ko na si Ariadna, nakatingin siya ngayon sa leeg kong may sugat habang itinataas sa balikat ko ang suot kong blazer. Napatingin ako sa polo ko at kitang-kita ko ang dugong kumalat ngayon dito dahil kulay puti pa man din ang suot naming polo.
Nang maayos na ni Ariadna ang suot ko ay tinignan niya na rin ako. Umupo siya nang maayos bago ilinagay muli ang panyo ni Kiel sa leeg ko. "V, sorry nga pala..." panimula niya nang hindi tumitingin sa akin, nakatingin lang siya sa leeg ko habang sinusubukang pigilan ang pagdurugo niyon.
"Huh? Bakit?" clueless na tanong ko habang nakatingin sa kaniya. "Dahil sa mga nasabi ko kagabi. Sorry kung naging insensitive ako. Kung ako ang sinabihan ng walang magagawa dahil nahihimatay lang ako tuwing gabi, masasaktan din ako."
"Sorry, ha?" Napangiti ako dahil sa sinabi niya. Tumango na ako at hinawakan ang kamay niya. "Okay lang 'yon, naiintindihan ko naman 'yong nararamdaman mo. Nadala ka lang sa emosyon kagabi," saad ko kaya napangiti na rin siya.
Ako na ang humawak sa panyo na nasa leeg ko nang pumunta siya sa tabi ko para yakapin ako. "Thank you, Valeria! Alam mo, hindi naman talaga totoo 'yong sinabi ko kagabi dahil ang totoo ay may powers ka." Nagtaka ako sa sinabi niya.
"Huh? Ano naman?" naguguluhang tanong ko sa kaniya.
"Kapangyarihan mong bigyan kami ng lakas ni Kiel araw-araw..." sagot niya at tuluyang ngumiti.
Dahan-dahan naman akong napangiti rin dahil sa malupitan niyang banat. Natawa ako bago tinanggap ang yakap niya, ang lambing niya talaga. Naalala ko tuloy si Nadya, malambing din kasi siya sa akin tulad ni Ariadna.
Makalipas ang ilang saglit ay umalis na rin si Ariadna sa pagkakayakap sa akin at napahinga nang malalim. "Oo nga pala, V. Sa tingin ko, si Coraleen ang nagtangkang pumatay sa 'yo. Sa pagkakaalala ko, si Sean ang msytic. Hindi nga lang ako sigurado kung kasali ba talaga siya sa good team o hindi," saad ni Ariadna.
"Tama ka rin dahil may evil version nga ang Mystic, nakita ko kagabi ang role na 'yon. May Dark Mystic nga sa larong 'to kaya ikaw, mag-iingat ka kay Sean." Tinanguhan ko ang bilin niya. Kung gano'n, si Coraleen na nga talaga ang Terminator.
"Mabuti na lang, hindi ka namatay kagabi. Mabuti na lang at dumating si Kiel para tulungan ka. Hindi ko na alam ang gagawin ko kapag nawala ka pa sa akin..." Malungkot akong napangiti dahil sa sinabi ni Ariadna.
Tumingin ako nang diretso sa mga mata niya. Nagsisimula na namang magbadya ang luha niya pero pilit niya pa ring pinipigilan. Alam kong patuloy siyang nasasaktan hanggang ngayon pero sinusubukan niya lang na magpakatatag para sa amin.
"W-we are sisters... don't you ever leave me, okay?" tanong niya at hinawakan ang kamay ko. Agad naman akong tumango at yinakap siya nang mahigpit.
Yinakap niya rin ako pabalik. Umihip ang malakas na hangin at habang yakap siya ay naramdaman ko ang kaba sa dibdib naming dalawa dahil sa takot na baka kinabukasan ay mawala na namin ang isa't isa.
MAKULIMLIM ang kalangitan habang patuloy akong naglalakad ngayon sa gitna ng kagubatan. Sa pagkakataong ito ay mag-isa na naman ako dahil naghiwalay kami ni Ariadna. Ang sabi ko ay hahanapin ko si Kiel habang siya naman ay maggagala raw para manmanan si Coraleen.
Tumigil na sa pagdurugo ang mga sugat ko sa leeg at kaya ko na naman ang sarili ko kaya hinayaan na akong umalis ni Ariadna.
