LIGHTS OUT XI
[Kabanata 11 - Death]
SABAY kaming naglalakad ngayon ni Kiel sa hallway habang patuloy na sumasalubong sa amin ang malamig na ihip ng hangin. Nasa 3rd floor kami ng building at may mga nakakasalubong which is mga kasama namin dito sa laro. Bigla ko tuloy na-miss mag-aral. I mean, na-miss kong makipagdaldalan sa kaklase ko.
Pero ngayon ay graduated na ako pero hindi naman nagtatrabaho dahil nandito ako ngayon. Siguro, tanggal na ako sa trabaho dahil ilang araw na akong absent. Bahala na dahil hindi naman ako sure kung makakabalik pa ako sa dati kong buhay pagkatapos ng larong 'to.
"Alam mo, sinubukan kitang gisingin kagabi kasi nahimatay ka. Kaso 'yon, nahimatay din ako," pagsisimula ko ng topic bago mag-angat ng tingin sa kaniya. Patuloy kaming naglalakad ngayon habang nakalagay sa likod ang kamay niya.
Napatingin din naman siya sa akin. Parang pinag-aralan niya muna saglit ang mga sinabi ko bago magbalik na ng tingin sa harapan tulad kanina. Napasimangot naman ako dahil parang ayaw niya talagang tumingin sa akin. After naming mag-usap sa rooftop ay wala na ulit nagsalita sa pagitan namin pero sabay pa ring naglakad pababa.
Napatingin na ako sa harapan at dumapo ang mga mata ko sa dalawang taong sabay na naglalakad ngayon dahil papasalubong sila amin. Huli na ang lahat para makatakas ako sa pang-aasar nila dahil napatingin na sina Felix at Leo sa akin at sa amin.
Biglang napangisi si Leo habang si Felix naman ay napakamot sa leeg niya. "Ang sakit na naman sa mata," bitter na sabi niya at nilagpasan na kami. Natawa naman si Leo at tinignan kaming dalawa ni Kiel nang nang-aasar na tingin bago sinundan na si Felix.
Matalim ang mga matang sinundan ko sila ng tingin. Akmang bababa na si Felix nang makasalubong niya ang kapapanik lang na si Ariadna. Napatigil si Felix habang si Ariadna naman ay biglang sumama ang timpla ng mukha.
"Ang pangit na naman ng araw ko," nakasimangot na sabi ni Ariadna at linagpasan na si Felix na napaatras dahil binangga ni Ariadna ang balikat niya. Linagpasan na siya ni Ariadna at dumiretso sa amin.
"Bro, sakit no'n," tawa ni Leo at tinapik ang balikat ni Felix. Naglakad na rin sila pababa ng hagdan at nagpunta sa 2nd floor.
Napangisi ako dahil sa wakas ay may nagpatahimik na kay Felix. Tinignan ko na si Ariadna at napatingin ako kay Kiel dahil nakatingin siya roon. Lumipat naman ang mga mata ko sa labas nang makitang nakatingin si Kiel kay Ariadna.
"Ah, mauuna na ako," bigla ay paalam ko at akmang maglalakad na paalis pero pinigilan ako ni Ariadna. "Huh? Bakit?" tanong niya at bakas sa boses niyang ayaw niya akong paalisin.
Tinignan ko silang dalawa ni Kiel. Feeling ko ay mag-uusap sila kaya aalis na muna ako. "Kakausapin ko si Nadya," palusot ko at dire-diretso nang naglakad papunta sa kabilang direksyon kung nasaan ang hagdan. Bababa muna ako dahil ayoko namang maging third party nila.
Dire-diretso lang akong bumaba ng hagdan hanggang sa marating ko na ang first floor. Sa totoo lang ay wala naman dito si Nadya pero hindi ko naman kasi talaga siya kakausapin kaya gagala na lang muna ako kung saan-saan.
Para na tuloy akong sad girl na naglalakad ngayon nang mag-isa sa hallway. Parang bigla kong pinagsisihan na umalis pa ako. Dapat ay nag-stay na lang ako sa kanila dahil baka may chismis si Ariadna, e!
