LIGHTS OUT XXI
[Kabanata 21 - Good Bye]
SUMAPIT na ang dilim, magkahawak kamay kaming naglalakad ngayon ni Kiel pabalik sa campfire kung saan namin iniwan sina Ariadna at Felix. Hindi naman talaga namin pinapakita sa lahat ang pagiging sweet namin sa isa't isa dahil ang gusto ko, kaming dalawa lang ang nakakaalam niyon.
Nagkasalubong kami ni Kiel kanina dahil ang sabi niya ay hinahanap niya raw ako para mag-sorry. Sinabi ko na rin sa kaniya ang inamin sa akin ni Nadya kaya umiiyak ako kanina.
"It's not her fault, she didn't know." Iyan ang kanina pa pinaiintindi sa akin ni Kiel. Napatigil ako kaya napatigil din siya sa paglalakad. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya, sa totoo lang ay tama siya dahil hindi naman alam ni Nadya at wala talaga siyang kasalanan.
Si Kaiden nga ang dapat humihingi ng tawad sa amin pero siya na lang ang umako sa mga iniwang gusot nito.
"Ang lawak naman ng pang-unawa mo. Ilang taon ka na ba?" maya-maya ay tanong ko sa kaniya. Natawa siya habang ako naman ay hindi dahil baka mamaya ay hindi pala tama ang edad namin para sa isa't isa.
"Thirty-three," nakangiting sagot niya na ikinagulat ko. Napatakip ako sa bibig ko dahil sa gulat. Ang ibig sabihin, 10 years gap kami?!
"Trenta mahigit ka na?!" hindi makapaniwalang tanong ko. Buong buhay ko sa larong 'to, hindi ko naisip na sampung taon pala siyang mas matanda sa akin. Wala naman akong problema sa malalaking age gap pero grabe 'yong ten years!
"Why? Is that off to you?" tanong niya, agad naman akong umiling. "Mahal na kita, e. Paano 'yon?" tanong ko rin sa kaniya at napangiti.
Bigla siyang napaiwas ng tingin at inayos ang buhok niya. Nakangisi kong sinilip ang mukha niya at kahit may suot pa siyang maskara ay alam ko namang kinilig siya sa sinabi ko.
Nang magbalik siya ng tingin sa akin ay inakbayan niya ako. "Twenty-five, that's my age..." mahinang sabi niya. Hindi ko mapigilang mapangiti nang matamis habang ang lapit ngayon ng mukha namin sa isa't isa.
"Ikaw, gusto mo bang malaman kung ilang taon na ako?" nakangiting tanong ko at sumandal sa balikat niya. Sa pagkakaalala ko, hindi ko pa nasasabi sa kaniya ang edad ko.
"Yeah, you're twenty-three." Kunot noo ko siyang tinignan at pinatahimik dahil binasag niya agad ang sasabihin ko. "Makisakay ko na lang." Tumango siya at nag-sorry.
Niyakap ko rin naman agad siya dahil pakiramdam ko ay nagiging masama na ako sa kaniya. "Fifteen pa lang ako, okay lang sa 'yo? Ten years gap tayo." Pinagpatuloy ko pa rin ang nabasag kong trip.
"Mahal kita, Val..." Pakiramdam ko ay lumutang ako sa ulap matapos niyang sabihin 'yon. Parang bigla ko nang nakalimutan ang dapat kong sabihin at dinama na lang ang mainit niyang yakap. Hindi rin nagtagal ay bumitaw na siya sa akin. Hinarap niya ako sa kaniya bago nagpatuloy sa sinasabi niya, "paano 'yon?"
Napangiti ako dahil ginaya niya ang sagot ko pero sa mas madamdaming paraan. Ginaya niya lang naman pero sobra-sobra ang naging epekto sa akin. Hinayaan kong lumitaw ang ngiti sa labi ko dahil hindi niya naman 'yon makikita.
"Halika ka na nga," pigil ang ngiting anyaya ko bago nauna nang umalis. Iniisip ko pa lang na makakasama ko siyang umalis sa larong 'to, hindi ko na mapigilang maging masaya.
