[7] Sundae, The Cynical Bitch
CHAPTER SEVEN
"BAKIT ka nagpapaganda?"
Saglit lang na sinulyapan ni Sundae si Vin at ipinagpatuloy ang paglalagay ng lipgloss sa harap ng maliit niyang salamin. Halos tapos na ang kanyang program at nasabihan na niya si Vin na hindi muna siya sasabay na mag-lunch dito.
"Hindi ako nagpapaganda. Nagre-retouch lang ako. Para namang hindi ka na nasanay sa 'kin."
"Sanay na 'ko sa'yo, Sundae, kaya ako nagtatanong. Naninibago ako sa'yo, e. Hindi ka naman naglalagay ng lipgloss kapag nagre-retouch ka. Makapagsuklay ka lang, oks na. Ano ang meron at naging pink ang kulay ng lipgloss mo? Dati rati naman kulay orange 'yan."
Napamaang si Sundae.
"Alam mo lahat ng 'yon?"
"E gano'n talaga, e. So, tell me, may date ka, 'no?"
"Wala kang pakialam."
"Ay, hindi rin siya nakasagot ng deretso. May date nga." Tumikwas pa ang kilay ni Vin.
"Wala akong kailangang ipaliwanag sa'yo," pakli niya.
Wagas naman kasing maka-hot seat itong baklang ito. Hindi na nga siya mapakali dahil hindi pa nagte-text sa kanya si Rickson pagkatapos ay uulanin pa siya nito ng mga tanong. Nakakawala kaya iyon ng poise!
"Pasensiya na po. Excited lang ako. At last, may improvement na rin 'yang social life mo. Hindi ka na lang basta bahay-trabaho-negosyo. Natututo ka na ring tumingin sa mga kalahi ni Adan. Alam mo, 'Te, ituloy mo lang 'yan."
"Pinapabilib mo na talaga ako sa pagiging observant mo. Halatang hindi boring ang sarili mong buhay."
"Well, kaunti lang naman."
Nang mag-vibrate ang cellphone niya ay mabilis niya iyong kinuha. Nahigit niya ang paghinga nang makita ang pangalan ni Rickson.
"Oops. 'Wag mo munang sasagutin agad. Magbilang ka munang sampung segundo. 'Wag mong ipahalatang excited ka."
Masama ang tinging ibinigay niya kay Vin kahit nga naman may point ito. Ayaw lang talaga niyang pinakikialaman.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya bago niya sinagot ang tawag ni Rickson. Tumayo siya at naglakad palabas ng booth.
"Hello."
"Nandito na 'ko."
Gulat na napalingon siya sa kanyang likuran nang marinig nang malapitan ang boses ni Rickson. Hindi nga siya nagkamali dahil papalapit na ito sa kanya—in slow motion. His eyes seemed to be twinkling in mischief at ang ngiti nito ay hindi maalis-alis—habang siya naman ay hindi kumukurap-kurap habang sinusundan ang mga kilos nito.
Naipilig ni Sundae ang kanyang ulo. Nasa earth pa ba siya?
"K-kukunin ko lang ang gamit ko."
"Sure," nakangiting tugon naman nito.
HINDI na sila lumayo pa ni Rickson. Doon sila sa restaurant na pag-aari pala ng lola ng kaibigan at katrabaho nitong si Cedfrey, ang Selina's. It was fine with her. Gusto rin niya ang restaurant. Kung meron siyang pagkakataon ay doon siya kumakain dahil masarap ang mga pagkain doon.
"Pwede ka bang mayayang mag-dinner sa susunod?"
"Bakit? Meron ka na namang balak na sunduin ako kapag coding ako next week?"
"Meron," malapad ang ngiting tugon nito.
"Meron ka bang balak na ligawan ako?"
"Ligaw agad? Hindi ka pa nga pumapayag na maging magkaibigan tayo."
"Naranasan mo na bang ma-heartbroken?"
