LIGHTS OUT X
[Kabanata 10 - My Name]
PAGSABOG ang naghari sa buong kapaligiran. Inakbayan ako ni Kiel bago kami sabay na napadapa sa sahig. Napatakip ako sa tainga ko dahil sa nakakabinging pagsabog. Bumilis ang tibok ng puso ko sa hindi malamang dahilan.
Makalipas ang ilang saglit ay dahan-dahan nang bumangon si Kiel at inalalayan akong makaupo rin. Hinabol ko ang hininga ko bago sinubukang ilibot ang paningin ko pero nabalot ng usok ang buong kapaligiran kaya wala rin akong makita kung hindi siya.
"K-kiel..." pagtawag ko sa kaniya bago mapaubo dahil napakausok. Kahit mausok ay nakita kong napalingon siya sa akin. Tumayo na siya at inalalayan akong tumayo.
Napatigil ako nang hubarin niya ang suot niyang blazer at ibigay 'yon sa akin. "Para saan 'to?" tanong ko sa kaniya. "To cover your nose," sagot niya. Nag-aalinlangan man ay tinakip ko na sa ilong ko ang blazer niya at napahawak din sa kamay niya nang hawakan niya ang kamay ko.
Napaiwas naman siya ng tingin at napatakip sa bibig niya nang mapaubo siya. Nag-alala ako dahil do'n pero nagsimula na siyang maglakad paalis at dahil magkahawak ang kamay namin ay napasama ako sa kaniya. Malabo man ang nakikita namin pero sabay na naming tinahak ang daan padiretso.
Nakakakaba dahil wala akong makita at baka madapa o tumama ako sa isang bagay. Habang dire-diretso kaming naglalakad ay dahan-dahan ko nang natanaw ang dulo ng hallway kung saan hindi pa masyadong nababalot ng usok 'di gaya ng kung saan kami nanggaling.
Maglalakad na sana kami pababa sa hagdan nang makasalubong namin ang kapapanik lang na si Felix at Ariadna, hindi ko akalaing magsasama sila. Napatingin din sila sa amin. Salamat sa dalang lampara ni Ariadna kaya nagkita-kita kami.
Napatigil si Ariadna bago naglakad papalapit sa akin. "My gosh, saan kayo nanggaling? Nasabugan ba kayo?" nag-aalalang tanong niya. "Hindi naman masyado pero halika na dahil baka mahimatay pa ako sa kapal ng usok dito," saad ko at napatingin kay Felix na nasa likod ni Ariadna.
Sinundan ko ng tingin at tinitignan niya at napatigil ako matapos mapagtantong nakatingin pala siya sa kamay namin ni Kiel na hindi ko namalayang magkahawak pa rin pala hanggang ngayon.
Napabitaw naman ako at napatingin kay Kiel na nakatingin sa akin ngayon. Napababa pa ako ng tingin dahil humahapit sa katawan niya ang puti niyang polo kaya nakikita ko ang hubog ng katawan niya pero agad din akong napaiwas ng tingin. Nilingon ko si Ariadna at mukhang nakita na niya ang bagay na hindi ko alam kung bakit nagpapakaba sa akin ngayon.
"H-halika na," anyaya ko bago dire-diretsong naglakad pababa ng hagdan at doon napalunok. Alam ko naman kung saan ang daan pabalik so safe na akong maunang umalis.
Pero hindi ko na matatakasan pa ang katotohanan at pangyayaring wala namang masama pero hindi ko alam kung bakit nagdudulot sa akin ng kakaibang pakiramdam na hindi ko maintindihan.
"ANONG nangyari?" Ang tanong na bumungad sa akin pagkapasok ko pa lang sa loob ng classroom kung nasaan ang mga kasama namin. Nakakahiya dahil lahat sila ay nakatingin sa akin ngayon pero tinuruan ko ang sarili kong maging confident at strong independent woman so kaya ko 'to.
"May narinig kaming pagsabog, ah? Pati ang usok sa labas, oh," saad ni Nadya at nilingon ang kabilang side ng mga bintana kung saan matatanaw namin ang labas. May makapal na usok ngang bumabalot sa paligid na nagagawa naming nakikita sa bintana.
"Ah, wala naman. May bomba kasi ro'n sa rooftop. Buti na lang nakababa agad kami," saad ko at napatingin sa lamparang nakapatong sa table na nasa tapat ng black board.