Naramdaman ko ang presensya niya na sumunod sa akin pero hindi ko na siya nilingon pa dahil makasalubong ko lang siya ng tingin at hindi na ako makakapag-isip pa nang tama.
NANG makarating kami ni Kiel sa likod ng wooden house kung nasaan ang campfire ay bumungad sa akin ang lahat ng mga kasama namin rito. Ilinibot ko ang paningin ko. Ang mga bahay, campfire, at ang lugar na 'to ay fantasy talaga kung maitatawag sa paningin ko.
Nagmimistulang kulay kahel ang paligid namin dahil sa liwanag ng campfire habang ang labas naman na hindi naaabutan ng liwanag ay nababalot na ng dilim.
Nagbalik na rin ako ng tingin sa mga kasama namin at tinignan sila isa-isa, nakaupo silang lahat ngayon sa log. Ngayon ko lang na-realize na ang onti na lang pala talaga namin sa laro. Ako, si Kiel, Ariadna, Felix, Nadya, Leo, Kio, Kioa, Sean, Renee, Cora, at si Zal the minion. Kaming twelve na lang ang natitira rito.
Nang dumapo ang mga mata ko kay Nadya ay nakita kong nakatingin din siya sa akin ngayon. Wala na siyang mask kaya nakikita ko ang reaksyon ng mukha niya, malungkot siya.
Nilingon ko si Kiel na nakatingin din sa akin ngayon. Tinapik niya ang balikat ko bago naglakad papunta kina Felix at Ariadna, tila sinasabi niyang ako na ang bahala sa kung ano man ang dapat kong maging desisyon.
Napahinga ako nang malalim bago naglakad na papunta kay Nadya. Nang makalapit ay ilinahad ko ang kamay ko sa kaniya, nagulat naman siya dahil sa ginawa ko. Hindi rin nagtagal at napangiti na siya at tinanggap ang kamay ko, tinulungan ko siyang makatayo mula sa log.
Nilingon ko sina Felix, Ariadna, at Kiel. Nakatingin sila sa amin ngayon at napangiti dahil mukhang ramdam na nila pagbabati naming dalawa. Akmang isasama ko na si Nadya paalis nang tumayo si Cora mula sa kabilang log at harangin kami sa pag-alis.
Tinaasan niya kami ng kilay, "How about the discussion?" tanong niya. Kahit kailan talaga, napaka-epal niya. "Ano, puro na lang ba kayo alis? Punta kung saan-saan tapos wala namang ibang ginawa--"
"Tumahimik ka..." Pinutol ko na ang sinasabi niya. "Ikaw lang naman ang kailangan naming iboto kaya wala na tayong dapat pag-usapan," diretsong saad ko at linagpasan na siya kasama si Nadya.
Naiwan doong tulala si Coraleen at mukhang hindi makapaniwalang linagpasan lang namin siya. Bago kami tuluyang makalayo ni Nadya ay narinig ko ang malakas na pagtawa ni Leo bago nagsalita, "Boom! Deserve."
"VALERIA? Sorry ulit." Napatigil ako sa paglalakad matapos 'yong marinig mula kay Nadya. Napahinga ako nang malalim bago siya lingunin.
Hindi kami masyado lumayo kung nasaan silang lahat dahil masyado nang madilim at wala na kaming makikita kung lalayo pa kami sa kanila. Tinignan ko sandali si Nadya bago dahang-dahan nang tumango.
"Okay lang. Sorry din kung nagalit agad ako sa 'yo kahit wala ka namang kasalanan," nakayukong saad ko. Napaangat ulit ako ng tingin sa kaniya nang hawakan niya ang kamay ko.
Ngumiti siya sa akin. "Thank you, V. Ano ba kasing lason ang ibinigay sa atin niyang si Kaiden kaya naging ganito tayo," napapakamot sa ulong saad niya, natawa naman ako dahil may point siya.
Napangiti ako nang maramdaman ang yakap niya sa akin, yinakap ko rin siya pabalik at nakangiting ipinikit ang mga mata ko. Simula sa araw na 'to ay pag-aaralan ko nang makinig muna sa sasabihin ng isang tao bago ako tuluyang magalit o kung ano man.