Hays, bahala na nga. Naglakad na lang ako papunta sa isang sulok dahil may daan doon nang mapatingin ako sa pinto na nasa dulong bahagi ng maliit na pasilyong 'to. Muntik ko na siyang hindi mapansin dahil kakulay ng pinto 'yong pader, color grey at lumang-luma na.
Napatingin naman ako sa likod ko at walang kahit anong ingay ang maririnig dito sa first floor. Nagbalik na ako ng tingin sa harapan at napahinga nang malalim bago nagsimulang humakbang papunta sa tapat ng pinto.
Humawak ako sa doorknob at akmang bubuksan na 'yon nang may marinig na boses mula sa loob. Ilinapit ko naman ang tainga ko sa pinto at pinakinggan ang mga sinasabi nila. "P-paano kung ako na ang sunod na mamatay?" rinig kong tanong ng isang babae, bakas sa boses niyang umiiyak siya.
"Huwag mong isipin 'yan. Malay mo, imbento lang talaga ni Gabriel 'yong sinabi niya. Pati narinig mo naman 'yong sinabi ni Ariadna," rinig ko namang tugon ng isang lalaki. Hindi rin nagtagal ay binuksan ko na ang pinto at bumungad sa akin si Steffi at Adrian na sabay napatingin sa akin dahil sa pagpasok ko.
Saglit ko silang tinignan bago mapatingin sa malaking salamin ng comfort room at napatigil ako matapos makita ang isang bagay na mukhang ang dahilan kung bakit umiiyak ngayon si Steffi.
Ang panting ng map na 'to. Nandito pala siya sa comfort room at nakadikit sa gitna ng salamin na nababalot ngayon ng mga tumulong dugo. Nakaguhit sa painting ang school building kung nasaan kami ngayon habang makulimlim ang kalangitan.
Humakbang ako palapit sa painting at nagbaba ng tingin sa pinakababa. Old school, 'yan ang pangalan ng map namin ngayon. Kung sa bagay, luma na naman talaga ang school na 'to at mukhang naging patayan pa dahil sa dami ng tuyong dugo na nakapalibot sa buong building.
Bigla ay napatingin sa itaas matapos magpapatay-patay ng puting ilaw. Napatingin ako sa kanilang dalawa at nag-holding-hands sila. Bigla tuloy akong napasimangot dahil iniwan ko nga si Ariadna at Kiel para hindi maging third party tapos ngayon naman ay dito ako napunta para maging extra na naman.
Tumingin na lang ulit ako sa salamin. Saan kaya nanggaling ang mga dugong 'to na mukhang fresh pa? Nagpatuloy sa pagkurap ang ilaw pero sa pagkakataong 'to ay tumatagal sa tuwing dumidilim. Saglit naman akong naistatwa sa kinatatayuan ko matapos makita sa salamin ang saglit na pag-iiba ng anyo ko sa tuwing saglit na bumubukas ang ilaw.
Hindi naging malinaw kung anong naging hitsura ko sa salamin pero ang alam ko lang ay nababalot ako ng dugo at naging kakaiba ang hitsura ko, parang naging ibang tao. Nang matauhan ay agad akong napaatras at naglakad papunta sa pinto para umalis na pero saglit na tumigil ang tibok ng puso ko nang hindi 'yon bumukas kahit anong hatak ko.
Napalunok ako bago sulyapan ang dalawa na nakatulala sa akin ngayon. Patuloy na kumukurap ang ilaw at hindi ko alam kung bakit tila nag-iiba rin ang anyo nila sa bawat pagbukas ng ilaw. Hindi ko alam kung nakangiti ba sila o umiiyak pero ang tanging gusto ko lang ay makaalis sa kwartong 'to ngayon.
Ilang ulit kong sapilitan na hinatak ang doorknob hanggang sa muntikan akong mawalan ng balanse dahil may nagbukas na din ng pinto sa labas. Napahawak ako sa sink kaya 'di ako tuluyang natumba. Nag-angat ako ng tingin sa tapat ng pinto at sa hindi malamang dahilan ay nakaramdam ako ng kapanatagan matapos makita si Kiel na nagulat matapos akong makita.
Napatingin siya kay Steffi at Adrian bago ako lapitan at tulungang tumayo nang maayos. Napatingin ulit ako sa pinto nang bumungad naman doon si Ariadna na nagulat din matapos akong makita.
