[6] Sundae, The Cynical Bitch

CHAPTER SIX

NANG matapos ang program niya ay napagpasyahan nila ni Vin na sabay nang kumain sa pantry. Pagkalabas nila nito sa booth ay sinalubong naman sila ng security guard. May delivery raw para sa kanya.

"May in-order ka ba?" tanong ni Vin.

"Wala, a. Kilala mo naman ako. Kung hindi ako nagdadala galing sa bahay, sa pantry ko na lang binibili," sagot niya nang pirmahan na ang slip. Pagkain kasi ang delivery na galing pa sa kilalang restaurant na malapit lang sa NegativiTEA. "Kakainin ko ba 'to?"

"Malamang." Kulang na lang ay tumikwas ang kilay ni Vin.

"Hindi ko naman kilala kung kanino 'to galing, e. Ano ang malay ko kung malason ako?"

"Hindi naman siguro. Maliban na lang kung may kaaway ka na nagbabalak gumanti sa'yo."

Sa sinabi nito ay si Rickson ang agad na pumasok sa isip niya. Pero ayaw naman niyang isipin na may balak itong lasunin siya?

"Joke lang," mabilis namang bawi ni Vin. "Obviously, meron kang admirer."

"Admirer?" malakas na ulit niya.

"Halika. Tingnan natin sa pantry ang laman niyan."

Ganoon nga ang ginawa nila. Laking gulat lang ni Sundae nang makitang pansit canton ang laman ng box. Naalala tuloy niya ang in-order nila ni Rickson sa restaurant kahapon. Halos nasimot niya ang pinggan niya dahil sobrang sarap niyon.

Pero bakit nasali na naman dito ang Rickson na 'yon?

"Feeling ko naman walang lason 'yan," ani Vin. "Ay, ito pala merong note." Kinuha nito ang maliit na card na nakadikit sa ilalim ng takip na mabilis naman niyang inagaw.

"Ako ang magbabasa. Para sa 'kin naman 'to, e."

Binuksan niya ang maliit na card. Meron ngang hand-written na note.

Wow, hand-written, hindi napigilang saloob niya.

Salamat para kanina. I hope you enjoy the food.

Only one call away,

Rickson =)

"Ay, shit 'yan!" patiling ani Vin kaya naman gulat na napatingin siya rito maging ang mga nasa kabilang mesa.

Agad naman itong tumikhim at ginawang bilog ang boses.

"Sorry. Na-carry away lang. Siya 'yan, 'di ba? 'Yong Rickson na tumawag sa'yo? He was referring to what happened a while ago. Oh, my goodness, Sundae. May something nga sa inyo—aww!"

Sinipa lang naman niya ito sa binti sa ilalim ng mesa.

"Sige, ipangalandakan mo pa," angil niya rito.

"Kasi naman, e." Natawa pa ito. "He is such a thoughtful guy. Ewan ko ba at ayaw mong aminin na in-a-relationship na kayong dalawa."

"Walang kami, okay?" mariing ulit naman niya.

"E di soon-to-be in-a-relationship. Problema ba 'yon?"

"Hindi rin. Ayoko sa kanya!"

"Hindi ka man lang ba na-touch sa effort niya?"

Sa sinabi nito ay natigilan siya. Siyempre, na-touch siya nang husto. And no one has ever made her felt this way before. Dahil kahit ano pa mang iwas niya na ma-involve sa ibang lalaki, nakagawa pa rin ng paraan ang Rickson na iyon para mangulit sa kanya. At hindi talaga siya naiinis. Gusto lang niyang palabasing ganoon.

Ang gulo talaga niya.

"Sino ba naman kasi ang nagsabi sa kanyang mag-abala siya? Mukha bang ginugutom ko ang sarili ko?"