Kanina pa ako naglalakad pero hindi ko naman makita si Kiel. Saan kaya nagpunta 'yon? Bigla na lang kasing umalis, 'di man lang sinabi kung saan ba siya pupunta.
Kasalukuyan ko ring iniisip ngayon ang napapansin ko kay Kiel nitong mga nakaraan. Wala namang nagbago sa pakikitungo niya sa akin pero may iba talaga akong napansin sa kaniya.
Malaki at buo ang tiwala ko sa kaniya pero hindi ko maiwasang maisip ang nais iparating ng mga salita ni Cora tungkol kay Kiel. Ayoko mang aminin pero tama siya na noong nawala si Kiel, wala na ring namatay sa amin. Pero noong bumalik siya, nagsimula na naman ang patayan sa pagitan naming lahat.
Isa pa sa bumabagabag sa akin ay kung paano niya ako natulungan kagabi kahit na sobrang dilim at kahit ako ay kayang patunayan na wala talaga kaming dapat makita.
Bigla ko ring naalala na alam ng terminator kung sino ang killer.
Napatigil ako sa paglalakad at napasabunot sa buhok ko dahil hindi ko dapat pinag-iisipan nang ganito si Kiel. Si Renee ang killer at hindi si Kiel. Hindi magagawang patayin ni Kiel si Leo at Felix. Hindi siya ang killer ng Lights Out.
Napapikit ako at napasandal sa isang puno. Linalamig na ang kamay ko ngayon dahil sa kabang hindi ko alam kung bakit ko nararamdaman.
Wala sa sarili akong napahakbang na ulit makalipas ang ilang sandali dahil kailangan ko nang mahanap si Kiel bago sumapit ang dilim. Kailangan ko siyang makausap para mapanatag na akong hindi siya masama.
Tahimik lang ang walang katao-taong kapaligiran at tanging ang pagtapak ko lang sa mga patay na dahon ang ingay na naririnig ko. Ilinibot ko ang tingin ko hanggang sa may matanaw akong isang babae na nakatalikod sa akin at nakatapat sa isang balon.
Nang makita ang mahaba at tuwid niyang buhok ay naglakad na ako palapit sa kaniya dahil alam kong si Ariadna 'yon. Maigsi ang buhok ni Coraleen at maliban sa akin ay silang dalawa na lang naman ang natitirang babae sa larong 'to.
"Ari," tawag ko sa kaniya nang makalapit. Hinawakan ko ang balikat niya bago sinilip ang ilalim ng balon na linalangaw. Napalayo rin agad ako nang maamoy ang masangsang na amoy doon.
Napaubo ako bago ilinayo si Ariadna sa lumang balon. "Anong ginagawa mo rito?" tanong ko at tinignan na ang mukha niya nang nanatili siyang nakatulala sa harapan.
Lilingon na ulit sana ako sa lumang balon kung saan siya nakatingin pero napatigil ako matapos maisip kung bakit siya nakatulala ngayon sa isang bagay. Nanlamig ang buong katawan ko nang biglang pumasok si Nadya sa isipan ko dahil ganito rin ang naging reaksyon niya nang mahanap ang painting ng Riddle Farmstead.
Nanghihina kong sinundan ang kaniyang tingin at tila tumigil sa pag-ikot ang mundo ko matapos makita ang isang painting na nakadikit sa bubong ng balon.
Forest of Death ang pangalan ng painting. Nakaguhit sa painting ang mga puno ng forest na ito at sa gitna naman ay nandoon ang balon. Ang nagpatigil sa pagtibok ng puso ko ay ang babaeng nakasuot ng tuxedo sa painting pero mag-isa na lang siyang nakatayo sa tapat ng balon.
Nanghihina kong nilingon na ulit si Ariadna at nag-aalala siyang tinignan. Nakatulala na siya ngayon sa kawalan at tila iniisip ang mangyayari sa oras na mawala siya rito.
"I'm going to die..." malungkot na saad ni Ariadna bago ako tinignan. Agad naman akong umiling at hinawakan ang kamay niya, "No, you will not die. You'll never leave me," matigas na tanggi ko sa sinabi niya.
Napapikit naman si Ariadna at napahinga nang malalim. Kung nandito lang si Nadya ngayon, matutulungan niya pa si Ariadna. Pero wala na kaming magagawa pa, wala na ngayon si Nadya.
