Chapter 21

"10 days na lang." Kanina pa ako nakatitig sa Gofundme page na ginawa ko para sa operasyon ni mama. I've been thinking of ways to earn more money dahil short pa rin ako ng almost 100k for the operation.

"I can just lend it to you." Saad ni Brian habang inaayos ang napundi naming ilaw sa salas.

"No, I told you na you've already given me a lot." Nahihiya na ako sa kanya dahil sobra sobra na ang binigay niya sa akin. "I'll think of things muna kung paano pa ako pwede mag-earn ng extra money. Kung halimbawa, isang araw na lang before her operation at hindi ko pa rin mapunan ang kulang na pera, saka ako hihiram sa 'yo."

Tumango lang si Brian at bumaba na ng hagdan matapos niyang palitan ang bumbilya. "Okay na ito."

Nag matapos ko malagyan ng strawberry frosting at tig-isang buong strawberry ang mga cupcakes na binake ko ay tinawag ko na siya.

"Salamat, love. Halika, mag-merienda ka muna."

"Ang sarap mo talaga mag-bake! Fave ko talaga 'tong mga strawberry cupcakes mo!" Papuri niya patapos kumagat sa cupcake na binake ko. Madalas ko kasi itong ginagawa para sa kanya simula ng natuto akong mag-bake ng kung anu-ano.

"Marami pa dito, pwede mo pang baunin bukas sa work mo."

"Ah!" Nagulat ako ng sumigaw siya habang pina-pack ko ang ilang cupcakes para dalhin niya pauwi. "What if magbenta ka kaya ng cupcakes sa work mo? Pwede ko rin ibenta sa office. Mayroon kasi sa amin nagtitinda ng mga ulam at pwede natin ito ibenta, magandang pang-merienda o dessert 'to! At kapag nagustuhan nila, and I'm sure magugustuhan nila, pwede tayo mangumbinsi na kunin ka for birthday or even just company events! I think that will help you earn extra money at kung hindi pa 'yon sasapat, ako na bahala mag-fill ng kulang."

Pinag-isipan ko ang sinabi ni Brian at hindi kalaunan ay nakumbinsi ako kaya tinulungan niya ako bumili agad ng mga ingredients at pang-pack. Tumulong din siya sa akin sa pag-bake pa ng maraming cupcakes buong weekend.

"Itong malalaking cupcakes, ibenta mo ng 80 pesos each at 'yong maliliit, 35 pesos each. Kapag naman 'yong nasa box, ibenta mo ng 210 pesos."

"Uy, ang mahal naman!" Sabi ko kay Brian habang pinag-uusapan namin kung magkano ko pe-presyuhan ang mga cupcakes.

"Hindi ah! Tama lang kasi maganda ang packaging mo at presentation ng cupcakes mo plus sobrang sarap pa!"

"Sus, bola! Babaan natin ng kaunti ang presyo, bago pa lang ako baka walang bumili."

"Hindi ako nambobola. Tama lang 'tong presyo natin, I'm just pricing them based on the quality of your work. You did really well with these and I know bebenta 'to."

"Nag-aalangan talaga ako, bawasan natin kahit konti."

Umiling si Brian at hinawakan ang kamay ko. "Have a little faith in yourself! You are good and these will sell well."

"Paano kung hindi bumenta?" Hindi talaga ako confident.

"E 'di ako ang bibili ng lahat ng 'yan! More for me!" Sabay kindat niya sa akin at tumawa. Pabiro ko siyang pinalo sa balikat habang natawa na rin sa kanya. "Just try, Sai. If things don't work out, you'll always have my back."

[A story from www.haveyouseenthisgirl.blog]

"Hannah . . ." Tumigil si Hannah sa pag-aayos ng kilay niya sa kanyang desk nang tawagin ko siya.

"Yes, bebe girl?"

"Mahilig ka ba sa cupcakes?" Nag-aalangan kong tanong. Dala-dala ko na ang mga cupcakes na ibebenta ko ngunit hindi ko alam kung paano sisimulan magbenta kaya sinusubukan ko muna kay Hannah.

"Oo naman, bakit?"

Yumuko ako upang kumuha ng box ng cupcake sa bag ko at nahihiyang ngumiti sa kanya. "Nagbebenta kasi ako ng cupcake baka gusto mo bumili? I can give you one for free taste."