"Hindi pa."
"Kung ayaw mong maranasan ang gano'n, tigilan mo na 'ko. Iwasan mo ang mga kagaya ko. Hindi ako pwedeng maging girlfriend mo at ng kahit na sino. Hindi ko priority ang commitment at ang pagmamahal. Maghanap ka na lang ng ibang mas deserving ng atensiyon mo. Gusto ko ng tahimik na buhay. Pwede naman siguro 'yon, 'di ba?"
"Tingin mo mapapasuko mo 'ko sa mga sinabi mo?" napangiting ani Rickson. Kinuha nito ang kalamansi sa pagkain nito at piniga sa order niyang pancit canton.
Tuloy ay sandaling na-distract si Sundae sa ginawa nito.
"Pa'no kung sabihin kong dahil sa sinabi mo, mas pursigido akong manligaw?" patuloy nito at hinuli ang mga mata niya. "Pa'ano kung imbes na maghanap ng iba, pabaguhin ko ang isip mo tungkol sa commitment? At 'yong heartache? Okay lang naman sa 'kin 'yon, e. I know you're worth every heartache."
"You mean, papatunayan mo sa 'kin na worth ka ring ng heartache na mararanasan ko?" Sundae smirked. "When you get tired of me, you'll eventually leave me."
"You don't leave the one you love, Sundae."
"Pa'no ka nakakasiguro na hindi ka magsasawang mahalin ako?"
"Dahil sinabi ko. Dahil hindi ako mapapagod na iparamdam 'yon sa'yo—ibig kong sabihin, do'n sa taong mahal ko."
"Hindi pala bagay sa isang lalaki na maging hopeless romantic, 'no?"
"Ang tunay na lalaki, hopeless romantic."
Tumaas ang isang kilay ni Sundae.
"No comment."
"Ano'ng 'no comment'?"
Hopeless romantic din naman kasi ang papa niya. Ito talaga ang mahilig magkwento sa kanya ng mga fairytales noong bata pa siya. He was her king and she was his princess. He was just unfortunate to fall in love with a witch. Since then she stopped believing in happily ever-afters when her mother left them.
"Natahimik ka bigla?" untag ni Rickson.
"May naalala lang ako."
"Ex mo?"
"Wala kang pakialam."
"Mapagkakatiwalaan naman ako, e. Hindi naman ako chismoso. Kung makikilala mo lang ako, gugustuhin mo rin akong maging kaibigan." Tumaas-baba pa ang makapal na kilay nito.
"Hindi ako interesado. Salamat na lang."
Kitang-kita niya ang paglukot ng mukha ni Rickson kaya hindi niya napigilan ang matawa. Agad niyang natakpan ang kanyang bibig. She just laughed!
"'Wag mo nang ikaila, napatawa kita," natawa ring tukso sa kanya ni Rickson. "Kailangan ko lang palang mag-make face, ha. Sige, gagawin ko 'yan palagi mula ngayon."
"Hindi mo na kailangang mag-abala pa," pakli naman niya at kumain sa pancit canton niya. "Okay na sa 'kin ang ilibre mo 'ko nito para hindi naman ako masyadong ma-badtrip sa'yo."
"E di ililibre na lang kita nito araw-araw hanggang sa magsawa ka."
"Hinding-hindi ako magsasawa rito, 'no."
"Hindi rin ako magsasawang ilibre ka."
"Baka mamihasa ka niyan, ha."
"Wala namang problema sa 'kin 'yon, e."
"ANO'NG ginagawa natin dito?" takang tanong niya kay Rickson habang paakyat sila sa building kung saan naroon ang Thumb Apps.
"Ipapakita ko lang sa'yo ang lugar na pinagtatrabahuan ko. Para malaman mo at nang maging komportable ka na rin sa 'kin," nakangiting sagot nito at hinawakan siya sa siko.
Napakislot si Sundae pero hindi siya pumiksi.