ORAS ng botohan, nakabalik na kami ni Nadya at katabi na namin ngayon si Ariadna sa isang wooden log. Tulad ng dapat kong gawin, binoto si Coraleen dahil bukod sa epal siya ay ramdam kong kasama talaga siya sa evil team.
Pero kahit anong gawin ko, hindi pa rin siya matanggal-tanggal. "Zal got the most votes..." Bumagsak ang balikat ko matapos 'yong marinig.
Maging sina Ariadna ay ganoon din. May pagka-demonyo talaga 'tong si Coraleen at hindi matanggal sa larong 'to. Nag-angat ako ng tingin kay Kiel, nasa harapan ko lang naman siya pero na-mi-miss ko pa rin siya.
Tinignan ko rin ang iba pa naming kasama. Ngayon ko lang napansin na kaming dalawa na lang ni Kiel ang nakasuot ng maskara. Kailan ko kaya balak tanggalin 'to?
"Lights out..." Nagsimulang umihip ang malamig na hangin na siyang nagpagalaw sa apoy ng campfire na nasa harapan namin.
Tumayo na ako at naglakad papunta sa lugar na puwede akong sumandal dahil alam kong maya-maya lang ay hihimatayin na ako, palagi naman. Bakit kaya kami nahihimatay tuwing gabi? Para kapag pinatay, atleast, nakapikit na agad?
Umupo ako sa hagdan na gawa sa kahoy at may apat na baitang papanik sa pinto ng lumang bahay na 'to, umupo ako sa pangalawa. Titignan ko na lang sana ang campfire hanggang sa tuluyan na siyang mapuksa pero napatingin ako sa lalaking umupo sa tabi ko at samahan akong pagmasdan ang apoy na patuloy ngayong tinatangay ng hangin.
"Kiel?" pagtawag ko sa kaniya kaya nilingon niya ako. "Huwag kang aalis, ha? 'Wag kang mawawala," ngiti ko. Saglit niya akong pinagmasdan bago tumango at hawakan ang kamay ko.
"You too. Don't you ever leave me here." Matapos niyang sabihin 'yon ay isinandal na niya ang ulo ko sa balikat niya bago ako akbayan. "You can now sleep on me..." bulong niya at kasabay niyon ay ang tuluyang pagdilim ng buong kapaligiran.
Napangiti ako dahil sa katotohanang hindi niya rin gusto na mawala ako sa tabi niya. Ipinikit ko na ang mga mata ko at tuluyang sumandal sa kaniya. Iaasa ko na lamang sa mga bituin na sana, 'wag munang mawala ang isa sa amin ngayong gabi.
NAGISING ang diwa ko dahil sa marahang pagpatak ng ulan na tumatama sa bubong na sinisilungan ko. Idinilat ko na ang mga mata ko at tumingin sa kapaligiran, nakaupo na pala ako ngayon sa tapat ng pinto at nakasandal doon kaya hindi ako nababasa ng ulan.
Napangiti agad ako matapos maisip na si Kiel ang nagbuhat sa akin dito. Tumingin ako sa harapan at tuluyan nang natupok ng ulan ang campfire, wala na ring tao sa buong kapaligiran at tanging ako na lang. Umaambon lang naman kaya tumayo na ako at naglakad paalis sa lumang bahay.
Habang patuloy akong naglalakad ay sumasalubong sa akin ang malamig na ihip ng hangin. Nasaan na kaya sina Kiel? Minsan, nakakatampo na rin talaga dahil late akong magising at palagi na lang akong naiiwan.
Sa wakas ay may nakita na akong tao makalipas ang ilang saglit. Naabutan ko si Ariadna at Felix na magkasama sa isang maliit na bahay na parang parking lang ng kotse. Walang pinto ang bahay na 'yon kaya kitang-kita ko silang dalawa.
Mukhang nag-uusap sila roon habang nasa magkabilang dulo ng mahabang lamesa, ang weird talaga nila minsan. Naglakad na ako papalapit sa kanila kaya naputol ang pag-uusap nila at sabay na napalingon sa akin.