"Uy, ang cute naman niyan!" Rinig ko ang tuwa sa tono ng boses niya ng abutin niya ang pink na box ng cupcake at excited na tinanggal niya ang ribbon sa taas nito upang matikman ang ginawa kong cupcake. "Ang sarap naman nito, girl! Ang fresh ng strawberries mo! Magkano ba?"

Sinabi ko sa kanya ang presyong itinuro ni Brian at kinabahan ako sa magiging reaksyon niya ngunit nagulat ako ng walang pagaalinlangang bumili siya ng dalawang box sa akin.

"Sisirain mo diet ko girl pero whatever, ang sarap nito! Iuwi ko sa sa bahay para matikman nila doon."

"Salamat, Hannah." Nginitian ko siya habang inaabot sa kanya ang sukli niya.

"Bakit ka pala nagbebenta bigla? Anong meron?" Curious na tanong niya sa akin at sinabi ko sa kanya ang tungkol sa operasyon ni mama. Nalungkot siya sa sinabi ko at agad siyang kumuha ng dalawa pang box sa bag at umikot sa department namin upang i-sales talk ang mga katrabaho namin. Mayamaya lang ay nagsilapitan na sila sa akin at bumili.

"Pst! Hoy Kirk, anong isa lang bibilhin mo? Ito bumili ka ng isa pang box, ibigay mo sa nililigawan mo doon sa 2nd floor ng sagutin ka na." Ang laki ng tulong ni Hannah sa pagbebenta ng mga cupcakes ko dahil sa madaldal at makulit na ugali niya.

"Salamat, Hannah." Nasabi ko sa kanya matapos makabili ng mga katrabaho ko sa aming department at nagsimula na rin kaming magtrabaho.

"Wala 'yon! Marami ka pa diyan?" Tanong niya habang sinisilip ang bag ng cupcakes ko. "'Wag kang mag-alala, ubos 'to mamayang lunch break. Ibabalita ko sa ibang department, marami akong friends doon!"

Totoo nga sa sinabi niya ay dinagsa ako ng mga taga-ibang department at wala pang ilang minuto ay naubos ko na ang mga dala kong paninda.

"Hala sayang, naubusan na kami. Magbebenta ka pa bukas?" Tanong sa akin ng mga hindi naabutan ng paninda ko.

"Yes po, magdadala ulit ako tomorrow." Hindi ako makapaniwala na mauubos ko ang paninda ko at mukhang marami pang bibili bukas. Sabi sa akin ni Hannah ay pupuntahan niya pa raw ang mga nasa ibang floor ng building dahil may iba siyang mga kilala doon. Napakarami niyang kaibigan at ang laki ng tulong na ginawa niya para sa akin kaya pinangakuan ko siya ng libreng isang dosenang cupcakes.

"Hay, kapagod." Nasabi ko na lang ng mapag-isa na ako sa desk ko. Hindi ako sumama kay na Hannah na mag-lunch out dahil gusto ko lang muna mapag-isa at makahinga pagkatapos makipag-interact sa maraming tao habang nagbebenta. Mayroon pa akong 40 minutes na natitira for lunch. Tumayo na ako upang magtungo sa elevator at bumili ng pagkain.

"Ang dami pa rin tao." Nakita ko ang haba ng pila sa elevator at naisip kong mag-fire exit na lang. 11th floor kami at mahaba ang lalakarin ko pababa ngunit mas gusto kong maglakad na lang pababa, exercise na rin para ma-clear ang utak ko sa lahat ng mga isipin.

Pagkalabas ko ng fire exit ay napansin ko kaagad ang ulan sa labas, open kasi ito pero may bubong naman ang hagdanan. Buti na lang ay may dala akong payong. Nagsimula na ako maglakad pababa at laking gulat ko nang makita ko si Cedric na nakaupo sa hagdanan ng 10th floor.

"Cedric?" Nagkatinginan kami nang tawagin ko siya. May hawak siyang sandwich at may nakapatong na bote ng tubig sa gilid niya.

"Uy, ikaw pala 'yan. Hindi ko inaasahan na sa lahat ng makakakita sa akin dito, ikaw pa." Nakangiting sabi niya sabay angat ng sandwich niya. "Tara, kain."