Habang naglalakad ako pabalik dito ay kinausap ko ang sarili ko at kinumbinsing wala lang ang mga nangyari kanina kaya I have to act normal. Magkahawak lang naman kasi ang kamay namin ni Kiel kasi kailangan naming magtulungang tumakbo so wala lang talaga 'yon. 'Di ba, Valeria?
Oo. "Here they go." Hindi na ako nag-abalang lumingon pa nang marinig 'yon dahil alam ko namang sina Ariadna 'yon. Naglakad na lang ako palapit sa lamp dahil baka mamaya ay nakaharang pala ako sa daan at nakakahiya naman 'yon.
"Ano bang nangyari? Ang gara kasi magkuwento ni Ms. VVV, isang sentence lang." Kunot noo kong nilingon si Leo nang sabihin niya 'yon. Bwisit talaga ang mga tao rito, trip na trip akong asarin at bwisitin.
"I don't know either. Ako nga 'di ba ang nag-volunteer na pumanik dahil sa pagsabog tapos sumama si Felix." Biglang napasiring si Ariadna matapos banggitin ang pangalan ni Felix. "Then 'yon, sobrang usok sa taas tapos nakasalubong na namin sina Kiel at V. Sila talaga ang nakakaalam sa nangyari since sila ang nasa rooftop," patuloy ni Ariadna at napatingin sa akin.
"Saan naman nanggaling 'yong bomba na sinasabi niya?" tanong ni Leo kay Kiel sabay tingin sa akin. Napatingin din tuloy sa akin si Kiel at dahil wala naman talagang dapat maging awkward ay kinawayan ko siya.
Pero napatigil ako sa pagkaway matapos mapagtantong mas awkward at nakakahiya ang ginawa ko! "Ba't ka nakaway?" tanong ni Nadya na ikinalingon ko sa kaniya, nagtataka siyang nakatingin sa akin ngayon.
"H-huh? Ah, wala! Ano kasi... may... may dance step akong naalala, oo," puno ng kahihiyan na palusot ko at sinubukang ngumiti kahit hindi naman niya makikita 'yon.
Nilingon ko sina Kiel at maging sila ay nagtatakang nakatingin sa akin ngayon dahil sa napaka-weird kong ginawa. Napatingin ako kay Felix at gusto ko nang magpakamatay ngayon matapos makitang pinipigilan niyang matawa dahil sa ginawa ko!
"She's actually the one who saw it first," tugon na ni Kiel sa tanong ni Leo pero napatigil ako matapos mahimigan sa boses niya na pinipigilan niyang matawa.
"Yeah... she saw it and she likes it," dugtong ni Felix sabay sulyap sa katawan ni Kiel kung saan ako napatitig kanina. Nanggigigil ko siyang tinignan pero nginisian niya lang ako. Tinignan ko si Ariadna at natawa na lang siya.
Valeria's Last Note:
Patayin niyo na lang ako.
#FeelingBetrayed
"It's time to vote." Malapit na akong maiyak nang marinig ulit ang boses ng system. Nanatili na lang akong nakayuko dahil hindi ko kayang tignan ang sino man sa mga tao rito ngayon na nakasaksi sa kahihiyang ginawa ko.
Ano ba 'yan, Valeria! Sinusumpa na talaga kita at bakit mo ba kasi ginawa 'yon? Hindi nga dapat awkward 'di ba pero mas lalo mo lang pinalala. Dahil sa sobrang kahihiyan ay naboto ko tuloy ang sarili ko. Mas mabuti na rin 'to kahit na mamamatay akong may dala-dalang kahihiyan.
"Lurius got the most votes." Pero hindi ako ang natanggal. Napasulyap ako kay Lurius, hindi ko alam kung bakit siya ang na-vote-out. Lahat kasi ng mga binoboto ko, trip lang tapos 'di pa matanggal-tanggal.
Nag-meeting na siguro sila kanina habang wala kami. Nakaupo si Lurius sa arm chair at katabi si Leo na ngayo'y mukhang nalungkot. Naghawak kamay sila nagsanggihan ng balikat hanggang sa tuluyan nang maglaho ang katawan ni Lurius at sumama sa malakas na ihip ng hangin.
Naiwan nang mag-isa si Leo at napabuntong hininga na lang, mukhang naging kaibigan niya si Lurius. Napatingin naman ako kina Ariadna at Kiel. Paano kaya kung isa naman sa amin ang mawala sa susunod na gabi?