"My gosh, ikaw pala 'yong nakatok sa pinto. Mabuti na lang at narinig ka ni Kiel," saad ni Ariadna at napatingin sa dalawang lovers na nakatingin sa akin ngayon. Napatingin din sila ni Kiel sa painting na nakasabit sa malaking salamin.
"H-halika na," anyaya ko sa kanila at nag-angat ng tingin kay Kiel nang dahan-dahan na niya akong bitawan. Napahinga ako nang malalim at tinanggap ang nakalahad na kamay ni Ariadna kaya magkasabay na kaming naglakad palabas sa comfort room kung saan ko naramdaman ang kaba dahil sa takot at pangamba.
"Sabi mo kakausapin mo si Nadya," maya-maya ay pagsasalita na ni Ariadna matapos naming makalayo sa comfort room. Papanik na kami ngayon sa hagdan papunta sa taas.
"Ah, ano kasi... hinanap ko siya kaso sa iba ako napunta," pagsisinungaling ko. Saglit niya akong tinignan bago tumango, parang naghihinala pa siya. "Napansin ko kasi na palagi kang umaalis sa tuwing magkakasama tayo ni Kiel," saad ni Ariadna at tumingin na sa harapan dahil papanik na kami ngayon sa hagdanan.
Napatigil naman ako. Bakit nga ba kasi ako umaalis? Okay, it's time for a character development. Hindi na talaga ako aalis dahil sa weird kong nararamdaman at iniisip sa tuwing napupunta ako sa ganoong sitwasyon. Hindi na, Valeria.
Nang makapanik kami sa 3rd floor ay doon lang ako may napagtanto. "Hala, nasaan na nga pala si Kiel?" tanong ko at sumilip sa baba ng hagdan pero wala namang Kiel na nakasunod sa amin. My gosh, siya na nga ang iniisip ko pero siya pa ang nakalimutan ko.
Nagkibit-balikat naman si Ariadna. "Ewan ko. Baka sa kabilang hagdan dumaan," clueless na sagot niya at nagpatuloy na sa paglalakad pero dahil hawak niya ang kamay ko ay napasama ako sa kaniya.
Nang makarating kami sa 6th floor kung nasaan ang main room ay napatigil ako sa paglalakad nang tumigil din siya. Nagtatanong ko siyang tinignan. "Bakit?" tanong ko. Naglakad ulit siya palapit sa hagdan at sumilip sa baba.
Matapos niyon ay sinulyapan niya ulit ako, "Mauna ka na. May titignan lang ako sa baba," paalam niya. Sandali ko siyang tinignan dahil iniisip ko kung bakit pero sa huli ay tumango na lang ako. Bumaba na siya sa hagdan at ako naman ay nagpatuloy na sa paglalakad pabalik sa room.
Papasok na sana ako sa nakabukas na pinto nang mapatingin ako sa kadarating lang na si Nadya. "What's up! Sama ka sa baba?" nakangiting tanong niya, palagi na lang siyang nakangiti. Ano bang masaya?
"Kuwentuhan mo na lang ako," walang ganang tugon ko bago naglakad na papasok sa loob pero napatigil ako matapos makita ang pamilyar na lalaking nakatalikod sa akin ngayon at nag-iisa sa kabilang dulo ng kwarto.
Walang ingay akong naglakad palapit sa kaniya at tinignan kung ano ba ang tinitignan niya. Nakatingin pala siya sa multiplication chart na luma na at hindi na rin mabasa. May naalala tuloy akong tao na mahilig sa math.
"Valeria!" napalingon ako sa harapan nang may tumawag sa pangalan ko. Tinignan ko si Renee hanggang sa tuluyan na siyang makalapit sa amin, hilig niya talagang ipagsigawan ang pangalan ko.
"Sama ka sa akin sa baba," ngiti niya at tinabihan ako. Napatingin siya kay Kiel at sa multiplication table chart. Matapos niyon ay napabalik ulit ang mga mata niya kay Kiel at sa akin. Mukhang naisip niya rin ang taong nasa isip ko ngayon.
"Ikaw na lang," pagtanggi ko sa invite niya dahil wala na ako sa mood na bumaba ulit, nakakapagod. Bumagsak naman ang balikat niya lalo na nang maglakad ako paupo sa arm chair na ang ibig sabihin lang ay hindi niya ako mapipilit.