Lumapit ako sa kanya at umupo sa tabi niya. "Bakit nandito ka?"

"Bawal ba?" Nakangiti niya pa ring sabi.

"Hindi naman. I mean, bakit ka dito kumakain sa fire exit?"

"Wala lang, tahimik kasi dito at walang gugulo sa akin. Kapag sa office ko, maya't mayang may kumakatok o kaya nagri-ring na telepono kahit lunch break. Ang sakit sa ulo. Na-discover ko na walang gumagamit ng fire exit dahil nasa mataas na floor tayo at lahat sila ay nag-e-elevator. Plus, may dedicated smoking area tayo kaya sobrang dalang lang na may tao dito at isa ka na sa rare occurrence na 'yon. At maibalik ko ang tanong sa 'yo, why use the fire exit instead of the elevator? Nakakapagod ang gagawin mo kung maghahagdan ka pababa."

Inilagay ko sa gilid ang buhok ko at pinaglaruan ang itim na wallet ko sa aking kandungan. "Exercise."

"Wow." Sabay tawa.

"Bakit ka dito kumakain? Ang dumi sa sahig. I mean if gusto mo lang naman mapag-isa, pwede ka naman kumain mag-isa sa mga restaurants sa malapit na mall." I watch as he takes another bite from his sandwich. Sumagot lang siya pagkatapos niyang ngumuya.

"Wala lang, it's just calming here. I'm totally alone and I enjoy watching the rain."

"Emo ka, ganoon?" Pagbibiro ko at natawa na lang din siya.

"May nabalitaan ako sa 'yo. Blockbuster daw ang cupcakes mo. Pinagkakaguluhan sa office."

"Ah . . ." Hindi ko in-expect na makakarating sa kanya 'yon.

"Baka pwede akong makabili sa 'yo? I never knew you're into baking."

"Sorry, ubos na. Magbebenta ulit ako bukas."

"Kailan ka pa natuto mag-bake? The last time I remember you can't even cook rice."

"That was years ago na, grabe ka. Pero ayon, one day, na-bored ako and I wanted to try baking and surprise! Kaya ko pala."

"I also heard you're selling those cupcakes to raise funds for your mom's operation."

"Yup, short pa kasi ako for the operation."

"Do you need help?"

Umiling ako, "I think I can do it from selling cupcakes and if ever ma-short pa rin ako, Brian's got me covered."

"Buti naman. By the way, are you open for bulk orders?"

"What do you mean?"

"I want to order cupcakes from you to give to all employees on my last day here in the office."

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. I had to quickly calculate the profit in my head if I do sell that much to him dahil there's around a thousand employees. I would make more than I needed for the operation.

"When is your last day here?"

"Last Friday of next month, but I can already pay half as a down payment. So, are you accepting my order po?"

"Well, that's a really big opportunity. I'll need to find people I can temporarily hire to help me with your order."

"Pahingi pong discount ha."

"Oo naman!" Natatawa kong sabi sa kanya. Natigil ako sa pagtawa nang mapagtanto kong nakatitig na lang siya sa akin habang nakahalumbaba.

"I like this."

"Ha?" Na-conscious ako bigla dahil hindi pa rin niya inaalis ang tingin sa akin.

"We're laughing together, it's as relaxing as the sound of the rain."

"Ah . . . " Ibinaba ko ang tingin ko at pinaglaruan ko na naman ang zipper ng wallet ko. Naisipan kong tumayo na. "Baba na pala ako, bibili pa ako ng lunch. Pasensya ka na inabala ko ang 'me' time mo dito."

Kinuha niya ang bote ng tubig niya at inilagay ang balot ng sandwich sa bulsa niya saka tumayo. "Sama ako."

"Ha? Akala ko ba gusto mong mapag-isa?"

"You're always an exception." Naglakad na siya pababa at ng mapansin na hindi agad ako sumunod ay lumingon siya sa akin. "Tara, gutom pa ako. Bitin 'yong sandwich."

Kumain kami sa isang mamahaling restaurant kaya halos kami lang ang tao doon. Nagkukwentuhan lang kami habang kumakain at bigla kong naalala ang nakita kong picture na naka-tag sa kanya sa Facebook so I asked him about it.