"Nasaan si Kiel?" tanong ko at lumapit kay Ariadna. Pinagmasdan ko siya, ang underrated talaga ng ganda niya dahil simula pa lang ay wala na siyang suot na maskara. Hindi man lang kasi nagpasabog ngayong late game na tulad ng ginawa ni Nadya.
Nagkibit-balikat siya. "Ewan ko. Noong umalis na kami nila Felix sa campfire, nagpa-iwan siya dahil babantayan ka raw niya. Ikaw naman kasi, napakatagal mong matulog." Napanguso ako dahil sa sinabi ni Ariadna, kasi tama siya.
"Si Leo at Nadya, nasaan?" tanong ko ulit habang iniisip pa rin si Kiel. Hindi man lang niya sinasabi sa akin na palagi niya pala akong binabantayan sa tuwing natutulog ako, sa iba ko pa nalaman ang pagsisilbi niya.
Napaisip naman si Ariadna bago sulyapan si Felix. "Alam mo ba?" tanong niya, tumango naman si Felix bago naglakad papalapit sa amin. Tinignan ko silang dalawa, para na silang mag-asawa kung kumilos.
"Sa pagkakaalam ko, magkasama 'yong dalawang 'yon pero naghiwalay din. Nasa bahay-bahay lang 'yong mga 'yon. Si Kiel naman, baka nandoon pa rin kung saan ka niya iniwan pero siguro hinahanap ka na rin kasi bigla kang umalis," mahabang saad ni Felix. Napahawak ako sa noo ko, sinong uunahin kong puntahan?
"Sige, alis na ako. Sulitin lang ang quality time niyo, ha?" bilin ko at nginisian sila bago naglakad na paalis. Nilingon ko pa sila at nakaakbay na si Felix kay Ariadna habang tinatanaw nila ako paalis. Feeling ko tuloy, anak nila ako.
Tuluyan na akong umalis at nagpunta sa mga bahay-bahay na nakikita ko tulad ng narinig ko kay Felix. Bahala na kung sino man sa tatlo ang makita ko dahil gusto ko lang talagang i-check kung buhay pa ba sila.
Gustong-gusto ko ring makita ngayon si Kiel, gusto kong magpasalamat sa kaniya dahil sa mga simpleng bagay na ginagawa niya pero napakalaking bagay para sa akin.
Nang pumasok ako sa isang bahay na nababalot ng sapot ay bumungad sa akin ang isang babaeng nakatalikod sa akin at nakasuot ng tuxedo. Muntik na akong hindi makagalaw dahil sa pag-aakalang nakakita na naman ako ng multo pero nakahinga ako nang maluwag matapos mapagtantong si Nadya pala 'yon.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko bago humakbang patabi sa kaniya. Ilinibot ko rin ang paningin ko, para akong napunta ngayon sa bahay ng isang mangkukulam.
Binalikan ko ng tingin si Nadya nang hindi siya tumugon sa sinasabi ko. Nanatili lang siyang tulala, bagay na ipinagtaka ko. Sinundan ng mga mata ko ang tinitignan niya at tila tumigil sa pagtibok ang puso ko matapos makitang nakatulala siya ngayon sa isang painting.
Ang painting ng lugar kung nasaan kami ngayon.
Saglit din akong napatulala bago nagbalik ng tingin kay Nadya na napaiwas ng tingin. Sinubukan kong tatagan ang loob ko bago hawakan ang kamay niya, "N-nadya, okay ka lang ba?" Sinubukan kong hindi kabahan pero iyon na nga ang bumakas sa boses ko.
"Hindi naman 'yan 'yong painting, 'di ba? P-pati hindi naman totoo 'yong sinasabi nila tungkol dito. Hindi 'yon totoo..." Pilit kong kinumbinsi ang sarili ko na hindi mawawala sa amin si Nadya.
Nanghihina ang loob kong sinulyapan ang painting, mula sa baba ay nabasa ko na Riddle Farmstead ang pangalan ng map na 'to. Tinignan ko si Nadya, mula sa pagkakatulala ay napapikit siya at napahinga nang malalim.