Napapamewang naman siya at napahinga nang malalim. Bigla ay gumuhit ang ngiti sa labi niya at parang nagkaroon ng light bulb sa taas ng ulo niya matapos mapasulyap kay Kiel na nakatingin sa kaniya ngayon.
"Mr. Familiar, ikaw na lang ang sumama sa akin, please? May epal kasing nanakot sa 'kin kanina, e. Sa baba lang naman tayo pupunta kasi nagpaka-mystery girl na naman si Ariadna," saad ni Renee at pinag-apir ang kamay niya bilang please sign. Pati pala sa kaniya ay pamilyar si Kiel.
Tila nagliwanag naman ang mukha niya nang tumango na si Kiel. Dahil malamang, may Ariadna. "Thank you! Halika na!" excited na anyaya ni Renee at nauna nang maglakad palabas sa room.
Napatigil naman ako nang sulyapan ako ni Kiel at tinignan na tila nagpapaalam. Tinatanong kung approve ba sa akin 'yon o hindi? Ah, basta! Ewan ko sa kaniya.
Umihip ang malamig na hangin. Palagi na lang siyang nakatingin. Tinaasan ko na lang siya ng kilay bago tumango na sa desk ko dahil wala akong gana. Hays, bakit ba siya nagpapaalam? Ano ba ako, teacher niya?
Lumipas ang ilang sandali at hangin na lang ang naramdaman ko sa paligid. Dahan-dahan na akong umalis sa pagkakatango at ilinibot ang paningin ko pero wala nang katao-tao sa classroom, umalis na si Kiel.
Hindi ko man lang 'yon namalayan dahil wala namang naging tunog ang paghakbang niya paalis. Napasandal na lang ako sa kinauupuan ko. Feeling ko ay malapit na ang discussion pero wala silang lahat ngayon dito.
Ganito pala kapag mag-isa ka at walang magawa, kung anu-ano na lang ang papasok sa isip mo. Baka mamaya ay magaya pa ako kay Kiel at maging rebulto sa pag-stay dito kaya tumayo na ako at naglakad palabas sa classroom.
Feeling ko, matapos ang gabing 'to ay lilipat na kami sa next map dahil gano'n naman palagi. Pagkalabas ay lalapit na sana ako sa railings para sumandal pero nahagip ng mga mata ko ang isang lalaking nakasandal ngayon sa nakasarang pinto ng classroom kung saan ako lumabas.
Nakalagay sa bulsa ang kamay niya. Napaangat ako ng tingin sa mga mata niyang nakatingin na sa akin ngayon. Malamang, nakita na niya ako simula no'ng pagkalabas ko pa lang sa room.
Umiwas na ako ng tingin at tinuloy ang balak kong sumandal sa railings na kinakalawang na. Kahit pa mahulog ako ngayon dito ay wala naman akong pakielam. Umalis na siya sa pagkakasandal sa pintuan at sinundan ko siya ng tingin hanggang sa tuluyan na siyang makalapit sa akin.
Sumandal din siya sa railings kaya magkatabi na ulit kami ngayon. "Bakit ka nandito?" tanong ko kay Kiel habang pinagdidiskitahan ang fire alarm na nasa harapan namin ngayon. Kung pipindutin ko kaya siya, gagana pa rin kahit luma na?
"You don't seem to agree..." Napatigil ako dahil sa sinagot ni Kiel. Nabibigla akong nag-angat ng tingin sa kaniya at nanatili lang siyang nakatingin sa harapan. "So I didn't go anymore," patuloy niya at nagbaba na ng tingin sa akin kaya napatingin kami ng diretso sa isa't isa.
"Adrian has fallen..." Naputol lang ang pagtititigan namin nang marinig ang boses ng system. Halo-halo pa ang nararamdaman ko kaya huli na nang ma-realize ko kung kanino ang pangalang binanggit niya.
Umihip ang malakas na hangin. Napatulala na lang ako dahil sa katotohanang ang pangalang binanggit niya ay ang taong nakasalamuha ko kanina sa comfort room. Hindi ako makapaniwalang patay na pala si Adrian pero nagawa ko pa ring masilayan.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top