"O-okay."
Pumasok sila sa isang malawak na silid. Halos buong second floor ay okupado ng Thumb Apps. Isang aisle ang naghihiwalay sa kaliwa at kanang bahagi ng opisina. May kanya-kanyang computer unit ang mga nakita niyang cubicle.
"Mga programmer silang lahat?" tukoy niya sa mga nagtatrabaho.
"Yup."
Gusto sana niyang magkomento na puro lalaki ang mga ito pero hindi bale na lang.
"Bossing!"
Isang matangkad at gwapong lalaki ang nakita ni Sundae na tumayo mula sa isang cubicle at lumapit sa kanila. Sa unang tingin pa lang ay halatang hindi ito purong Pinoy.
"Ipapakilala mo ba sa 'kin 'yang magandang dilag na kasama mo?"
"Hindi dahil hindi ka sumipot noong Linggo. Wala kang kwentang kausap," walang kangiti-ngiting ani Rickson.
Nanlalaki naman ang mga matang napatitig sa kanya ang lalaki. He must be Shawn.
"You're Sundae?"
"You're Shawn," sabi rin niya.
"Oh, my goodness..." Natampal nito ang magkabilang pisngi. "Kung alam ko lang..."
"Huh?"
"Huli na ang lahat para magsisi ka, Shawn."
"I'm Shawn Monfort. I'm twenty-seven years old and I'm half-American." Inilahad nito ang kamay sa kanya. "Alam mo, pwede naman nating ituloy ang naudlot nating date, e. Kailan ka ba ilibre?"
Tinanggap naman ni Sundae ang kamay nito.
"Hi, Shawn. I'm Sundae Omagap."
Si Rickson naman ay mabilis na pinaghiwalay ang kanilang mga kamay.
"Okay na. Nagkakilala na kayong dalawa. Bibigyan ko lang ng maikling tour si Sundae dito sa Thumb Apps tapos ihahatid ko na siya sa kanila."
"Rickson, naman, e," angal ni Shawn. "Hindi ba idea mo naman na kami ang mag-date?"
"Pero dahil wala kang kwentang kausap, you missed your chance. Bumalik ka na sa trabaho mo."
"Wala na bang second chance?"
Shawn's face looked dramatic.
"I'm sorry, Shawn," sabi naman ni Sundae na pigil ang mapangiti. "Hindi ko talaga priority ang pagde-date ngayon."
"Pero bakit magkasama kayo ni Rickson?"
"Because he's an exception."
"Mas gusto raw niya ang Intsik kaysa 'Kano."
"Hindi rin," nakangiwing pasakalye naman ni Sundae rito.
HINDI man sabihin ni Sundae ay nag-enjoy siya sa maikling tour sa kanya ni Rickson sa kompanyang binuo nito. Pagkagaling nila doon ay inihatid na siya nito sa kanila. Matapos siya nitong pagbuksan ng pinto ng sasakyan ay tuloy-tuloy siyang pumasok ng gate. Naipasok na niya ang kalahati ng kanyang katawan nang maramdaman niyang hindi naman sumunod sa kanya si Rickson.
Nang lingunin naman niya ito ay nakatayo lang ito habang nakatingin sa kanya. Ano ang problema nito?
"Tatayo ka na lang ba riyan?" untag niya.
"Huh?"
"Pumasok na tayo."
Mukhang hindi yata inaasahan ni Rickson ang sinabi niya dahil na rin sa pagkagulat sa mukha nito. Ganun pa man ay nagmamadali itong sumunod sa kanya. Buti na lang talaga cute ito. Napagtiyatiyagaan pa rin niya ito kahit papaano.
"Nandito na po kami, Pa," pagbibigay-alam niya nang tumuloy na sila sa sala.
Tumayo naman ang papa niya na alam niyang gumagawa ng mga design ng furniture.
"Mabuti naman at isinama mo si Rickson," nakangiting anito.