Lurius Last Note:
Witch. Sorry for blocking your power once Ms. Photographer and thank you for being my friend, Leo. Good bye.
The love story of Kiel and Ms. VVV though. Looking forward. XD
Napahawak ako sa dibdib ko matapos kong madamay sa last note niya. My gosh, anong love story? Sa lumang papel, may talsik na dugo, at sa punit-punit na paligid na nga nakasulat 'yong last note niya tapos gano'n pa 'yong nilalaman. Ano ba 'yan! Nakakahiya tuloy.
"Kaya naman pala wala akong role na nakita kagabi," rinig kong saad ni Ariadna. Napatingin ako sa kaniya at napasulyap siya kay Kiel na nakatingin pala sa akin ngayon kaya napaiwas agad ako ng tingin.
Umupo na lang ako sa upuan na nasa tapat ng table at tumango roon. Hindi ko namalayang hawak ko pa rin pala ang blazer ni Kiel at nahigaan ngayon ng ulo ko. Natiklop ko na 'to kanina at isasauli sana sa kaniya pero dahil sa kahihiyang nagawa ko ay bukas na lang siguro. Infairness, ang bango ng blazer niya. Kaamoy lang niya.
"Lights out..." rinig kong sabi ng system pero nanatili lang akong nakatango sa lamesa. Naramdaman ko na ang malakas na ihip ng hangin na tumatama sa balat ko. Nasa tapat ko ang lampara at kahit hindi ko 'yon nakikita ay alam kong hinahangin na ang liwanag na nasa loob niyon.
Nanatiling nakadilat ang mga mata ko hanggang sa nawala na ang kulay kahel sa paningin ko na ang ibig sabihin lang ay nawala na rin ang liwanag sa buong kapaligiran. Mas okay nang nakaupo ako ngayon para hindi na ako bumagsak sa sahig sa oras na mahimatay ulit ako.
Pero lumipas ang ilang sandali at nanatiling nakadilat ang mga mata ko. Dahan-dahan na akong umalis sa pagkakatango at tinignan ang bintana kung saan matatanaw ko ang maliwanag na buwan.
Nilingon ko naman ang mga kasama ko at laking gulat ko matapos makitang nakahiga na sila sa iba't ibang pwesto at walang malay. Napatayo ako sa upuan at nabibigla silang tinignan. Humakbang ako at nagbaba ng tingin kay Ariadna, magkatabi silang nakahiga ngayon ni Felix sa sahig at tulad ng mga kasama namin ay nakapikit ang mga mata nila.
Sinulyapan ko naman si Kiel na nakasandal sa pader at mukhang nawalan din siya ng malay. Ano ba kasing nangyayari at nawalan sila ng malay? Naglakad ako palapit kay Kiel at lumuhod para makapantay siya.
"Kiel," pagtawag ko sa kaniya at kinalabit siya upang subukang gisingin. Makailang ulit ko rin siyang kinalabit pero hindi talaga siya magising kaya sumuko na lang ako.
Pinagmasdan ko na lang siya. Wala siyang suot na blazer kaya nakita ko kanina ang katawan niya nang malapitan. Infairness, ang sexy niya pala talaga. Pero hindi ko naman sinasadyang tignan ang katawan niya, sinasabi ko lang.
Habang pinagmamasdan siya ay bigla tuloy akong na-curious kung ano kaya ang totoo niyang hitsura dahil simula nang magkakilala kami ay hindi niya pa tinatanggal ang mask niya, kung ako rin naman. Tumayo na ako dahil baka kung ano pa ang magawa ko at baka may makakita pa sa akin tapos pagbibintangan pa akong obsess kay Kiel.
Akmang maglalakad na ako papunta kay Ariadna para siya naman ang subukan kong gisingin pero napatigil ako nang maramdaman na naman ang hilo na nagiging dahilan kung bakit palagi akong nahihimatay tuwing gabi.
"Ano ba 'yan," reklamo ko bago mapahawak sa noo ko at tuluyang matumba sa sahig. Sinubukan kong labanan ang antok na nararamdaman ko pero hindi ko na rin kinaya pa at tuluyan nang nakatulog.
Tuloy, lahat kami ay nakatumba na ngayon sa sahig at pare-parehong nawalan ng malay ngayong gabi.