"Alam mo, magpasalamat ka na lang." May point nga naman ang kaibigan niya. It's the very least she could do. "Kababanggit mo lang kanina na gusto mong kumain ng pancit canton, 'di ba? Ito, galing pa sa isang sosyal na restaurant. Dininig ang mga panalangin mo, 'Te."

Tuluyan na niyang inalis ang foil na nakatakip sa pagkain. Kaagad siyang natakam nang maamoy ang kalamansi.

"Pasalamat talaga ang lalaking 'yon at gutom ako," sabi niya nang simulan iyong lantakan. "Ang sarap naman nito," nanlaki ang mga matang anas niya.

"Sundae, pahingi ako."

"Ayoko nga. Pinaglilihian ko 'to, e."

"Madamot." Tumayo na si Vin at pumila para um-order.

Sandali muna siyang huminto sa pagkain at kinuha ang cellphone niya. Siyempre, hindi naman siya ganoon ka walang-puso para hindi magpasalamat sa Rickson na iyon. At kahit ayaw niya, parang kinikiliti ang puso niya.

Nag-type siya ng isang simpleng 'Salamat' pero hindi agad niya iyon ipinadala rito.

"Lalagyan ko ba ng smiley o hindi?" Pumalatak siya. "'Wag na nga lang. Baka isipin pa niya na close na kami." Nilagyan niya ng period iyon at s-in-end na kay Rickson.

Hindi naman nagtagal at nag-reply ito.

PARA SAAN?

ALAM MO NA KUNG PARA SAAN.

WALANG ANUMAN. =) GUSTO MONG MAG-LUNCH TAYO NEXT TIME?

NEVER MIND. -_-

:*

Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang kiss emoticon.

BALIW!

ANG GWAPO KO NAMANG BALIW, reply nito.

TSE!

Ibinaba na niya ang cellphone niya. Ngayon ay para naman siyang aneng habang nakangiti.

"ORAS NA naman ng pakikibaka ko ngayon, Pa," ani Sundae nang pumuntang kusina para magpaalam sa papa niya.

"Hindi na bale. Ang mahalaga, hindi ka natataranta ngayon," pabirong sabi naman nito.

"Mauuna na 'ko," nakangiting sabi naman niya.

"Breakfast mo, anak."

"Thank you, Pa." Humalik na siya rito at saka nagmamadaling lumabas ng bahay nila.

Habang papuntang gate nila ay pasimple niyang inilagay ang baon niya sa kanyang bag. Mainit-init pa iyon. The best talaga ito.

"Good morning!"

"Ay, seahorse!" gulat na gulat na anas niya nang makita kung sino ang nakaabang sa labas ng bahay nila.

Si Rickson lang naman, wala nang iba, at dala nito ang sasakyan nito.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" mataas ang boses na tanong niya.

"Malamang sinusundo ka. Coding ka ngayon, 'di ba? Ako hindi, kaya sa 'kin ka na sumabay para hindi ka ma-late."

Someone tell her this is not happening.

"Sundae, 'yong cellphone mo naiwan mo sa—"

Napalingon siya sa papa niya at nakita niya itong natigilan nang makita si Rickson.

"Sino siya, Sundae? Manliligaw mo?"

"Hindi, a!" mariing tanggi niya.

"Hindi pa po," sagot naman ni Rickson.

"Hoy, umayos ka," banta naman ni Sundae rito.

"Ikaw ba 'yong naka-date ni Sundae noong Linggo?"

"Ako nga po. Ako po si Rickson."

"Totoo ngang maagang umaakyat ang mga intsik ng ligaw. Pero matindi ka. Akalain ko, madaling araw, nandito ka na?" biro pa ng papa niya.

"Ah, e, takot lang po maunahan," pasakalye naman ni Rickson at nagkatawanan ang mga ito.

Hindi makapaniwala si Sundae. Huwag sabihin ng papa niya na natutuwa ito kay Rickson sa lagay na iyon?