"V-valeria, can you... vote me later?" tanong ni Ariadna habang nakatingin nang diretso sa mga mata ko. Tila sa sandaling iyon ay nabingi ako at hindi malaman ang dapat kong gawin dahil nangyayari na naman ngayon ang nangyari noon kay Nadya.
Iniisip ko pa lang na mawawala sa akin si Ariadna ay hindi ko na kaya. Umiling ako at tumalikod sa kaniya dahil nagsimula na namang mamuo ang luha sa mga mata ko. Luha na kumakawala dahil paulit-ulit na lang akong nawawalan.
Hindi ko kakayanin na mawala sa akin si Ariadna katulad ng kung paano nawala sa akin si Nadya.
"No one died last night..." panimula ng system, napayuko ako at hinayaang kumawala ang luha sa mga mata ko. Walang namatay kagabi pero may tinangka namang patayin.
"The discussion has to end. It's time for the game!" Nagulat ako matapos 'yong marinig mula sa system. Umihip ang malakas na hangin, gulat kong nilingon si Ariadna na ngayon ay napatigil din.
Hindi ko na siya maaaring iboto dahil magsisimula na agad ang lights out. Naghari naman ang kaba sa dibdib ko matapos maalala si Kiel, hindi ko pa siya nahahanap at hindi ko pa rin siya kasama hanggang ngayon.
Baka kung ano na ang nangyari roon. Linapitan ko si Ariadna at sasabihin sana sa kaniyang hanapin namin si Kiel pero sabay kaming napabalik ng tingin balon nang mula sa loob niyon ay may kamay na kumapit sa lubid.
Gulat akong napaatras nang iluwa ng balon si Coraleen. Napabagsak siya sa sahig, namumutla ang buong katawan niya at maging ang labi niya pero hindi naman siya ganoong kadumi.
Akmang lalapitan ko na siya pero agad akong pinigilan ni Ariadna. Dahan-dahang bumangon si Coraleen at napaluhod sa sahig, umiiyak siya ngayon. Pero muli kaming napaatras nang tumayo siya at mapalitan ng malakas na tawa ang pag-iyak niya.
Ang mala-demonyo niyang pagtawa ang naghari sa buong kapaligiran. Napatigil ako nang bigla ay lumingon siya sa amin at tumingin nang diretso sa mga mata ko. Ang madilim niyang tingin ay nagbigay na agad ng patunay sa akin na hindi imposibleng siya ang nagtangkang pumatay sa akin kagabi.
Nagulat naman ako nang bigla ay sandaling kumislap at naging pula ang kulay ng mga mata niya. Matapos niyon ay sumandal na siya sa balon at nakangising pinagpagan ang damit niya. Napatulala ako sa kaniya dahil hindi ako makapaniwala sa nangyari.
Natauhan lang ako nang mahigpit na hawakan ni Ariadna ang kamay ko. "Lets go..." mariing bulong niya sa akin. Nilingon ko siya pero lumipat agad ang mga mata ko kay Coraleen nang matawa na naman siya.
Pakiramdam ko tuloy ay wala nang saysay kung bumulong at tumakas man kami ngayon dahil alam niya na ang lahat.
"Lights out..." Umihip ang malakas na hangin, nagtitimpi kong tinignan si Cora. Gusto ko na siya ngayong ihulog ulit sa balon pero hinatak na ako ni Ariadna paalis.
Ang malakas na tawa ni Coraleen ang umugong sa pandinig ko pero hindi ko na 'yon inintindi pa at kumapit na lang din nang mahigpit sa kamay ni Ariadna habang patuloy kaming tumatakbo papalayo.
Nababalot na ng dilim ang kalangitan. Sinubukan kong ilibot ang paningin ko pero hindi ko talaga makita si Kiel lalo na't madilim na. Nilingon ko si Ariadna nang tumigil siya sa pagtakbo kaya napatigil din ako. Nakatingin lang siya ngayon sa sahig, nag-iisip.
"V-valeria..." tawag sa akin ni Ariadna at nag-angat na ng tingin sa akin. Tila dinurog ang puso ko matapos makita ang luhang nag-uunahan na ngayong bumuhos sa mga mata niya.