"Pero paano kung totoo? Paano kung totoo talaga ang sumpa na kapag ikaw 'yong nakakita ng painting sa isang lugar, ikaw din ang mamamatay?" tanong niya. "P-paano kung ako na ang sunod na mamamatay?" patuloy niya bago ako tuluyang tignan.
Agad akong umiling, "Hindi naman totoo 'yan. Ako, nahanap ko 'yong painting sa Cemetery Lies pero hindi naman ako namatay!" sigaw ko dahil hindi ko matanggap ang sinabi niya.
"Because I healed you!" sigaw niya rin pabalik na ikinatigil ko. Napatingin ako nang diretso sa kaniya matapos niyang aminin ang katotohanang siya pala ang healer sa larong 'to.
Siya ang nag-heal noon kay Kiel, siya ang healer at nagsinungaling lang si Crystal noon na namatay sa Hell Hotel tungkol sa last note niya.
Naramdaman ko ang pagkirot ng puso ko matapos makita ang pamumuo ng luha sa mga mata ni Nadya na ang tanging ibig sabihin lang ay hindi niya na nais pang lisanin ang larong 'to kung saan niya naramdaman ang pagmamahal na hindi niya nagawang maranasan sa totoong mundo.
HINDI ko napigilang mamuo ang luha sa mga mata ko habang nakatingin sa likod ni Nadya. Nakabalik na kami sa lugar kung saan ako nagising kanina, sa likod ng wooden house. Buhay na ulit ang campfire at sinundan ko ng tingin si Nadya hanggang sa maglakad na siya papunta sa gitna.
Magsasalita pa lang sana siya pero agad din siyang napatigil at napatakip sa mga mata niya nang mapatingin sa akin. Gusto ko mang punasan ang kumakawalang luha sa mga mata ko dahil hindi ko sila makita pero hindi ko rin magawa dahil sa suot kong maskara.
Lumapit naman sa akin si Ariadna at Kiel, nandito na pala silang lahat pero hindi ko napansin dahil kanina pa ako nakatingin kay Nadya.
"V, anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Ariadna bago sulyapan si Nadya na noo'y linapitan ni Leo at Felix. Hindi ko magawang magsalita dahil iniisip ko pa lang na wala na si Nadya bukas ay nasasaktan na ako.
"Kio has fallen..." Panimula ng system. "He died because of the murderer. He was murdered and gets buried alive on the dead farm," patuloy nito. May nagpakitang screen sa pader ng bakod na nasa harapan namin at pinakita roon ang patay na sakahan dahil nasa ilalim na niyon si Kio.
Hinanap ng mga mata ko si Kioa dahil patay na ngayon si Kio. Alam kong may koneksyon silang dalawa at paniguradong masasaktan 'yon. Pero ilinibot ko na ang paningin ko sa buong kapaligiran pero hindi ko pa rin siya nakita.
"Because Kioa is his twin, Kioa has fallen too..." Nagulat ako matapos 'yong marinig. Naguguluhan kong nilingon si Ariadna na ngayo'y napabuntong hininga na lang.
"Wala akong nakitang role ngayon but I found out that role last night kaso hindi ko nasabi dahil ang risky. Twin was the role of Kio and Kioa, parang innocent lang din. They are part of the good team at masasabi kong ang malas ng role nila dahil kung ano ang mangyayari sa isa, ganoon din ang mangyayari sa kambal niya."
"Tulad na lang ngayon. Namatay si Kio kaya namatay din si Kioa..." salaysay ni Ariadna. Hindi ko alam kung bakit bigla akong nawalan ng pag-asa para sa team ko dahil dalawang tao agad ang nalagas sa amin ngayong araw lang na 'to.
"Discuss who was it." Nag-angat ako ng tingin kay Nadya. Tapos ngayon, baka mawalan na naman ulit kami dahil siya ang nakahanap ng painting at siya rin ang healer namin.
"Nadya, ano ba 'yong sasabihin mo?" nangangapang tanong ni Leo kay Nadya. Napatingin na ang lahat sa kaniya at hinintay ang dapat niyang sabihin.