"Ako nga pala si David, hijo." Nagkamayan ang mga ito. "Mabuti naman at dumating ka. Hindi na mahihirapang mag-abang ng taxi si Sundae. Ikaw na ang bahala sa kanya, ha? Kung hindi ka busy, okay lang naman siguro na ihatid mo siya pauwi."

"Pagkatapos po, ibibigay niyo na sa 'kin ang kamay ni Sundae?"

"May lakad ka, hijo?"

"Wala naman po."

"Kung gano'n, 'wag kang sinuswerte. Hindi ko basta ipinamimigay ang prinsesa ko. Patunayan mo muna ang sarili mo." Nakangiti pa siyang sinulyapan ng papa niya.

"Opo naman, Sir. Excited lang po ako," ani Rickson na napakamot sa ulo nito.

Hindi talaga ito nangyayari. Kinuha ni Sundae ang cellphone niya mula sa papa niya.

"Thank you po pala rito, Pa. Aalis na po kami."

"Ingat kayo sa biyahe."

Pumasok na si Sundae sa front seat at si Rickson naman ay nagmamadaling pumwesto sa driver seat. Kumaway pa siya sa papa niya na sumenyas pa ng thumb's up sa kanya. Alam niya ang iniisip nito. Akala siguro nito ay may something sa kanila ni Rickson.

"MAGSALITA ka naman," untag sa kanya ni Rickson nang nasa biyahe na sila.

"Ewan ko sa'yo."

"Ano na naman ba ang ginawa ko?"

"Ewan ko sa'yo."

"May dalaw ka?"

"Ewan ko sa'yo!" gigil na sabi niya.

"Sabihin mo na kaya sa 'kin ang problema mo? Baka may maitulong ako."

"Ikaw ang problema ko."

"Well, it's not my fault na hindi mo ma-contain ang kagwapuhan ko."

"Bakit mo ginagawa 'to?" sa halip ay tanong niya. "Hindi ko naman hinihingi sa'yo 'to, a?"

"Hindi mo naman kailangang hilingin 'to. Ginagawa ko 'to dahil gusto ko."

"May gusto ka ba sa 'kin? Alam mo, ito na ang pinakamagandang pagkakataon para deretsahin mo 'ko."

"Gusto kita. Maging kaibigan. Pwede naman siguro 'yon, 'di ba?"

Maging kaibigan lang?

"Marami na 'kong friends. Salamat na lang."

"So okay lang sa'yo na nag-aaway tayo kapag nagkukrus ang mga landas natin?"

"Ang gusto ko lang naman, tantanan mo 'kong lalaki ka. Mahirap bang intindihin 'yon? Hindi ba bayad na 'ko sa atraso ko sa'yo? Gusto mo bang magkautang na naman ako? Alam mo, hindi na tama 'yan, ha. Hihintayin mo pa bang mag-file ako ng restraining order laban sa'yo?"

"Ang gusto ko lang naman, maging friends na tayo. 'Yon lang naman."

"E pa'no kung ayoko?"

"E di hindi kita tatantanan."

"Nagagandahan ka sa 'kin, 'no?"

"Obvious ba?" nakangising anito. "E ikaw, nagugwapuhan ka ba sa 'kin?"

"'Wag ka nang umasa."

Kamuntikan na siyang matawa nang makita ang pagkadismaya sa mukha nito.

"GOOD morning, Ma'am," bati sa kanya ni Ice at inilapag sa harap niya ang order niyang white coffee. "Here's your coffee, Ma'am."

"Ice, pwede bang gawin mo nang dalawa? May pagbibigyan kasi ako."

"Ah, sure po, Ma'am."

"Salamat."

Mabilis ang kilos na naghanda ng isa pang kape si Ice. Nang balikan niya si Rickson ay nakatayo na ito sa tabi ng sasakyan nito. Nang makita siya nito ay mabilis naman siya nitong pinagbuksan.

"Para sa'yo," sabi niya at inilagay sa dashboard ang kape.