"Whatever happens... stay alive, okay? E-even without me..." saad niya at sinubukan akong ngitian. Nasasaktan ko siyang tinignan, naramdaman ko na lang ang pagkawala ng luha sa mga mata ko habang nakahawak nang mahigpit sa kamay niya.
"A-ari..." Ang pagpatay ng ilaw ang siyang tumapos sa sinasabi ko. Wala na akong ibang narinig kaya yinakap ko na lang siya nang mahigpit habang nararamdaman ang sunod-sunod na pagbuhos ng luha sa mga mata ko.
Yayakapin niya rin sana ako pabalik pero nagulat ako nang may malakas na humatak sa kaniya at kahit ano mang higpit ng pagkakayakap ko kay Ariadna ay nagkahiwalay pa rin kami.
Alam kong sumisigaw siya ngayon pero hindi ko marinig. Sinubukan kong tumakbo at habulin siya pero sa huli ay nadapa lang ako. Lumuluha akong napayuko na lang dahil kahit anong gawin ko ay hindi ko na maliligtas pa si Ariadna mula sa kamatayang nakatakda sa kaniya.
NANG sumapit ang liwanag ay dahan-dahan na akong bumangon mula sa malamig na sahig ng kagubatan. Ilinibot ko ang paningin ko sa walang katao-taong kapaligiran. Umihip ang malamig na hangin, nagsimula na ulit akong humakbang nang maalala si Ariadna.
Madaling araw pa lamang at kulay asul ang kalangitan. Dumadagdag ang malamig na kapaligiran sa kabang bumabalot na ngayon sa akin dahil baka magmula sa araw na ito ay tuluyan na ngang naglaho si Ariadna sa mundong 'to.
Naninikip na ang dibdib ko habang patuloy na naglalakad at ilinilibot ang paningin ko, umaasang makita ko si Ariadna at maging si Kiel. Ang ayoko talaga sa lahat ay naghihiwalay kami pero iyon na nga ang nangyayari.
Ang mabilis na pagtibok ng puso ko ang naghahari ngayon sa pandinig ko. Bumagal lang ang paglalakad ko nang matanaw ang lumang tulay na ilang beses ko nang nadaanan. Sunod kong tinignan ang babaeng nakatalikod sa akin at nakayuko dahil nakatingin siya sa malalim na bangin.
Napatigil na ako sa paglalakad at napatulala matapos mapagtantong si Coraleen ang babaeng nasa harapan ko ngayon. Napatingin ako balisong na hawak ng kamay niya at nanghina ang tuhod ko matapos makita ang dugo na tumulo roon.
Nang lingunin niya ako ay agad napunta sa loob ng blazer niya ang hawak niyang panaksak. Napaayos siya ng tayo at inosente akong tinignan na tila ba wala lang ang nakita ko ngayon.
Hindi niya na ako tinignan pa at naglakad na lang paalis pero bago niya pa ako malagpasan, kusang gumalaw ang kamay ko at itinulak siya nang malakas papunta sa isang malaking puno dahil sa galit na biglang naghari sa akin.
Malakas na tumama ang likod niya sa isang puno kaya napatumba siya sa sahig. Hindi ko napigilan ang sarili kong lapitan siya at sakalin. Walang kahirap-hirap ko siyang itinayo sa puno habang nakahawak nang mahigpit sa leeg niya.
Nanatili namang nakababa ang mga kamay ni Cora at napangisi lang sa akin. "I've finally seen the evil Valeria! I-it's my perfect choice to kill her..." ngisi niya habang nakatingin nang diretso sa mga mata ko.
"Hayop ka..." nasasaktang bulong ko sa kaniya. Hindi ko napigilan ang pamumuo ng luha sa mga mata ko dahil inamin niya na rin sa akin ang katotohanang wala na nga si Ariadna.
Umihip ang malakas na hangin, hindi ko binatawan ang leeg niya at mariin pa rin siyang sinakal habang siya naman ay nanatiling nakangisi sa akin kahit na alam kong nahihirapan na siya ngayong huminga.
"Ariadna has fallen..." Pagsisimula ng system na ikinaguho ng mundo ko. "She died because of the terminator. She was stabbed with a knife and get pushed into the cliff." Nanghihina akong napalingon sa bangin na malapit lang sa amin.