"Tinotoo kasi ang sinabi niyong ihatid na rin ako." Binalingan niya si Rickson. "Umupo ka muna."
"Salamat."
"Pa, ikaw na muna ang bahala sa kanya. Magpapalit lang ako at maghahanda ng merienda."
"Sige, anak. Nagugutom na rin ako, e."
Habang nasa kusina ay pasimpleng nakinig si Sundae sa usapan ng papa niya at ni Rickson. Kinukwento ng papa niya rito ang tungkol sa furniture business nila at may sina-suggest si Rickson dito.
"Hindi naman ako magaling gumamit ng computer. Si Sundae lang ang matiyagang nag-e-encode ng mga transaction sa unit na ginagamit namin."
"Madali lang naman po 'yong gamitin at marami pang advantage. Kung meron kayong system, mababawasan ang encoding dahil 'yon na mismo ang magku-compute para sa inyo. Hindi lang 'yon, mas dadami pa ang makakaalam ng tungkol sa negosyo niyo. Dadami ang magiging future customers ninyo. Marami na po kasing nagagawa ang internet at social media ngayon."
"Baka naman mahal magpagawa at mag-maintain niyan?"
"Meron na kaming existing na system. Imu-modify ko lang para umayon sa kailangan ng business ninyo. Tungkol naman sa bayad, dahil maganda naman po si Sundae, libre na lang."
Nanlaki ang mga mata ni Sundae sa narinig.
"Ano sa tingin mo, Sundae?"
"Libre raw, e. Wala akong tiwala, Pa. May libre pa ba sa mundo?" sagot naman niya habang nilalagyan na niya ng seasoning ang instant pancit canton. Iyon kasi ang all-time favorite merienda nila ng papa niya.
"Minsan lang ako mag-alok ng libre," sabi naman ni Rickson. "Hindi naman ako mag-aalok ng ganito sa mga hindi ko kaibigan. Kung ako sa'yo, sunggaban mo na."
"Hindi nga ako naniniwala na walang kapalit 'yan. Mas gugustuhin ko pang magbayad ng mahal."
"E di hindi na lang libre. Ikaw na lang ang bahala kung sa anong paraan ka magbabayad basta 'wag lang pera."
"Pag-iisipan ko pa kung mas makabubuti nga sa negosyo namin ang system na sinasabi mo," sabi naman niya.
Pero sa totoo lang ay maganda nga ang offer nito. Hindi na masyadong mahihirapan ang papa niya at may posibilidad na lumago pa ang negosyo nila. Nitong mga nakaraang taon kasi ay kontento na sila na meron silang suki at nire-refer sila sa iba.
"Panigurado 'yon."
Binuhat na niya ang tray ng pancit canton at malamig na Milo sa sala. Mabilis na tumayo si Rickson at kinuha ang tray sa kanya.
"Salamat," sabi niya rito.
"The best talaga lagi ang merienda namin kapag 'yan ang hinahanda ni Sundae," nakangiting sabi naman ng papa niya.
"Nasa'n naman po ang asawa niyo?" tanong ni Rickson.
Saglit na natigilan si Sundae pero hindi niya iyon pinahalata.
"Si Sandra ay—"
"Patay na siya," sagot niya at kinuha ang isang platito. "Mahigit ten years na siyang patay."
"I'm sorry to hear that."
Ibinigay niya rito ang platitong may pagkain. Paraan na rin niya para iwasan ang tingin ng papa niya.
"Okay lang 'yon. Okay naman kami ni Papa kahit wala siya, e. Kumain ka. 'Wag kang mahihiya. Hindi naman bagay sa'yo."
"Salamat." Nang tanggapin nito ang ibinigay niya ay kasamang hinawakan nito ang kamay niya.
Nag-cartwheel na naman tuloy ang puso niya.
"Umayos ka nga," angil niya.
Matamis na ngiti naman ang tugon ni Rickson.
"Sorry na po."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top