NAALIMPUNGATAN ako nang maramdaman ang paggalaw ng katawan ko. Dahan-dahan kong idinilat ang mga mata ko at nawala ang antok na nararamdaman ko matapos mapagtantong buhat ako ngayon ni Kiel!
Hindi siya nakatingin sa akin kung hindi sa daan kaya mukhang hindi niya pa nakikitang gising na ako. Nanatili akong tulala sa kaniya hanggang sa maingat niya akong iupo at isandal sa pader kung saan ko siya nadatnan kagabi bago rin ako nawalan ng kalay.
Napatingin na siya sa akin at napatigil siya matapos makitang gising na ako. Binitawan na niya ako at tumayo. Saglit akong napatulala dahil sa nangyari bago tumayo na rin at sinundan ng tingin si Kiel na lumabas na ngayon sa classroom.
Napatikhim ako bago naglakad papunta sa desk kung nasaan ang lampara dahil hindi pa rin suot ni Kiel ang blazer niya. Kinuha ko na ang blazer niya ro'n at akmang maglalakad na paalis para sundan siya pero napatigil ako nang mapasulyap kay Leo at Felix na naka-heart-sign ngayon ang kamay habang nakangisi sa akin.
Siniringan ko na lang sila bago naglakad na palabas. Bwisit talaga 'yong dalawang 'yon. Kagigising ko pa lang, sinira na agad 'yong araw ko.
From Leo:
Good luck sa pagpunta mo sa iyong sinta! #RoadToForever
From Felix:
Kieleria forever! #Nakakainggit
To Leo and Felix:
Magsama kayo. #FeLeo
"Oh, magdudugtong na ang kilay mo." Napaangat ako ng tingin sa harapan nang marinig ang boses ni Nadya. Napatingin siya sa hawak kong blazer bago muli sa akin. "Are you looking for someone?" nakangiting tanong niya. Tinignan ko siya nang kakaiba dahil ito na naman siya.
"Si Kiel. Ano, may kasama ba?" advance nang tanong ko para hindi na ako tumuloy, natawa naman siya.
"You were so advance. Anyways, don't worry, hindi sila magkasama. Bumalik na yata ulit sa room si Ariadna tapos nasa rooftop si Kiel," pag-iinform niya. Saglit akong napatulala bago dahan-dahang tumango. "Bakit, liligawan mo na ba?" bigla ay pang-aasar niya na ikinagulat ko.
"Ano ba 'yan, ang issue niyo naman. Sige na, alis na ako," paalam ko bago nauna na sa paglalakad papanik sa rooftop dahil panggigigil lang ang nararamdaman ko sa floor na 'to.
Nang makapanik sa rooftop ay sumalubong sa akin ang malamig na ihip ng hangin. Sinilip ko ang puwesto kung saan nakalagay ang bomba kagabi at wala na siya ro'n. Dumapo naman ang mga mata ko sa lalaking nakatapat ngayon sa railings at nakatalikod sa akin.
Nagsimula na akong humakbang palapit sa kaniya. Hindi pa ako tuluyang nakakalapit nang lingunin na niya ako, napatigil naman ako sa paghakbang.
Nanatili lang siyang nakatitig sa akin. Nang mapagtantong hinihintay niya lang akong magsalita ay nagsalita na ako, "Ah, ito na pala ulit 'yong blazer mo," saad ko bago iabot sa kaniya ang blazer niya. Saglit niya akong tinignan at ang blazer niya bago isinuot na ulit 'yon.
Matapos niyon ay humarap na ulit siya sa tapat ng railings. Tahimik naman akong naglakad patabi sa kaniya bago pagmasdan ang makulimlim na kalangitan. Para talaga sa akin, all you can see at the sky is the best.
"S-salamat..." patuloy ko at kasabay niyon ay ang pag-ihip ng malamig na hangin. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at nakatingin na pala siya sa akin ngayon. Salamat dahil tinulungan niya ako, salamat dahil inuna niya ako.
"You're welcome, Val..." saad niya na ikinatigil ko. Walang katao-tao sa paligid kung hindi kaming dalawa lang at ang bawat salita na binitawan niya ang naghari ngayon sa isipan ko.
Napatingin ako nang diretso sa mga mata niya at pilit na hinanap ang katotohanan kung bakit simula pa noon ay pamilyar na siya sa akin, kung bakit niya binanggit at tinawag sa akin ang palayaw na binigay sa akin ng taong naging malaking bahagi ng buhay ko noon.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top