"Vote me..." nakatulalang saad ni Nadya na ikinatigil ng lahat. Hindi na niya nagawang tumingin sa amin ngayon at yumuko na lang.
"What are saying, Nadya?" tanong muli ni Leo, bakas sa mukha nito ang pagkagulo.
Nag-angat naman ng tingin sa kaniya si Nadya at doon namin nakita ang tuluyang pagkawala ng luha sa mga mata nito. "I saw the painting... which means I will die tomorrow and I don't want that to happen so please, j-just vote me..." pagsasabi na ni Nadya ng totoo at pinunasan ang luha niya.
Napatigil naman ang lahat lalong-lalo na si Leo. Walang kahit sino man ang nakapagsalita, may patutunguhan ang gustong mangyari ni Nadya pero hindi naman 'yon ganoong kadali para sa amin.
Hindi ko na alam ang dapat kong gawin, ang gusto ko lang naman ay manatili rito si Nadya at makasama siya paalis. Nanatili lang na nakaupo ang lahat habang kami naman nila Ariadna ay naglakad palapit kay Nadya tulad nila Leo.
"Nadya, siguro ka ba sa gusto mong nangyari?" tanong ni Felix, sandaling hindi nakapagsalita si Nadya bago tumango na ang ibig sabihin lang ay ayaw niya talaga pero hindi puwede.
"W-wala na bang ibang paraan?" tanong ko at hinawakan ang kamay ni Nadya. Masyado na siyang napalapit sa akin at hindi madali sa aking bitawan siya ngayon.
"H-hayaan mo na, Valeria. Kahit mawala man ako ngayon... atleast, nakilala ko kayo. Atleast, naging masaya ako. 'Yon lang naman ang importante, 'di ba?" nakangiting tanong niya kahit patuloy nang bumubuhos ngayon ang luha sa mga mata niya.
Nag-angat siya ng tingin kay Kiel na nasa likod ko, "Kiel, bantayan mo 'yang si V, ha? Napunta lang talaga ako sa larong 'to dahil sa kaniya. Galingan niya ring lahat, ha? Dapat, makaalis kayo rito nang magkakasama..." ngiti niya pero kasama roon ang pait dahil aalis kami rito nang wala siya.
Dahan-dahan namang tumango si Kiel at hinawakan ako. "It's time to vote." Dumating na naman ang sandaling kinatatakutan ko. Humihikbi kong hinawakan nang mahigpit ang kamay ni Nadya at humiling na sana ay 'wag muna ngayon.
Pero tulad ng dati, nabigo na naman ako. "Nadya got the most votes..." Napangiti si Nadya matapos 'yong marinig, ngiti na puno ng pait. Tinignan niya kami isa-isa bago napahinga nang malalim at tumalikod na upang maglakad paalis.
Maliban sa akin ay may narinig akong mga hikbi habang tinatanaw si Nadya na ngayon ay papalayo na sa amin. Nakita ko ang paggalaw ng balikat niya na ang tanging ibig sabihin lang ay umiiyak siya.
Umihip ang malakas na hangin, sinubukan kong humakbang para lapitan si Nadya pero tuluyan na siyang naglaho at inagaw ng malakas na ihip ng hangin sa amin.
Nadya's Last Note:
This note is for you, Leo.
I actually create this while we were together here at the farmstead.
Thank you for liking me!
You're actually my childhood crush,
if you can still remember me.
I'll just leave it here that I like you too but it's time to say good bye now. Good bye, everyone.
Stay alive.
Nasasaktan akong napayakap kay Kiel nang saluhin niya ako at yakapin din. Si Ariadna at Felix ay napayuko na lang at dinamayan si Leo na noo'y hindi na nakagalaw matapos mabasa ang last note ni Nadya para sa kaniya. Wala siyang ibang nagawa kung hindi mapayuko at hayaang kumawala ang luha sa mga mata niya.
"Lights out..." Wala na akong ibang naramdaman pa matapos 'yong marinig. Ang tanging alam ko lang ay nasasaktan ako dahil sa katotohanang wala na si Nadya at wala na rin kaming ibang magagawa pa.