"Sabi mo single ka."

Napatigil siya sa paghiwa ng karne at nagsalubong ang kilay. "I am single. What do you mean?"

"Sino 'yong Nicole Andrews na kasama mo sa pic?"

"Ah, si Nicole. Wait, did you stalk my Facebook photos?"

"Coming from someone who liked my photo from 5 years ago."

Tumawa na naman siya at napansin ko ang sandaling pamumula ng mukha niya. "Sorry, I just got curious and checked every picture in your profile. Pero bakit mo naman nabanggit si Nicole?"

"Wala lang, napansin ko kasi na parang sobrang lapit niya sa 'yo sa pictures. Girlfriend mo?"

"Ah, hindi. She's just a friend of mine. Ganoon lang talaga 'yon, she just tends to be touchy pero wala lang sa kanila 'yon. But you know what, Nicole reminds me a lot of you. She's also a big fan of cakes like you, especially strawberry cakes. I suddenly remembered something funny." Nagtakip siya ng mukha at parang nagpipigil ng tawa. "You used to buy me strawberry cakes during my birthdays kahit mas gusto ko ang carrot cake. In the end, ikaw halos kumakain ng cake ko."

Naalala ko 'yon at natawa rin ako. "Uy, gumaganti ka rin naman. You buy carrot cake during my birthday naman para ikaw naman ang makarami ng slice! Ugh, I hate carrot cakes!"

Nagpatuloy kami sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan at mayamaya lang ay tumigil sa pagtawa si Cedric at nagbuntong-hininga. Napatigil din ako sa pagtawa.

"Nakaka-miss. You were such a beautiful part of my life, but I failed to keep you."

Ngumiti lang ako bilang tugon ngunit naramdaman ko rin ang lungkot ng sabihin niya 'yon. Hindi na ulit kami umimik at nagpatuloy na lang sa pagkain hanggang sa nakabalik na kami sa opisina.

[A story from www.haveyouseenthisgirl.blog]

Nang sunduin ako ni Brian pauwi ay ibinalita niya sa akin na naubos niya rin ang dala niyang paninda. Kinuwento ko rin sa kanya na nakakuha ako ng bulk order sa office ngunit hindi ko na ini-specify sa kanya na galing mismo kay Cedric ang order.

"Uy, nice! Sabi ko sa 'yo na you can do it! I'll help you again with it."

"Salamat, love."

"You're always welcome and I'm so proud of you. Well done, love."

Nag-dinner lang saglit sa bahay namin si Brian at umuwi na rin siya dahil may mga tatapusin pa siyang trabaho. Lately ay napapadalas ang mga inuuwi niyang trabaho. Nalalapit na naman siguro ang time of the year na sobrang busy ng agency nila. Taon-taon ay may mga buwan sa trabaho ni Brian na sobrang busy nila na halos may mga araw na doon na siya natutulog sa office nila. Madalas 'yon nangyayari kapag magla-launch sila ng website or app ng malaking client tapos may mga kasabay pa na mga anniversary sale campaigns.

Nahiga na ako sa kama pagkatapos kong maligo. Habang nagse-cellphone ako ay nagulat ako nang may nag-notify sa akin na donation of 100,000 pesos. It was from Cedric with a short message:

"Down payment for the cupcakes. Looking forward to it. I also wish great success for tita's operation."

I thanked him and I found myself secretly joining him in the fire exit during lunch breaks. I still go there even when he's not around because of client lunch meetings. It's indeed a quiet and relaxing place.

Dumating na rin ang araw ng operasyon ni mama. Kailangan ko pa rin pumasok sa trabaho dahil wala pa akong leave credits kaya naman buong umaga ay hindi ako makapag-concentrate dahil sa sobrang pag-alala sa operasyon.

Hanggang sa pagpatak ng alas onse ng umaga ay nakatanggap ako ng tawag mula kay ate Lalay. Nabitawan ko na lang ang aking telepono matapos kong marinig ang sinabi niya. Alam kong posibleng mangyari 'yon dahil sa ibinigay na paalala ng doktor ngunit hindi ko inaasahang mangyayari talaga. I prayed so hard but mama still didn't make it.

[A story from www.haveyouseenthisgirl.blog]

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top