"Hindi mo naman sinabing sweet ka rin pala. Salamat, ha?"

Irap naman ang tugon niya sa ngiti nito.

"I just have a question," mayamaya ay ani Sundae.

"Ano 'yon?"

"Bakit lagi kitang nakikita ng mga ganitong oras? Programmer ka, 'di ba?"

"Hindi lang naman ako basta programmer lang. Pwede rin akong maging IT techinician. Noong nakaraang linggo, nagsimula kaming mag-deploy ng mga bagong desktop. Kailangan naming gawin 'yon para mas mapabuti pa ang performance ng mga programmer namin. Hindi naman namin 'yon pwedeng gawin working hours kaya mga ganitong oras na lang kami nagtatrabaho."

"So kapag natapos na kayo sa ginagawa niyo, balik na uli sa normal ang working routine mo?"

"Malamang. Pero pwede naman akong gumising nang maaga para sa'yo para sunduin ka sa inyo at ihatid ka sa trabaho mo, e. I'm only one call away..."

"Ang corny mo."

"Hindi naman."

"Mas tamang sabihing taksil ka."

"Hindi rin."

"Ano'ng hindi? 'Di ba sabi mo, may girlfriend ka na?"

"Ikaw naman, pinanghinaan ka agad ng loob. Wala talaga akong girlfriend. Joke ko lang 'yon."

Salubong ang kilay na binalingan niya si Rickson. Dapat ay maasar na siya rito pero saan galing iyong tuwa niya nang malamang wala naman pala itong girlfriend? Naguguluhan na talaga si Sundae sa sarili niya. Hindi niya pwedeng kalimutan ang isinumpa niya sa sarili niya.

"'Wag ka nang magalit. Pinapatawa lang naman kita, e," sabi pa nito.

"Mas mabuti pang manahimik ka na lang. Hindi pa man sumisikat ang araw, pinapasakit mo na ang ulo ko." Nahilot pa niya ng isang kamay ang kanyang sentido.

"Gusto mo ng gamot? Meron ako rito."

"Hindi ko naman sinabing literal," paangil pa niyang sabi.

"Okay. Hindi na 'ko magsasalita."

Hanggang sa makarating na sila sa radio station ay hindi na nga nagsalita si Rickson kahit panaka-naka itong sumusulyap sa kanya.

Ang gulo mo, Sundae. Nagagalit ka kapag ayaw niyang tumigil sa kakasalita pero kung mananahimik naman siya, ayaw mo rin? Sino ba talaga ang ma problema? Ikaw o siya?

Kailangan na ba niyang humingi ng propesyonal na tulong? Pakiramdam niya, kaunti na lang ay mawawala na siya sa katinuan.

"SALAMAT," sabi niya kay Rickson matapos siya nitong pagbuksan ng pinto.

"Walang anuman," nakangiting tugon nito. "'Wag mo 'kong kalimutang batiin mamaya, ha?"

"Hindi ako nagbibigay ng special treatment. Tumawag ka kung gusto mong magpabati."

"Sabi ko nga. Tatawag ako tapos babatiin mo 'ko."

"Bibigyan kita ng pagkakataon na yayain akong mag-lunch mamaya para makabayad ako sa pagsundo at paghatid mo sa 'kin ngayon."

Halatang hindi inaasahan ni Rickson ang sinabi niya. He looked very surprised.

"Sunduin kita mamaya?"

"Ikaw ang bahala. Sige."

Tinalikuran na niya ito.

"Yes!"

Bigla siyang napalingon nang marinig ang biglang pagsigaw nito. Nakasandal na ngayon si Rickson sa hood ng sasakyan nito na parang walang anumang nangyari. Nakangiti pa itong kumaway-kaway sa kanya.

"Tatawag ako mamaya. Promise 'yan."

Inirapan naman niya ito at tinalikuran na. Promise daw. Ayaw talaga niya sa mga taong puro na lang pangako.

2MZ�aqC

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top