MAHINANG pagluha ang siyang gumising sa akin. Idinilat ko na ang mga mata ko at umalis sa balikat ni Kiel kung saan ako nakasandal kanina habang natutulog. Tinignan ko siya, nakahawak ngayon ang kamay niya sa baywang ko bilang pag-alalay habang natutulog ako sa kaniya.
Napalingon na rin siya sa akin dahil sa paggalaw ko. Nandito ulit kami ngayon sa hagdanan ng isang lumang bahay kung saan ako natulog kagabi, noong buhay pa si Nadya.
Napalingon ako sa likuran ko at nandito rin pala si Ariadna at Felix. Nakaupo sila sa ika-apat na baitang ng hagdanan at parehong nakayuko. Nakaakbay si Ariadna kay Felix na ngayo'y nakatakip sa mukha niya, halatang problemado.
Sandali akong napatulala bago mabilis na napalingon kay Kiel matapos mapagtantong may kulang na naman sa amin. "K-kiel, nasaan si Leo?" kinakabahang tanong ko at ilinibot ang paningin ko sa buong paligid, umaasang makita si Leo.
Pero ang nakayukong mukha ng mga kasama ko ang siyang nagpahina sa loob ko. Tila dahan-dahan na namang dinurog ang puso ko matapos maisip na hinanap na rin nila si Leo kanina at ngayo'y magtatapos na rin ako sa pagiging tulala dahil tulad nila ay nabigo lang din ako.
"Leo has fallen..." Tuluyang gumuho ang mundo ko matapos patunayan ng system ang bagay na kinatatakutan ko. Napapikit ako at napayakap na lang kay Kiel, tuluyang na namang kumawala ang luha sa mga mata ko dahil hindi ko matanggap na wala na rin ngayon si Leo.
Hindi ko matanggap na magkasunod silang namatay ni Nadya.
Umihip ang malakas na hangin na siyang humawi sa luhang patuloy ngayong bumubuhos sa aming mga mata. Sa pagkakataong iyon habang nararamdaman ang patuloy na pagkadurog ng puso ko ay biglang pumasok sa isipan ko ang ala-ala sa pagitan naming dalawa ni Leo.
Ang ala-ala kung saan nagkaroon kami ng kasunduang dalawa dahil kinausap ko siya para magpasalamat noong araw na nabuhay muli si Kiel nang dahil sa kaniya...
"Leo!" Napalingon sa akin si Leo nang tawagin ko siya. Aalis na dapat siya matapos naming mag-yakap anim pero sinundan ko siya bago sumama kay Kiel paalis.
Naglakad naman siya palapit sa akin habang ang kamay niya ay nasa magkabilang bulsa. "Bakit?" tanong niya at nginitian ako. 'Yan talaga ang gusto ko sa kaniya, palaging nakangiti kaya ang komportable niyang kausap.
"Salamat, Leo, ha?" pasasalamat ko at nginitian siya kahit hindi niya naman makikita 'yon. Dahil sa kaniya, masaya na ulit ako ngayon dahil ibinalik niya sa akin si Kiel.
"Wala 'yon! Alam mo naman na Kieleria fan ako since day one," saad niya at natawa, napangiti naman ako. Kahit pa palagi niya akong inaasar, the best pa rin siya para sa akin.
"Bantayan mo si Kiel kung sakaling mawala man ako, ha?" maya-maya ay bilin ko sa kaniya. Napahalukipkip siya dahil sa sinabi ko, para talaga siyang babae kung kumilos.
"Bantayan mo rin si Nadya kapag nawala ako," taas noong bilin niya rin sa akin kaya natawa ako bago nakangiting tumango. "Deal!"
Matapos niyon ay hindi ko napigilan ang sarili kong yakapin siya bilang isang kaibigan, tinapik niya naman ang likod ko at yinakap din pabalik kaya napangiti ako.
Nakangiti man kami pero ang usapan namin ay may kasama ring lungkot dahil alam naman naming dalawa na sa pagsapit ng gabi ay maaaring mawala kami sa isang iglap.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top