Ariadna's Last Note:
The last role, I haven't seen it. Don't cry, V. I'm happy to be with them in another life.
Kiel and Valeria, stay alive.
"Discuss who was it." Napahikbi ako, kaya pala siya nakatingin kanina sa bangin ay dahil hinulog niya roon si Ariadna. Dahil sa galit ay patuloy kong sinakal at idiniin sa puno si Coraleen.
"Valeria!" Tila dumilim ang paningin ko dahil sa galit na nararamdaman ko, hindi ko na nabigyang pansin ang nangyayari sa paligid ko dahil ang gusto ko lang ngayon ay mamatay na si Coraleen.
"Val..." tawag ulit sa akin ng boses na iyon. Napatigil na ako at nilingon ang taong tumatawag sa akin at bigla na lang lumambot ang puso ko nang sa wakas ay makita ko na si Kiel.
Tumakbo siya papalapit sa akin at hinawakan ang balikat ko. Akmang aalisin na niya ang kamay kong nakasakal sa leeg ni Coraleen pero hindi ako bumitaw.
"K-kiel, siya ang pumatay kay Ariadna..." napopoot na saad ko habang nakatingin nang diretso kay Coraleen na ngayo'y naghihingalo na.
"I know, but stop this. You're not a killer." Hindi ko pinakikinggan ang sinasabi ni Kiel at pilit pa ring diniin si Coraleen sa puno.
Dahil ayoko talagang bumitaw ay napilitan si Kiel na hawakan ang magkabila kong braso at sapilitan akong ilayo kay Coraleen. Dahil sa malakas na puwersang humatak sa akin palayo ay dumulas ang suot kong maskara at kumawala sa mukha ko.
Natumba na naman si Coraleen sa sahig at mabilis na hinabol ang hininga niya. Nahulog din ang suot kong maskara sa sahig pero wala na akong pakielam pa. Nag-aalab ang mga mata kong tinignan si Coraleen.
Napasigaw ako dahil sa galit bago napahikbi at sumandal kay Kiel nang yakapin niya ako. Napahawak ako nang mahigpit sa damit niya at napapikit. Pakiramdam ko ay paulit-ulit ngayong dinudurog ang puso ko dahil sa katotohanang wala na talaga si Ariadna.
Nang lingunin ko ulit si Coraleen ay napatigil ako nang dahan-dahang magbago ang lugar kung nasaan kami ngayon. Ilinibot ko ang paningin ko sa buong kapaligiran na ngayon ay dahan-dahan nang naglalaho at napapalitan nang bago.
Nandito pa rin kami sa mga puwesto namin pero sa isang iglap ay nagbago na ang lugar na kinaroroonan namin. Nagugulat kong ilinibot ang paningin ko sa madilim na lugar na minsan na naming nakasama noon, hindi ako makapaniwalang nandito na ulit kami ngayon sa unang map ng Lights Out.
Sa Dangerous Bulb.
Nakaupo pa rin si Coraleen habang nanghihinang hinahabol ang hininga niya pero sa sahig na siya nakaupo at nakasandal sa pader. Kami naman ni Kiel ay nasa harapan niya at nasa tabi ng mahabang hapag kainan kung saan kami umupo lahat noon.
"It's time to vote." Napapikit ako habang nakahawak nang mahigpit sa kamay ni Kiel. Pinili ko ang pangalan ni Coraleen at matapos niyon ay pilit kong hiniling na sana'y mawala na siya sa larong 'to.
"Coraleen got the most votes..." saad ng system na siyang bumunot sa malaking patalim na nakabaon sa dibdib ko. Sa huling pagkakataon ay tinignan ko si Coraleen na sinulyapan kaming dalawa ni Kiel bago siya tuluyang maglaho at kuhanin ng malakas na ihip ng hangin.
Coraleen's Last Note:
I'm the terminator, the killer's sidekick. I'm happy for you to live this far. Good luck on pretending, our dearest killer.
Oh, it's Renee, right? Just keep on thinking until death, everyone.
Napatulala ako matapos mabasa ang last note ni Coraleen. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin kay Kiel na ngayo'y pinagmamasdan ako. Hindi ko alam pero sa sandaling iyon ay kusa akong napahakbang papalayo sa kaniya at hinayaan ang sarili kong bumitaw sa kamay niya.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top